INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Allan Allanigue
28 June 2016
ALAN: Dito po earlier may nabanggit po kayo na ang mahusay na economic performance ang isa sa mga maituturing na kinikilala po ng international community dito po sa administrasyon ng Pangulong Benigno Simeon Aquino III, Secretary Coloma?

SEC. COLOMA: Tama iyon, Alan. Pero nais ko lang gamitin ang pagkakataon na ito na maaring huling pagkakataon na nating magkaugnayan sa ganitong paraan upang magbigay-linaw sa ibang parang misconception na umiiral o pinaiiral ng ilang sektor dito sa ating lipunan. Hinggil ito doon sa pagsasabing oo nga at nakatamo tayo ng masigla at progresibong ekonomiya, pero hindi naman daw ito nag-trickle down at hindi naman daw ito nararamdaman ng masa. Nais ko sanang linawin iyong bagay na iyon, Alan.

ALAN: Yes, please, opo Secretary, sir.

SEC. COLOMA: Unang-una, doon sa konsepto na trickle down. Sa simula’t sapul, Alan, ay isinantabi na iyang konsepto ng trickle down. Dahil iyong mga nakaraang administrasyon ang itinatakda lang nila ay iyong overall macro-economic objective na GNP at saka GDP growth. Doon sa classical economic theory kasi iyong economic growth, iyon ang pinakamahalaga at kapag natamo daw ito eh talagang magti-trickle down, ibig sabihin eh aabot doon sa pinakamalalim o mababang antas ng lipunan. Pero alam na natin na hindi epektibo iyan sa maraming dekada na karanasan sa public administration. Kaya’t ang Aquino administration ay nagkusang sabihin, ‘tama na iyan, hindi na puwede iyong trickle down.’ Kinakailangan ay tuwirang kumilos ang pamahalaan, ihatid iyong benepisyo at iyong programang panlipunan para sa kagalingang panlipunan diretso o tuwiran sa ating mga maralitang kapatid na Pilipino.
Kaya nga nailunsad iyong Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ito ay isang malawak at komprehensibong programa para i-angat ang kabuhayan ng pinakamaralita at para tiyakin na aabot talaga sa kanila iyong benepisyo at hindi na nila aantayin na maambunan. Hindi ba iyon ang ating kasabihan, ‘sana maambunan.’ Hindi po natin isinugal sa suwerte kung sila ay maambunan, dahil ang ginawa po natin sa simula’t sapul iyong pinakamaralita, iyong tinatawag na… iyong classification ay Class E; sinurbey po iyan sa pamamagitan ng National Household Targeting System at inalam kung nasaan talaga sila para tiyakin na matanggap nila iyong benepisyo, hindi iyong ala-tsamba na sana sa kahuli-hulihan matanggap nila. Hindi ganoon, Alan. Hinahatid sa kanila buwan-buwan iyong benepisyo o every quarter, iyong buwanang Conditional Cash Transfer. At pansinin natin iyong salita “conditional”, hindi ito dole out. Kailangang mag-participate iyong mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagtiyak na nag-a-attend ng klase iyong mga anak na nasa grade school pa, iyong ina na nagdadalantao dapat magpa-pre natal, iyong mga batang nag-aaral dapat magpatimbang para siguradong lumalahok sila sa mga nutrition program. Iyong mga ama ng tahanan binibigyan ng cash for work at binibigyan din ng pagsasanay sa livelihood at skills training para magkaroon ng empleyo.
At dahil sa kombinasyon ng mga hakbang na iyan — hindi ba sinasabi natin palagi ang pinakamalaking porsiyento ng budget, 37 + percent, inilaan para sa poverty reduction at social protection. Kinakailangang bigyan natin ng social safety net iyong nasa pinakailalim ng ating lipunan. At dahil diyan, ayon sa datos ng Philippine Statistical Authority, nai-angat, nakalampas o naka-cross over o naka-angat, they were able to rise above the poverty level. Iyong mga pinakamahirap nating mga kapatid ang bilang ng nakatawid doon sa poverty threshold ay 1.4 million household, na roughly nagta-translate sa mahigit 7 million Filipinos. 7 out of the 23 million na naitala doon sa pinakamababang antas ng lipunan.
Hindi ba konkretong katibayan iyan na hindi lamang sila naambunan, naramdaman nila at nagkaroon sila ng kapasidad na maka-angat sa kabuhayan. Sabagay hindi naman talaga ganap pa na nagawa iyan. Hindi naman siguro natin inaasahan na sa loob ng anim na taon magiging ganap iyong pagpapalaya sa kahirapan ng ating mga kapatid na maralita. Pero dapat iyan ang pagsimulan natin at gawing batayan para palakasin pa iyong ganitong klaseng programa — a program to capacitate and empower the most, the marginalized Filipinos. At sa pagtitiyaga at pagsisikap tiyak naman na matutulungan pa natin iyong iba nating mga kapatid na makatawid sa ibabaw… makalukso doon sa poverty threshold, dahil isa pa rin sa mga nagpapahirap sa kanila iyong sunud-sunod na kalamidad. Kung ikaw ay mahirap tapos dinatnan ka pa ng kalamidad, winasak ng bagyo yung iyong tahanan eh di ba talagang napaka-vulnerable mo. Kaya iyan ang tiniyak ng ating pamahalaan na iyong mga pinaka-vulnerable na sektor ay mabibigyan ng sapat na kalinga at maitaguyod iyong kanilang kagalingan.
Hindi talaga kayang tapusin ito sa isang termino, Alan. Ayon sa mga iskolar kinakailangan yung sustained high economic growth — nandiyan sa level ng more than 6 hanggang 7% paitaas — na masu-sustain natin for siguro, isa, isa’t kalahati hanggang dalawang dekada para talagang maging ganap iyong pag-unlad ng ating bansa. Pero hindi makatuwiran iyong pagsasabing hindi naambunan, hindi inabutan iyong pinakamahirap, hindi raw ito nararamdaman, sapagkat meron tayong datos at merong konkretong katibayan na marami nang Pilipino ang na-i-angat ang kanilang kabuhayan at tumatamasa sila ngayon ng benepisyo hinggil sa kagalingang panlipunan sa larangan ng edukasyon, kalusugan sa pamamagitan ng PhilHealth at empleyo at paghahanapbuhay.

ALAN: Okay. Sa aspeto po ng ekonomiya naman sa pagtatapos ng termino ng Pangulong Noy. Nito hong nagdaang mga quarters ay significant iyong pagtaas ng Gross Domestic Product ng Pilipinas, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyon, Alan. Isa tayo sa pinakamabilis na umuunlad na lipunan, 6.9% inaasahan na maipagpapatuloy pa ito doon sa ikalawang quarter na last quarter ng Aquino administration. At sana nga ‘no ay lalo pa iyong mapalakas sa papasok na administrasyon.

ALAN: Secretary, sa larangan naman po ng infrastructure. Maraming mga public works projects ang naisakatuparan din, mga malalaking tulay, mga kalye. Bigyan n’yo rin kami, sir, ng overview tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Mula sa 1.8% ay naitaas natin sa halos 5% na iyong infrastructure spending ng ating pamahalaan at ito ay nakita rin sa pamamagitan ng malawakang pagpapahusay sa kondisyon ng ating mga national highway. Hindi lang naman iyong pagtatayo ng bagong imprastruktura, mahalaga rin iyong pagpapabuti sa kondisyon ng ating mga national highway. At nagtaguyod din ang pamahalaan ng labindalawang Public Private Partnership, halos lahat nito ay sa larangan ng imprastraktura. At ito ay mas marami pa kaysa doon sa anim na proyekto na isinagawa sa ilalim ng konseptong PPP noong tatlong nakaraang administrasyon at halos limampung proyekto pa ang nasa pipeline.
Nais lang nating ipaunawa, Alan. Merong mga nagsasabi bakit daw masyadong matagal. Eh talaga pong hindi minamadali ang pagbubuo ng technical feasibility study, dahil ito po ay normal na gestation period ika nga. Pero dahil marami na ang nasa pipeline, marami na ang nagkaroon ng technical feasibility study puwede na itong masuri ng iba’t-ibang mga pangkat ng negosyante at mamumuhunan na nais lumahok sa mga proyektong iyan. At nakita rin natin ang ating PPP performance ay tinanghal sa isang forum na pandaigdigan na isang modelong PPP program kahit na kung tutuusin bagong lunsad pa lang ito.

ALAN: Nako, Secretary kanina, earlier, nabanggit ninyo na… papano this will be the last time na tayo ay mag-ugnayan sa ganitong pagkakataon. Nais po naming ipahayag ang aming taospusong pasasalamat sa pagbibigay ninyo ng impormasyon, ng mga updates sa Palasyo, sa mga taga-subaybay ng Radyo ng Bayan kapag kayo po ay aming tinatawagan saan man kayo naroroon, Secretary Coloma, sir. Maraming-maraming salamat po.

SEC. COLOMA: Magkasama lang tayo, Alan, sa iisang pangkat. Ang ating pasasalamat ay dapat na ihatid din natin sa ating mga katuwang na mamamahayag mula sa iba’t-ibang media organizations — print, broadcast, iyong radio-TV at pati sa social media na naging katuwang natin sa paghahatid ng napapanahon at makabuluhan at makatotohanang impormasyon. Dahil ito ay napakahalaga sa pag-unlad ng ating bansa.
Naniniwala tayo na kapag ang ating mga mamamayan ay merong sapat at komprehensibong impormasyon, ito iyong magbibigay sa kanila ng lakas ng loob at saka kapangyarihan na gawing ganap ang kanilang mga minimithi.

ALAN: Opo. Secretary Coloma, sir muli, salamat po ng marami and Godspeed, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at pagpalain tayo ng Panginoon, Alan.