INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
15 March 2016
ALAN: Good morning sir. Sir, balitaan n’yo nga kami in dito po sa sinasabing pagbaba ng unemployment rate dito sa atin sa bansa, Sec. Sonny please?

SEC. COLOMA: Ayon po sa pinakahuling ulat ng Department of Labor, nadagdagan ng lampas sa dalawang milyon ang mga Pilipinong merong hanapbuhay, kaya ang total ay 39.2 million ayon sa Philippine Statistics Authority. At iyong additional na trabaho na nalikha sa pagitan ng January 2015 at January 2016 ay umabot sa 752,000. Iyong unemployment rate naman natin bumaba sa 5.8% from 6.6%, kaya halos 1% ang ibinaba nito. At ang mga improvements ay natala sa halos lahat ng rehiyong, across all age groups, halos lahat ng educational levels at para sa parehong kasarian — lalaki at babae. Iyong underemployment naman — ang ibig sabihin nito, Alan, iyong mga gustong magtrabaho ngunit kulang pa, hindi pa ganap iyong kanilang trabahong nakuha — nadagdagan naman ito at tumaas sa 19.7 mula sa 17.9 year-on-year. At karamihan sa mga underemployed persons ay iyong mga wage and salary workers in private establishments.

Sa kabila nito, sabi rin ng Philippine Statistical Authority, meron namang mga positibong resulta sa aspeto ng quality of work — in terms of hours of work, class of workers at full time employment. Kaya ito ay senyales na gumaganda ang kalidad ng hanapbuhay sa bansa, iyong tinatawag nating remunerative employment — merong sapat na kabayaran at pagkilala sa galing at husay ng mga manggagawa. Kaya iyan ang gusto nating makita kung paano pa higit nating mapapaganda ang sitwasyon ng paghahanapbuhay sa ating bansa.

ALAN: Opo, Sec, base po dito sa report din ng Philippine Statistic Authority. Anong mga factors po… saang mga factors mai-attribute, ika nga, itong pagbaba ng unemployment rate natin, itong latest Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Hindi ko natunghayan, doon sa ulat niyan. Pero ang batid natin, Alan, ito ay epekto ng patuloy na pag-unlad ng ating ekonomiya ‘no — iyong ating GDP growth; iyong mga negosyo ay patuloy na nagbubukas at naghahain ng mga oportunidad para sa paghahanapbuhay; iyong mga negosyo ay nag-i-expand din ng kanilang mga businesses sa bansa. So, sabihin na lang natin na ito ay resulta ng pangkalahatang pag-unlad ng ating ekonomiya at iyong pagkakaroon din ng pagkakatugma sa kahusayan o kaalaman ng mga naghahanap ng trabaho na natatapat naman doon sa mga specifications ng mga job openings na nasa merkado ngayon.

ALAN: Opo. Nabanggit po ninyo iyan, Sec., lalo na ngayong panahon na naman ng graduation o pagtatapos ng mga estudyante sa kolehiyo at later on naghahanap sila ng trabaho. Sa aspeto po nung sinasabi noon na job mismatch, hindi tugma iyong mga kuwalipikasyon ng mga nagtapos doon sa mga kuwalipikasyon na kailangan naman sa mga available na trabaho. Kumusta po sa aspetong ito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Isang malaking factor diyan, Alan, ay iyong patuloy na pag-expand ng mga programa ng TESDA sa Technical Vocational Education, at pati ngayon doon sa ipinapatupad na K to 12. Doon sa senior high school ay meron ng isang technical vocational track para sa mas maaga pang panahon ay makapaghahanda na iyong mga kabataan natin na ma-empleyo sila. Iyon naman ang ating hinahangad ngayon, iyong lumikha tayo ng maraming oportunidad, inilalapit natin o itinatapat natin iyong kaalaman at kahusayan ng ating mga mamamayan doon sa mga trabahong kinakailangan ng kalakal at industriya. Sa ganyang paraan ay mapapataas pa natin ang employment rate sa ating bansa.

ALAN: Ayon. Nabanggit n’yo rin itong K to 12. We understand na isa sa mga highlights nito, Sec, iyon hong natitirang… iyong dalawang taon na madadagdag sa basic education natin eh meron na partikular na focus doon sa employment na posibleng tahakin noong mga estudyante. So by the time na maka-graduate siya ng high school, kung sakaling hindi kaagad makapagtuloy ng kolehiyo, ay malaking chances na employable na iyong bata, Sec. ano po?

SEC. COLOMA: Ganoon nga, Alan. Hinahanda na sa maagang panahon pa lamang iyong ating mga kabataan na magkaroon ng mga partikular na kaalaman o skill o aptitude para kung magpapasya silang magtrabaho kaagad ay sapat na ito o kahalintulad na ito nung mga job specifications ng mga available job openings.

ALAN: Sec, sa ibang usapin naman po. Of course patuloy pa rin ang paghahanda ng mga concerned government agencies dito sa projected na magiging epekto ng dry spell o itong El Niño sa ating bansa, lalo na ho ngayon nararamdaman na na unti-unti na talagang umiinit ang panahon. Any updates sa aspetong ito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Noon lang first week of March ay nagdaos ng isang pagpupulong ang iba’t-ibang ahensiya sa pangunguna ng Department of Agriculture at nagkaroon sila ng assessment para maging mas epektibo iyong ating response diyan sa El Niño challenge at patuloy namang ipinapatupad iyong mga programa katulad ng mga cloud seeding operations, iyong small water impounding, iyong pagtatanim ng mga alternative crops. Lahat ng mga ito ay masinsing sinusubaybayan ng ating Department of Agriculture para siguraduhin na iyong ating mga kababayan sa mga kanayunang apektado ng El Niño ay hindi madedehado, Alan.

ALAN: Okay. Secretary, sir, noong tayo po ay mag-usap nung Sunday ay nabanggit n’yo nga itong mga preparasyon sa pagho-host ng Pilipinas dito sa isang pagpupulong ng mga Information Ministers ng mga ASEAN member countries ngayong linggong ito. Any updates or developments sa aspetong ito, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Simula sa araw na ito ay mag-uumpisa na iyong Senior Officials Meeting, at ito iyong preparasyon para sa meeting ng mga Information Ministers na idaraos naman sa Huwebes. Itong Ministers Responsible for Information ang siyang merong pangunahing responsibilidad na palawakin ang kaalaman hinggil sa ASEAN Economic Community, iyong tinatawag nating programa ng ASEAN Integration, na simula nang pinapatupad sa lahat ng sampung miyembrong bansa ng ASEAN. Kaya umaasa tayo na sa pagpupulong ngayong linggo ay magkakaroon ng mas malinaw at mas focus na pagtukoy sa mahalagang aspeto ng information dissemination, iyong pagpapaigting ng pagkakabuklod ng lahat ng bansa sa ASEAN para maging ganap iyong pagpapatupad sa ASEAN Economic Community.

ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami, sir, for the updates from the Palace.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga. Alan.

SOURCE: NIB-Transcription