President Benigno S. Aquino III’s Speech during the Commencement Exercises of the PMA “Gabay-Laya” Class of 2016
Philippine Military Academy, Fort Del Pilar, Baguio City
13 March 2016
 
Maraming salamat po, maupo ho tayo lahat.

Cadette 2nd Class Marohombsar, kindly give the troops ‘Tikas Pahinga.”

Vice President Jejomar Binay; Secretary Voltaire Gazmin; Secretary Mel Senen Sarmiento; General Hernando Iriberri; Lieutenant General Eduardo Año; Vice Admiral Caesar Taccad; Lieutenant General Edgar Fallorina; Major General Donato San Juan II; Brigadier General Tirso Dolina; Cavalier Anselmo Avenido, Jr.; Congressman Nick Aliping, Jr.; Mayor Mauricio Domogan; Governor Nestor Fongwan; members of the Foreign Armed Forces; other Generals and Flag Officers, Men and Women of the Armed Forces of the Philippines; PMA Gabay-Laya” Class of 2016; Cadette Corps Armed Forces of the Philippines; families and friends of PMA ‘Gabay-Laya” Class of 2016; fellow workers in government; honoured guests; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang tanghali na po sa inyong lahat.

Palagay ko po, tulad ng ibang mga estudyante, ‘tong mga kadete sa harapan po natin, ang unang-unang katanungan nakabalot sa kanilang kaisipan: gaano katagal kaya akong magsasalit,a handa na yata ang tanghalian nila. Bibilisan na lang po natin.

Ito na nga ang pinakahuling pagtatapos ng Philippine Military Academy na dadaluhan ko sa aking termino bilang inyo pong Pangulo. Sa pagharap ko sa inyo ngayon, aaminin ko, nang una ko pong makita yung napagkasunduang pangalan ng inyong batch, medyo nanlaki po ang mata ko. Para bang ang dating kasi — “Gabay Laya” — Gabay Laya: Gabay — Guide; Laya: kayo ang magga-guide sa kalayaan nating lahat.

Alam po niyo, tanging Sandatahang Lakas lang po ang makakapagtakda — parang sinasabi ko — tanging Sandatahang Lakas lang ang puwedeng magtakda kung ano ang kalayaan ang dapat tangan ng atin pong sambayanan. Buti na lang po, nong nakita natin yung kabuuan, pero bago nga ho non, naalala natin — Saligang Batas: Article 2, Section 3: “Civilian Authority is at all times, supreme over the military, the Armed Forces of the Philippines is the protector of the people and the State.” It’s goal is to secure the sovereignty of the state and the integrity of the National Territory.

Bumalik naman po sa normal ang tingin ko nang makita ko yung totoo at kumpletong ibig-sabihin ng batch name ninyo: “Gintong Anak ng Bayan: Alay ay Buhay para sa Kalayaan.” Don po, medyo kumalma po yung ating presyon.

Gusto ko nga pong pagdiinan ang tungkulin ng Sandatahang Lakas sa ating demokrasya, lalo pa’t ipinagdiriwang natin ang ika-30 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Nangyari po sa ating kasaysayan ang isang eksperimento, kung saan minsan kayong kinasangkapan para sikilin ang demokrasya at maipatupad ang mga kapritso ng iisang pamilya.

Sa ilalim naman po ng ating ina, ibinalik ang tiwala ng mamamayan sa inyo pong hanay, na nangakong pagsisilbihan ang taumbayan. Sa atin sa Daang Matuwid, sama-sama nating hinubog at pinalakas ang Sandatahang Lakas upang higit ninyong magampanan ang inyong tungkulin. Tandaan na po natin, sa atin pong lipunan, tanging Sandatahang Lakas lang ang may puwersa na kung makikihalo lalo na sa pulitika, e may tinatawag pong monopoly of power, tila hindi ho parehas ang usapan kaya importante nasa isip natin parating neutral tayo lalo na pagdating sa pamumulitika.

Nagsasagawa nga tayo ng malawakang modernisasyon, at masasabing ang matibay na patunay niyan ay ang unang pares ng ating brand new na FA-50 aircraft na atin pong binili. Akin lang po, pag dinetalye ko pa ang lahat ng ating ginagawa para sa Sandatahang Lakas, baka abutin tayo rito ng merienda cena — macancelled pa at antukin na po kayong lahat. Tandaan na po natin: May usapin dito ng pambansang seguridad, at sa tuwing binabanggit natin ang ating mga bagong kakayahan, para na rin nating tinukoy sa mga kalaban ng estado kung ano ang dapat nilang paghandaan. Ang masasabi ko na lang po: Nasa 68 big ticket projects na ang ating nakumpleto, na nagkakahalagang 58.43 billion pesos.

Sa pagpasok ninyo sa serbisyo, kayo na mismo ang makakaalam kung ano na ang mga kakayahan natin. Yung mga nauna naman sa inyo, pihadong iisa ang sentimyento: Buti pa kayo dahil isang mas maunlad na AFP ang papasukan ninyo. Kayo naman siguro lalo na sa ‘Gabay-Laya’, ang sasabihin, isang magandang PMA naman ang iiwan natin dahil talagang mas magaganda na ang mga barracks, sports facilities at iba pa niyong mga kagamitan at gusali dito sa inyong Fort Santiago pinakamamahal. Dahil nga sa buong-buong pagkalingang binibigay sa inyo ng Estado, masasabi nating mas dadali ang buhay ninyo.

Tanda ko nga, nung unang beses akong humarap sa Sandatahang Lakas bilang Commander-in-Chief, sumagi po sa isip ko yung eksenang madalas nating makita sa telebisyon kung hindi sa sine: May karakter na gumaganap na papel ng isang Ama na tila halos ikalawa, ikatlong eksena sinasabi sa kanyang anak: “Pasensya ka na ha, ito lang ang nakayanan ko.”

May panahon nga po sa ating Sandatahang Lakas, na ultimong purple na back pack mula sa isang fast food chain — ginagamit ng ating kasundaluhan sa sensitibong operasyon. Meron din pong nagkwento sa akin na dito mismo sa PMA, noong araw, iisa lang raw po ang barracks na may heater, kaya swertihan na lang kung sinong ma-assign sa barracks na yun. Yung iba, naliligo po sa pagkaaga-aga, basta sumikat ang araw, sa malamig na tubig. Ang estilo na lang po nila: Matutong “mag-adapt and overcome.”

Sa totoo lang, hindi biro ang presyo ng mga kagamitang ipinagkakaloob natin sa ating mga sundalo. Halimbawa po, pagkakaalala ko: segunda-manong C-130, ang halaga po: 40 million dollars pataas ang presyo. Sa piso po, nasa 1.8 billion pesos po yan. Katumbas ng 109 na school building. Yung budget ng bayan, di naman maaaring pawang ilaan lang sa Sandatahang Lakas. Alalahanin po natin sa classical economics yung tinatawag na debate ng “guns versus butter.” Ilalagay ba kung dadalawa lang ang pagpipilian ng isang estado? Ilalagay ba natin lahat sa guns o ilalagay ba natin lahat sa butter? Parati hong sinasabi — kailangan may balanse.

Malinaw na may pangangailangan dapat tugunan. Tandaan din natin: higit sa 20 porsiyento ng ating populasyon tayo nag-umpisa, humaharap sa talagang sadlak, yung napakalalim na kahirapan. Pero sa mabuting pamamahala, masasabi nating lahat ng ating sektor, talagang natututukan, walang maiiwan. Bilang Ama ng Bayan, paano naman akong hindi magagalak kung ngayon, ang masasabi ko, hindi na “Pasensya na kayo’t, dahil hindi ko maibigay yung mga pangangailangan,” kung hindi — pag ating sinuri ang ating pinagdaanan, palagay ko naman po’y matindi ang karapatan nating lahat na masabi: “Talagang ang dami na nating napagtulungan.”

Ngayon nga po, nag-iikot tayo sa ating mga probinsya, at talagang masasabi nating di lang tayo bastang “may nagawa,” kung hindi talagang napakarami na nang ating nagawa dahil sa mabuting pamamahala. Halimbawa, nanggaling po tayo sa lalawigan ng Cebu, kung saan ang inilaan para sa imprastruktura lang ng ating sinundan mula 2005 hanggang 2010: 12 bilyong piso. Panahon po natin — pondo, halos 32 bilyong piso ang inilaan sa lalawigan lang ng Cebu. Sa Bohol, ang dating administrasyon, naglaan ng 3.75 billion; sa atin naman po, 10.45 bilyong piso, para sa imprastruktura pa lang.

Isa pang matibay na halimbawa ang pagpapaunlad natin sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na mula sa dinatnan nating higit 780,000 na kabahayan, ay sumusuporta na ngayon sa 4.4 milyong kabahayang benepisyaryo. Ngayong taon, target nating maisara na ang target na 4.6 milyong kabahayan. Sa inisyal pong pag-aaral ukol sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program: higit 7.7 milyong kababayan na natin ang naitawid sa tinatawag na “poverty line,” at sa tuloy-tuloy na implementasyon ng programa ay asahan ninyong mas maraming Pilipino ang aalpas sa kahirapan.

Sa kaso naman ng ating unipormadong hanay, bukod sa iba’t ibang uri ng capability enhancement programs na ating isinagawa sa kasalukuyan, nariyan ang pagkalingang nakatuon sa inyong personal na kapakanan at sa kinabukasan ng inyong mahal sa buhay. Halimbawa po: Meron na tayong 61,378 housing units na naipatayo sa ilalim ng ating AFP-PNP Housing Program. Meron din tayong mga livelihood program para sa ating mga kawal : retirado, aktibo man, gaya na lang ng ating ipinapatupad sa Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.

Nitong Pebrero naman, pinirmahan na natin ang Executive Order No. 201, na saklaw ang tuloy-tuloy na pagtaas ng inyong monthly hazard pay, pati na rin ang inyong provisional allowance. Actually po, yung provisional allowance ang tuloy-tuloy na pataas. Hazard Pay ay naitaas na. Ating Officers’ Allowance mula ngayong taon at pag naipasa ng Kongreso hanggang sa 2019. Nariyan din ang paglalaanan natin ng inyong monthly combat pay, kasama na rin ang umento sa inyong subsistence allowance.

Hinihintay din natin nga ang nabanggit na po: Salary Standardization Law na nabinbin sa Kongreso. Buti na nga lang at may alokasyon na tayo sa ating Pambansang Budget, kaya nagawa nating taasan itong mga allowance pong ‘to. Sa pahintulot ng Kongreso, sana magtuloy yang ating Salary Standardization Law IV hanggang taong 2019.

Napag-uusapan na rin natin ang mga naipit na panukala, alam naman ninyo na sa Daang Matuwid ay talagang sinikap nating isulong ang peace process. Bumuo tayo ng ugnayang nakabatay sa tiwala at sa tiwalang kasama ng MILF. Alam po natin ang kasabihang “Ang kasundaluhan, ang huling magnanais na magkaroon ng kaguluhan.” Sila nga ang unang sasabak sa hidwaan, sila ang unang magsasakripisyo, at sila ang unang malalagay sa peligro. Nariyan po ang panukalang Bangsamoro Basic Law, kasama na ng Framework Agreement at Comprehensive Agreement on the Bangsamoro. Hangad natin: maghatid ng katarungan, kapayapaan, at kaunlaran sa Bangsamoro.

Ang masakit po, may dalawang miyembro ng Senado na tahasang hinarang ang BBL. Dito ko naaalala yung sinasabi ng mga nakakatanda: “Sige, malinawag na ayaw mo; ano naman ang gusto mo?” Ang dalawang miyembrong ito ng Senado, naiwan na lang sa “Ayaw,” nang walang nilalatag na mas mainam na solusyon. Kayo na nga po ang humusga kung sino sa amin ang nagkulang, at kung sino naman ang tumutoo sa inyo.

Ito nga po ang mensaheng gusto kong iwan sa inyo: Ang sabi natin sa Daang Matuwid, pagbaba ko sa puwesto, di hamak na mas maganda ang kalagayan ng ating bansa. Kita naman ninyo, mula sa suporta sa inyong kagamitan, kakayahan, at maging sa inyong kinabukasan at kapakanan, talagang ginagawa natin ang ating makakaya, at nilampasan na natin ang ating mga unang inambisyon. Kayo na lang ang makakapagsabi, kung gumanda ba o lumala ang inyong kalagayan.

Ngayong kaharap ko kayo, gusto kong sabihing talagang ipinagmamalaki ko kayong lahat. Pagbaba sa puwesto, at sa paglipas ng panahon, di na mabubura sa kaisipan ko ang imahen ng ating kasundaluhan, kapulisan, bumbero, at iba pang kasaping bumubuo ng ating unipormadong hanay na talagang nagpapamalas ng kadakilaan sa serbisyo.

Sa kasagsagan lang ng bagyo, anumang tindi ng lakas ng hangin o buhos ng ulan, nariyan kayo, nililinis ang mga kalsada, para sa kaligtasan ng ating mga kababayan. Noong Yolanda, sa unang-unang pagkakataon, nagliparan ang ating mga helicopter para mai-clear yung airport sa Tacloban; dahil dito, nakababa ang mga C-130 dala ang ayuda, wala pang 20 oras sa pagdaan ng Bagyong Yolanda.

Krisis sa Zamboanga, katangi-tanging tapang din ang ipinamalas ninyo sa harap ng matinding peligro. Noong hinarang naman ang hatid nating supply para sa BRP Sierra Madre, kahit pa mas malalaki at moderno ang mga barko ng katunggali, hindi kayo nagpadaig sa pagpapakitang-gilas sa tinaguriang shiphandling. Pinapatintero man tayo sa karagatan, nagawa ninyo itong diskartehan sa pagdaan sa mababaw na tubig para maiwasan ang kanilang mga sasakyang pandagat, at maihatid sa ating mga kawal ang kanilang pangangailangan.

Nariyan din ang ating mga peacekeeper sa iba’t ibang dako ng daigdig. Nangyari nga po ang Arab Spring, dumamay tayong matagal na para sa katihimikan sa Middle East, dahil hangad nating makiambag sa pagtaguyod ng stabilidad. Sa Golan Heights, nagkaroon ng mga di inaasahang elemento na nilagay sa mas mataas na peligro ang ating tropa. Dumulog tayo sa UN, mahahabang usapan, umabot ng tanda ko’y isa’t-kalahating ‘to, pero napakalimitado ng kanilang naging pagsuporta. Dumating sa puntong sumugod ang mga rebelde sa atin pong kampo, at pinayuhan tayo ng UN: sumuko na lang tayo at makikipagnegosasyon na lang raw sila. Ang ating mga kawal, tangan ang tapang at talas ng isip, pumalag sa panukala, at mula sa kautusan ng ating liderato, nangyari nga ang tinatawag na “Great Escape” kasama na po sa kasaysayan natin.

Sa Liberia naman, nong naging sobrang delikado ng sitwasyon dahil sa Ebola, nakiusap ang pamahalaang manatili ang ilan sa ating mga pwersa. Gaya naman sa Golan Heights, nakiusap din tayo: Bigyan ninyo kami ng misyong risonable, at tutulong kami. Galangin sana ninyo ang aming peacekeepers. Pero kung mission impossible ang ipapapagawa ninyo, pasensya na pero tungkulin kong protektahan ang kawal na Pilipino. Ginagawa po kasi tayong tila taga-salo at sa akin, kung taga-salo lang po problema at sa akin, po — hindi pupuwede yan.

Bilib talaga ako sa ating mga kawal. Itong ating narating sa Daang Matuwid, hindi magiging posible kung wala ang inyong suporta. Maliwanag namang may tungkulin kayo sa lalong pag-aarangkada ng ating lipunan. Ang kaunlaran, hindi mabibigyang-daan kung walang stabilidad at kapayapaan. Hangga’t nariyan nga ang buong Sandatahang Lakas, matapat na ginagampanan ang inyong mandato, hangga’t iisa lang ang panig ninyo at iyon ay sa taumbayan, hanggat di kayo nakikihalo sa politika, maaasahan nating magtutuloy-tuloy ang positibong pagbabago.

Sa GABAY-LAYA Class of 2016: Kayo ang isa sa pinakamaliit na batch na nagtapos simula noong mga 1960s. Higit sa 20,200 na nag-apply sa PMA, pero 63 lang ang nasa harap ko ngayon. Para sa akin, dapat ninyong ipagmalaki ang narating ninyo. Sinukat kayo at tinimbang, at talaga namang pumasa kayo sa pamantayan. Idiin ko rin, kayo ang ikaanim na batch na nagtapos sa yugtong ito ng ating kasaysayan kung saan namamayani ang mabuting pamamahala, katapatan, at integridad sa pamahalaan.

Sa paglabas ninyo sa PMA, maraming pagsubok ang makakaharap ninyo. Marami ring maglalapit sa inyo sa tukso. Ang akin nga, ano ba ang batayan kung ano ang dapat gawin? Kung papayagan ninyo itong medyo nakakatanda sa inyong magpayo ng kaunti: simple lang po, tanungin ninyo ang inyong sarili: Ang gagawin ko ba ay makakatulong sa sambayanan, o yung mangyayari rito, iilan lang ang makikinabang at baka makapahamak sa mas nakakarami? Sa mga panahong may agam-agam kayo sa inyong gagawin, tanawin ninyo ang ginawa ng mga nakakatanda sa inyo. Mulat kayo sa mga aral at prinsipyong ipinamalas ng maaasahang liderato ng AFP at DND, sa pangunguna nga ng ating huwarang DND Secretary na si Volts Gazmin. May dahilan na tumanda nga po sila sa serbisyo; marami silang karanasang maibabahagi sa inyo. Ang tanong na lang: Di ba kayo makikinig sa kanila, at ulit, pag hindi kayo nakinig, uulitin ba natin ang mga pagkakamali ng nakaraan? O makikinig ba kayo sa mga nakakatanda sa inyo sa kanilang mga payo at bibigyang-halaga ang ipinamana nilang mga prinsipyo’t aralin para hindi na maulit ang mga pagkakamali?

Kailangan din ninyong isaalang-alang: Oras na dumating kayo sa punto na pakiramdam ninyo, para bang kayo na lang ang tama, kayo na lang ang magaling, muli ninyong suriin ang inyong paninindigan.

Mga kasama, ang mga prinsipyong ikinintal sa inyong alaala ang magpapatatag sa inyong loob sa pagtupad ninyo sa mandatong maging mga tagapagtanggol ng inyong kapwa Pilipino. Nasa inyong mga kamay kung mamamayani ang demokrasya o kung babalik tayo sa madilim na kabanata ng pang-aabuso at kawalang-hustisya; kung magiging laganap ang kapayapaan sa mga komunidad na siyang hihimok sa iba na makiisa, o kung babalik tayo sa estado ng pagdududa sa isa’t isa.

Tiwala naman akong ang mga “Gintong Anak ng Bayan: Alay ay Buhay para sa Kalayaan” ang magsisilbing panibagong patunay na ang mga graduate ng PMA, talagang may paninindigan, propesyunalismo, at kadakilaang tatak ng kawal na Pilipino.

Isa pong napakalaking karangalan ang maging Commander-in-Chief ng isang Sandatahang Lakas na kasama ng taumbayan sa Daang Matuwid.

Magandang araw po sa lahat, pagbati sa GABAY LAYA Class of 2016..
* * *

In observance of the time honored tradition of the Philippine Military Academy, and the occasion of my Official Visit to the Academy: I, Benigno S. Aquino III, President of the Republic of the Philippines, and Commander-in-Chief — Armed Forces of the Philippines hereby pardon all outstanding punishments of the cadette corps as recommended by the Superintendent PMA effective today, granted this 13th day of March, in the year of our Lord, 2016, Fort del Pilar, Baguio City.