INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB / Balita at Panayam by Allan Allanigue
03 March 2016
ALAN: Secretary Coloma, sir, magandang umaga po.

SEC. COLOMA: Magandang umaga, Alan.

ALAN: Yes, sir. Sec. dito po sa assessment nitong Joint Foreign Chambers, na siyang largest coalition po ng mga foreign investors sa Pilipinas, binabanggit nila na nasa 75% daw ng mga reporma ay nakumpleto ng Aquino administration. Your comments tungkol dito, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Well, unang-una ay kinikilala ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga foreign chambers, Alan, katulad ng iyong nabanggit. Sila ay kaagapay ng pamahalaan sa pagpapalago ng ating ekonomiya dahil sa kanilang presensiya dito sa ating bansa; iyong patuloy na pagtaguyod nila sa ating ekonomiya; iyong expansion ng kanilang mga negosyo. Iyan ay magsisilbing ehemplo at insentibo para sa iba pang mga mamumuhunan na tumaya sa ating ekonomiya. At ang background nung ating pinag-uusapan, Alan, nung bandang umpisa ng administrasyon nagtatag sila ng tinatawang nilang “Arangkada Forum.” Batid naman natin na ang salitang “arangkada” ang ibig sabihin ay mabilis na pagsulong o pag-asenso. Kaya iyong layunin nila noon ay magpanukala sa pamahalaan ng mga proyekto sa iba’t-ibang larangan ng ekonomiya katulad ng imprastruktura, energy, doing business. At ito ay hinimay nila sa mga panukalang batas, sa mga administrative measures, inihain sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at sa kanilang assessment 75% ng mga proyektong ipinanukala nila ay gumagalaw o nagkaroon na ng progreso. Hindi ba’t napakainam na pananaw ito ‘no, na nagkaroon ng masinsin na pakikipag-ugnayan ang business sector at ang pamahalaan upang maisulong ang pag-unlad ng ating ekonomiya. At batid nga natin, Alan, nung nakaraang anim na taon — simula 2010 hanggang 2015 — ay nakapagtala ang ating ekonomiya ng pinakamataas na six year average na more than 6% annual growth sa GDP. At ito ang pinakamataas na sa halos apat na dekada. Kaya’t talagang mainam ang naging pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa sektor ng negosyo at kalakal at partikular dito sa mga foreign chambers.

ALAN: Ayon. So ito hong malaking… o completion ika nga ng mga adhikain ng administrasyon ay mas nakatutok dito sa sektor po ng pagnenegosyo — business, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyan, dahil ang kanilang organisasyon ay mga Chambers of Commerce. Kaya iyon ang kanilang partikular na tutok at ang tawag sa kanila collectively ay Joint Foreign Chambers. Kung hindi ako nagkakamali kabilang dito iyong American Chamber of Commerce, European Chamber of Commerce, iyong Australian din yata, iyong Japan at iba pang bansa na may mahalagang taya sa ating ekonomiya.
Pero mabanggit ko lang, Alan, para balansiyado ang ating pananaw. Pinarating nila na hindi pa natatamo iyong layunin natin sa inclusive growth. Iyong headline nga nung isang araw “No Inclusive Growth.” At kung hindi ako nagkakamali ang pumansin niyan iyong pangulo ng Canadian Chamber of Commerce dito sa ating bansa.

Ito naman ang pananaw natin hinggil diyan. Iyon kasing pagtamo ng inclusive growth, lalung-lalo na kung nanggaling talaga tayo doon sa sitwasyon ng malawak at malalim na hindi pagkapantay-pantay ng oportunidad. At alam naman natin, Alan, na ang pinanggalingan natin, ang Pilipinas ang merong isa sa pinakamataas na antas na hindi pantay na pagkahati-hati ng kayamanan or iyong we have one of the highest inequality or disparity in income distribution. Dahil kung tutunghayan natin iyong ating stratification sa ekonomiya: 10% lamang iyong class A,B and C; at pagkatapos nun ay meron tayong 67% na class B; at iyong pinakamahirap naman ay 23% doon sa class E. Kaya halos wala tayong maituturing na matatag na middle class, Alan. Karamihan ay nandoon sa patungo sa antas ng kahirapan. Iyan po ang pinanggalingan natin.

Kaya naman sa ating Philippine Development Plan ang tinukoy ng pamahalaan ay iyong pagtamo ng inclusive growth. At pansinin natin ibang-iba ang naging istratihiya ng pamahalaan. Dati-rati ay naniniwala tayo doon sa trickle-down effect, iyong basta lamang palalaguin ang ekonomiya at para bang bahala na si Batman kung aabot ba o dadaloy ba hanggang doon sa kailaliman iyong benepisyo ng progreso. Pero binago po ng Aquino administration iyong istratihiya, imbes na trickle-down talaga pong kinuha natin iyong mga resources, naglaan tayo ng malaking bahagi ng ating pambansang budget — up to 37% — at inilaan natin ito doon sa poverty reduction at sa social protection. Kaya nga’t doon sa Conditional Cash Transfer program mahigit animnapo’t apat na bilyong piso ang nakalan diyan. At simula sa 780,000 families nung 2010, mahigit na sa 4.6 million families ang benepisyaryo nito doon sa pinakahuling budget natin, itong 2016. At dahil nga dito, paulit-ulit na pinupunto ni Pangulong Aquino, lampas sa 7 milyong Pilipino ang ating nailigtas mula doon sa pinakamababang antas ng kahirapan; at nalagpasan na doon sa 90% iyong coverage ng PhilHealth, at magkasanib iyong puwersa ng ating labor and employment, education, social welfare and development at health department doon sa aspeto ng pagbibigay-kalinga sa pinakamaralitang mga pamilya.

Kaya ito ang dapat ding pansinin, habang hindi pa naman tuluyang natatamo iyong inclusive growth ay malaking progreso na ang ating naranasan at nasaksihan at sa tulong nga ng iba’t-ibang sektor ay higit pa nating mapapabuti ang sitwasyon ng ating ekonomiya at ang mapapabilis natin ang pag-asenso ng ating bansa.

ALAN: Opo. Isa rin po dito sa mga nabanggit nitong Canadian Chamber of Commerce of the Philippines, ano ho. Isa sa mga binanggit nila ay itong K to 12 ng ating Department of Education, itinuturing nila itong isang major change dito sa ating bansa, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyon, Alan. Dahil isa na nga lang tayo sa nalalabing bansa na kulang ng dalawang taon doon sa talagang global standard na 12 years of basic education. At napupuna na ito kapag nangingibang bansa ang ating mga kababayan, inihahain nila iyong kanilang mga academic credential, eh napapansin na kulang tayo doon sa basic education. Kaya tama lamang na dagdagan natin ang ating basic education, ihanay natin doon sa global standard na labindalawang taon. At bukod dito ay dinagdagan pa natin ng isang taon iyong kindergarten, kaya nga K to 12. At dahil din diyan at in combination doon sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Conditional Cash Transfer, PhilHealth at iba pang mga programa, napababa din iyong dropout rate ng mga kabataan sa elementary school, Alan. Dahil dati doon sa bawat isandaang pumapasok sa grade one ay 33% lamang o 1/3 lamang ang nakakatutungtong sa high school. At doon naman sa nagtapos ng high school ay one out of four lamang o… hindi, less than yata, 14% lamang ang nakakatuntong sa kolehiyo. Na malaki na ang kabawasan doon sa dropout rate dahil doon sa mandatory kindergarten at iyong mga poverty reduction programs natin, iyong Conditional Cash Transfer kasi tinututukan talaga iyong pagpasok sa eskuwela ng mga kabataan, kaya’t dahil diyan ay nabawasan din iyong dropout rate. Napakahalaga nito dahil iyong edukasyon iyong nakikitang susi sa isang mabuting kinabukasan. Maraming mga pamilya na umasenso ang kanilang kalagayan dahil nakapag-aral, nakapagtamo ng college degree, nakapasok sa mainam na hanapbuhay at ito ang naging susi sa pag-asenso ng kanilang pamilya.

ALAN: Sec., binabalikan ko iyong unang assessment ng “Arangkada.” Iyong binabanggit po ninyo, nung 2011 or a year after magsimula ang Aquino administration. Ang sabi po ng Joint Foreign Chambers ay noon ay 51.44% ang adoption ng kanilang mga rekomendasyon, compared to 75% na this 2015, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Tama iyon, Alan, at nagpapakita lamang na talagang tinutugunan ng pamahalaan iyong mga lehitimo at kapaki-pakinabang na panukala na nanggagaling sa ating mga stake holders. At katulad din ng kanilang pinansin, ito namang layunin natin ng inclusive growth ay isang work in progress. At binanggit din nila iyong mga mahahalagang elemento, iko-quote iyong kanilang statement. Sinabi nila: “continued good governance” — iyan o ang buod ng Daang Matuwid; iyong “more structural reforms,” binabago din po natin ang istruktura ng ating pamahalaan at ng ating ekonomiya; “fair regulatory regime,” kailan lang po ay nagtatag ng Philippine Competition Commission at binuo na po ito, ang chairman po ngayon ay si dating NEDA Secretary Arsenio Balisacan, at titiyakin po nila na wala pong mga monopoly o oligopoly na sumasagkal sa mainam na pagtutunggali ng iba’t ibang mga kumpanya para mas lumago ang ating ekonomiya. Sa structural reforms naman naipasa din itong Anti-Cabotage Law sa shipping industry at iyon pong iba pang mga reporma sa istruktura ng pamahalan ay itinataguyod pa. Pagkatapos iyong “lower business cost,” isa din po iyan sa tinutukan ng ating National Competitiveness Council at DTI — iyong mapasimple ang mga procedure sa pagtatayo at pagmintine ng negosyo para bumaba din iyong overhead ng mga negosyo at lalung sumulong lalung-lalo na iyong mga micro-small ang medium enterprises sa ating bansa.

ALAN: Well, Secretary, muli salamat po ng marami for the updates from the Palace, Sec.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.

SOURCE: NIB – Transcription