President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Calamba City, Laguna
Old Plaza, Brgy. Del Pilar, Calamba City, Laguna
09 March 2016
 
Aminin po natin: Pag naisip ang Calamba, hindi natin maaaring ihiwalay si Gat Jose Rizal. Sa akin ho, talagang memorable yan. Siyempre, dumaan tayo sa pag-aaral, mahabang paksain ang buhay ni Gat Jose Rizal. At mayroon akong kabatch, bumabagsak siya sa history course. Hanggang naisip niya, bakit hindi siya mag-organize ng field trip sa bahay ni Jose Rizal. Ang guro niya, nagkaroon ng pagkakataong makaupo sa kama ni Jose Rizal. At dahil nakaupo, pakiramdam niya ay tila nasa langit na. Kaya yung kabatch kong di malaman kung paano siya papasa, sinabi niyang pasado siya. At pinapasabi rin niyang salamat sa inyong mga taga-Calamba, nakatawid siya doon sa kursong iyon.

Alam naman po ninyo, ipinangako ko sa inyo noong araw ang ambisyon ko. Sa ibinigay ninyo sa aking anim na taon, 113 araw na lang po ang natitira. Maganda sigurong magbalik-tanaw tayo kung saan tayo nanggaling, nasaan na tayo ngayon. Pangako ko sa inyo noong araw, pagbaba ko sa puwesto, ang ambisyon ko: Ang iiwan ko sa inyo, di-hamak na mas maganda sa akin pong dinatnan. Ngayon lang hong pagkakataong ito—tinuruan ako ng magulang kong huwag magtaas ng sariling bangko—pero baka naman importanteng makita natin kung saan tayo nanggaling at nasaan na tayo ngayon.

Kanina po, nandoon ako sa turnover ceremonies dahil nagpalit na po ang Commander General ng Air Force—doon po ginawa sa Lipa. Binaybay po natin ito ng helicopter. Ang nakakagulat po, kapag inisip ay Calamba, si Jose Rizal [ang unang maiisip]; pag Biñan, tupig, puto, at marami pang iba. Nakakagulat nga po dito, hindi lang sa napakaraming subdivision, factory—kanina may nakita pa akong factory, may katabing [batching plant], dikit-dikit yung kanilang heavy equipment na tila bago lahat. Kaalinsunod noon, mayroon namang subdivision na mukhang itinatayo, at sa laki ng subdivision, parang isang distrito na ang laki ng kalsadang ginagawa doon.

Balikan natin muna kung saan tayo nagmula. Noong araw po—malamang hindi alam ng marami ito—taong 2005 hanggang 2010, ang ating sinundan, para sa public works po ng lalawigan ng Laguna ay nagkakahalaga ng P3.68 billion. Tandaan po natin ang numero. Nito po naman na nakaupo na tayo sa pahintulot ninyo, noong 2011, P12.61 billion na po ang naihatid natin dito sa Laguna. [Palakpakan] Ipinaalala sa akin ng DPWH, naisakongkreto na raw nila yung Lipa-Alaminos Road, pinalawak po yung Manila South Road. Yung Sta. Rosa-Ulat-Tagaytay Road at San Pedro Bridge, apat na lane na raw po ngayon para mas madaling baybayin. Ngayon po, ipapagawa rin ang South Luzon Expressway Toll Road 4 at ang North-South Railway Project South Line.

Ngayon, dito tayo sa mga palagay kong pinagkaiba. Naaward na yung Cavite-Laguna Expressway, at tinatayang talagang malaki ang maitutulong sa tuluyang pag-asenso sa lalawigan ng Laguna. Dito po, may kailangan tayong imprastruktura, imbis na gobyerno ang magpapagawa, pumasok ang pribadong sektor at nagpagandahan ng alok sa atin. “Bigyan niyo kami ng pahitulot na kami ang gagawa ng project na yan.” Kaya ho Private-Public Partnership Project.

Paano yung pagandahan? Yung imprastrukturang kailangan natin, nag-uunahan silang gumawa tapos nagpagandahan ng alok. Ano ho yung pagandahan ng alok? Nagkaroon ng bidding. Yung una, tila mananalo yung nag-alok na sila ang gagawa na ma-operate ang toll road; babayaran ng gobyerno at taumbayan ng P11 billion. Sabi ko, “Teka muna. May nag-alok ng P20 billion para sa pribilehiyo. Paano ko ipapaliwanag sa taumbayan yung P9 bilyon na puwede pa nating magamit sa ibang bagay?” So nagkaroon po ng rebidding. Yung iba, hindi na nag-participate, pero mayroon namang mga nag-participate sa rebidding. At yung alok na P20 bilyon, naging P27.3 bilyon po.

Ano ba ang kahalagahan niyan? Pag tayo ho, kunyari yung mga LRT, MRT, noong ibigay ang proyektong iyan, kailangan tayong magbigay sa kanila ng kung ano-anong pabuya para lang maitayo yung hindi kaya ng gobyerno. Dito ho, sa Daang Matuwid, nakikita nilang pagkakakitaan nila, kaya nag-uunahan sila na bayaran tayo para itayo yung imprastrukturang kailangan natin. Hindi ko po masasabi sa inyong malapit na iyang CALAX na iyan. Ang maliwanag lang ho: Naaward na, may obligasyon yung nanalo na itayo yung imprastruktura sa mga oras na itinakda. Una po iyan.

Pangalawa, naalala natin itong Laguna Lake na dredging project. Sabi po nila, kailangan nating bawasan yung baha. Maganda! Kailangan nating paramihin yung kakayahan ng lawa na maipon yung tubig. Tama! Ang solusyon nila, huhukay ka ng putik. Siyempre ang importante doon, saan natin ililipat yang putik na tatanggalin ninyo? Ang sagot sa akin, kukunin sa isang parte ng lawa, ililipat sa kabilang parte ng lawa. Sabi ho ng kabataan namin, ang tawag doon eh di lawa rin. [Tawanan] Kunwari sa batya, lalagyan mo ng buhangin. Kukunin mo yung buhangin, ilalagay mo sa ibang bahagi ng batya. Hindi yata dadami yung tubig na laman niyan. Ang pinakamasaklap po sa dinatnan natin, para maglaro tayo ng sarili nating putik, sinisingil tayo. Iyon ang proyekto noong araw: P18.7 billion ang sisingilin sa atin kung pinayagan natin yang proyektong yan. Ipinahinto ko po. Palagay ko kalokohan yung maglaro ng putik.

Ang ipinalit natin diyan, itong tinatawag na Ring Road Dike, kung saan may parte na lalagyan ng mga dike. Lalagyan yung taas ng dike ng kalsada. May parte ng dike na mare-reclaim mula sa lawa. Yung na-reclaim na parte ang magiging pambayad sa gagawa ng proyektong ito. Ano ang ikinaganda ng proyektong iyan? May imprastruktura tayong kailangan, may pambayad tayo sa imprastrukturang iyan, at dahil sa kalsadang iyan po, ang mga lugar na dati’y napakaliblib at napakahirap puntahan ay mabubuksan na ngayon. Mabibigyan na naman ng dagdag na oportunidad ang lahat ng kababayan natin. Ulitin ko lang po: Dati, laruan ng putik; ngayon, matinong proyekto. Iyan po ang Daang Matuwid.

Pumunta naman tayo sa alam na alam ni Kuya Joel. Namuno po siya ng TESDA at nagpatuloy na mamuno ng TESDA—dahil noong 2013 ay tatakbo na po itong senador. Nakiusap lang ako, “Teka muna, ang ganda na ng ginagawa mo. Maghahanap na naman tayo ng kapalit, baka masira yung magandang ginagawa mo. Sa Training for Work Scholarship Program ng TESDA, mayroon na pong 34,781 graduates mula 2010 hanggang 2015 sa lalawigan ng Laguna. [Palakpakan] Sa sobrang galing po ng palakad niya, mayroon silang programang kasama ang Coke, ang tawag ay “Star.” Tinutulungan yung mga nagpapatakbo ng sari-sari store. Ang graduates noon ay 40,000 graduates. Ano ang ginagawa doon, tutulungan yung may-ari ng sari-sari store kung paano maisagad yung kita niya. May isa ho silang graduate doon—karamihan ng graduate nila, ganito ang istorya: Bago sila tinulungan, P800 ang kita kada araw. Pagkatapos tinulungan, naging P5,000 per day ang kita.

Ang itinuro lang doon: Paano ba ang tamang pag-iimbentaryo? Paano mo ba ididisplay yung mga produkto mo? Paano mo ba sisiguraduhin na yung pagkukuwenta mo ay angkop, kumpleto? Lahat ho ng ganoong skills. Yung isa pong itinuturo: Ano ang gagawin mo sa kinikita mong sobra? Saan ba natin iiinvest ito para lalong lumago? Sa madaling salita po, yung graduate na iyon at marami pang iba, P800 naging P5,000; yung P5,000 i-multiply natin sa 30 days in one month, lalabas po iyon, kung tama ang kuwenta ko, P150,000. Tama ho ba? Ang suweldo po ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas, P120,000. Kaya pagkatapos ko dito, in 113 days, baka in one year and 113 days, mag-aapply na rin ako ng scholarship diyan sa TESDA. Yung mekaniko naman ho kasi doon, P250,000 ang suweldo. Sa abroad po iyon.

Sa PhilHealth naman, kung iyon ang pag-uusapan natin, mayroon pong 2.56 milyong benepisyaryo sa Laguna na kabilang doon sa 93 milyong Pilipinong miyembro na at nakikinabang na sa PhilHealth. Ang populasyon natin ay lumampas nang sa kapiraso po sa 100 milyon. So, mga 93 percent ng population natin, PhilHealth accredited na. Puwede hong malaman kung mayroong nakinabang sa PhilHealth dito sa lugar natin ngayon? Pakitaas po ang kamay. Mayroon naman!

Sa Pantawid Pamilya, 44,553 na ang benepisyaryo dito sa Laguna.Nang nag-survey noong 2009, ilan ang pamilya o kabahayang kailangan ng tulong? 4.6 milyong kabahayan. Ang natulungan po nila, sa totoo lang, ay halos 780,000. Tayo po, sa matinong pamamahala, naiangat na natin halos taon-taon, pamilyon nang pamilyon. Kaya this year po, yung natukoy na 4.6 milyon, yung natitirang 200,000 matatapos natin sa taong ito. Resulta: 7.7 milyong Pilipino na ang nakatawid sa tinatawag na “poverty line.” Ulitin ko lang po: Itong nangyaring ito ay dahil sa inyong tulong, sa inyong pahintulot. Mayroon tayong maipagmamalaking 7.7 milyong Pilipino ang hindi na masasabing doon sa “extreme poor.”

Sabi nga ng Social Weather Stations survey nitong Pebrero: Apat sa bawat limang Pilipino ang boboto sa mga kandidatong magpapatuloy ang Pantawid Pamilya.

Kaya lang ho, bilang ama ng bayan, paalala ko lang po: Yung iba hong aangkin na magpapatuloy, sila rin ho yung nagkukuwestiyon o gustong mag-imbestiga ng Pantawid [dati]. Noong 2013, parang haharangin [nila]; ngayon, sila ang magpapatuloy. Akala yata nila nag-uulyanin na tayo.

Dati ho, yung Pantawid, yung 780,000—gawin na nating 800,00 para madaling kuwentahin. Ang probinsya po natin 81—para madali nang kuwentahin, 80 na lang. 800,000, i-divide natin sa 80 provinces, ang labas ay mga sampung libo kada probinsya. Galing po akong Bohol, naalala ko, 560 lang na pamilya ang tinutulungan doon. Punta ka ng Cebu—tinatawag nilang balwarte nila—5,600 lang. Ang masakit ho, sa Bohol, ang talagang nangangailangan doon na tinutulungan natin ngayon, 49,900 plus. Yung sa Cebu, yung 5,000 na tinulungan nila sa balwarte nila, kulang-kulang 150,000 na po yung ating tinutulugan doon. Ngayon, sabi sa 20 most depressed provinces, yung isa, 20,000, yung isa, 70,000. So mukhang pati yata itong “Sinong tutulungan ng Pantawid?” puro pulitika ang dinadaan noong araw. Kami po, mayroong survey, sinuri ang bawat Pilipino: Sino ba ang talagang nasa laylayan ng lipunan na kailangan tulungan? At yun ang basehan ng sino ang dapat tulungan at sinong hindi kailangan tulungan.

Alam niyo, mga kapatid, hindi naman ako kandidato kaya wala akong karapatang mahabang magsalita ngayong araw na ito. Mas importante ho yung mga magpapatuloy ang pakinggan niyo, dahil ako nga ho, sa 113 days na natitira, sa 144 retired na.

Ito, palagay ko, ang pinakabuod ng gusto kong sabihin sa inyong lahat: Noong tinanggap ko po ang hamon noong 2009, kakamatay po ng aking ina, malinaw po sa akin na hindi ako papasok dito para lang sumikat o para lang itaguyod ang sariling interes. Hindi ako nandito para humalinhin sa pagsakay sa merry-go-round. Hindi ba ganoon sa merry-go-round: Sasakay ka, tatakbo paikot, pagkatapos babalik doon kung saan ka nag-umpisa, kung saan wala tayong pinatutunguhan. Tinanggap po natin ang hamon dahil batid natin ang pagbabagong kaya nating gawin. Nangako nga po ako sa inyo noon, at wala naman pong dudang tumotoo ako sa inyo noong sinabi kong “Ang iiwan ko, di-hamak na mas maganda kaysa ating dinatnan.”

Sabi nga ng isang nakatatandang babae sa lalawigan ng Nueva Ecija, “Mag-ingat ka, Noy, marami kang makakabangga.” Totoo nga po iyon: Nandyan ang mga sinakdal nating dating kasapi ng gobyerno. Yung pinalitan ko po, alam niyo, nasa hospital arrest. Napatalsik po natin ang dating Chief Justice ng Supreme Court. Marami tayong—sa kasabihan po sa Ingles—“I disturbed the rice bowl.” Sa Tagalog, pinakialaman ko ang pinagkakahanapbuhayan nilang inaapi kayo. Ewan ko po kung ano ang mangyayari sa kapalaran ko, basta ako na lang po ang damay. Okay na rin ho iyon. Okay naman ako doon dahil ako’y tumotoo sa inyo at may nangyari sa pagtitiwala niyo.

Ako po’y panatag ang loob ko na lahat ng desisyon ko, naaayon sa batas. Lahat ng pinagdaanan ng mga kasama ko sa biyahe kong ito, sa paglakbay sa Daang Matuwid, mula sa aking gabinete hanggang sa kanilang at aking mga staff, puwede kong masabi sa lahat nang mata sa mata, “Sulit ang lahat ng pagod at hirap dahil ginagawa na nating permanente ang pagbabago.” Nagawa natin po ito dahil binigyan ninyo ako ng mandato, ng pagkakataong baguhin ang sitwasyon ng Pilipinas.

Mga Boss, hindi natin magagawa ang lahat ng ito kung hindi natin sinimulan ang pagbabago. Sasayangin ba natin ang pagkakataong ito na ibinigay sa ating ituloy pa ang maganda nating nasimulan?

Ngayon nga po, binibigyan ulit tayo ng pagkakataong pumili at gumawa. Kayo ang magdedesisyon kung saan natin dadalhin ang bansa. Ako po ay puwedeng magmungkahi, ako po ay tulad niyong may isang boto. Ako po ay kasama niyo sa may tangan ng responsibilidad sa ating pupuntahan. Bilang ama ng bayan, puwede naman po akong manahimik ngayong panahon ng kampanyahan kung saan maayos na ang kalagayan ng aking pamilya. Pero hindi po kakayanin ng konsensya ko na manahimik lang ngayon. Hindi po ako yung tradisyonal na pulitiko na nag-iisip parati na “Wala na lang akong gagawing kaaway, para lahat, maski papaano, kaibigan ko.” Ang akin po: Wag nating sayangin ang pagkakataong ito.

May kasabihan nga po tayo: Bago ka tumakbo, kailangan mo munang matutong lumakad. Naumpisahan na po natin ang magagandang kuwento ng buhay ng Pilipino. Nakabangon na po tayo sa pagkakadapa, at natuto na tayong lumakad. Ngayon po, nasa yugto na tayo ng pag-arangkada. Paano natin ito gagawin kung iibahin ng susunod sa atin ang direksyon? Iaasa po ba natin ang ating kinabukasan sa hindi sigurado? O doon naman sa iba na sadyang gusto tayong paatrasin pabalik sa dating kalakaran? O sa iba na di alam kung paano tayo tuturuang tumakbo? Ang importante nga po dito, may garantiyang magpagpapatuloy sa tamang ginagawa natin.

Alam po niyo, hindi ko maalis isipin na noong nag-umpisa ang Martial Law, noong bumaliktad ang aming mundo, labindalawang taong gulang lang po ako noon. Pagbaba ko po sa puwesto—at ngayon po, ako’y 56 years old na—44 years na po tayong nakikihalo sa larangan ng buhay-pulitika ng ating bansa. Kadalasan po noong araw, ako’y dakilang alalay ng aking mga magulang. Sabi po ng aking ama, noong 1978 Interim Batasan Elections, sabi niya, “Pagbigyan niyo na akong tumakbo dito sa huling halalang ito, dahil ito lang ang pagkakataon kung saan puwedeng magtipon ulit ang mga Pilipino.” Noong panahon ng Martial Law, batid ng nakakatanda, pag lumagpas ng tatlong taong nag-uusap, illegal assembly [na iyon], kulong. Pag nakulong, bahala na raw kung may paglilitis; bahala na kung mapapakawalan ka. Dagdag pa niyang pangako sa amin, pagbaba raw po ni Ginoong Marcos sa puwesto, may dalawang taon kaming mamuhay muna sa ibang bansa, para makalimutan ang lagim ng Batas Militar. Dinagdag pa niya, kawawa naman ang papalit kay Ginoong Marcos. Sa dami ng problemang iniwan niya, masuwerte kung hindi ipagtabuyan ang taong papalit, dahil nainip ang tao sa kahihintay ng pagsosolba ng delubyong problemang iyon. Hindi niya naisip na ang nanay ko pala ang papalit kay Ginoong Marcos.

Kaya naman po, pagkatapos natin sa puwesto’t pagretiro, gusto ko naman hong masabi sa mga kapatid ko, gusto ko namang masabi sa mga pamangkin ko, gusto ko naman masabing ultimo sa kasambahay namin, na mayroon na rin tayong peace time. Na nasa maayos ang ating bansa. Na hindi tayo pipitikin ng ating konsensya na pinabayaan natin na hindi pa tapos ang trabaho.

Sa pahintulot po ninyo, sa akin pong pananaw at mungkahi, ang mamumuno sa ating laban para sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid, ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, walang iba kundi si Mar Roxas!