President Rodrigo Roa Duterte Speech at the Solidarity Dinner
Delpan Sports Complex, Tondo, Manila
30 June 2016
Sinadya ko po na pagkatapos na ako’y mag-oath kanina bilang Presidente ng Pilipinas, sinadya ko ‘yung simpleng reception lang. Gusto ko po mag-tipid, pero sabi ko sa mga tauhan natin na mag-tipid tayo, pero huwag nating kalimutan ‘yung ibang kapatid natin nasa labas na hindi makapasok ng Malacañang.

May bagong patakaran po ako: ‘Yung Malacañang po ay pwede na kayong pumasok. Unahin lang po natin ‘yung mga bata, mga kindergarten hanggang grade high school, para makita naman nila kung ano ‘yung Palasyo. 

Unahin po natin ‘yung mga bata at pagkatapos kayo, kung panahon na ninyo, naubos na ‘yung mga estudyante, at panahon na ninyo pumunta, magdala na lang ho kayo ng kumot at unan at pwede na kayong matulog doon. 

Ngayon, kung buong Maynila po mayaya ko at makapasok po sa Malacañang, pwede ho buong Maynila. Doon tayo matulog. Kaya lang mag-tindig lang kayo na tutulog. [Tawanan] At marami ho talaga.

Pupunta ho tayo dito sa ating bayan. Alam naman ho ninyo na tumakbo ako kasi hindi ko na talaga masikmura ‘yung dumaan ng mga official sa gobyerno. Wala naman po akong tinutukoy na isang tao. But, hindi ko na ho alam kong anong gagawin ko at nakikita ko ang bayan ko, lunod na lunod po sa droga, kriminalidad at walang mga pera, at wala ring pumapasok dito na mga negosyante kasi takot sa sitwasyon natin. Kailangan ho tayo magbago. There has to be a change, not only sa gobyerno, but kayo rin ho ang tao, sabay-sabay tayo.

At ipangako ko sa inyo na kung kayo’y sumunod lang sa gobyerno at makipag-tulungan sa amin, gagarantiyahan ko kayo na aangat ang buhay natin. At lahat ng pera sa gobyerno na para sa tao, talagang mapunta sa tao. At ang unahin ko po, ‘yung ating edukasyon. Sisikapin ko na lahat kayo, mga anak ninyo makapagaral at ‘yung pera ng gobyerno, una ho kayo sa edukasyon. 

Pangalawa ho, ang aking programa sa healthcare ng tao. Ang kalagayan ng inyong katawan. Karamihan po, at pumunta kayo ng mga ospital, binibigyan kayo ng reseta para sa sakit ninyo, at hindi naman nabibili kasi po naman talaga ang karamihan sa atin ay hirap lang. Kung ikaw nasa ospital ka, at tapos wala kang pambayad sa ospital, kung hindi mo mabili ‘yung gamot, ayon na, nagkakaproblema na ho tayo.

Ang masakit lang ho sa akin, at marami naman ‘yung pera ng gobyerno, at bakit naman hindi dumadating sa tao. Kaya ho, simula nitong administrasyon ko, ‘tong araw na ‘to, lahat po ng kinita ng sugal, mga casino, pag-aari ng gobyerno, lahat ang kinikita niyan — at bilyon bilyon ‘yan — pupunta ‘yan sa tao para sa mga medisina at ospital ninyo. 

At hindi na ho matakot ang ospital na malugi sila o hindi sila mabayaran because I have directed na ‘yung kita ng PAGCOR (Philippine Amusement and Gaming Corporation) – paiba-iba ho ‘yung sa mga taong dumaan, mayroong isang taon kumikita tayo ng 35 billion, minsan naman 32 [billion], but hindi ho bumaba ‘yan sa 30 [billion].

Palagay ko sa 30 billion, at least tayo makabili na ng mga medisina ninyo at ang karamihan po naman sakit ng ating mga kapatid na medyo may edad na, may mga high blood, diabetes, kidney, ‘yung iba may cancer. E palagay ko ho naman sa kalaki-laking pera niyan, at may hati kayo diyan. Pati paghati-hatian ng lahat ng ospital ng buong Pilipinas, at mabigyan ho kayo ng medisina.

Ang pangatlo pong importante sa akin, ‘yung pong agrikultura kasi pagkain ‘yan. Kailangan ho tayong magtanim. Kasi kung tayo-tayo lang, ang Pilipinas wala na pong resources. At ‘yung ating mga malalaking lupa sa Mindanao, at naagaw na sa mga korporasyon na multinational, e sila na ho ang nakikinabang sa lupa at halos ‘yung magagandang lupa ng Mindanao ay puro ho banana, puro pineapple at kung ano-anong prutas na ipinapalabas natin sa bansa. Ibig sabihin, ang yumayaman niyan, ang karamihan, ‘yung mga korporasyon na ang may mga pag-aari hindi ho Pilipino. At wala na ho tayong mga lupang matamnan natin ng bigas for food.

Karamihan ho, ang ating mga lupa ang kinikita ang cash crop para ipagbili sa labas. Wala na ho tayong food crop, pero magbalik ho tayo at ‘yung lahat na nawala sa land reform, gusto ko maibalik doon sa mga tenant at maghanap ako ng program.

Karamihan ho noon, pagdating ‘nong land reform na ibigay doon sa tenant, manggagawa, sa panahon ho, pinagbili uli doon sa may-ari ng lupa sa landowner. Pero wala naman akong magawa, talagang kung gusto ng tao ipagbili niya, wala na tayong magawa diyan. Ang konswelo ko na lang na iyong mga tenants, ‘yung mga trabahante ho sa mga farms, at least lang sa isang panahon sa buhay nila nakatikim sila ng malaking pera. Okay na sa’kin ‘yun.

Pero hanapan ho natin ng paraan na ‘yung ipinagbili maibalik at dito nga ngayong panahon na ito, tutulungan sila ng gobyerno. At ‘yung kita nila sa lupa, kung anong klaseng produkto, bibilihin ng gobyerno para sigurado magkaroon sila ng kita sa lupa nila. 

Dito naman sa baba, maghanap ako ng isang malaking pera, isang milyon isang region, at ‘yun po ang ibibigay kong mga tulong sa mga farmers. Pangbili nila ng kanilang seedling, fertilizer, at kung ano, baka carabao, o mechanized farming, kung kaya natin.

Dito ho sa urban — rural ‘yun bukid — dito sa urban ho, may tinatawag tayong small and medium industries. ‘Yung mga tao na ilagay ko po diyan, ‘yun yung nagpapatakbo ng ‘Go Negosyo.’ ‘Yan ‘yung mga pera na ibinibigay konti-konti na makapag-isip kayo ng magandang negosyo para sa inyong mga anak.

Karamihan mga anak ninyo, walang trabaho at walang makita, at ‘yung tingnan naming may utak, at kaya niyang magtayo ng negosyo, mabigyan ng kapital. Itong pera na ito, hindi ito konsumo. Ipapasok siya ng negosyo at ‘yung kita niya babayaran niya. Pero, malawak ito. Kasi sabi ko, isauli ko ‘yung pera sa inyo dahan-dahan, ang hiningi ko lang naman, e bayaran ho ninyo, kasi para ‘yung pera, masauli sa kamay ng gobyerno at magamit ko sa ibang kapwa tao ninyo Pilipino, para lumawak at sana naman ho, maski na papano, may negosyo kayo ng sarili ninyo. 

Marami ho akong gustong isabi, mauubos ang gabi nito. Pero, ngayon ho, magtayo ako ng hotline. Ang number na hinihingi ko po sa Smart pati Globe: 8888. Kung may reklamo kayo — nandyan yan sa Malacañang — kung kayo’y inabuso, kung kayo’y pinagsamantalahan, kung may hindi kayo nagustuhan sa gobyerno, tumawag kayo day and night at ‘yung mga importanteng problema, nakikita ko. Aksyunan ko kaagad. Kung hindi ko tawagan ‘yung mayor, tawagan ko ‘yung barangay captain ninyo at ‘yung pulis. Kung ‘yung pulis naman ho ang nirereklamo ninyo tawagan mo ako. ‘Wag lang ninyo akong… ‘wag lang ho kayong magsinunglaing. Just tell me the truth. ‘Wag kayong mag-imbento ng istorya. Pati ‘yung totoo ‘yung reklamo mo sa gobyerno, kung talaga ikaw naman ay walang kain nitong araw na ito ay ‘di madali ‘yan at marami tayong paraan kung paano ako makatulong.

Basta nandyan ‘yang 8888, apat na 8. ‘Yun ang tawagan ninyo. Kung gusto mo lang manligaw ng operator na babae, tawagan mo lang. Kaya ‘wag ka lang… Wag mo ubusin ang panahon ng gobyerno. Tama na ‘yang magsabi: “Operator ba ‘to? Maganda ka ba? I love you.” Okay na ‘yan ha?

So ‘yan ang mga pangako ko noon na ngayon bumalik ako para sabihin sa inyo, tutuparin ko ‘yan. [Palakpakan] Ako po’y nahalal na Presidente ng Pilipinas at kung maniniwala kayo kung totoo o hindi, ganito ‘yan: Tumakbo ho ako, wala ako ni isang mayor ng siyudad ng Pilipinas. Wala ho akong barangay captain ni isa labas ng Davao City. Wala na ako. Zero. Wala ho akong congressman, senador o kagawad o tanod. But, in spite of that, ako’y inyong hinalal at alam ko kung ano ang mensahe ninyo.

Hindi ninyo ako kilala. Small time mayor lang ako ng Mindanao, siyudad ng Davao. Hindi ninyo alam ang record ko. Pero ang mga mensahe naibigay ko sa inyo, ‘yun alam ko ang hiningi ninyo — kahirapan, korapsyon sa gobyerno, pati droga at kriminalidad.

Ako mag-pranka ako sa inyo. Dito sa panahon ko, tatapusin ko ‘yang problema sa droga. Sinisira ang bayan natin at ang mga anak natin na susunod sa atin dito sa mundong ito, sinisira ng mga putang inang ito.

Ako po’y galit. Pati ‘yung mga pulis dito sa Maynila, nakasabit sa droga. Ako po’y nakikiusap, huwag ho kayong pumasok diyan kasi papatayin ko talaga kayo.  Hindi man siguro ngayong gabi, hindi man siguro bukas, pero sa anim na taon, may isang araw ka talaga magkamali ka at hihiritan kita. 
Hindi naman ho ako natatakot, duwag naman ako na pagkatao, ayaw ko rin mamatay. Pero pag ‘yan ang gusto ninyo, ibibigay ko sa inyo. Kaya kayong mga droga, tapos na ako nag-warning ‘nong eleksyon. Kung anong mangyari sa inyo, makinig kayong lahat, baka kapatid mo ‘yan, asawa mo, kaibigan mo, anak mo, ipapasabi ko na sa inyo, walang sisihan. Sinabi ko na sa inyong huminto kayo. Ngayon, pag may mangyari ho sa kanila, ginusto nila ‘yan. Ginusto nila. [Palakpakan]

Kung ‘yung asawa mo naman adik, wala naman ginagawa kung hindi kumain ng hindi niya gastos; nagnanakaw, nagho-hold up para sa droga. Hindi kaya mabuti na lang tatapusin na natin ang purgatoryo nila. Tama? 

Kaya ‘yung mga kapital na ibigay ko sa inyo. Maliliit lang naman sabi ko ‘yung mga anak ninyo baka gusto nilang mag-negosyo, grupo sila at bagong graduate. Instead of going to drugs, you might want to put up a business. Sabihin ko sa inyo, itong mga panahon, itong mga araw na dadating, kung may punerarya ho kayo, kikita kayo nang husto. 

‘Yung mga small time punerarya dito, doon, at sigurado hindi kayo malugi. At pag humihina na ang negosyo ninyo, sabihin ko lang sa mga pulis, bilis-bilisan ninyo nang konti para kumita ‘yung tao sa negosyo nila. Sinasabi ko na sa inyo. Hindi ako nagbibiro. Talagang galit ako sa droga. Sinisira ang bayan ko. Mahal ko ang bayan ko. Mahal ko kayo. [Palakpakan]

And the next generation, mga anak natin, iilan taon lang, kailan lang nga, Mayor lang ako ng Davao. Kailan ba ‘yung may balita na tatakbo ako, ‘di naman niyo ako kilala. Outside of Davao ‘yung mukha ko, kung pumasok ako dito, ‘di niyo ako kilala ‘nong estudyante pa kami. May mga pista pista dito, na nayayaya naman kami kumain kaya alam ko ang buhay dito. Alam ko marami ang bisaya dito. ‘Yung mga migrants galing sa—

Tulungan ho ninyo sana ako. Simple lang hiningi ko: Bayan na komportable ‘yung tao. Walang gutom. At kung maari lang po, may hanap buhay lahat. ‘Yun lang ang hiningi ko sa Diyos, na ‘wag masyadong pahirapan ang Pilipino, napakarami ho natin. At kung ganito lang tayo palagi, kuntento na kayo dyan, hindi ko ho naman kayo minamaliit. Ako po’y anak ng mahirap. Kami po’y pumunta ng Mindanao kasi mahirap ho sa Cebu.

Ang oportunidad ho napakasikip. Ang Tatay ko po’y sundalo noon, abogado pero sa sa JAGO (Judge Advocate General’s Office). ‘Yun ho ‘yung parang korte ng mga militar. Pagkatapos ng giyera, naging Mayor siya sa Danao, Danao City na ‘yan ngayon. Right after the war, na Mayor ang tatay ko sa Danao, at ganun rin ang hirap ng buhay, hindi talaga kaya at rumarami kami na magkapatid.

Kaya dinala niya kami doon sa Mindanao at napakahirap ang buhay namin sa umpisa. At siya naman po’y naging gobernador. Sa awa ng Diyos, ‘yung anak niya ako, naging mayor. At ‘yung anak ko naman na babae, ngayon ang mayor, ang vice mayor yung kapatid niyang lalaki. Baka dynasty ho talaga. Hindi ko na talaga mapigilan ‘yan.

Pero sa totoo lang, alam naman ninyo ang Mindanao. May problema tayo sa Moro. Alam mo kasi, ang lola ko sa nanay ko, Maranao. Ang lolo ko sa nanay ko, Intsik, Chinese. Kaya naman ako labas pasok sa NPA (New People’s Army), sa mga moro at ako’y nakikiusap noon pa kung pwede aregluhin natin itong problema natin, para masagana ang buhay. I’m trying to strike a peace deal with the Communist Party of the Philippines, nag-uusap ho kami. 

Ako po’y unang president ng Pilipinas na galing sa left. Left po ako. [Palakpakan] Ang partido ko po sa umpisa, 1988, Bayan po ako. 

Kayo ho naman ngayon, nandito na ako sa pwesto at para sa ating bayan, talagang nakikiusap ako, pati doon sa ating mga kapatid na Moro, si Murad pati si Misuari na sana po’y umupo sila, kami at mag-usap na lang ng kapayapaan.

Ginagawa ho na namin ‘yan ngayon at ako po’y humihingi ng tulong kay Allah na tulungan tayong lahat. At pag na-plantsa po ito –‘yung pera na ibibili ko ng bala pati bomba at patayin ‘yung mga kapatid nating Moro, pati mga NPA – magamit ko na ho sa lahat ng bagay para makapabuti sa inyong lahat. 

I find it hard to magpirma ho ako ng resibo na bibili ako ng bomba, pati mortar, pati bala para patayin ko lang ang kapwa ko Pilipino. Napakahirap po. Kaya sana ‘yung pera na ibili ko ng mga bala, ibili ko na lang kung anong maitulong ko sa inyong bahay, resettlement at pati itong trapik ng Maynila. 

Kaya kayong mga carnapper, para wala na masadyong trapik, kung sana po manakaw lang ninyo lahat ng sasakyan diyan, nakawin na ninyo at dalhin niyo sa ibang lugar na wala masyadong trapik. Napakahirap ho ang problema na ‘yan at kami po sa gobyerno ay humihingi ng ilang buwan para ma-plantsa namin kung ano ang dapat naming gawin.

So hindi lang ho ‘yan, pati airport ho. Isa lang ang airport ng Maynila, lahat ng eroplano, sakay ang mga tao na pumupunta dito. Kaya kami late doon kasi minsan sa runway, umaabot kami, nagpipila kami. Almost one hour. Kasi pag limang eroplano, landing na naman muna, stop ka, take off na naman, tapos landing. ‘Yun ang nangyari sa atin, napabayaan ang problema sa ating bayan. Hindi na nga ako magtatagal, nandito lang po ako.

Gusto ko lang naman mag-celebrate sa inyo, makakain lang man tayo lahat [palakpakan] para magpasalamat sa inyo, na kung wala kayo hindi talaga ako dadating sa saan– Kaninang umaga at ako’y nag-oath na bilang Presidente. ‘Di ko talaga akalain. Sinasabi ko sa’yo wala akong makinarya, wala akong leader, wala lahat. But, kayong hindi maniwala ng Diyos, sinasabi ko na sa inyo ngayon, merong Diyos at may milagro. 

‘Yung pagkapanalo ko po ay destiny ‘yan. Diyos ang may gusto ‘non, hindi ako. Kahit saan mo bilangin, maski dito sa Tondo, wala akong isang leader kung hindi kayo, kayo mismo ang tumanggap sa akin. Walang leader, leader. 

Ayaw ko kayong biguin at ako naman hindi masyado mahilig diyan sa promise promise. Pag nagbitaw ako ng salita, ‘yun na yun. Wala ng atrasan ‘yan. So maraming salamat at magtiis-tiis lang po kayo nang konti at tulungan ninyo ako sa gobyerno.

‘Yung mga adik ho diyan, kayo na lang ho ang pumatay. Kung anak niya, ikaw ang pumatay. Kung anak niyang adik, kayo ang pumatay para hindi masyadong masakit. Unahin na lang muna niya, kasi darating talaga ‘yan. Mamamatay ‘yan. Pag nandiyan ‘yan, pabili nang pabili nang pabili. Sabihin ko sa inyo: 365 days a year, may isang araw talaga na magkamali ‘yan. Pagdating niyan. ‘Wag ho tayong magsisihan kasi nasabi ko na sa inyo.

Maraming salamat po.