President Benigno S. Aquino III’s Speech during the 30th Founding Anniversary of the Presidential Security Group
PSG Grandstand, Malacanang Park, Manila
01 March 2016
 
Talaga nga pong sa huling taon ng aking panunungkulan, natapat ang ilan sa mahahalagang komemorasyon. Nitong nakaraang linggo, ipinagdiwang natin ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Ngayon naman, nagbubunyi tayo para sa ika-30 anibersaryo ng ating Presidential Security Group.

Mainam po sigurong idiin ko ang sitwasyon ng ating Sandatahang Lakas sa ilalim ng diktadurya. Yung araw na pinaslang ang aking ama, pinatawag nang maagang-maaga sa Malacañang ang head ng Aviation Security Command na si Gen. Luther Custodio. Sa pagkakaunawa natin, merong iba’t ibang operational plan nang naihanda noon sa pagbabalik ng aming ama, at hinihintay na lang kung anong plano ang ipapatupad sa pag-uwi niya. Magtataka ka talaga: Kung handa na ang mga plano, bakit hindi na lang niradyo ang utos, at bakit pa kinailangang magkaroon ng personal na meeting sa Malacañang? Noong mga panahong iyon, tila mayroon na ngang ibang planong naihanda sa pagbabalik ng aking ama.

Ang gusto pong idiin dito: Yung AFP at kapulisan noon, lalo na ang Presidential Security Command, tila ba naging private army o Praetorian Guard ng nakaupo sa puwesto. Isipin ninyo: Ang kabuuang bilang nila, nasa 15 hanggang 20 libong katao, o halos 10 porsyento ng pinagsamang puwersa ng unipormadong hanay noon. Bukod sa tila pagiging labas nila sa anumang saklaw ng batas noon, para bang ang tanging naging tutok nila noon ay ipatupad ang anumang naisin ng diktador.

Kita naman po ninyo ang malaking pagkakaiba ng Presidential Security Command ni Ginoong Marcos, at ng Presidential Security Group na itinatag ng aking ina, at pinamunuan ni Col. Voltaire Gazmin matapos ng EDSA. Sa ilalim ni Volts, bagaman lumiit ang bilang ng PSG, na masasabi nating ni wala pa sa sampung porsyento ng dating laki ng Presidential Security Command, talaga namang naging propesyunal at magiting ang inyong buong hanay.

Naalala ko pa, dati: Ang mismong security detail ng aming ina, may dala-dalang clutch bag. Ang laman: Boteng binalutan ng tuwalya para magmukhang baril, at kahit papaano ay may magdalawang-isip na banatan sila. Di po ba, noon, pagkatapos din ng diktadurya, parang tinangay ang lahat ng mga kagamitan dito sa inyong kampo? Miski jalousies at doorknobs, hindi pinatawad. Ang Ministry of National Defense naman, sinamsam ang armored assets. Ultimong fun run nila, naka-armor pa. Buti na lang nga at talagang maaasahan ang dati ninyong Group, dahil nang dumating ang kasagsagan ng kudeta noong 1987, ay may armored assets na rin ang PSG.

Noong mga panahong iyon, hindi lang abilidad ng PSG ang nasukat, kundi ang mismo ninyong mga prinsipyo. Sa harap ng kudeta, ang tila naging tanong sa bawat kawal noon: Papanig na lang ba ako sa mga nakasama ko sa PMA at sa barracks, o doon ba ako sa taumbayang dapat kong protektahan? Alam na nga natin kung saan pumanig ang ating magigiting na kawal: walang iba, kundi sa sambayanan. Sa mga panahong iyon ng matinding tensyon, napatunayan nga ninyo ang mga katagang sinabi ng aming ina sa kauna-unahan ninyong anibersaryo: “The Armed Forces as a whole are the shield and sword of the Republic, but the Presidential Security Group has been the breastplate protecting the Heart of the Republic.”

Nitong nakalipas naman na halos anim na taon, wala na ngang ibang mas naging saksi sa positibong transpormasyon ng PSG, ng inyong dedikasyon at propesyunalismo, kundi ako mismo. Kanina’y nabanggit ng ating group commander ang nangyari sa Zamboanga. Isang halimbawa na lang nga po, noong Zamboanga Siege noong 2013. Sa pagkakaalala ko po, dadalawang linggo pa lang na natalagang Group Commander si Raul Ubando, galing po sa huwarang liderato ni Chito Dizon. Sa kabila nito, matagumpay ang naging pagmamando at pagbabantay natin at mga aksyon natin sa mga lugar ng bakbakan. Alam niyo naman po, di ko ugaling humingi ng trabahong hindi kayang gawin. Pero ang unang sabi ni Group noon: “Sir, pupunta tayo sa stadium. Di natin na-panel ang stadium. Di natin alam kung sino ang mga nandiyan, at nasa mortar range din po ng kalaban ang tinaguriang stadium.” Naalala ko nga po nang ako’y sinundo ng isang sasakyang bullet proof. Talo po yung ating ginagamit sa pang-araw-araw dahil itong sasakyan, meron pang deadbolt sa loob. Sabi ko, “Kakaiba yata talaga ang sitwasyon dito sa Zamboanga.” Ang tugon ko po sa ating Group Commander na bagong-bago noong panahong iyon, “Kailangan nating mag-‘lead from the front.’ Kailangan tayo ng ating mga kababayan. Kailangang makita nilang hindi sila nag-iisa. Gawin mo ang kaya mong gawin. Bahala na ang Diyos sa atin at sa hindi natin kaya.” Ang tanging sagot naman po ng ating butihing Group Commander, “Yes, sir.” Wala nang mahabang debate, wala nang pag-aalinlangan, ginawa ang nararapat. At nakita naman po ninyo: Talagang nagpakitang-gilas ang ating Group Commander, at ang buong PSG, kaya naman naging matiwasay at matagumpay ang operasyon nating iyon sa Zamboanga.

Lahat nga ng pinasok nating alanganin, nariyan kayo lagi, at nakabantay sa kaligtasan ko. Mula sa nabanggit na krisis sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, bagyong Yolanda, pagbisita ng mahal na Santo Papa at ni Pangulong Obama, sa pagtiyak sa seguridad ng mga dumalo sa APEC, hanggang sa pagbiyahe ko sa loob man o labas ng bansa—paulit-ulit na meron tayong propesyunal na PSG na binibigyan ng katatagan at kapanatagan ng loob ang ating Pangulo, para magawa ang kailangang gawin, miski gaano pa katindi ang hamon.

Idagdag ko pa: Di ba, puwede naman kayong nang-abuso dahil dikit kayo sa puwesto, tulad ng iniisip ng ating mga pinalitan. Pero ni minsan, di ko naramdaman, na kumikilos lamang kayo para sa anumang biyaya; bagkus, alam kong tumitindig kayo para tunay na makaambag sa inilalatag nating reporma. Kaya nga, di tulad ng iba, di lang tayo basta nagsasabing babawasan natin ang problema; sa tulong ninyo, tunay na nababawasan na natin ang mga suliranin ng ating kababayan. Isa lamang sa mahaba nating listahan ang 7.7 milyong kababayan nating naiahon na sa kahirapan.

Kaya naman, sa inyong lahat: Kailanman, huwag ninyong titingnan ang inyong trabaho bilang trabaho lang. Palagay ko, kung minsan, kayo mismo, nakakaligtaan o hindi natatanto ang lawak at lalim ng saklaw ng inyong serbisyo. Dahil sa inyo, panatag ang loob ko sa aking seguridad, kaya’t nagagawa kong makapagsilbi nang buong-buo sa ating mga Boss. Ito na nga lang ang hiling ko sa inyo: Sa susunod na pagkakataong tutungo tayo sa iba’t ibang sulok ng bansa kung saan nakakapaghatid na tayo ng kongkretong pagbabago—mula sa mga kalsada’t tulay na deka-dekada nang hinihintay ng ating mga Boss, sa mga sitiong matagal nang nabalot sa dilim at ngayon ay nabibigyan na natin ng liwanag, hanggang sa mga kulang na silid-aralang naitatayo na natin para sa mga kabataan—gusto kong tumindig kayo, tumingin sa mga ito, at buong-loob na sabihin sa inyong sarili: “Kabilang ako sa pagbabagong ito. Ambag ko ito para sa Pilipinas, para sa Pilipino ngayon, at sa mga susunod pang salinlahi.”

Kay Secretary Volts Gazmin, kay dating PSG Commander Chito Dizon, sa kasalukuyan nating “Group” na si Rear Admiral Raul Ubando, sa mga pinarangalan natin sa araw na ito, at sa bawat isa sa inyong bumubuo ng ating Presidential Security Group: Wala akong ibang salitang maisusukli sa inyong wagas na serbisyo kundi “Maraming-maraming salamat.”

Salamat, sa araw-araw na pagsiguro sa kaligtasan ko at ng aking pamilya. Salamat, sa pakikiramay sa hirap at ginhawa sa trabaho, kahit pa alam ninyong mas madalas, sa hirap ang pinagsasaluhan. Salamat, sa pagturing ninyo sa akin, hindi lang bilang inyong Commander-in-Chief, kundi pati na rin bilang kaibigan at kapamilya. Salamat, dahil nariyan kayo, mas epektibo kong naisasabuhay ang atas ng ating mga Boss na ipaglaban ang malawakang pagbabago sa lipunan. Salamat, dahil sa inyo, narating natin ang puntong ito ng ating kasaysayan, at naaabot na natin ang matagal na nating pinapangarap na Pilipinas.

Marami na nga po tayong pinagdaanan. Marami nang mga dumating, at mayroon ding lumisan. Kasama sa paggunita natin sa araw na ito ang bawat kasapi ng PSG, noon hanggang ngayon. Kabilang po dito ang isa sa ating kasamahan na nagpaalam sa atin nito lang nakaraang taon, at akin pong naging katuwang sa mahigit isang dekada, na si Bong Fuyonan. Bong, tunay ngang sinasalamin mo ang simple, ngunit tapat at maaasahang serbisyo ng isang tunay na kasapi ng PSG. Nasaan ka man ngayon, tiyak kong binabantayan mo pa kaming lahat. At maraming-maraming salamat din sa iyo.

Mga kasama, 121 araw na lang ang nalalabi sa aking termino. Buo ang tiwala ko: Sa natitirang panahong magkakasama tayo, hanggang sa mga darating pang taon, patuloy ninyong isasabuhay ang mga prinsipyong gabay ng PSG sa paglilingkod. Ang motto ninyong “Integrity, Service, and Excellence,” ay hindi na lang mga salitang nakapaskil sa inyong tanggapan, o nakasulat sa papel—habambuhay na itong nakaukit sa puso’t isipan ng Pilipino sa pagtingala sa inyo bilang kalasag ng pangulo, at kawal ng bayan.

Ngayon ika-30 taon ninyo, at ang huling anibersaryong makakaharap ko kayo bilang Pangulo ng Pilipinas, hayaan ninyo namang idiin ko: Simula ng pag-upo ko sa puwesto, sa bawat sandali ng paglilingkod, hanggang sa pagkakataong ito, ni minsan, ang pagiging kalasag ninyo, hindi ko naramdamang humina o tumamlay, bagkus, lalo pang tumatatag at tumitibay. Talagang saludo ako sa inyong lahat.

Sabi nga ng dating pinuno ng Presidential Escorts na si Bodette Honrado noong patapos na ang termino ng aking ina, “Mangyari na ang mangyari, taas-noo tayong aalis dito.” Ngayon namang kaharap ko kayo, ang masasabi ko sa inyo: Balang-araw, sa inyong pag-alis sa hanay na ito, buo ang loob ko, taas-noo rin ninyong masasabi, “Ginampanan ko ang aking tungkulin, lampas-lampasan pa sa inaasahan sa akin.”

Sa inyo at sa buong hukbo ng Presidential Security Group: Isang napakalaking karangalan ang maging pinuno at Commander-in-Chief ninyo.

Maligayang anibersaryo sa inyong lahat. Maraming salamat po.