President Benigno S. Aquino III’s Speech at the ceremonial lighting of 2,864 sitios in Region VII under the Sitio Electrification Program
DOTC Project Monitoring Office (PMO), Bgry. Lourdes, Panglao, Bohol
02 March 2016
Maupo ho tayo lahat.

Natanong ko lang, San Juan de Bautista, hindi ba yun yung napugutan ng ulo? Pero palagay ko, hindi ho yun ang pakay ni Jun kaya babatiin ko lang po si Secretary Jun Abaya; Naidi Monsada; Babes Singson; Joel Rocamora; siyempre ito ho yung parang Bohol Telecommunications Company, Edgar Chatto; Rene Relampagos; at saka sa kaibigan natin si Mayor… hindi yung isa pa, si Bob Cajes. Okey. Nung araw ho kasi sabi nila nung panahon ng nanay ko, si Nonoy Torralba ang nagpa-follow up sa nanay ko. Siyempre lahat ng bagay ho umaasenso, ngayon po, tatlo sila nagpa-follow up tapos may chorus pa tulad ni Mayor kaya talagang mahirap hindi mo marinig ang pangangailangan ng buong probinsiya ng Bohol.

Ating butihing Mayor Suarez; Mayor Leonila Montero—na salamat dahil sa’yo, nakatuntong na po ako sa Panglao. Pitong biyahe ko na pala sa Bohol bilang Pangulo, wala ho yung beach yata ng Panglao banda dito. Baka after July po, tamang-tama yun pa naman ang season ng pangbi-beach, di ba? Sa July 1, puwede na akong magbeach, na makakatuntong sa beach— partners from the Japanese Embassy, Matsuda Mitsubishi Joint Venture Company and the Japan Airport Consultants; officers, members of the Electric Cooperatives of Region VII; fellow workers in government; honoured guests; mga hinigugma kong kaigsuunan: Maadyong hapon sa inyong tanan.

Ganun ko ho kadalas kausap si Manong Ed at saka si Rene. Pag tama ho yung Bisaya ko ‘tong araw na ‘to, si Rene ang nagturo. Pag mali po, si Jun Abaya, taga-Cavite po ‘to.

Pero totoo po yun ah, yung… di ba, parang airport nung nag-uumpisa ho tayo iniisip ko, papano ba tayo magpapagawa ng airport ‘no, bilyun-bilyon ang kakailanganin niyan? Naalala naman niyo pagtuntong ko sa opisinang ‘to, ang tinira sa aking puwedeng gastusin, gugulin na hindi pa naka-earmark kung saan-saan, eh wala man hong 7 percent. So halos 1 percent nung budget para sa anim na buwan na patatakbuhin ko yung bansa nung 2010, mag-iisip ka pa ng airport, paano kaya tayo gagawa ng airport? Pero sa tulong po ng Japanese Government and their people through JICA amongst others, we are now seeing your airport coming into fruition which I understand will be finished by December 2017, next year na po yan. Baka makalimutan ko pa yung dagdag na magandang balita kanina, ginagawa pa lang ho yung airport niyo, humihingi raw ang PAL ng dagdag na flights papunta ng Bohol dun po sa Tagbilaran. At ang gusto po nila, hindi local flights, international flights four a week raw ho at nakausap ni Secretary Abaya kanina, mukhang kakayanin natin yung kailangan nila para magkasatuparan yung international flights na yan. Samantalahin natin yung winter condition na panggagalingan ng turista natin, naghahanap ng konting init, palagay ko dito sa mga beach niyo, makakatanggap sila ng konting init at lalo na init ng pagtanggap natin at pagmamahal sa kanila. So, talaga hong paganda ng paganda ang sitwasyon niyo, galangin ko naman po yung gumawa nung aking talumpati, babasahin ko po sa kasalukuyan.

Basta ako, may ambisyon pa rin ho ako ano, na darating ang panahon, puwede tayong punta na ulit ng Panglao na may beach o kaya naman ang Loboc para sa river cruise, tama ba? Nabalita sa akin ni Rene, may fireflies pa, okey. Total si Mayor kanina, yung umpisa nung talumpati niya, sabi ko parang wedding vows yan ah, ipinaalala sa akin na this year, this year June 30, afternoon—June 30 ho hanggang 11 o’clock ako pa rin ho eh— before noon, kailangan manumpa na yung papalit sa akin. After noon, malaya na po ako kaya huwag naman June 30, mga July 2 siguro. Okey?

Ang panata natin sa Daang Matuwid: Sa pag-unlad, walang maiiwan. Sa pag-ikot natin sa bansa, tinutukoy natin ang mga pangangailangan ng bawat komunidad, at agad natin pong tinutugunan. Isa po ang Bohol sa mga tinutukan natin matapos yanigin ng malakas na lindol ang inyong probinsya. Pero nakita nga po natin: hindi sumuko ang mga Boholano. Sa inyong pakikiisa, nakabalik na sa normal na pamumuhay ang inyo pong lalawigan. Ito po yung tinuro sa akin na naman: Midayig ko sa inyong kusug ug katakos. Mukhang tama yung tinuro ni Rene.

Kapag sinabi nga po natin ang Bohol, unang naiisip: Chocolate Hills. Kasama na rin dyan ang sikat na tarsiers, at mga ilog at dalampasigan na dinadayo para sa iba’t ibang water sports. Samakatuwid po, turismo ang isa sa mga pangunahin ninyong industriya, kaya naman, tinututukan natin ang pagpapaunlad nito.

Matagal nga po ang hinintay ninyo para magkaroon ng bagong paliparan, kaya isa sa naging prayoridad natin dito sa Bohol ang pagpapagawa ng inyong bagong Panglao Airport, na papalitan ang limitado at maliit ninyong Tagbilaran Airport.

Kanina nga ho nang lumanding tayo, talagang damang-dama natin kung gaano kaliit ang Tagbilaran Airport, parang nagreverse thrust na po at sinagad pa yung preno at ako’y lumilingon, mukhang malapit ng matapos ‘tong runway na ‘to. Dito na ba ang pagtatapos natin? Pero sa akin ho, samantalang abala lang yun, ako’y alam ko po na pag masama ang klima o may naaberyang eroplano, sorry na lahat ng darating, next time na ho kayo, hindi ba? Isang eroplano lang ang tumuntong at hindi makaalis, tapos na ang lahat ng biyahe, dapat umano’y matigil na yan.

Hindi naman po basta-basta mai-expand natin yung Tagbilaran Airport at yun ang parang isang pinagtalunan: Uy! puwede ba nating maumpisahan o madagdagan na lang yung airport para mapabilis mapagawa? Pag sinabi nga po yung kabilaang side, punong-puno na mahirapan na kunin natin yung lupain sa kabilaang panig para mapalaki, at pag napalaki yun, gitnang-gitna ng Tagbilaran, talaga naman pong mahirapan kung lalo pa nating palalakihin. So nung pagtingin po dito sa Panglao, isang naging isyu sa aking tanda ay tinatanong kung kaya nung inyong foundation ng limestone ‘no na tuntungan itong airport na ‘to at yun ang nagpatagal po sa proyekto. Siniyasat nung ating mga dalubhasa kasama na ang PHIVOLCS at napatunayan na talagang kakayanin kaya ayan po, next year meron na kayong bagong airport. Ako po next year siguro, pasyalan ko na yung mga eroplanong pupunta sa inyong bagong airport.

Okey, nakuwento ko na rin po sa inyo pag na-stall ang eroplano, cancelled ang mga susunod na flights kaya yung turista niyo na higit kumulang kalahating milyon ngayon, pinapangako sa atin ng Tourism 1.7 million pag natapos ‘tong airport na ‘to. Ngayon, bakit ho napakaimportante nung dami ng turistang yan? Kada foreign tourist arrival na dumarating po sa atin, katumbas ng trabaho para sa isang Pilipino. At tinataya po, na gumugugol ang bawat isa na hindi bababa sa isang libong dolyar kada bisita sa atin. Madaling salita po, hindi lang yung airline ang kikita; yung may-ari ng resort kikita; yung nagbebenta ng pagkain para may maipakain yung resort kikita; yung tourist guide na hindi kailangan aral na aral kikita; yung gumagawa nung kanina tulad nung ating nabanggit na pagwi-weave ng handicrafts kikita. Madaling salita po, ang daming itutulong sa pag-angat ng inyong ekonomiya. Nabanggit nga rin ho kanina, yung pangalawang tagapagsalita sa ating mga benepisyaryo, naghahanap pa rin ng mga dagdag na pagkakakitaan, di ho ba? So ito nga ho ang isa sa pinakamabilis na magagawa natin para madagdagan ang oportunidad na kayo ay makasagad ang pagkakataon na paangatin ninyo ang inyong mga buhay.

Isa lang po ang Panglao Airport sa mga infrastructure projects natin dito sa Bohol. Para sa inyong public works po mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng 10.45 billion pesos. Gamit ito, inayos natin ang mga kalsada, tulay, school buildings, health facilities, flood control projects. Kasama din sa inayos natin ang malaking bahagi ng Panglao Island Circumferential Road, na lalong aakit pa sa maraming turista dito po sa inyong isla, at nagpapaunlad sa daloy ng serbisyo at komersyo sa inyong lalawigan. Iba po ito sa nilaan nating budget ng DOTC para sa pagpapagawa at pagsasaayos ng airports at ports mula 2011 hanggang 2016. Sa DOTC na budget lang po, 8.5 billion pesos naman ang pondo pong naparating na natin dito po sa inyo sa Bohol. Biruin ninyo po, suma-tutal halos 19 na bilyong piso na ang nailaan nating budget para suportahan ang imprastruktura at turismo dito sa Bohol.

Nakita naman po ninyo, magkakarugtong ang lahat ng proyekto natin; nakatutok ang lahat sa iisang layunin: Ang iangat ang antas ng pamumuhay ng ating mga Boss. Turismo, tinututukan natin para makalikha pa ng trabaho at lumawak ang oportunidad. Para palakasin pa ang turismo, siyempre kakailanganin natin ng kuryente. At hindi nga po tayo basta naghihintay lang na mangyari ito; nagawa na po natin itong realidad. Ngayong araw nga po, nasaksihan na natin ang seremonyal na pagpapailaw ng 2,684 na sitio dito sa Central Visayas sa ilalim ng Sitio Electrification Program na pinangunahan ng DOE, ng NEA at nagawa sa tulong ng ating mga Electric Cooperatives. Maraming salamat po sa kanilang lahat.

Ikuwento ko lang po: Bago tayo maupo sa pwesto, sabi nung aking sinundan, lahat daw ng barangay sa buong bansa, may kuryente na. Pag-upo ko po, pinaliwanag sa akin, na pag napailawan na ang isang barangay hall, sinasabing buong barangay, napailawan na. Paano naman yung ibang mga sitio na nalulugmok sa kadiliman? At ilan kayang Barangay Captain ang papayag na, sige halikayo, ikabit niyo lahat ang bahay niyo dito sa Barangay Hall, sagot ko na kuryente niyo, di ba? Ngayon, tinatapos na natin ang panahon kung kailan tila nasanay tayo sa kultura ng kasinungalingan, pandaraya, at pagnanakaw.

Noong 2011 nga po, gumawa tayo ng imbentaryo para tukuyin kung ilan pang sitio sa bansa ang wala pang kuryente. Base po sa listahan, 32,441 sitio ang hindi pa napapailawan. Ang malala pa po, aabot raw sa halos isang milyong piso ang gagastusin para maikabit sa grid ang bawat sitio. I-multiply po natin: 32,441 times 1 million pesos each, aabot po ng 32.4 billion pesos ang kakailanganin para mapailawan ang mga sitiong natukoy. Tanong ko sa inyo kung kayo nasa lugar ko, 2011, siyempre unang pumasok sa akin, saan naman tayo kukuha ng ganyan kalaking halaga?

Ngayon po, pwedeng nagbulag-bulagan na lang po tayo noon, nagkibit-balikat at sa problema, sabihin ko, sinabi nung pinalitan ko wala ng problema diyan eh, di hindi ko na inasikaso, wala na raw ho eh. Pero hinarap natin yung problema, hinanapan natin ng solusyon, dahil alam po natin ang halaga ng kuryente sa kabuhayan ng ating mga kababayan. Sa tamang proseso at tapat na pamamahala, ang dating estimate na isang milyon kada sitio, sa pagtutulungan ulit ng DOE, ng NEA at ng mga cooperatives, mula isang milyon napababa natin sa halos 600,000 piso kada sitio ang average. Sa makatuwid, 400,000 piso ang natipid ng gobyerno kada sitio. Malinaw po: sa Daang Matuwid, hindi ibinubulsa ang pondo; anumang matipid natin ay diretso sa iba pang programang magbibigay ng agarang benepisyo sa ating mga Boss.

Ang good news: Dito po sa Bohol, 100 percent energized na po ang nireport sa atin ng lahat ng inyong mga sitio. Sa buong bansa naman po, 32,026—uy, parang hundred percent na kaya lang 26 na sitio—o 98.72 percent ng kabuuang target ang napapailawan na natin. Bago nga raw po matapos ang Marso, matatapos na ang lahat ng natukoy sa ating imbentaryo. Marso pong kasalukuyan yan ha, hindi po 2017.

Itong paglalaanan ng pondo para sa turismo, paggawa ng trabaho, pagpapailaw sa tahanan ng bawat pamilyang Pilipino, ay ilan lang sa mga ginagawa natin upang masigurong walang maiiwan sa Daang Matuwid.

Dito lang po sa inyo, meron tayong Bohol Fabrication Laboratory (FabLab) kung tawagin at Shared Service Facilities para suportahan ang ilan sa inyong mga industriya tulad ng ipinaliwanag sa atin kanina. Sa tulong po ng FabLab, maaari kayong magdisenyo at mag-produce ng mga prototype ng inyong mga produkto gamit ang mga laser cutters at 3D printers. Tumulong na naman po ang bansang Hapones sa atin diyan. Nariyan din ang Shared Service Facility para sa mga loom weavers, katulad ng Tubigon Loomweavers Multi-Purpose Cooperative. Kagaya nga po sa kuwento ng isa nating benepisyaryo kanina, sa tulong ng SSF na ito, ang dating 700 piso na kinikita niya noon kada linggo, ngayon, naging 5,400 pesos na—halos walong beses po itong paglaki sa kanyang kita. Kaya po yung litson manok at sila binabati ng mga magulang nila… ay, ng mga anak nila ang dadalaw.

Kaakibat rin po nito ang mga serbisyong panlipunan na patuloy nating pinapalawak ang saklaw para sa ating mga Boss. Sa edukasyon: alam po niyo sinara natin ang minanang backlog sa mga classrooms, school seats, textbooks, at pinagtibay natin ang ating basic education system para kaya nang makipagsabayan ng ating mga mag-aaral sa ibang bansa.

Pinalawak na rin natin ang sakop ng ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program: Dito lang po sa Bohol, kung dati at ito po—nagulat ako, itinuro sa akin kanina ‘to—dati po 531 kabahayan lang ang nakikinabang sa Pantawid Pamilya; ngayon po, nasa 59,222 na ang benepisyaryo ng programang ito. Kayo na ho magsubtract, 59,222; ngayon 500 plus nung araw. Ano kaya ang nangyari dun sa diprensiyang yun, di ba? Bahala na siguro si Batman. Kabilang na po sila sa 4.4 milyong kabahayang natutulungan ng Pantawid Pamilya sa bansa. PhilHealth naman po, nasa 1.2 milyong Boholano, ganun ba?—conscious ho ako pag yung may ‘H’ eh. Alam niyo kami mga Kapampangan ‘no, nagdadagdag ng ‘H’ at nagbabawas ng ‘H’ kaya gawin ko lang Tagalog, Boholano—ang sakop ng programa; bahagi po sila ng 93 milyong Pilipinong nakikinabang na sa benepisyong handog ng PhilHealth.
Sa lahat po ng tagumpay nating ito, meron bang nasa matinong pag-iisip ang magsasabing pinabayaan lang natin ang Bohol? Meron po bang magsasabing huwag na lang nating ituloy ang pagtahak sa Daang Matuwid?

Sa Mayo po, pipili muli ang ating mga Boss ng susunod na mamumuno ng bansa. Haharap muli tayo sa sangandaan: Dito ba tayo sa pagpapatuloy ng reporma, o babalik tayo sa baluktot na sistema? Babalewalain ba natin ang lahat ng ating nasimulan at ipagkakatiwala ang kinabukasan sa walang-kasiguraduhan? Papanig ba tayo sa sigurado, sa mga taong may integridad at may kakayahang pamunuan ang ating bansa? Kung serbisyong-publiko, walang drama at trabaho lang para sa sambayanan ang batayan, malinaw kung sino ang dapat piliin: walang iba po kundi si Mar Roxas at si Leni Robredo.

Napakalayo na nga po ng ating narating: mga dating inakalang imposible, di lang natin ginawang posible, kundi isa-isa na nating natutupad. Simula pa lang po ito. Sa inyong suporta at pagtitiwala, anumang pagsubok, kaya nating lampasan, anumang tayog ng pangarap, kaya nating makamtan.

Alam po niyo, kanina ho’y nagpakuha akong litrato doon sa dulo nitong airport parang meron lang akong tanda na medyo malaki-laki nga po itong inambisyon natin na nagawa natin. Noong nag-umpisa ho akong bilang Pangulo ninyo, dalawa ho sigurong isip ang nasa aking kaisipan: Yung una, meron akong kaibigan na nagsabing hindi niya mapapatawad yung aking pinalitan, sa sampung taon halos na siya ay namuno, na nawala ang pagkakataon sa atin. Ano ba ibig sabihin nun? Kung itong airport pong ito, nagawa namin, sa more or less anim na taon, yung 9 and a half years ho siguro, mas kaya niyang ipagawa ito. Kung napagawa niya yun, ilan na hong trabahong nalikha dahil sa turismo. Ilan na kayang magsasaka ang mas maganda naging presyo, hindi ba? Lahat nung nagawa natin walang dahilan bakit hindi nagawa nun. Pero baka ho iba kami, ako ho nakatutok sa kapakanan ng aking mga Boss. At siyempre ho, yung pangalawa nga ho nito, naalala niyo, ilang beses ko na rin hong sinabi nung nag-uumpisa kami, hinihintay namin ang Biyernes ng gabi, dahil sa Biyernes ng gabi, may time-out. Ano po yung time-out? Eh araw-araw ho mula Monday hanggang Friday ng early evening, nakakadiskubre kami ng palaki ng palaking palaking problema. Sila gumawa, kami sinubukan naming harangan nun, di kami nagtagumpay, kami tagaayos ng problemang ipinasa sa amin. At tatandaan ninyo, iniwan nga ho sa akin nun eh, 6 percent—7 percent na sabihin ninyo— ng budget para aasikasuhin lahat ng problemang iniwan niya.

Noong tayo po, di ba, kakatapos ng inyong lindol, isang gabi rin po dito kami natulog nung marami pang aftershock. Tulog po ako sa isang tolda sa damuhan, tapos sa ganda ho nung kamang ibinigay sa akin, yung folding cot eh, yung bakal ho nasa diretso sa likod ho dito sa likod. Kaya komportable ho yung pagtulog nun, suportado ho ako maski naalog. Nung paggising po, siyempre damuhan yun, di ba, siyempre nakakahiya namang humarap na hindi naghilamos, nagtoothbrush, pinagkasya yung isang boteng maliit na tubig para madama kung ano ang dinadaanan ng lahat, di ho ba? Yung kawalan ng kuryente rin dun, dama rin ho yun. So, ganda na nga rin ho yung pagpunta ko ho doon sa medyo may halamanan ah, siyempre may call of nature yung pag ano, (laughter) tao rin ho tayo. Pero maganda nga ho, na na-experience natin yun para lalong madaliin lahat, ‘no na gawin natin yung dapat magawa. Kayo ang testigo pag-ikot ho natin doon—simbahang gumuho, munisipyong halos wala na, palengkeng tumumba, bahay, di ba? Nung iikutin yun—tao rin po ako eh—iniisiip ko, paano kaya natin maaayos lahat ‘to? Pero kayo na ho ang testigo, nagawa na natin ‘to.

So, mga kasama, kanina ho nagpapasalamat… kanina po nagpapasalamat sa akin sa ating mga kasamahan. Palagay ko baliktad eh, kami’y nagpapasalamat sa inyo binigyan niyo kami ng pagkakataon na gawin ‘to.

Ngayon ho, babalik na naman ho tayo, para magpapatuloy ba ‘to? Bah, kayo ho ang Boss eh. Kung kayo manonood ng TV, dadaanin natin sa pagandahan ng pangakong napapako—baka maligaw tayo. Pag mayron mga sobra umangkin na paniwalaan natin, sige bigyan natin ng benefit of the doubt— baka maligaw tayo. Kaya babalik ho ako dito, bakit pa tayo aalis kung saan naman nakita na natin ang pruweba? Doon na tayo sa sigurado, wala na yung pangako. Kami ho nangako noon, tinupad ba namin o hindi? Kung nakikita niyo na hindi nagsayang yung tiwala’t suporta niyo sa lahat pong mga taon na ‘to, kamay niyo ang magsasabi itutuloy natin o hindi.

Ito na po yung tinuro ulit ni Rene: Dali na atong sugaton ang mas hayahay ug mas mauswagong kaugmaon.

Daghang salamat sa tanan.