March 10, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 37th Philippine National Police Academy Commencement Exercises for “Masundayaw” Class of 2016
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the 37th Philippine National Police Academy Commencement Exercises for “Masundayaw” Class of 2016 |
Camp General Mariano Castañeda, Silang, Cavite |
10 March 2016 |
Ito na nga po ang huling pagkakataon na dadalo ako sa pagtatapos sa Philippine National Police Academy bilang inyong Pangulo. Ngayong kaharap ko kayo, nakikita natin ang inyong paghakbang sa panibagong yugto ng inyong buhay bilang mga lingkod-bayan. Sa mga bagong miyembro ng ating unipormadong serbisyo, ang Masundayaw Class of 2016, sa inyong mga magulang at mahal sa buhay: Congratulations po sa inyong lahat.
Sa halos anim na taon nating pagtahak sa Daang Matuwid, malayo na ang ating narating; marami na po tayong napagtagumpayan. Alam din nating mayroon pa ring mga dapat tugunan, pero ang mahalaga, tinututukan na natin ang mga ito nang hindi na maipamana pa sa susunod sa atin. Alam naman ninyo ang ating pinanggalingan. Pumasok kayo bilang plebo noong 2012, kung kailan sariwa pa ang mga horror story ukol sa kapulisan, na naganap sa panahon ng ating sinundan. Nariyan ang pagbili ng mga chopper sa presyong brand new, pero yun pala, secondhand lang. Mayroong mga bagong pulis na para lang magkabaril, kailangan pang bilhin ang rights ng mga nagreretiro. Kuwento rin sa atin, malaki ang gastos noon para lang makapasok sa pagpupulis. Ang solusyon ng mga nagnanais magserbisyo: mangutang. Tuloy, bago pa maging pulis at magkasuweldo, ang iniisip na: Paano makakabangon sa pagkabaon sa pagkautang? Noon naman pong mambabatas pa lang tayo, nalaman natin ang mahirap na sitwasyon ng ating mga bumbero. Kapag may sunog, siyempre may makapal na usok; pahirapan ang huminga. Pero dahil walang breathing apparatus, bubugahan na lang daw ng tubig ng ating mga bumbero ang usok para maitaboy at para makaresponde. Ito nga po ay ilan lang sa mga problemang ating dinatnan sa inyo pong mga hanay. Napaisip nga tayo: Sa ganitong sitwasyon, paano kaya gaganahan ang mga tulad ninyong nais pumasok sa serbisyo? Nagbubuhos kayo ng dedikasyon para arugain ang Estado, pero kulang-kulang naman ang suportang ipinagkakaloob sa inyo. Paano ninyo makikita ang maliwanag na kinabukasan para sa pamilya, kung pinapalabo ito ng mga kapabayaan ng baluktot na kalakaran? Tapos na ang panahong iyan. Sa Daang Matuwid, nagpatupad tayo ng reporma; idiniin natin na ang mga nagtatanggol at nagmamalasakit sa taumbayan ay dapat ding protektahan at arugain ng Estado. Sa panata nating “Walang maiiwan sa kaunlaran,” kasama kayong nasa unipormadong serbisyo. Sa ating termino, pinaunlad natin ang “Shoot, Scoot, and Communicate” para sa inyong hanay. Kung dati, nasa serbisyo kayong walang tangang baril, sa ilalim ng Daang Matuwid, nakamit na natin ang 1:1 police-to-pistol ratio. Noong 2013 nga po, naipagkaloob na natin ang 74,879 units ng Glock 17 9mm pistol sa ating kapulisan. Kasabay nito ang pagbili natin ng iba pang kagamitan gaya ng 1,490 patrol jeeps, 247 na 4×4 personnel carrier at 69 light transport vehicles, 1,095 motorcycles, at 12,949 handheld radios. Bukod sa pagkakaloob ng mga kagamitan para mas epektibong masugpo ang krimen, pinaunlad din natin ang mga sistema at proyektong nakatuon sa mas matalino at mas pinag-aralang estratehiya sa pagsusulong ng peace and order. Meron na nga kayong modernong Integrated Ballistics Identification System, pati na ang Automated Fingerprint Identification System. Banggitin ko na rin ang Closed-Circuit Television Project ng ating PNP, para bantayan ang matatawag na crime-prone areas sa ating National Capital Region. Isa pa nga po sa mga sinisikap nating tugunan, at saksi po si PNP Chief Ricardo Marquez sa pangungulit ko, ay ang pagkakaloob sa ating mga kapulisan naman ng raincoat. Siguro ngayong El Niño, di pa ito masyadong gagamitin, pero paano naman po kapag humahagupit na naman ang panahon ng tag-ulan? Di naman puwedeng balewalain natin ang kalusugan at kapakanan ng mga nasa serbisyo, lalo na kapag sumasabak sila sa ating pong mga operasyon. At maski po pangatlo, pang-apat na si Gen. Marquez sa binilinan ko nito, siguro naman bago po ako makababa ay malaki-laki na ang natapos ni Gen. Marquez dito. Gaya ng nabanggit ko na, kailangan din nating suriin ang ating PNP Law. Sa ganitong paraan, matutukoy ang mga probisyong pumipigil sa agarang pagpapataw ng parusa sa mga pinunong nagkukulang sa pagtupad ng tungkulin. Gayundin, mapapaigting nito ang disiplina sa pagsunod sa ating mga patakaran, at mapapangalagaan ang karapatan ng lahat. Bukod sa mga nabanggit ko na sa kapulisan, buong-buo rin ang suporta natin para sa pagpapalakas sa kakayahan ng mga kasapi ng ating BJMP. Sa ating panunungkulan, ang ipinagkaloob nating pondo sa ahensya, umabot na sa P393 million. Kabilang dito ang pagbili at pagkakaloob sa inyo ng mga dekalibreng baril, portable radio systems, at maging prisoner vans. Para naman sa BFP, kabuuang P4.46 billion na ang ating naipagkaloob sa ilalim ng ating termino. Kasama sa mga binili natin para sa inyo ang bagong mga fire trucks, bagong kasuotan at proteksyon ng mga bumbero, pati na ang mga self-contained breathing apparatus. Para nga po sa ating buong unipormadong hanay, pinirmahan natin ang isang Executive Order na magdaragdag sa inyong mga umento: Ang monthly hazard pay, mula P240, tumaas patungong P390 ngayong taon; saklaw din ng EO na ito ang pagtaas ng inyong provisional allowance depende sa ranggo, kung saan may makakatanggap ng hanggang P14,214, at ang officers’ allowance para sa mga Senior Inspector pataas. [Palakpakan] Pati pabahay para sa ating mga kawal at kapulisan, talagang tinututukan natin yan. Higit sa 61,300 units na po ang nakumpleto sa ilalim ng programang pabahay natin para sa ating unipormadong hanay, at kasama ang mga kasapi ng PNP, BJMP, at BFP sa benepisyaryo po nito. Idiin ko nga po: Ang lahat ng benepisyo at suportang natatamasa ninyo, bunga ng matinding repormang isinusulong natin sa Daang Matuwid. Ang yumaong Secretary Jesse Robredo nga ang nagsimula ng positibong transpormasyon sa atin pong DILG; ipinagpatuloy at talaga namang pinalawak iyan ni Secretary Mar Roxas, na siyang tumimon sa inyong departamento sa loob ng halos tatlong taon. Ngayon naman po, iyang legasiya ng matapat at maaasahang paglilingkod ang siyang ipinagpapatuloy ng ating kasalukuyang DILG Secretary na si Mel Sarmiento. Sa lahat ng pamumuhunan nating ito upang paunlarin ang kakayahan ninyong mga kasapi ng unipormadong serbisyo, nakikita naman po natin ang positibong resulta. Pinatunayan ninyo: Kapag kinalinga kayo ng Estado, lalo kayong nagiging ganadong tuparin ang inyong mandato. Tingnan na lang natin ang ating crime statistics: Dati, ang pagrereport sa mga krimen, isinusulat-kamay sa mga logbook. Ngayon, ginagamit natin ang teknolohiya para sa mas episyente at mas mabilis na pagrereport ng krimen. At dahil mas tama ang datos, nakakapagpanday tayo ng mas epektibong mga estratehiya upang lumutas ng mga krimen. Ang Crime Solution Efficiency natin, mula 18.64 percent noong tayo’y naupo noong 2010, naiangat na sa 51.36 percent nitong 2015. Sa ilalim ng Oplan Lambat-Sibat, nakahuli na tayo ng 746 na Most Wanted Persons sa NCR, 499 sa Region 3, at 580 sa Region 4-A. Sabi nga sa atin ng dati ninyong hepe sa DILG, dahil sa paghuli sa mga utak at lider ng sindikato, napipigil na rin ang mga galamay nito, kaya’t bumabagsak ang bilang ng krimen. Kaakibat pa ng pagtugis sa masasamang loob, libo-libong baril at unlicensed vehicles ang ating nakumpiska o nai-impound. Sa atin namang BJMP, mula Hulyo ng 2010 hanggang nitong Disyembre ng 2015, nadakip ninyo ang 7,237 inmates at bisita nitong nagdadala ng kontrabando; nasabat din ninyo ang 48,699 na mga deadly weapons, mahigit 1,100 gramo ng shabu at marijuana, at halos 4,900 na drug paraphernalia. Sa lahat ng ito, isang matinding congratulations. Pero kasabay po nito, mapapatanong ka: Paanong nakapasok ang mga droga at kontrabando sa mga piitan? Palagay ko, kailangan pa nating paigtingin ang pagbabantay at mga proseso upang mas mapabuti pa ang ating serbisyo. Malinaw po: Nagawa nating palakasin ang inyong hanay nang hindi kinalimutan ang iba pang pangangailangan. Hindi paisa-isa ang ating tutok, kundi tinutugunan din natin ang iba pang nangangailangang sektor. Isa lang pong halimbawa niyan ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Ang target natin ngayong taon: Mapaabot sa 4.6 milyong kabahayan ang benepisyaryo nito. Kumbaga ho, yung natitirang 200,00 na lang ang natitirang target. Ngayon nga po, sa tulong ng programa, nabanggit na po kanina, nasa 7.7 milyong Pilipino ang nakalampas na sa tinatawag nating poverty line. Ang layunin po natin: Masiguradong hindi na sila babagsak muli sa tinatawag na poverty line. Nagawa natin ang lahat ng ito nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss; hindi po tayo nagdagdag ng bagong buwis, maliban sa Sin Tax, na layuning mapaunlad ang ating serbisyong pangkalusugan. Ngayon, bilang mga bagong pulis at kasapi ng ating unipormadong serbisyo, nasa balikat po ninyo ang responsibilidad ng pagtutuloy ng mga tagumpay na ito. Ang sabi nga po natin: Simula pa lang ito, kaya huwag sana ninyong sayangin ang pinaghirapan ng mga nauna sa inyo. Alam naman po natin, sa Mayo, halalan na naman. Para sa unipormadong hanay, panahon ito ng iba’t ibang tukso. Uulitin ko ang hamon ko sa bawat pagkakataong humaharap ako sa mga guma-graduate tulad ninyo: Kung abutan kayo ng sobre kapalit ng inyong dangal, magpapabili ba kayo? Kung may napangakong promotion kapalit ng inyong pananahimik, sa harap ng katiwalian o pang-aabuso, tatanggapin ba ninyo? Kung pinapili kayo: bayan o sarili, alin ang uunahin ninyo? Tiwala akong nahubog kayo nang husto ng PNPA upang manatiling tumatahak palagi sa Daang Matuwid. Sa mga darating na buwan, ang marching orders ninyo: Siguruhing ligtas, mapayapa, at tunay na sasalamin sa pasya ng ating mga Boss ang ating eleksyon. Tumalima kayo sa inyong tungkulin, at sumunod kayo sa utos ng inyong mga opisyal, pinuno, at sa buong liderato. Palagi ninyong alalahanin: Hindi kayo nag-iisa. Marami kayong katuwang sa paglilingkod, at magagawa natin nang mas tama at mas husto ang ating trabaho kung magiging wasto ang inyong pakikipag-ugnayan. Higit nating maisusulong ang inyong kapakanan kung magpapakita kayo ng tiwala sa inyong kapwa lingkod-bayan, lalo na sa iba pa ninyong mga kapatid sa unipormadong hanay. Alam niyo, bilang Pangulo, tuwing pumapasok ako sa ating mga kampo-militar, bahagi ng kanilang tradisyon ang magbigay-pugay. Pero pansin ko lang po lalo na noong umpisa, pagdating sa ating mga kapulisan, para bang hindi pa ninyo alam ang inyong gagawin. Sa totoo lang, hindi naman ako kulang sa pansin. Minsan nga, kung hindi tayo nakakasira ng tradisyon, kailangan i-waive na lang natin ang ganitong mga pagkilala. Pero sa ganitong simpleng kilos po, masasalamin din natin ang kabuuan, kung gaano kayo kasigasig at kagilas sa pagtupad ng serbisyo. Kalaunan nga, sa paglipas ng panahon, at mas nakakasalamuha ko kayo, kapansin-pansin na ang inyong sigla sa pagbibigay ng atensyon. Ngayon, mas matayog na ang inyong tindig at mas matikas na pati ang inyong pagsaludo. Patunay ito sa inyong kompiyansa at mas matayog na ninyong pagtingin sa sarili, bunsod ng pagbabagong ginawa at ginagawa natin sa inyong hanay at sa atin pong lipunan. Talaga naman pong marami sa inyo ang magpapakitang-gilas sa serbisyo at nagpakita na nga po. Kasama po riyan si Senior Inspector Charity Galvez, na matagumpay na pinamunuan ang pangkat upang mapaatras ang 250 na rebeldeng grupong sumalakay sa kanilang presinto sa Agusan del Sur noong 2011. Nariyan din ang apat na kababaihang pulis na kinabibilangan nina Juliet Macabadbad, Delia Langpawen, Mercelina Bantiyag, at Maricel Rueco. Baguhan man sa serbisyo, buong-loob silang rumesponde at nakipaglaban upang tugisin ang Martilyo Gang na nagnanakaw sa isang mall sa Pasay. Sa kanilang mabuting huwaran, at sa iba pa nating mga hanay na ibinubuwis ang kanilang buhay para sa kapayapaan, talaga pong isang taos-pusong pasasalamat. Alalahanin natin: Bahagi ng ating buhay at serbisyo ang araw-araw na pagharap sa sangandaan. Bilang kasapi ng unipormadong serbisyo, aarugain ba ninyo ang ating mga kababayan, o pahahabain lang natin ang kanilang pagdurusa? Bilang kasapi ng PNP, BJMP, at BFP, higit pa sa ibang mga kawani ng pamahalaan, kayo ang magsisilbing mukha ng gobyerno sa ating mga komunidad. Napakalaki ng papel na ginagampanan ninyo sa pangangalaga at pagsasaayos ng ating lipunan. Kayo ang takbuhan, ang sumbungan, ang frontliner sa panahon ng pangangailangan. Sabi ko nga po, kapag sinubukan mong magsalok ng tubig gamit ang iyong mga palad—at ito po’y itinuro sa akin ng aking mga guro—kailangan pakaingatan mo ito. Dapat, wala ni katiting na espasyo sa pagitan ng inyong mga kamay. Dahil kapag binuksan po natin, at may konting espasyo, maihahalintulad daw natin ang ating prinsipyo sa tubig na tumatagas. Hindi raw po pupuwede na kapirasong prinsipyo lang ang pakakawalan natin; nadadamay raw po lahat pag tayo ay nagbigay ng ganoong klaseng puwang. Tiwala akong sa lahat ng pagkakataon, magsisilbi kayong mga tapat na lingkod-bayan; lagi kayong papanig sa tama at makatwiran; lagi ninyong paglilingkuran ang ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Sa tulong ng Masundayaw Class of 2016, ng ating mga Boss, at ng Poong Maykapal, ay iiwan natin ang ating bayang mas mabuti, mas maunlad, at mas panatag kaysa ating dinatnan. Sa pagtatapos po, gusto ko lang ipaalala sa inyo: Yung ginawa nating tama, nakinabang ang lahat; yung ginawa nating mali, lahat rin napeperwisyo. Sana po hindi magiging mahirap ang pagpili ng tama laban sa mali. At, isa na lang po, baka ito po’y inaabangan ng ating mga graduate: In observance of the time-honored tradition of the Philippine National Police Academy, on the occasion of the graduation of PNPA Masundayaw Class of 2016, I, Benigno S. Aquino III, President of the Republic of the Philippines, hereby pardon all outstanding punishment tours and confinement to quarters of BSPS Classes 2017, 2018, and 2019 of the Cadet Corps, Philippine National Police Academy, as recommended by the director of the PNPA, effective today. Granted this tenth day of March, the year of Lord, 2016, at PNPA Camp General Mariano Castañeda, Silang, Cavite. Magandang tanghali po muli. Maraming salamat sa inyong lahat. |