June 23, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 118th Department of Foreign Affairs (DFA) Foundation Anniversary and Confernment of Presidential Awards
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 118th Department of Foreign Affairs (DFA) Foundation Anniversary and Confernment of Presidential Awards |
Bulwagang Apolinario Mabini, DFA Main Office, Roxas Blvd., Pasay City |
23 June 2016 |
Nakangiti po ako dahil pitong araw na lang po, bababa na ako sa puwesto. At sa pagtitipon nating ito para sa anibersaryo ng ating Kagawaran ng Ugnayang Panlabas, hindi ko po maiwasang magbalik-tanaw sa ating mga nagawa, at magnilay sa ating mga pinagdaanan sa nakalipas na anim na taon.
Bigyan ko po kayo ng isang halimbawa. Alam niyo po, isa sa pinakamabigat na pagsubok na ating hinarap ang Arab Spring noong taong 2011. Sa panahong iyon, malubha na ang tensyon sa Libya, at napakadelikado na ng sitwasyon. Ang hamon po sa atin: Siguruhin ang kaligtasan ng ating mga kababayan doon, at ilikas sila sa ligtas na lugar. Ang masaklap po, noong tinawagan at nakausap ko sa telepono ang ating embahador noong mga panahong iyon doon, ni isa po sa tanong ko, wala siyang tiyak na nasagot. Parati hong, “mukha ho,” “Tila,” “Sabi nila.” Sunod dito, dumating ang araw ng oathtaking ng mga undersecretaries ng DFA—parang wala ho yata ditong present noong panahon na iyon—at talaga nga pong nag-alangan akong panumpain sila noong araw na iyon. Bago kasi sila po manumpa, binigyan nila ako ng briefing ng sitwasyon sa Libya. Ang sabi nila: “Sir, we have lost contact with our embassy in Libya.” Tinanong ko kung bakit. Na-shut down umano ang mga telepono, pati ang internet ay sinara ng mga provider. Sa puntong iyon, mababakas sa mukha nila na parang wala na silang magagawa sa sitwasyon. Sa loob-loob ko po: Senior officials ng DFA ang kaharap ko; para maging senior ka, matagal ka na sa burukrasya, marami nang pinagdaanan, at malawak na ang karanasan. Kaya natural lang na kaya nilang magmungkahi ng solusyon ukol sa sitwasyon. Pero natigil po ang briefing nila sa: “We have lost contact.” Ang tugon ko po: Sa Himalayas, may teknolohiyang ginagamit, ang tawag “satellite phone.” Pumunta ka sa Himalayas, doon walang telco, pero nakakapag-usap gamit ang satellite phone. Itong satphone na ito, mabibili naman sa maraming lugar, kasama na po sa Gitnang Silangan. Gaano po ba kahirap isipin na kung wala tayong contact sa pangunahing nag-aalaga sa mga Pilipino sa Libya, ay may iba namang paraan para magkaroon ng komunikasyon doon? Binabalikan ko po ito hindi para kumutya ng sinuman, pero para ipaalala kung saan tayo nagsimula. Hindi naman po siguro tamang nag-iwan sila ng problema, at ipinaubaya nalang sa akin ang paghahanap ng sagot. Palagay ko po, makatwiran lamang kung kayong mga dalubhasa ang nagpapayo at nagpepresenta ng tugon sa kailangang magdesisyon. Sa totoo lang po, kung ganito ang kalibre ng tutulong sa akin sa pangangasiwa ng ating ugnayang panlabas, talagang kinabahan po ako. Baka ito pa ang uubos ng aking lakas at enerhiya. Ano ba naman ang karanasan ko sa foreign affairs noong panahong yun—ako na hindi mahilig bumiyahe sa labas ng Pilipinas? Naibsan po ang lahat ng pangambang ito sa pagpasok ni Albert del Rosario bilang Kalihim ng DFA. Alam naman ninyo, ilang araw pa lang pagkatapos manumpa, nagtungo agad si Albert sa Libya. Naaalala ko nga po nang tinawagan ko siya noon, ang tanong ko: “Albert, the line is kinda bad, where exactly are you?” Ang sagot nya: “I’m in Libya, Sir.” Syempre, medyo nabigla ako nang konti, pero ganoon po talaga ang ating butihing kalihim. Yun po ang naging tatak ng isang Albert del Rosario, talagang “lead from the front.” Sa Libya nga po, tinatayang nasa 26,000 ang mga Pilipino noong 2011. Nasa 20,000 po rito ang agad nailikas sa ligtas na lugar. Alam niyo naman po, may ilan talagang ayaw umalis doon sa kabila ng peligro. Hindi rin natin sila masisi dahil nanghihinayang raw sila sa doble o tripleng sahod, at nangangamba silang walang mahanap na trabaho pag-uwi dito sa Pilipinas noong mga panahong iyon. Sa kabila nito, paulit-ulit natin silang binalikan at kinumbinsing sumama na sa atin. Syempre, habang lumalala ang situwasyon sa Libya, pahirap nang pahirap, at pamahal nang pamahal ang pagkuha sa sasakyang maglilikas sa kanila. Ang huling batch nga po, barko na ang ginamit natin. Ang totoo nga, may mga banyaga pang nakiangkas sa atin. Kita niyo naman: Hindi na nga lang po tayo ang humihingi ng tulong noon, tayo na rin ang tumutulong sa kapwa. Hindi lang po sa Libya nangyari ang ganitong pagpapakitang-gilas ng ating DFA. Sa kabila ng limitado nating kakayahan at kagamitan, sinasagad natin kung ano ang mayroon tayo upang mapagsilbihan ang ating mga kababayan. Mula sa pagbabantay at pagsaklolo sa mga kababayan nating naipit noon sa tensyon sa Korean Peninsula, sa Ukraine at sa Gitnang Silangan, sa pagsusulong ng integridad ng ating teritoryo, hanggang sa pagpapatibay ng ating ugnayan sa ibang bansa, saan man sa mundo, pinatutunayan ninyong Pilipino kayong naglilingkod sa kapakanan ng Pilipino. Sa kabila ng agam-agam at peligro sa trabaho, hindi kayo natitinag; laging nananaig ang dedikasyon ninyong arugain ang ating mga Boss, ang taumbayan. Totoo nga po: Kapag magaling ang timon, nagiging mahusay din ang ahensyang ginagabayan nito. Si Albert, hindi tagapasa ng problema; siya ay taga-tugon sa problema, at minsan nga, lampas pa sa inaasahan sa kanya. Hindi kailangang sabihan, dahil agad siyang kumikilos at talagang nakatutok sa kapakanan ng ating kababayan. Sabi ko nga, hindi ko kailanman pinroblema ang pag-motivate kay Albert; at kung may stress man siyang ibinigay sa akin, yun ay ang pag-awat ko sa kanyang pumunta sa pinakamapanganib na lugar sa mundo. Sa kabila ng mga sakripisyo at pagkakaroon ng karamdaman, ibinuhos pa rin ni Albert ang kanyang buong lakas at kakayahan para sa ating mga Boss. Kaya naman kay Albert: Maraming, maraming salamat. [Applause] Nagpapasalamat din po tayo sa ating awardees ngayong taon, sa walang humpay na sipag at dedikasyon sa pagtupad ng inyong tungkulin. Mapalad tayong magkaroon ng mga tulad ninyong huwaran sa serbisyo; talaga naman pong gumagaan ang loob ko, na kayo at ang ating mga embahada, ay nagtutulungan para maihatid ang nararapat na serbisyo at benepisyo sa ating mga kababayan. Sa inyong lahat, maraming salamat sa pagsisilbing kinatawan at sa pagpapamalas ng mabubuting katangian ng Pilipino sa mundo. Malinaw po: Sa mahusay na pamumuno ni Secretary Albert del Rosario, na ngayon ay ipinagpapatuloy ng kasing-husay na Secretary Rene Almendras, sa paglilingkod ng maaasahang kawani ng DFA, gayundin sa pakikiisa ng iba pang sektor at ng ating mga Boss, nanumbalik ang maganda nating imahe sa mundo; [applause] higit sa lahat, nabawi natin ang ating pambansang dangal. Kung dati, tayo ang binabalewalang kasapi ng pandaigdigang komunidad, ngayon, isa na tayo sa tinitingalang bansa. Kung dati, puro negatibong balita ang bumabandera tungkol sa Pilipinas, ngayon, isa na tayo sa laging napupuri; saanman tayo bumisita, laging good news ang ating naiuuwi para sa Pilipino. Sabi po nila, may paniniwala na ang lahat ng pumapasok sa DFA ay nagnanais na makapag-abroad. May mga nag-aalangan tuloy na magpakitang-gilas dito sa gawaing administratibo, at baka mapako na lang sa Pilipinas. Ang hamon at panawagan ko po sa inyong lahat, dito man o sa ibang bansa, nawa’y lagi ninyong sagarin ang pagkakataong pagsilbihan ang ating mga Boss. Manatili tayong humakbang, kumilos, at magpasya, nang may isang tinig at isang layunin. Tularan sana natin ang mga gaya ni Secretary Albert del Rosario, na sa kanyang di na gaanong batang edad, ay di inalintana ang mga hirap at sakripisyo para tuparin ang kanyang panata sa bayan. Tularan natin ang ating awardees, na sa kabila ng mga pagsubok ay pinili pa ring gawin ang tama at makatarungan para sa minamahal nating Inang bayan. Isang linggo na lang po, at matatapos na ang aking termino. Ang panawagan ko: Patibayin pa sana natin ang pagkakaisa, at nawa’y patuloy nating itaguyod ang ambisyon: ang iwan ang bansa sa di hamak na mas magandang kalagayan kaysa sa atin pong dinatnan. Hanggang sa huli, isang malaking karangalan para sa aking paglingkuran ang Pilipino at ang Pilipinas. Maraming salamat po, magandang umaga sa inyong lahat. |