President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 1118th Anniversary of the Department of Health (DOH) and Awarding Ceremony of the Bayani ng Kalusugan
Fiesta Pavilion, The Manila Hotel, One Rizal Park, Manila
23 June 2016

Maraming salamat po. Maupo ho tayong lahat.

His Excellency Franz Jessen, Ambassador of the European Union to the Philippines; Secretary Janette Garin; former secretaries of Health; Undersecretaries of the Department of Health: Undersecretary Lilibeth David and Undersecretary Vicente Belisario, Jr.; Atty. Alexander Padilla, President-CEO of the PhilHealth; Dr. Gundo Weiler, country representative, World Health Organization; local Chief Executives present; Board of Judges and awardees of the Bayani ng Kalusugan Awards; fellow workers in government; honoured guest; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang hapon po and with due apologies to our foreign guests, I hope you don’t mind if I speak in our own language.

Kanina po nasa Department of Foreign Affairs tayo, anniversary din po nila, 118 at minabuti ko pong magbalik-tanaw. Sabi nga ni Janette na siya ay nag valedictory address na kanina. Ako naman po’y medyo nahinto sa pag talumpati kanina dahil unang-una pong linya pitong araw nalang po ako sa puwesto. Medyo nung nabasa ko po ay nakangiti ako kaagad, pitong araw nalang, kaya hayaan niyo akong puedeng mag balik-tanaw tayo kung saan tayo nagmula. Nandito si Secretary Ona, palagay ko nakaukit sa kanyang alaala noong Holy Week na kung saan na nagkaroon tayo ng MERS-Corona Virus scare. Holy Week po, Wednesday, tulad ng nakaugalian umikot tayo sa ating mga transportation hubs para makita kung preparado tayo sa para paglisan ng ating mga kababayan sa Metro Manila. Natapos po kami sa Quezon City, minabuti ko pong dumaan sa bahay namin sa Times, kasalukuyang may palabas ang na news program po, at doon ang naintindihan ko dun sa report di umano may isang Pilipino galing sa Middle East umuwi na positive sa MERS-Corona Virus. Ininterview po ang ating butihing Kalihim Ike Ona at hindi sila magkaintindihan nung nasa TV ng oras na yun pero kung naalala ni Ike tinawagan ko siya nagpalitan ho kami ng text. Di ho kami magkaintindihan nang mabuti kaya nagkaroon kami ng meeting, sabi ko dalhin mo na lahat ng Undersecretary, Assistant Secretary, Bureau Chief na kailangan mo. Pinatawag ko na rin po ang BID, Immigration, di ba, ang ating ka-pulisan, ang Department of Foreign Affairs at iba pang may kaugnayan para nga asikasuhin ‘tong problemang ito.

Nag-umpisa po yung meeting, dahil inipon lahat ng tao alas diyes y medya ng gabi, nag-umpisa kami mag-usap pinaliwanag kung ano ang karamdamang ito. Isa sa mga itinanong ko po sa kanila’y paano ba ipinapasa itong karamdamang ito? Puede bang airborne, dahil yung Pilipinong umuwi sumakay ng eroplano, inaalala natin na yun bang nabahin, puede ba ikalat na. Sabi nila sa akin, ayon sa mga pinakahuling pag-aaral ng mga panahong yun dapat daw ho direct physical contact. Ipinaliwanag nila na may protocol po ang WHO na kung saan kahit ang potensyal ng mga na-exposed sa karamdaman eh yung tatlong taong nasa harapan noong pasyente o yung magiging pasyente, tatlo sa gilid, tatlo sa likod. Ngayon tinanong ko po, angkop na kaya yun, di ba? Ano ba yung biyahe mula diyan sa lugar na pinanggalingan papunta sa atin sa Pilipinas? Hindi ho ba walong oras. Sa walong oras kaya hindi kaya tumayo yung tao nagpunta sa banyo. Hindi kaya nakipagkwentuhan sa ibang pasahero tulad ng ugali ng marami sa ating mga kababayan. Hindi kaya sa paglalakad niya dito sa mga end ng eroplano nagkaroon ng turbulence, nagkaroon ng direct contact sa iba pang mga pasahero. Sigurado na ba tayo diyan sa tatlo tatlo tatlong sinasabi niyong yan. Naidagdag pa na ayon po dun sa protocol na sinusundan nung panahon na yun kakausapin ang mga di umano’y na-exposed o potentially na-exposed sa virus na ito at papakiusapan na manatili sa kanilang bahay. Kung manatili sa bahay baka puede rin manatili sa kwarto hanggang matapos yung incubation period at dun sila puedeng lumabas. Tinanong ko po sa ating nakapanayam sa oras na yun, puede kaya sa Pilipinas yun?

Darating yung ating kababayang OFW, tradisyon may sasalubong, baka may inaanak na kasama sa sumalubong, yumakap, ‘Ninong, kamusta ka, maligayang pagdating at nasaan ang pasalubong ko.’ Hindi ho kaya yung ating manggagawa na galing sa Middle East bawal ang alak baka kung Muslim na bansa malamang ay walang baboy. Umuwi sa kanilang tahanan, narinig ng kumpare niya sabi niya, ‘Pare, malamig na yung beer at saka mainit na yung sisig halika na.’ Mananatili kaya siya sa kwarto pag inisip niyang sampung minuto lang naman ‘to, wala naman ako siguro mahahawa.

So, dumating pa nga ho sa isang punto na ewan ko napupuyat na po yung isang Undersecretary nung panahon na yun, sinabihan ba naman ako na meron daw manual ang DOH on how to handle such an occurrence. Di para bang ang dating niya sa akin, ‘puede ba, hindi ka naman doktor marunong ka pa sa amin.’ At tila ang ibig niyang sabihin dun alam na namin ang dapat naming gawin. Eh ako ho ilagay niyo sarili niyo sa posisyon ko tatawagan yung tao na baka na-exposed, ‘wag kang lalabas ng bahay tapos kung saka-sakali may naramdaman kang sintomas tawagan mo kami. Tanong ko ho sa inyo, yun ho ba puede ko nang sabihin sa taong bayan ginawa natin lahat ng magagawa natin para ligtas sila sa karamdaman.

So, minabuti po ano, at ito nga ho yung Holy Week, Wednesday na, gabi na, nag aalisan na ang marami nating mga kasamahan sa gobyerno, buti may naabutan pa tayong mga ilan-ilan, nahanap lang dun ay Chief Presidential Legal Counsel na si Ben Caguioa. Sabi ko, may enabling law ba para i-implement yung provisions of the Constitution on Health. Nahanap niya yung Quarantine Act of 2004 na kung saan binibigyan ng poder o kapangyarihan ang estado na i-quarantine ang mga taong may karamdaman para mapangalagaan ang kalusugan ng lahat ng ating mga kababayan. Okey.

So, di ko na ho pagkakahabaan yung istoryang yan. Sabihin ko nalang ho sa inyo na bandang Sabado o Linggo nung humuhupa na yung problema, di ba, na yung si taong positive sa Middle East pagdating sa Pilipinas naging negative na dun sa MERS-Corona Virus. Huwag ko na rin papaliwanag sa inyo sa dami ng tanong puede ba yung positive nun negative dito, iba ba ang test, etc.? Huwag na. Dulo ho nito nung humuhupa na dahil nag test na negative na po itong primary na suspected carrier of the disease bigla ho may report may babae naman dumating na may lagnat at ang sabi ho sa atin nung mga panahon na yun pag lumabas na yung sintomas mas nakakahawa. Ang ganda ho nung na test rin ‘tong babaeng ‘to di na namin hinanap pa yung ibang pasahero dahil nag negative na rin ho siya.

Siguro gusto ko lang idagdag nung nagkadesisyon na nga pong hanapin lahat ng pasahero nung eroplanong yun, nung naghiwalay kami 418 na pasahero raw ho ang hahanapin. Natapos ng 3:30 nahiya naman ako tawagan sila ng 7:30 para matanong ang resulta, minabuti ko naman ho bandang tanghali kamustahin, ano na ang resulta ng paghahanap natin. Sabi nila sa akin yung 418 na hinahanap natin kanina naghiwalay tayo 820 na ngayon. Sabi ko, talo pa yung population growth rate ng Pilipinas niyan ha. Paano nanganak? Simpleng dahilan lang po doon na ang may tangan natin ay passenger manifest. Sabi sa atin nung magpupulong yung passenger manifest po may kaakibat na numero ng pasaporte, yung pasaporte eh iba iba ang birthday kaya matutukoy natin bawat isa. O lumabas ho wala palang passport number doon sa listahang tangan natin, ang lahat ho ng data base ng gobyerno pinakialaman na nila hanggang sa dulo po naglabas na tayo ng ad sa diyaryo. May call center pa ang DOH para hanapin ang lahat ng potensyal na na-exposed. Madaling salita ho, di tayo nagkaroon ng epidemic dito, pinoproblema ho natin yun nung panahong yun 38.4 percent ho ang mortality rate. At alam natin na wala pong gamot yung sakit na yan.

Noong natapos na nga po at yung pangalawang eroplano at yung pasahero dun nagtest ng negative sumunod na linggo naalala ulit ni Secretary Ike nagkaroon naman ng insidente sa Sultan Kudarat. Mga Tuesday yata of the following week kung saan may dalawampu’t tatlo, di ba, dalawampu’t tatlong tao ang bumagsak sa isang karamdaman na malamang ay equine encephalitis—siyam po ang namatay. Ang nakakatakot—dito pala si ating consultant—anyway ho, ang nakakatakot po doon, apat ho dun sa dalawampu’t tatlong nagkaroon ng karamdaman ay mga medical professionals na hindi ho, wala ho kaugnayan dun sa kabayo. Hindi tinanganan yung kabayo, di kinain yung kabayo, dumating sila para gamutin yung mga tao. Dalawa po, kung tama ang tanda ko, dalawa dun sa apat na medical professional ang nawalan… namatay din, di ba? So, kakatapos lang ng MERS-Corono Virus biglang may pangalawang disease na ‘to at maganda naman ho ang nangyari dun sa komunidad ina-isolate na nila ang sarili nila at naagapan.
Ang punto ko lang ho sa kwentong ito dun nga sa yung nagsabi sa akin nung manual, dala-dala pa niya yung manual, sabi ko ngayon napatingin nalang ako sa kanya. Alam mo kaya nga tayo nagpupulong dito may dumating na paseherong naabisuhan tayong nakaalis na sa airport pabalik na sa kanilang lugar at hindi natin alam parang, hindi ba, habang tumatagal na hindi na-isolate marami ang potensyal na magkaroon ng karamdaman tapos haharapan niya ko ng manual na parang sinasabi niyang ginawa na atin ang lahat na dapat gawin. So, ang sinagot ko ho sa kanya noon at hindi ako, di ko sinasabi ‘to para kumutya ng sino man, pero parang yung attitude ho yata ay mali, at sabi ko sa kanya nalang, tinignan ko siya at sabi ko, pahiram mo nga sa akin yang manual mo at bigyan mo lang akong limang minuto bibigyan kita ng sampung violation diyan sa manual mo. Tumahimik na ho siya at awa ng diyos wala na po siya sa DOH ngayon kaya sana wala na siya napapahamak kung nasaan man siya.

Mga kapatid, siguro binanggit ko lang ‘tong kwentong ‘to dahil kung titignan natin ang sektor ng kalusugan talagang napakalawak ng epekto nito sa isang lipunan. Pag bata ka masama ang kalusugan mo hindi ka makapag-aral dulo tumigil ka ng pag-aaral, pag maghahanap ka ng trabaho ano maaabot mo. Kung ikaw naman ay medyo, di ba, parang hindi ganon kaganda ang trabaho mo, isang malubhang karamdaman lang kung nai-angat ka man sa poverty line, ibabagsak ka ulit sa poverty line. Madaling salita, kung wala kang kalusugan, di ba, tila wala kang mararating sa iyong buhay. At kaya nga po, bilang Pangulo mula noon tungkulin ko pong siguruhin ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga Boss.

Sa iba’t iba komplikadong mga hamon na hinaharap ho natin, di puwede ang basta-basta, di puwede ang “puwede na,” di puwedeng kapag may pinagawa ay gawin lang para masabing may nagawa, dahil sa dulo po, buhay ng kababayan natin ang nakataya. Totoong-totoo po: Di biro ang pagiging lingkod-bayan. Bawat sandali, hinihingi sa atin, hindi lang kung ano ang ating makakaya kungdi ang sagad ng ating magagawa. Ngayon nga pong ika-118 anibersaryo ng ating Department of Health, lalo lang tayong napapaalalahanan sa halaga ng trabaho ng bawat kawani ng inyo pong departamento, at ang dakila ninyong serbisyo sa Pilipino.

Tapos po ng pitong araw konti nalang po talumpati ko, babalik na ho ang boses ko siguro maayos.

Simula nang maupo po tayo sa puwesto noong taong 2010, hanggang sa mga sandaling ito, tungo sa iisang direksyon ang ating agenda sa sektor ng kalusugan—Universal Health Care o Kalusugang Pangkalahatan. Ang layunin natin, ang ating mga Boss, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan ay may malalapitang abot-kaya at de-kalidad na serbisyong-medikal na aaruga sa kanila sa panahon ng pangangailangan. Nasaan na nga ba tayo sa pagkakamit ng agendang ito?

Pagdating sa nailaang pondo, makasaysayan ang nakamit nating pagbabago. Taon-taon, tinataasan natin ang budget para sa Department of Health. Mula 28.7 billion pesos noong taong 2010, pumalo na ito sa 123.5 billion pesos ngayong 2016. Katumbas po iyan ng mahigit apat na beses na pagtaas.

Ang PhilHealth naman, pinalawak natin ang saklaw at benepisyo. Ang coverage rate ng programa, mula sa dinatnan nating 51 percent, pumalo na po sa 92 percent, o 93.45 million sa tinatayang 101.45 million populasyon natin mula nitong Disyembre.

Mula naman nang ipatupad ang No Balance Billing Policy nitong 2011, umabot na sa 1.25 million ang bilang ng mga pasyenteng natulungan nito; naaruga sila nang hindi naglalabas ni singko.

Nasimulan na rin nating mailapit sa ating mga kababayan ang de-kalidad na mga pasilidad pangkalusugan. Mula 2010 hanggang 2014, sa ilalim ng ating Health Facilities Enhancement Program (HFEP), suma-total 2,862 barangay health stations, 2,626 rural health units o urban health centers, 685 LGU hospitals, 70 DOH hospitals, at 14 na iba pang ospital sa buong bansa ang pinaunlad natin ang imprastruktura at kagamitan. Siniguro natin ito para na rin mas maging handa sa pagseserbisyo para sa mga programa ng PhilHealth tulad ng Tamang Serbisyo para sa Kalusugan ng Pamilya o TSeKaP, PhilHealth Outpatient Anti-Tuberculosis Directly Observed Treatment Short Course or TB-DOTS, at ang Maternity Care Package o MCP.

Sa inisyatiba naman nating makapag-deploy ng healthcare workers, ang mga komunidad na dating hindi inaabot ng serbisyo, ngayon, nakakalinga na. Hanggang nitong unang kapat ng 2016, nakapag-deploy na ang inyong gobyerno ng 2,680 doctors, 15,407 midwives mula 2010; 93,174 nurses mula 2011; 459 dentists, 454 medical technologists at 1,592 public health associates mula 2015.

Tunay nga naman po kung itinuturing na matamlay ang Department of Health noon, ngayon, ito’y buhay na buhay sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Patunay dito ang pagiging ISO-Certified na ng 53 sa 70 DOH-retained hospitals. Bukod pa ito sa ISO certification ng 3 DOH-attached agencies sa ilalim po ng ating administrasyon—ang Food and Drug Administration noong 2013, ang PhilHealth Insurance Corporation noong 2014, at ang National Nutrition Council nitong 2015, pati na ang lahat ng DOH regional and central offices noong 2013. Dahil dito, DOH ang naging kauna-unahang executive government agency na nagkamit ng department-wide na sertipikadong Quality Management System sa ISO 9001:2008.

Ito na nga po ang pagkakataon upang personal akong makapagpasalamat sa mga bumubuo ng ating Department of Health. Alam kong sa nakalipas na anim na taon, tahimik lang kayong kumakayod, at karamihan sa inyo, talagang nakihakbang sa pagtahak natin sa Daang Matuwid. Sa inyo namang Kalihim: Naaalala ko, si Janette Garin, Undersecretary pa lang noong humagupit ang Yolanda; pero noon, hanggang ngayon, di na natin siya kinailangang itulak para gawin ang mga nararapat na gawin. Kaya naman kay Secretary Garin at sa inyong lahat po, taos-puso akong nagpapasalamat.

Muli ko rin pong binabati ang ating Bayani ng Kalusugan Awardees—ang magigiting na indibidwal at huwarang mga organisasyong kinilala’t pinarangalan natin sa araw na ito, sa kanilang di-matatawarang ambag sa sektor ng kalusugan at wagas na pag-aaruga sa ating mga nangangailangang kababayan. Tunay ngang isinasabuhay ninyo ang diwa’t kahulugan ng salitang “Kalinga.” Kaya naman, sa ngalan ng bawat Pilipinong inyong nakalinga’t natulungan: Maraming, maraming salamat.

Pitong araw na lang po, bababa na ako sa puwesto. Sa tuwing nakakaharap ko ang mga ahensya ng pamahalaang tulad ninyo, lalo lang lumalakas at napapanatag ang loob ko: Talagang iiwan ko ang Pilipinas na di hamak na mas maganda kaysa sa atin pong dinatnan. Totoo pong maipapamana natin sa susunod na henerasyon ang isang bansang mas maunlad at mas masigla.

Hanggang sa mga huling sandali po: Isang karangalan ang makapaglingkod sa dakilang lahi ng Pilipino. Hingi na rin po akong paumanhin kung hindi ko kayo parating kinakausap, alam naman po niyo na kada makausap ko kayo mahirap po makatulog pagkatapos, at nung mga panahon na may mga krisis tayo nauso pa ang mga sineng tulad ng ‘Contagion.’ Pero, sa wakas ho ulit, maraming-maraming salamat sa inyo at maligayang anibersaryo po, at sana ipagpatuloy natin ang pagkalinga sa mamamayang Pilipino.

Magandang hapon po.