March 03, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the inauguration of the PAGCOR school building of Guadalupe Elementary School
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the inauguration of the PAGCOR school building of Guadalupe Elementary School |
V. Rama Avenue, Brgy. Guadulupe, Cebu City |
03 March 2016 |
Kapag ang nakakatanda, kaharap ang kabataan, ang madalas mong payo: Mag-aral nang mabuti. Kaya nang malaman kong kabilang ang mga estudyante sa makakaharap ko ngayong araw, sabi ko, magpapakita ako ng mabuting halimbawa. Mula kagabi po, sa tulong ni Bro. Armin, nag-aral po ako nang mabuti. Heto po ang pinagpuyatan kong aralin: Nalipay gyud ko nga makauban mo karon, akong mga pinalanggang Sugbuanon. Kinasing-kasing ang akong pagpasalamat sa mainiton ninyong pagdawat kanako. Kamo gihapon ang akong kusog.
Sabi po ng tatay ko, payo niya sa akin noong ako po’y high school: Mag-aral kang mabuti. Maaaring sikat ka ngayon, pero bukas-makalawa, laos ka na. Ngayon may pera ka, baka bukas-makalawa, mahirap ka na. Pero kung mag-aaral ka nang maayos, at pumasok sa iyong kaisipan ang lahat ng karunungan, mangyari na ang mangyari, nakahanda ka sa anumang hamon ng buhay. At isinabuhay po natin yan, dahil napakaraming hamon ang ating dinaanan sa ating pong buhay na ito. Talagang nakatutok tayo sa edukasyon, at isa sa mga pinakamatinding ipinangako ko sa taumbayan, yung oportunidad na ibinigay sa akin ng aking mga magulang na makapag-aral nang maayos, dapat ibigay natin sa lahat ng mga kababayan natin. Nagtitipon po tayo ngayon para pasinayaan ang bagong school building ninyo rito sa Guadalupe Elementary School. Patunay lang po ito na sa Daang Matuwid, walang maiiwan. Binibigyan natin ng kakayahan at oportunidad sa kaunlaran ang ating mga kababayan. Isang halimbawa po: Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na sinisigurong malusog, at nakakapasok sa eskwela ang ating mga kabataan. Kahapon po, nasa Bohol tayo, at ipinabatid sa atin doon na ang 4P’s daw po noong araw, 531 lang po ang kabahayang benepisyaryo noong tayo’y nag-umpisang umupo noong taong 2010. Ngayon po, nasa 59,222 po noong Disyembre 2015. Sa inyo po sa Cebu: Noong Hunyo 2010, ang dinatnan nating nakikinabang sa 4Ps, 5,666. Ngayon po, 149,900 na kabahayan na po ang kasama ng 4Ps. Tandaan lang po natin: Ang Pantawid Pamilya, lalo na sa pamamalakad natin, dinadaan natin doon sa tinatawag na National Household Targeting Survey o Listahanan. Ibig sabihin po nito, hindi sila kinukursonadang pagkalooban ng biyaya. Sinusuri ang bawat pamilya, sino ba talaga ang may mga pangangailangan at dapat tulungan? Natukoy nga natin na ang bilang ng nangangailangang kabahayan sa buong bansa ay aabot sa 4.6 milyong kabahayan. Last year po, nakaabot na tayo sa 4.4 million na kabahayan, at itong taon pong ito, matatapos na natin ang kabuuan ng 4.6 million na target. Lahat po ng mga kabahayan na yan, inaasikaso natin. Ngayon po, doon sa pangalawang Listahanan na ginawa, nagsurvey at talagang yung paunang resulta po ay nakakapuno ng puso, dahil meron na raw po tayong 7.7 million na kabahayan na lumampas na doon sa tinatawag na “poverty line.” Nakaangat na po doon sa poverty line. Kaya para sa kanila, yung susunod na programa naman, hindi na po para sa “poor” pero para sa tinatawag na “near poor.” Ano ba yung “near poor”? Medyo nakakaangat ka na, nakukuha mo na yung pangangailangan mo sa pang-araw-araw, pero pag dinapuan ka ng matinding sakit o nagkaroon ng isang delubyo, kunyari ay bagyo, baka bigla kang bumalik doon sa hindi mo kakayanin ang mabuhay. Ang programang iyon, nilalayon na ilayo ka nang ilayo doon sa tinatawag na “poor conditions.” Sa edukasyon naman po: Ang ipinamana sa ating 66,800 na kakulangan sa classrooms, ayan po, sarado na. Bukod pa ito sa nauna na nating pagsasara sa minana nating backlog na 61.7 milyong textbooks, 2.5 milyong upuan, at kakulangan ng—konti lang pala ang kulang na guro—145,827. Iyan po ay napuno na rin. Siguro napuno talaga dahil nagrereklamo ang mga private schools na malaki raw ang suweldo ng mga public school. Kailangan na raw po i-subsidize ang mga private school. Dahil kokonti po ang pumalakpak, hindi yata sang-ayon ang public school dito. Di ba kasali kayo sa Salary Standardization Level 4? Kayo ho kasama, ako ho ay government employee rin, hindi ako kasama diyan. Ang susunod sa akin ang makikinabang. Kailangan ko lang pong idiin: Gumawa tayo ng vertical structure dito. May mga lugar po sa bansa na talagang tinatawag na highly urbanized. Wala nang lupa, napakamahal ng lupa. At nabanggit na ho kanina, kung dati one floor, mga limang classrooms siguro o apat, eh kailangan natin ng dalawampu para mapuno ang kakulangan. Paano natin gagawin yan kung wala kang lupang pagtatayuan? Dinemolish ang lumang gusali para mayroon na tayong vertical structure ngayon na sa parehong lugar, 20 classrooms imbis na yung dating apat o lima. Ngayon, po nakipagtulungan tayo sa lahat ng LGUs. Ang paliwanag nga po sa atin ni Bro. Armin, lokal na pamahalaan ang bumibili ng lupa sa mga lugar na kulang pa, at pambansang gobyerno naman po ang nagpapagawa ng mga school building. At para masagad ang lupa, tulad nitong sa inyo, hindi lang po single-storey, kundi multi-storey na ang ipinapatayo natin. Dulo po ng lahat ng inisyatibang ito: Bago tayo bumaba sa puwesto, aabot sa 185,149 ang bilang ng silid-aralang maipapatayo at napopondohan na po natin. Iyan po ang Daang Matuwid. Balik-tanaw lang ho tayong konti: Isa sa mga problema ko noong nag-uumpisa, ang budget po ng Pilipinas, kaya nang sumuporta ng higit-kumulang walong libong classroom kada taon. Ang kulang noong naisurvey na ay 66,000. Six years bilang pangulo, times 8,000 per year, 48,000. Tama ho ba yung math ko? 48,000, eh kailangan 66,000, may kulang pa ako. Pero dito nga ho sa inisiyatiba ni Bro. Armin, tulong ng PAGCOR, kasama na ang DPWH, Local Government Units, hindi lang natin pinuno yung 66, yung kailangan ng K-12, ready na rin. Yung lumang 30 to 40 year-old [classrooms] na kumbaga sa damit ay wala na hong sinulid, papalitan na rin natin yan. Kaya nga aabot tayo ng 185,000 classrooms. Siguro ang papalit sa akin, pag binanggit ang edukasyon, sasabihin na lang sa akin, “Thank you,” imbis na “Ano ba itong iniwan niyo sa akin?” At ako naman ho, nagawa natin ito—hindi ginawa ni Noynoy Aquino ito. Ginawa nating lahat ito, dahil kayo ang nagbigay sa akin ng mandato. Kaya maraming salamat po sa inyong lahat. Ngayon po, nagpapasalamat tayo sa inyong lokal na pamahalaan, at sa mga ahensya ng gobyernong nagkapit-kamay para maisakatuparan ang inisyatibang ito. Kay Chairman Bong Naguiat at sa PAGCOR na nagbigay na raw ho ng P12 bilyon para sa edukasyon, P9 bilyon sa DPWH, P3 bilyon sa DepEd. Dati ho kasi, DepEd ang tagaturo, pero sila na rin ang pinapa-construct; kaso hindi sila dalubhasa sa construction. Kaya noong unang bahagi, sa DepEd yung pondo, tapos diretso sa DPWH na siya talagang nagko-construct. Kay Bro. Armin Luistro at sa DepEd, na tumulong sumuri at tumukoy sa dapat paglaanan. Sino ba ang may pangangailangan? At sino ang may pinakamatinding pangangailangan para iyon ang una? Kay Secretary Babes Singson at sa DPWH, na nagpatayo ng gusaling ito. Klaro po, malaki na talaga ang pinagkaiba ng ngayon sa nakaraan. Meron nga po akong isang kaibigan. At noong simula ng aking termino, ang sabi niya sa akin, “Noy, ang hindi ko mapapatawad doon sa iyong pinalitan ay yung halos sampung taon na nawala sa atin.” Tingnan niyo po, itong mismong gusaling itinayo natin, puwede namang ginawa yan noon pa, di po ba? Pero ano po bang ginawa nila? Yung dating hepe ng PAGCOR, gumasta ng katakot-takot na pera ng taumbayan. Isang halimbawa po diyan: P1 bilyon—para lang magbuhos ng kape sa kanilang ahensya. Sabi ko nga: Nakakatulog pa kaya ang mga taong ito sa isang bilyong pisong kape? Ito pong proyekto natin, ang ginasta natin, P40 milyon. Alam kong magaling kayong mag-math, at hindi naman po masyadong mahirap. P1 billion divided by 40 million for each classroom? The calculator says: 25. Ibig sabihin po, 25 ganitong klaseng school buildings ang puwede pang pakinabangan ng ating kabataan kung inilagay dito imbis na sa kapeng hindi natin alam kung may uminom. Tama ho ba? Iyon ho ang Daang Matuwid. Kayo na po ang humusga kung anong mas importante: school buildings o kape? Malinaw na malinaw po kung saan tayo dinadala ng Daang Matuwid. Kung tama itong landas na binabagtas natin, matanong ko lang po: Bakit naman natin ito ihihinto, o ililihis sa ibang direksyon? Ang maganda po, nasa kamay ninyo ang inyong kapalaran at ng buong bansa. Wala sa klarong nang-aabuso sa puwesto. Wala sa nag-aambisyon sa mataas na katungkulan, pero kapos naman sa karanasan. Wala sa astang tila nagbeberdugo at panay pangako, pero ang estilo, puro “ako.” Tangan ninyo ang kapangyarihang bumoto ng ating mga susunod na pinuno. At sa akin, wala na nga pong ibang may integridad, kakayahan, kongkretong plano, at siguradong magtutuloy sa Daang Matuwid, kundi ating mga kasamahang si Mar Roxas at si Leni Robredo. Sa huli, ako po ay tagapaglingkod lamang ninyo. ?Kamo ang akong Boss, ug kamo ang maghulma sa kaugmaon sa atong nasod nga Pilipinas. Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat. |