President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Philippine Air Force Change of Command and Retirement ceremony of LTGen. Jeffrey F. Delgado, AFP Commanding General, Philippine Air Force
AETC Grandstand, Fernando Air Base, Lipa City, Batangas
09 March 2016
 
Noong ika-66 na anibersaryo ng Philippine Air Force noong 2013, humarap ako sa inyo, at ang panata ko: Bago ako bumaba sa puwesto, tumatanod na sa ating himpapawid ang mga moderno nating sasakyan. Isang eksena ang matibay na patunay na tumotoo tayo sa ating salita.

Nitong huling opisyal na pagbisita natin sa Amerika, pagbalik sa ating airspace, sinalubong tayo ng dalawang brand new FA-50 jets at sumabay sa atin hanggang sa paglapag. Alam naman po ninyo, hindi biro ang matagumpay na pag-escort sa atin ng Air Force. Kinailangan ng wastong koordinasyon sa pagitan ng ating mga hanay sa ground at ng ating mga piloto. Naalala ko nga po noong panahon ng aking ina: Pabalik siya galing sa isang state visit sa Brunei, kasama po tayo. Ang sabi, sasalubungin ng mga F5 ang kanyang eroplano sa himpapawid para ito raw ay ma-escort paglapag. Hindi po yun nangyari, dahil hindi nagtagpo sa ere ang mga eroplano ng Pilipinas.

Kaya naman sa pagdungaw ko sa bintana noong mga sandaling sinalubong tayo ng mga FA-50s, at nakita ang pagsabay nitong dalawa, natural na humanga tayong muli sa ating mga sundalong Pilipino, at siyempre, sa pakikiisa ng sambayanan sa Daang Matuwid, dahil sa tayog na ng narating ng ating Sandatahang Lakas. Ito ang matibay na pruwebang marami tayong magagawa kung tayo po ay nagkakaisa.

Sandali tayong magbalik-tanaw: Di ba’t ang sabi noon, ang Air Force daw natin, “all air and no force”? Isa raw sa pinakamahirap na serbisyo noon ang pagiging kasapi ng Hukbong Himpapawid. Marami tayong piloto na ating sinanay ang napilitang umalis, sa kadahilanang piloto silang walang pinalilipad. Di naman natin sila po masisi. Nang magsimula tayo, nag-iisa ang ating C-130. Ibig sabihin, iisa lang din ang ating heavy lift aircraft na may kakayahang maghatid ng bulto-bultong kagamitan sa mga sundalong nakadestino sa malalayong lugar, o magpaabot ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo. Dito pa lang, makikita na ang estilo ng nakaraang liderato. Hinihingi sa inyong mga unipormadong hanay na pangalagaan ang seguridad ng bansa at bantayan ang ating teritoryo. Pero pagdating naman sa kagamitan, kakayahan, at kapakanan ninyo, para bang ang gusto nilang sabihin: Bahala na raw si Batman; tiis-tiis na lang kayo.

Sa pagkatagal-tagal na panahon, sinikap ninyong mga kawal na sagarin ang inyong makakaya sa kung anumang mayroon tayo. Halimbawa, ang mga helicopter po natin ay may kargang M60 na belt-fed po ito; madalas raw itong nag-jajam noong araw, kaya laging kailangang ikumpuni habang nakikipagbakbakan. Para gumana ito nang maayos, ang solusyon ng ating mga kawal, ito po’y ikinuwento sa akin: Maglagay ng roller gamit ang lata ng sardinas. Kako, yun po pala iyong makintab na attachment na nakikita ko noon. Nang makita ito ng mga dayuhan, ginaya nila ito at ginawang pormal. Siguro po, baka ibang brand na ng sardinas ang ginamit nila.

Palagay ko, sa hirap ng dinatnan nating sitwasyon noon, wala sigurong sinuman ang nag-ambisyon na balang-araw, magkakaroon tayo ng ganitong mga modernong sasakyan. Ibahin natin ang panahon ngayon: Sa Daang Matuwid, nangahas tayong mangarap, tinutupad natin ang ating mga pangarap, at ginagawa nating realidad ang mga ito.

Ang ating panata: Sa pag-unlad, walang maiiwan. Sa atin, ang reporma, abot hanggang himpapawid. Dahil nga po sa nawalang dekada, doble-kayod tayo para mapatibay ang ating Sandatahang Lakas. Nagtulungan tayo; tinukoy at inilatag ninyo sa lohikal at risonableng paraan ang inyong mga pangunahing pangangailangan, at sama-sama natin itong tinutugunan.

Mula Hulyo ng 2010, hanggang Pebrero ng 2016, nakapaglaan na tayo ng suma-total na P58.43 billion para sa ating AFP Modernization and Capability Upgrade Program. Malayo yan sa P31.75 billion na nailaan ng tatlong nakaraang administrasyon para sa unipormadong hanay. Sa ilalim din ng parehong programa, umabot na sa 68 proyekto ang ating nakumpleto, na lampas na rin sa 45 na pinagsamang natapos ng tatlong administrasyong bago sa atin.

Ngayon, ang dating nag-iisang C-130, tatlo na po; meron na rin tayong tatlong C-295 medium-lift aircraft, at labingwalong SF-260TP aircraft. Dagdag pa rito ang walong Bell-412 combat utility helicopters, at walong AW-109E attack helicopters. Bukod sa nabanggit kong dalawang bagong lead-in fighter jets, nakapila na rin ang pagdating ng dalawa pang C-130 ngayong taon; pati na ang pag-arkila natin mula sa Japan ng limang TC-90 training aircraft, na tutulong naman sa ating Hukbong Dagat sa pagpapatrolya sa ating teritoryo, partikular na sa West Philippine Sea. Sa susunod na taon naman, darating ang anim na Close Air Support Aircraft, at dalawang Long Range Patrol Aircraft. Sa paparating namang sampu pang FA-50, dalawa ang lalapag sa atin sa Disyembre ng kasalukuyang taon, at ang walo pa, inaasahan nating susunod sa 2017. Lahat naman ng mga dagdag na kagamitang ito, bahagi lamang ng ating PAF Flight Plan 2028, na layong paunlarin ang kakayahan ng Air Force na bantayan ang ating teritoryo.

Parami na nang parami ang ating mga kagamitan. Alam naman po niyo, hindi biro ang halaga ng mga ito. Ang mga magpapalipad nito, di-hamak na mas bata sa amin ni Lt. Gen. Jeff Delgado. Pero inaasahan kong magiging kasing-mature namin kayo sa pagpapalipad ng mga moderno nating sasakyan. Di ito parang mga butong pakwan sa dami. Sama-sama nating pangalagaan ito; gamitin ninyo ito sa tamang panahon at tumpak na layunin. Isabuhay ninyo ang pagiging responsable at propesyunal na kawal. Magtulungan tayo upang maparami pa ang ating mga makabagong kagamitan, at sa gayon ay lalong mapatatag ang ating Sandatahang Lakas.

Ang totoo po, di lang kagamitan ang tinututukan ng inyong gobyerno; pati ang iba pang pangangailangan ng ating unipormadong hanay, tinutugunan na rin natin. Para sa ating AFP/PNP Housing Program, mula Mayo ng 2011 hanggang Disyembre ng 2015, umabot na sa 61,378 housing units ang naipatayo natin. 25 percent po ng AFP allocation diyan ang nailaan para sa ating Hukbong Himpapawid.

Sa atin ding termino, itinaas natin ang inyong Subsistence Allowance at Monthly Hazard Pay, at itinaguyod ang pagkakaroon ng Provisional Allowance ng ating mga sundalo, pulis, at iba pang kasapi ng unipormadong serbisyo. Meron na ring Monthly Combat Pay para sa mga kawal nating sumasabak sa operasyon. Bukod dito, isinulong din natin ang mga programang pangkabuhayan sa mga aktibo man o retiradong sundalo.

Malinaw po: Nagawa nating palakasin ang Hukbong Himpapawid nang hindi nakakaligtaan ang iba pang pangangailangan, lalo na ng mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan. Kung tumugon tayo, hindi lang paisa-isang sektor, kundi pinipilit nating sabay-sabay. Isa lang pong halimbawa niyan ang pagbubuhos ng pondo sa ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ang target natin ngayong taon: sa wakas ay mapaabot na sa 4.6 milyong kabahayan ang benepisyaryo nito. Ngayon po, sa tulong ng programa, nasa 1.5 milyong kabahayan o katumbas ng 7.7 milyong Pilipino ang nakatawid na po sa tinatawag nating “poverty line.”

Nagawa natin ang lahat ng ito nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss; hindi po tayo nagdagdag ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax, na layuning mapaunlad ang ating serbisyong pangkalusugan.

Tunay po: Katuwang na ng ating Sandatahang Lakas ang isang administrasyong hindi lang nangangahas mangarap, kundi tunay nang tinutupad ang pinakamatatayog nating pangarap. Sa dulo naman ng lahat ng ito: Naging posible ang paghahatid natin ng positibong pagbabago sa inyong hanay, dahil sa inyong dedikasyon at propesyunalismo. Sa inyong wagas ang sakripisyo at pagmamalasakit sa ating bayan, walang ibang isusukli ang estado kundi malasakit din sa inyo at sa inyong mga pamilya.

Sa araw pong ito, kinikilala natin ang huwarang liderato ni Lt. Gen. Jeffrey Delgado sa inyong hukbo. Panahon pa ng aking ina, nagpakitang-gilas na si Lt. Gen. Delgado bilang miyembro ng Presidential Security Group. Nang maitalaga naman natin siya noong 2014 bilang inyong Commanding General, at hanggang sa mga sandaling ito, bitbit niya ang talas ng isip, di-matatawarang kakayahan, at ang kanyang angking husay bilang kawal, at bilang inyong hepe.

Ang sabi nga sa akin ng kanyang mga kasamahan: Ito raw pong si Lt. Gen. Delgado, hindi lang isang mahusay na pinuno, kundi isa ring “barkada ng bayan”: maalaga sa tao, at kung may problema ka, tungkol man sa serbisyo o kahit pa personal na buhay, ay talagang napakadaling lapitan. Kaya naman kay Lt. Gen. Jeffrey Delgado: Sa ngalan ng bawat kawal ng Hukbong Panghimpapawid, saludo, at nagpapasalamat ako sa halos dalawang taon mong matibay na liderato sa hanay na ito.

Ngayon po, mayroon nang bagong Commanding General ang ating Air Force. Tulad noon, malawak na kaalaman at karanasan din sa serbisyo ang naging batayan natin sa pagpili kay Lt. Gen. Edgar Fallorina. Sa serbisyo, kilala si Lt. Gen. Fallorina sa kanyang “attention to detail.” Sa dami nga raw ng dumadaan sa kanyang papeles kada araw bilang AFP Deputy Chief of Staff, maski maliit na salita, maling punctuation mark o spacing, hindi nakakalagpas nang hindi naitatama. Ang kanyang prinsipyo: Maikintal sa puso’t isip ng bawat kawani, kawal o opisyal, ang halaga ng paggawa ng tama sa bawat pagkakataon at sa bawat antas ng institusyon.

Sinasalamin ng disiplinang ito ang prinsipyo niyang laging maging “one step ahead.” Sa simpleng meeting man, o sa mismong operasyon, parati siyang handa at may tangan na datos, kaya’t nagagawa niya ang anumang layunin o misyon nang mabilis, wasto, at maayos. Ang katangian namang ito, pihadong magiging kapaki-pakinabang sa layunin nating maihakbang pasulong ang ating Hukbong Himpapawid.

Ang tiwala namang kaloob natin sa inyong bagong pinuno, kailangan niyang matapatan ng karampatang paglilingkod. Kaya kay Lt. Gen. Edgar Fallorina: Kaharap mo ngayon ang magigiting na kawal ng Hukbong Panghimpapawid ng Pilipinas. Ang marching orders mo: Maging gabay ka sa mas matayog pang lipad ng ating Air Force, kasabay ng pagpapanatili ng kultura ng malasakit, dangal, at propesyunalismo sa buong hukbo.

Sa darating na Mayo, muling haharap sa sangandaan ang sambayanang Pilipino. Sa iyong liderato, inaasahan ko: Gagampanan ng buong hukbo ang inyong tungkulin, batay sa inaasahan sa inyo ng sambayanan, at bilang mga alagad ng demokrasya; kompiyansa akong maisasagawa natin ang isang tapat, payapa, at matiwasay na eleksyon ngayong taon.

Tunay po: Simula nang bagtasin natin ang Daang Matuwid, malayo na ang ating narating. Mula sa pagtataguyod ng ating Sandatahang Lakas, sa pagbabantay sa ating teritoryo, hanggang sa araw-araw na pagtutok sa seguridad ng Pilipino laban sa masasamang elemento at anumang delubyo—nariyan kayo, buong-loob na hinaharap ang bawat hamon, at pinatutunayang ang mga dating itinuturing na “mission impossible,” sa pagkakapit-bisig ay kayang-kayang gawing “mission accomplished.”

Tiwala din ako, sa mga huling yugto ng ating termino, at habang tuloy-tuloy ang inisyatiba natin para patibayin ang buong Sandatahang Lakas, nasa likod ko kayo at higit pa ninyong ipapamalas ang wagas na serbisyo sa ating bansa at sa ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino.

Mga ilang buwan na lang po ang natitira sa ating termino at pupunta na tayo sa bagong yugto ng ating buhay. Siguro, papayuhan na tayo ni Jeff Delgado kung paano mainam gamitin ang retirement time. Pagdating po ng panahong iyon, kung magkita tayong muli, General Fallorina, hindi ka authorized na tawagin akong “tatang.” Ama po ako ng bayan, pero wala pa akong anak. Pero kung may maitutulong ako sa inyo, maipapayo, isang tawag lang po tayo.

Mga kasamahan, siguro kung mayroon pa akong inaasam-asam pa sa aking buhay, baka maisip ninyong pagtapos ng Hunyo, at sana maisip ninyo: Minsan may nangahas mangarap, at yung pangarap ay naging totohanan na dahil sa pakikisama ninyo, pakikipagtulungan ninyo, at pagiging kaisa kayo sa Daang Matuwid.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.