March 03, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Meeting with Local Leaders and the Community in Cebu
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Meeting with Local Leaders and the Community in Cebu |
Mandaue City Sports and Cultural Complex, Mandaue City, Cebu |
03 March 2016 |
Tuwing bumibisita po ako ng Cebu, bumabalik sa akin ang ilang alaala. Sa pagkakatanda ko po, parang mga isang buwan pa lang ang lumipas matapos mapaslang ang aking ama, pinapunta po ako dito sa inyong probinsya. Yun nga po ang pinakauna kong speaking engagement matapos ang sinapit ng aking ama. Pagdating po namin ng Cebu, lulan ng Philippine Air Lines noong panahon pong iyon, yung babaan ay nasa buntot ng eroplano. doon ako lumabas sa may likuran ng eroplano. Sa baba ng eroplano, may mga miyembrong ang taway ay Aviation Security Command, o AVSECOM. Parehong grupo po na sumalubong sa aking ama. Sabi po ng crew ng PAL, tumingin sa ibaba, nakita yung mga taga-AVSECOM, ang sabi sa akin ay “Sir, goodluck sa inyo.” At sa totoo lang po—siyempre, hindi ko naman sinasabing pareho kami ng tatay ko—pero ano kaya ang mapapala ko paglapag sa hagdanan na iyon. Dahil alam naman po ninyo, ang tatay ko hindi na nakatuntong sa lupa natin. Ds hagdanan pa lang, pinaslang na.
Sa kabila nito, tandang-tanda ko: Talagang ang pagkabigla ko dito sa inyo dito sa Cebu dahil para pong wala na ang Martial Law, isang buwan pa lang matapos pinaslang ang aking ama. Naramdaman ko po sa init ng inyong pagtanggap na talagang may pagkakataon nang manumbalik ang demokrasya, at talagang ang mga Cebuanong nangunguna pa ho noon, hindi pa naiisip ang People Power, nandoon na kayong ipinapakita kung paano lumaban sa diktadurya. Ulit: Daghang salamat sa imong tanan. [Palakpakan] Bago naman nangyari ang unang EDSA People Power, tumungo rin ang aking ina dito sa Cebu para manawagan ng civil disobedience, at talagang sinuportahan siya ng ating pinakamamahal na mga Cebuano. Tandang-tanda ko po, paano nga ba natin mapangangalagaan ang seguridad ng ating ina sa dami ng banta? Tanggalin ang lider, pinaslang ang aking ama, iniisip ko: May panganib na gagawin sa aking ina. Pero dito sa Cebu, noong umusbong ang EDSA Revolution, talaga naman pong sa piling ng mga Cebuano ay ligtas na ligtas siya. At sa lahat ng ito, ang masasabi ko: Noong mga sandaling iyon nag-umpisa ang pagtanaw ko ng sobrang utang na loob sa inyong mga taga-Cebu. Ito rin po ang punto bakit narito tayo ngayon: Ang muling makasama kayo. Maibahagi ko lang po: Kahapon, paglapag natin sa inyong airport, napansin kong medyo madilim yung kalsada patungo sa inyong convention center. Pati na rin yung convention center, madilim. May lampposts po, pero tila post lang —wala yung mismong ilaw na mahal. Yung iba ho, ni post, wala na rin. Di po ba, naging kontrobersyal ang overpriced lamps na iyon na binili ng nakaraang liderato, pero ngayon ay di mapakinabangan? Sa totoo lang, napapailing na lang ako tuwing naaalala ko ang isyung ito. Yan nga mismo ang pagkakaiba ng lumang sistema kumpara sa ating Daang Matuwid. Sa kanila, ang naging tanong ng namamahala: Paano ako makikinabang sa puwesto? Nang sinabi nating “Kung walang corrupt, walang mahirap,” kung saan walang sinumang maiiwan, iisa lang ang naging tanong natin sa pagpapatupad sa bawat proyekto at programa ng gobyerno. Ito lang po ang sukatan: Paano ba higit na makikinabang ang ating mga Boss, ang taumbayan, lalo na yung mga nasa laylayan ng lipunan sa minumungkahi ninyong proyekto o programa? Pag hindi makapasa sa sukatan na iyon, itabi na yan. Diyan nga po nagbubunsod ang mga proyekto natin para sa Cebu. Sa imprastruktura, nandyan ang Mactan Island Circumferential Road, na natapos ang pagsasakongkreto nitong Disyembre ng 2015. Nakumpleto na rin ang rehabilitasyon ng Serging Osmeña Boulevard noong Hunyo ng nakaraang taon. Yun pong mga underpass sa Channel 2 Section at Viaduct Section ng Cebu South Coastal Road, natapos na nitong nakaraang Enero. Yung Ouano Avenue sa Mandaue City, Hunyo pa ng 2013 nang matapos ang pagpapaayos. Lalo pang lilinaw ang transpormasyon kapag nabuo ang mga naglalakihang proyekto tulad ng bagong Passenger Terminal Building sa inyong Mactan-Cebu International Airport. Sinimulan po ang konstruksyon nito noong Hunyo ng 2015; pag natapos ito sa 2019, ang passenger capacity ng airport, aabot sa tinatayang 15 million na pasahero, mula sa dating 4.5 million. [Palakpakan] Sa nakaraang taon po, pumalo sa higit 3.9 million ang pinagsamang foreign at domestic tourists na dumayo rito sa Cebu. Ang bawat isa sa ating foreign at domestic tourists, gagastos para umikot o kumain dito; yung iba, matutulog sa hotel, o kaya kukuha ng tour guide. Nasabi ko na rin noon: Kada isang foreign tourist arrival, katumbas ay isang trabaho para sa Pilipino. Isipin po ninyo ang lawak ng pakinabang na hatid ng turismo kung 15 milyon na ang bumibisita sa inyong probinsya. Mga Boss, nang nire-review ko po ang lahat ng nagawa natin para sa inyong probinsya, ang sabi ko: Ibang klaseng pagtutok at pagmamahal talaga ang ipinakita ng Daang Matuwid sa Cebu. Para sa mga paliparan, daungan, at mass transit naman po, naglaan na tayo ng dagdag na P856.14 million ang ating DOTC. Para naman suportahan ang agrikultura, naglaan na rin tayo ng karagdagang P1.61 billion para sa irigasyon at sa farm-to-market roads. Sa mga kalsada’t tulay, flood control projects, at iba pang imprastruktura tulad ng health facilities at gusaling pang-eskuwela at pang-gobyerno, halos P32 bilyon po ang inilaan natin para sa Cebu mula 2011 hanggang sa kasalukuyan. Malayong-malayo ito sa P12 bilyon mula 2005 hanggang 2010 ng ating sinundan. [Palakpakan] Kita niyo naman ang binabandera ng pinalitan natin; tingnan naman po ninyo ang nagawa ng Daang Matuwid. Kaya nga nagtataka ako pag may nagsasabing: Pinabayaan ng Daang Matuwid ang Cebu. Ang sagot ko: Kayo na ang bahalang magtanong sa mga Boss nating Cebuano kung sino ang nagpabaya kanino. At malalaman natin ang tugon matapos ang Mayo 9. Ngayon nga po, kita na ninyong totoo ang “Good governance means good economics.” Dito po sa inyong probinsya, totoong may trapik dahil sa mataas na car sales—ganoon din po sa National Capital Region—pero isipin po ninyo, kada buwan naman kasi nasa higit 26,000 na bagong sasakyan ang namamasada sa mga kalsada sa buong bansa. Hindi po ganoon kadaling maglatag ng imprastruktura, pero todo sikap ang gobyerno na matugunan ang inyong mga pangangailangan. Dito nga po sa Cebu magkakaroon ng kauna-unahang Bus Rapid Transit system sa buong Pilipinas. [Palakpakan] Di po pwedeng bara-bara ang paggawa nito. Kailangang pag-aralan, kailangang may lohika, kailangang magawa nang tama. Kasalukuyan na nga pong ginagawa ang detailed engineering design nito, at kapag nakumpleto ang proyekto sa Hulyo ng 2018, lalong magiging moderno ang imprastruktura po ng Cebu. Siyempre kasabay niyan ang ibang inisyatiba. Kanina, pinasinayaan natin ang PAGCOR school building sa Guadalupe Elementary School, nag-turnover tayo ng kaaayos lang na heritage sites na lalong magpapasigla sa inyong turismo. Kakabit po ng lahat ng ito ang lalong pag-unlad ng inyong lalawigan. Ngayon po, may mga nagtatanong sa atin: Paano na lahat ng magagandang nangyayari sa bansa, ngayong pababa ka na sa puwesto? Haharap nga tayo sa sangandaan sa Mayo. Ang sa akin po, sa pagpili ng pinuno: Doon ba tayo sa tila kung umasta, diktador? Doon ba tayo sa dahil walang maisagot sa mga paratang ng pagnanakaw ay abot-abot na lang ang pagbanat sa ating mga nagawa? Doon ba tayo sa walang pruweba ng kanyang kakayahang ituloy ang pinaghirapan nating simulan, at umasa na lang tayong bakasakaling ituloy niya? Sa tingin ko po, malinaw na malinaw kung sino ang totoong may “K”: may kakayahan, may konsensya, may katotohanan sa salita at gawa, at siyempre, may Korina pa. Walang iba po yan kundi si Mar Roxas. Dito po sa Cebu, ang balita sa akin ay napakalakas ng inyong IT-BPM industry. Katunayan, kayo na nga raw po ang 7th IT-BPM destination sa buong mundo. Baka po mayroon pang hindi nakakaalam: Si Mar Roxas ang pangunahing dahilan ng pagpasok at paglago ng mga call center sa ating bansa; [palakpakan] ngayon, mahigit isang milyong trabahong diretsuhan na ang nalikha dahil dito. Alam po niyo, sa taong ito, inaasahan nating aabot ng 1.3 million direct employees ang BPO sector natin. Magdadala ito ng investment sa atin na $25 billion. Ang nag-umpisa po niyan, si Mar. Sabi nga ho, pag nandyan ka na sa mga call center at iba pang IT institutes, para ka nang OFW sa suweldo pero nasa Pilipinas ka pa rin. Nilikha po ni Mar ito, nagawa na ni Mar dati; wala akong dudang hihigitan pa ni Mar sa mga darating na araw. Kapag may dapat tugunan, kapag may hamon na hinaharap ang bayan, si Mar Roxas, walang atubili, walang drama—una sa ground zero, unang nagsasakripisyo, tahimik na ginagawa ang trabaho. Kay Mar Roxas lang natin ipinagkakatiwala ang pamumuno sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid. Gusto ko lang pong idiin iyan: DILG Secretary siya, may darating na bagyo. Alam nating nandoon si Mar, pero pumunta na rin kayo sa internet. Bilangin ninyo kung ilang beses na ibinibida ni Mar nandoon siya sa lugar na nasalanta. Palagay ko, pare-pareho ang alaala natin. Ang importante doon, tukuyin kung ano ang pangangailangan, siguraduhing dumating ang pangangailangan nang agaran, hindi yung magtaas ng sariling bangko. Importante po iyan, lalo na sa panahon ngayong maraming nagsasabing mahal nila kayo. Para naman sa pagka-Bise Presidente: inilalapit ko rin sa inyo ang isa pa nating pambato, si Leni Robredo. Nang mawala ang asawa niyang si Jesse, tumayong ama’t ina sa tatlong dalaga itong si Leni. Pero tinawag siyang maglingkod bilang kinatawan. Hindi matalikuran ni Leni ang tungkulin sa kanyang mga kababayan. Puwede naman niyang sinabing “Bago akong biyuda.” Puwede naman niyang sinabing “Dalawa pa ang pinag-aaral ko.” Puwede niyang sinabing “Isinasaayos ko muna ang buhay naming mag-iina.” Pero noong humiling ang sambayanan, hindi nagkulang si Leni, at bilang representante, ipinakita niya ang husay niya sa serbisyo, lalo na sa mga nasa laylayan ng lipunan, ang pinakanangangailangan. Ngayon, mas mataas na panawagan ang inilapit sa kanya—at muli, ipinakita niya ang kahandaang magsakripisyo. Totoo nga: Si Leni Robredo, maraming ginagawa, nagawa, at gagawin pa, at siguradong iisa ang salita. Baka may nakakita ho sa inyo, may ginawa kaming ad. Sabi ko ho sa ad, alam naman ninyong eksperto ako sa panliligaw, sa pag-aasawa na lang po ako nagpapaturo kay Junjun Davide. At ito pong eleksyon, kampanya, alam naman po ninyo, lahat ng klaseng panliligaw ay mangyayari. Pero mayroong sinsero at mayroong hindi, tama ho ba? At para makita, may kasabihan nga ho: Para makita mo ang paroroonan, tingnan mo ang pinanggalingan. Mayroon ho tayong kalaban, kalaban ni Mar, dati ho ang nag-umpisa sa kasikatan niya: Kalaban ni Marcos. Ngayong tumatakbo bilang Pangulo, sinubukang kunin ang anak ni Marcos bilang Bise Presidente. At yung anak pong iyon, hindi pa nagsasabing “May pagkakamali kami.” Noong hindi ho niya nakuha, ang sumama sa kanya ay yung dati niyang kalaban noong ipinagtatanggol daw ang demokrasya. Yung lumaban sa kudeta, ang kasama ngayon, yung nagkukudeta. Di ho ba marapat lang na matanong itong kaibigan nating ito: Kuya, saan mo ba kami dadalhin kung ikaw ang maging Pangulo? Ano ba yung move on? Sa kaka-move on mo, ano ba yung natira sa mga prinsipyo mong dating tangan? Sa panahon pong ito, naaalala ko tuloy ang sabi sa akin ng isang matalik kong kaibigan: “Noy, ang di ko mapapatawad doon sa iyong pinalitan, ay yung halos sampung taong nawala sa atin.” Tunay naman po: Di po ba, marami sa ating mga inisyatiba, puwedeng noon pa nagawa, kung ang naging tutok lang ng gobyerno ay sa taong pinangakuang paglingkuran, at di sa pagkapit sa puwesto? Yan nga mismo ang binali nating kaisipan at kultura. Sa halos anim na taon natin sa puwesto, sinulit at sinagad natin ang bawat pagkakataong mapaginhawa ang buhay ng ating mga Boss. Sa layo na nga ng ating narating, ipapaubaya pa ba natin ang ating kinabukasan sa “baka”? Baka hindi magnakaw. Baka hindi tayo abusuhin. Baka ituloy ang mga nasimulan natin. Ang akin po, bakit ba tayo pupusta sa “baka,” kung meron naman tayong sigurado? Sa lawak nga ng transpormasyong tinatamasa ng Cebu at sa buong bansa, tiwala ako: Kayo mismo ang magsasabing, sa Daang Matuwid, siguradong di maiiwan ang mga Cebuano. Sa Daang Matuwid, sigurado ang progreso. At sa Daang Matuwid—sa pamumuno nina Mar Roxas at Leni Robredo—siguradong magtutuloy ang lahat ng ito. Wala na pong 120 araw ang natitira sa ating termino. Ang di ko matanggal sa aking kaisipan, may mga nagsasabi sa aking—at ito po ay totoong-totoo—may nagpapayo sa akin na mga taong iginagalang ko rin, sabi nila sa akin, “Puwede bang wag ka nang mag-endorso ng sinuman?” Maging praktikal ka na lang, wala kang kaaway. Pag may inendorso ka, kakampi mo. Lahat ng kalaban niya, kaaway mo. Alam naman po natin kung gaano kadumi ang pulitika sa bansang ito. Palagay ko, hindi ako tatantanan ng kung ano-anong mga akusasyon at kabulastugan. Ang importante lang, mailagay ang mga sarili nila sa pahayagan. Puwede ko namang inisip na “Sige, puwedeng dito na lang ako sa tabi, tutal marami na namang nagpapapansin na diyan.” Tahimik ang buhay ko. Mapapakinabangan naman ng mga kapatid ko, mga pamangkin ko, ang konting katahimikan sa amin pong buhay. Pero palagay ko po, pag ginawa ko iyon, tila nagkulang ako sa inyo. Itinuring na rin naman po ninyo akong “Ama ng Bayan,” tapos dito sasabihin ko sa inyong bahala na kayo. O nagawa ko na ang parte ko. O bahala na si Batman sa inyo. Hindi ho yata ako pinalaki nang ganoon. May responsibilidad ako sa inyong ibahagi ang pagsusuri sa lahat ng mga naghahangad na tayo’y dalhin sa mas magandang lugar. Palagay ko naman po, tumupad na ako sa inyo sa ating usapan na ang iiwan ko, di hamak na mas maganda sa atin pong dinatnan. At uulit-ulitin ko lang po: Kayo ang gumawa ng lahat ng ito. Ang direksyon ng patutunguhan natin, kayo pa rin ang huhubog. At iyan po, kailangang maging tama ang desisyon natin sa ikasiyam ng Mayo. Kinabukasan natin ito, tayo ho ang may responsibilidad. Mga kaigsoonan, ang sunod nga Presidente sa Republika sa Pilipinas, walay lain, kundi si Mar Roxas.[2] |