March 16, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Batangas City
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Batangas City |
Batangas City Sports Coliseum, San Pedro Batangas City |
16 March 2016 |
Alam ninyo, ako’y Kapampangan. At sa akin pong pananaw, hindi ho nagkakalayo ang Kapampangan at Batangueño dahil pare-pareho po tayong humble, mapagkumbaba.
Kamakailan po, mga dalawang araw ang lumipas, kausap ko po yung mga Kababayan ko sa Tarlac, nagkita kami, pinag-uusapan itong kampanya. Noong natapos po ang meeting namin, may nagkuwento sa akin, “Alam mo, boss, talagang naiiba tayong mga taga-Tarlac.” Bakit kako. “Mayroon po kaming isang may edad na kababayan na ang naging libangan ay mag-alaga ng kalabaw. Yung kalabaw po, mula bata ay inalagaan na niya at ginawa niyang parang aso, sunod nang sunod sa kanya. Naging maamong-maamo itong kalabaw. Dumating yung isang punto na kailangan siyang magpunta ng Maynila, may aasikasuhin na papeles tungkol sa kanyang retirement: mga pensyon, mga benefits. Punta siya sa istasyon ng bus, pagbaba niya ay nakita siya ng konduktor, ang sabi, “Boss, sandali lang. Itong bus, pantao lang. Ang kalabaw, bawal sumakay dito.” Sabi ng matandang kababayan namin, “Pabayaan mo yang kalabaw na yan. Turuan yan. Alam niya ang kailangang gawin.” Lumabas po yung bus ng terminal. Ito po yung kalabaw, nandoon yung amo niya, sinundan. Sabi ng driver ngayon, “Boss, yung kalabaw ninyo sumusunod.” “Pabayaan mo yan. Aral yan. Di na kailangang akayin yan.” Sabi ng driver ngayon, “Baka makaaksidente ito o baka may maaksidente dahil sa kanya. Kailangang paspasan ko itong bus para maiwan yan.” So nung tumakbo ng 30 kph, lingon yung driver, humahabol yung kalabaw; tumakbo ng 40 kph, humahabol pa rin. Sabi niya, “Kulang pa yata ito.” So tumakbo yung bus ng 70 kph. Paglingon niya sa rearview mirror, nakita niya yung kalabaw, nakalabas yung dila. Sabi niya ngayon sa may-ari, “Boss, yung kalabaw mo, pagod na.” Sabi niya, “Bakit?” “Eh yung kalabaw po, nakalabas na yung dila.” “Saan ba nakaturo yung dila?” Tiningnan ulit ng driver, “Sa kaliwa po.” “Iho, mag-iingat ka. Malapit nang mag-overtake yan.” Iyon po ang kalabaw namin sa Tarlac. Kaya kita po ninyo, kayo po dito sa Batangas, kami po sa Tarlac, pare-pareho tayong humble. Alam ninyo marami talaga akong natutunan lalo na noong snap election. Pinapunta tayo sa kung saan-saang lupalop ng Luzon, tumutulong na mangampanya sa aking ina. Noong panahon pong iyon, hindi naman marami ang umaalalay sa akin, dalawang barkada lang po ang kasa-kasama natin noon. At talaga naman pong napalapit sa atin ang Batangas noong mga panahong iyan. Noong ako naman po’y tumakbo noong 2007 bilang senador, talaga pong ang dami na namang tumulong sa akin at naging senador nga po ako. Pero noong 2010, tanda ko dito rin tayo malapit nag-meeting. At doon pa lang, ramdam ko na ang pagtatagumpay at pagkapanalo natin. Kaya uulitin ko lang po: Maraming-maraming salamat sa tiwala noon, at hanggang sa ngayon ay kasama pa. Ang tanong naman po ngayon: Ano ang napala ng pagsasama natin? Alam ninyo, sa pag-ikot ko sa Pilipinas, ang natitira na lang sa atin ay mga 105 araw na lang yata. Sa anim na taong ibinigay ninyo sa akin, 105 days to go na lang po. At ngayong pagkakataon lang, baka puwede naman pong magtaas tayo ng sariling bangko para masabi sa ating mga Boss—kayo—kung ano ang napala ng pagtutulungan natin. Malinaw po: Sa halos anim na taong pagtahak sa Daang Matuwid, ang Batangas, hindi kailanman naiwan, hindi natin nakaligtaan. Hayaan po ninyong ilatag ko ang ilan sa mga pruweba. Una, sa imprastraktura: Noong panahon ng ating pinalitan, 2005 hanggang 2010, ang inilaan lang sa imprastraktura ay P4.54 billion. Nitong 2011 hanggang 2016, parehong dami ng taon, inangat natin ang badyet sa imprastruktura ng Batangas sa P16.66 billion. Gamit ito, ipinagawa natin ang mga kalsada, tulay, daungan, flood control projects, at iba pang estruktura. Kanina po, kapanayam ko ang ilang mga mayor ninyo, at sinabi sa akin na yung isang kalsada ninyong 7 km ang haba, isa’t kalahating oras ang kailangan sa pagbiyahe dahil makitid. Alam ninyo, ituloy lang natin ang Tuwid na Daan, lalapad ang kalsadang iyan, gagaan ang trapiko. Ang nauna hong na-improve, iyong Lipa City, Batangas, kung tama ako, Ate Vi. Marami po sa ating mga kababayan, guminhawa na nga ang biyahe sa ipinagawa nating Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Project-Stage 2 Phase 2, na nagdugtong sa Sto. Tomas, Tanauan, Malvar, Lipa, at Ibaan. Ito nga pong STAR Project natin na isang PPP Project, hiniling nating mapalawak at madagdagan pa ng 2 lanes ang kalsada para siguraduhing maiwasan ang aksidente—dahil ang orihinal po, one lane in each direction lang. Bukod po dito, natapos na rin natin ang Lipa-Alaminos Road, Bauan-Mabini Circumferential Road, at Lake Taal Circumferential Road, na talaga naman pong ipinapaalala ni Cong. Sonny Collantes madalas. [Palakpakan] Pag ako po’y natapos ng termino ko, inimbitahan ako ni Cong. Sonny na makatikim ng bulalo doon sa bandang Taal, at maayos na raw ho ang biyahe sa circumferential road na yan. Sa maayos na mga daanan, lalo naman pong naaakit ang mga turistang bumisita sa inyong lalawigan. Taong 2012, ang inyo pong tourist arrivals ay nasa 402,815; pagdating na po 2014, umabot ito sa 616,305. At Kung bawat turista ay nakakalikha ng isang trabaho, isama pa iyong tinatawag na multiplier effect, talaga naman pong napakarami nating kababayan ang natutulungan sa paglago ng turismo. Sa laki po ng benepisyong hatid ng maunlad na imprastraktura, pati mga proyektong dekada ang hinintay o plinano, tinapos na rin natin sa ating termino. Halimbawa po, pinag-usapan na natin ang turismo, ito pong ating Ternate-Nasugbu Road, ang haba: anim na kilometro lang—hindi po ganoon kahaba ang kalsadang yan—pero inabot po ng dalawang dekada mula inisip hanggang natapos. Iba po ang nag-isip, iba po ang nag-conceptualize, kung tutuusin, kami na po ang nagtapos. Kita naman po niyo, dito po sa Daang Matuwid, sa halos anim na taon lang po, naipagawa na natin at naisayos ang mahigit 18,000 kilometro na national roads at 107,000 na lineal meters na mga tulay. Pagdating sa daungan, idineklara po natin ang inyong Batangas port bilang extension ng port of Manila dahil sa nararanasan doong pagsisiksikan. Dahil po dito, naglagay tayo ng mga incentives para maengganyong dito dumaong ang mga barko, at talaga naman pong lalong umunlad ang inyong mga serbisyo. [Palakpakan] Dahil sa mga insentibong ibinigay natin sa mga shippers na dumadaong sa Batangas Port, gaya ng discounted rates, talaga namang positibo ang naging resulta. Mula sa 757,766 metric tons na cargo na pumasok sa Batangas Port noong 2013, tumaas ito sa 1.17 million metric tons noong 2014, at wala hong dahilan na hindi pa lalong lumago yan. [Palakpakan] Sa briefing pong sinabi nila sa akin, parang isang barko kada araw ang dumadating. Ngayon yata ay pito na kada araw ang pangkaraniwan. Para naman mapaunlad ang kapasidad ng Batangas Port sa pagtanggap ng ating mga pasahero, naglaan tayo ng P343.4 million mula 2011 hanggang 2016 para sa repair and maintenance ng pasilidad na ito. Mula nga po sa 5.2 milyong pasahero noong 2013, napataas ito sa halos 5.6 milyong pasahero noong sumunod na taon. Nandito rin po sa Batangas ang pabrika ng Atlantic Gulf & Pacific, o AG&P. Dito, Pilipino ang gumagawa ng produkto sa larangan ng steel fabrication, engineering firms, oil, mining, power, and civil infrastructure markets sa Asya. Patunay po ito: World-class ang talento ng Pilipino. Pinapadala po ang mga Pilipinong nagtatrabaho dito sa Middle East, Africa, Russia, at iba pang mga bansa. Sa pamumuhunan nga pong ito, napakaraming trabaho na po ang nalikha para sa ating mga kababayan. Tandang-tanda ko po, itong AG&P ang gumawa ng pabrika ng British petroleum, ginawa po yung module sa Pilipinas para dalhin sa Indianapolis sa Amerika. Plano rin nating magkaroon ng 121 kilometrong transmission pipeline na magtatransport ng natural gas mula Batangas, Laguna, Cavite at Metro Manila. Iyon pong tinatawag na Batangas-Manila Natural Gas Pipeline Project o BatMan1, ang halaga po ng proyektong ito: P10.53 billion. At nasa huling yugto na po ito ng pag-aaral. Napakalaki po ng potensyal nitong magdulot ng benepisyo sa ating mga kababayan, oras na ito po ay maisakatuparan. Pati na po yung Global Climate Change ay maiibsan pag naparami yung gumagamit nitong natural gas. Sa sektor naman po ng agrikultura: Para masagad ang kita ng ating mga magsasaka, P1.6 billion ang inilaan natin para sa pagpapagawa ng farm-to-market roads at ng mga sistemang patubig. Gamit po ito, nakapagpagawa tayo ng 250 farm-to-market roads, 71 irrigation projects na pinapakinabangan na ng libo-libong magsasaka dito po sa Batangas. Nagtatag din po tayo dito ng 16 block farms na sumatotal ay aabot sa 715.75 ektaryang lupain mula noong 2012. At dito po, sinasanay natin ang ating mga magsasaka sa pamamahala ng bukirin at paggamit ng mga makabagong makina. Nagbunsod po ito sa paglago ng kanilang produksyon. Halimbawa po, ito po ay sa larangan ng asukal, noong cropping year 2013 hanggang 2014, yun pong mga lugar sa ilalim ng Lucban Multipurpose Cooperative Block Farm sa Balayan ay nakapagtala po ng 37 percent na pagtaas ng kanilang produksyon; mula sa 37 tonelada ng tubo kada ektarya ay napataas na ito sa 50.58 tonelada kada ektarya. Ganoon din po ang nangyari sa Kamahari Agri-based Multipurpose Cooperative sa Nasugbu. Dito naman, 31 percent ang inangat ng kanilang produksyon. Natural nga po, lalaki din ang kanilang kita. Sa dalawa nga po nating nabanggit na kooperatiba, tumaas ng mahigit sa P37,000 ang kanilang kita kada ektarya. Bukod sa mga ito, nagkaloob din tayo sa inyong lalawigan ng P75.88 million na halaga ng production and postharvest machineries and equipment mula 2011 hanggang 2015. Para suportahan naman ang industriya ng niyog, nagtatag tayo dito sa Batangas ng apat na intercropping sites sa Balete, Lobo, San Juan, at dito sa Lipa, sa ilalim ng KAANIB Enterprise Development Project. Dito po, hinihikayat natin ang ating mga magsasaka na magpunla ng iba’t ibang binhi at mag-alaga ng hayop sa gitna ng niyugan. Sa tulong nito, napapalaki din po ang kanilang kita. Halimbawa po: Ang mga magsasaka na dating kumikita lang ng P20,000 kada taon kada ektarya dahil umaasa sa copra, dahil po sa intercropping, tumaas na ang kanilang kita sa P52,855 kada taon. Lampas po sa doble ang kinikita nila dahil sa intercropping na ito. Meron din po tayong itinataguyod na Shared Service Facilities o SSF dito sa inyong lalawigan na tumutulong magpalago ng inyong mga negosyo. Sa Batangas po, meron na tayong 25 SSF, at kabilang sa sinusuportahan ng mga pasilidad na ito ang meat processing, sugarcane presser, fish processing, at iba pa pong kasanayan. Isa po sa benepisyaryo nito ang Kamahari Agri-based Multipurpose Cooperative na nagpa-package ng muscovado. Sa tulong ng SSF, noong 2013, ang monthly income nila: P18,000. Dumoble na po sa P36,000 ang kanilang monthly income. Para naman sa fish processing ng Calatagan Women’s Organization, taong 2013, P2,000 lang ang kita kada araw. Ngayon po ay P5,000 na dahil sa SSF. Ganyan po ang serbisyong hatid ng Daang Matuwid. [Palakpakan] Pasensiya na po kayo; medyo mahaba-haba ang listahan, pero may magsasabi pa rin pong kinalimutan ko ang Batangas. Pagdating nga po sa pag-aaruga sa ating mga kababayan, tuloy-tuloy ang serbisyo ng Daang Matuwid sa Batangas. Mula 2010 hanggang 2014, kabuuang P309.89 milyon na po ang ating nailaan sa pagsasaayos o pagpapagawa ng inyong samo’t-saring health facilities. Sa kasalukuyan din, nasa 2.6 milyon nating kababayan ang saklaw na ng PhilHealth sa inyo pong probinsya; [palakpakan] kabilang po sila sa kabuuang 93 milyong benepisyaryo sa bansa, ayon sa PhilHealth. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, pinalawak din natin nang husto. Ang dinatnan nating benepisyaryo sa Pantawid Pamilya sa buong bansa noong taong 2010, halos 800,000 lang, hindi pa umabot. Kung hahatiin po natin ito sa 80 probinsya imbis na 81, para ho mas madaling ikuwenta: 800,000 divided by 80, lalabas po, average na 10,000 benepisyaryo kada lalawigan. Ang akala ko nga po, mababa na ang benepisyaryo sa Cebu. Kamakailan po’y nakita natin sa Cebu na balwarte raw nila, 5,600 lang ang kabahayang tinutulungan. Nung napunta kami ng Bohol, mas malala pa dun, imbis 10,000 ang kabahayan, ang layo nila sa average dahil 531 kabahayan lang ang kasama nila. Nung tumungo kami sa Cavite, ang nireport sa akin, ang dinatnan nating miyembro ng 4Ps, o ng Pantawid Pamilya, sa Cavite ay parang sa inyo sa Batangas: Wala ngang sampung libo, wala ring libo, wala ring sampu, ang totoo pala, zero. Wala ho palang Pantawid na miyembro ang Cavite at ang Batangas noong 2010. Tapos siyempre ipinagmamalaki pa nila, “GMA Cares?” Hindi natin hinayaan ang ganyang kapabayaan sa Daang Matuwid: Sa Cebu, mula 5,000, mayroon na pong 149,900 na benepisyaryo; [palakpakan] sa Bohol, mula 563, 59,222 na po; sa Cavite, mula zero, 50,827 na ang kabahayang ating natutulungan. Sa inyo po, mula sa zero, 86,952 kabahayan na ang benepisyaryo. [Palakpakan] Hindi ho tayo nagkaroon ng ganyan karami sa Batangas dahil napakalakas sa akin ni Governor Vi, malakas po siya sa akin talaga. Pero yan po ay base sa datos. Nasaan ba ang mga kababayan nating nasa laylayan ng lipunan na dapat arugain? At dito nga po natuklasan, meron po tayong ganyang karaming dapat sana tinulungan nila noong araw pa, pero hinintay pa nung tayo’y pinahintulutan niyong mamuno, at ngayon pa lang talagang natutulungan. Ngayon po, sa inisyal na resulta pa lang ng Pantawid Pamilya, napakalaking tulong na po ng programa. Ayon po sa pag-aaral na yan, 7.7 milyon na indibidwal na po ang nakatawid o nakaangat sa tinatawag na “poverty line”. Patuloy naman po ang pagsisikap natin na yung nakalampas na sa poverty line ay lalo pang mailayo sa tinatawag na “poor condition” dahil sila po ay nasa “near poor” na ngayon. Yun pong “near poor,” baka magkasakit nang malubha, balik sa pagiging poor. Yung matamaan ng bagyo, naubusan lahat ng ari-arian, balik sa pagiging poor. Habol po natin, ilayo sila nang ilayo sa kondisyon na kung saan puwede silang bumalik sa ilalim ng poverty line. Kaya nga po, yung mga kandidatong nagsasabi na dole out ito, tingnan niyo na lang ang resulta. Malinaw na pagbibigay lakas ito sa milyon-milyong pamilya—mga pamilya itong dati’y walang makitang magandang bukas, mga estudyanteng di makapag-aral, mga kabataang di mapabakunahan—ngayon, talagang abot kamay na ang katuparan ng kanilang mga pangarap. Kamakailan po, may lumabas na isang survey na nagsabing 4 sa bawat 5 Pilipino ay boboto sa kandidatong magtutuloy sa Pantawid Pamilya. Biglang nag-unahan ang ating mga katunggali sa pag-angkin ng 4Ps. Pangako sila nang pangako, pero wala namang patunay ng kaya nilang gawin. Yung isa po, todo ibinibida na palalawakin niya ang Pantawid Pamilya. May nagsabi po sa akin, kulang yang 4Ps, ang bigkas niya, gagawin raw niyang 5Ps. At habang ginagawa niyang 5Ps, babawasan niya ang buwis na pinagkukunan natin ng pambayad nitong programang ito. Itatanong ko po sa inyo, kung talagang kaya niyang gawin yan, eh di pati ako sasama na sa kanya. Pero ito nga ho eh, kami ipinangako ko sa inyo noong umpisang-umpisa pa lang, hindi tayo magtataas ng buwis, kolektahin muna natin yung nandiyan na. At ginamit natin nang tama, naiangat natin yung 7.7 milyong Pilipino mula sa kahirapan. Yun pong nagsalitang iyan, may anak pa ho siyang nagsabing dapat imbestigahan yang 4Ps na yan. Sa dami nga po ng alegasyong bumabalot sa kanila, malamang po, lalabnaw lang sa pamumuno niya ang benepisyo ng Pantawid Pamilya. Ito pong pina-research ko po, lahat ng mga umaangkin na palalawakin, lahat ng nagsasabing pagagandahin, ito po ang mga pinagsasasabi nila noong mula taong 2013 hanggang sa kasalukuyan. Kadalasan po ang sinasabi nila, dapat imbestigahan yang 4Ps na yan; dapat ipahinto yang 4Ps na yan; dapat yan programang yan, may umpisa, dapat may katapusan rin. Ngayon na lumabas yung survey, ang sabi nila palalawakin nila. Kayo na ho ang magsabi kung sino ang paniniwalaan natin: yung sinasabi nila kamakailan, yung sinasabi nila ngayon, o yung sasabihin nila bukas? Baka tulad ko, nahihilo na ako kung saan tayo maniniwala sa kanila. Yung mga binanggit ko pong napagtulong-tulungan natin, sample pa lang ho yan, mas mahaba pa ho yung nakalagay dun sa briefer natin. Pero malinaw po sa akin: Ang lahat ng mga tagumpay na ito, nagawa natin dahil sa ating pagtutulungan. Gaya ng sabi ko po: Kayo ang gumawa at patuloy na gumagawa ng pagbabago. Sa mga Boss ko pong Batangueño, sa lahat ng napagtulong-tulungan natin, sa inyong tiwala simula’t simula pa lang, mula noong snap [election] hanggang sa pagtakbo ko bilang Presidente, muli po, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat. Magpapasalamat po tayo sa inyong mga lokal na pinuno na siyang naglapit sa atin sa inyo. Umpisang-umpisa, kay Gov. Vilma Santos-Recto. Sa pagiging Mayor ng Lipa, hanggang sa pagsisilbing ina ng buong Batangas, naging tanglaw siya upang matupad ninyo ang potensyal na umasenso. Sino ba naman ang hindi hahanga kay Ate Vi? Nung siya’y tumatakbo, meron ho yatang isang kalaban, ngayon eh hindi na tatakbo, lima na ang lalaban. Tunay po: Ang Batangas, hindi na kailangang pangakuan pa ng langit at mga estrelya; kay Gov. Vi, mayroon na kayong “star for all seasons,” hindi lang sa showbiz, pero lalong mas importante, sa public service. Samahan pa ng matagal na niyang katuwang sa paglilingkod sa ating mga minamahal na Batangueño, walang iba kundi si Senador Ralph Recto. Talaga naman pong sa aming pagpupulong, hangad niya ang tuloy na pag-arangkada ng Batangas. Nandiyan rin po ang mga nakakabata sa atin nang mga dalawang tulog tulad ni Mark Leviste, ang palaging masigasig na Sonny Collantes, si Manong Eddie Dimacuha na nakuha kami noong araw pa. Sigurado pong nasa mabuting kamay ang kapakanan ng mga Batangueño. Sa darating na ika-9 ng Mayo, haharap tayong muli sa sangandaan, kung saan pipili tayo ng mga susunod na pinuno ng bayan. Sa akin po, kung ang tanong ay sino ang may kakayahan, may karanasan, may konsensya, at walang kaduda-dudang itutuloy ang ating mga tagumpay: Yan po ang Tambalang Matuwid, sina Mar Roxas at si Leni Robredo. [ Napakalayo nga po ni Mar sa ibang kandidato. Si Mar, marami nang nagawa para sa ating mga Boss. Yang BPO sector na tinututukan niya noong araw pa, siya po ang nagpasok sa Pilipinas niyan; ngayon po, mahigit isang milyon na ang direktang nalikhang trabaho ng IT-BPO sector. At tinataya po na bago ako mababa sa puwesto, nasa 1.3 million na po ang diretsuhang empleyado niyan, puwera pa po yung multiplier, yung nasa convenience store, yung nagmamaneho ng taxi, yung gumawa ng building. Meron pong times three o times four na mga trabahong nilikha dahil sa IT-BPO industry na inumpisahan ni Mar. Sa pagbababa din niya po sa krimen sa Kamaynilaan at sa iba pang mga rehiyon, at sa maraming pagkakataon, talagang nakiramay, nagsakripisyo kasama ang ating mga kababayan. Sa haba ng naging serbisyo, ni minsan, hindi po natin narinig si Mar magreklamo o humingi ng kapalit. Kailanman, si Mar, hindi nagnakaw. Yan po si Mar Roxas, ang ineendorso ko pong muli bilang Pangulo ng Pilipinas. Alam po niyo, ang buhay ng Pangulo ay mahirap. Alam po niyo kung paano tayo laitin, murahin, di galangin ng mga kolumnista at iba pa. Mahirap po talaga itong trabahong to. Yung iba po, binibida pa nilang kapag merong sakuna, darating itong taong ito, nagbigay ng ilang relief goods. Bukas, front page, parang ang laki ng ginawa niya. Si Mar Roxas po, wala pa yung sakuna, parating pa lang yung bagyo, nandun na sa lugar, nagbabantay na sa ating mga kababayan. Pagdating ng bagyo, iikot para makita kung sino ang pinakamatindi ang pangangailangan. Ewan ko kung ako lang ang nakakikita, bihirang-bihira sabihin yung ginagawa ni Mar. Pero ang bibigyan ng halaga o bibigyan ng importansya nung lugar sa Samar, hindi niya maikutan ng sasakyan, motorsiklo ang ginamit. Imbes na sinabing nagpursigi, inikot ang mga lugar na naputol ang komunikasyon, ibinida nila na nadulas yung motorsiklong sinasakyan ni Mar, imbes na yung pakay ni Mar. Nagreklamo ba si Mar? Hindi ho. Kasama sa trabaho yan, okay na sa kanya. Kasama din po natin ang pambato ng Daang Matuwid sa Pangalawang Pangulo, si Leni Robredo. Noong dumating po yung aksidente kay Jesse Robredo, Sabado po noon. Dumating ang panahon na tumakbo kami sa Masbate at hindi naging maganda ang balita. Hindi namin malaman, hindi pa namin nahahanap kung nasaan si Jesse. At habang tumatagal ang panahon, lalo na yung 24 hours na unang dumaan, paano mo masasabing puwede pa tayong umasa ng magandang balita kung wala pang balitang natanggap noon. Ako po, bilang Pangulo, bilang ama ng bayan, natural po, miyembro ng aking Gabinete, ako dapat ang unang makiramay at dumamay, tumulong sa kanyang asawa’t pamilya. Ang problema po, wala sa amin noong panahon yun ang may kakilala masyado kay Leni. Si Jesse ho, tulad ng aking ama, gusto kaming bigyan ng pribadong buhay. Ilalayo ang kanyang mag-ina at saka mga anak sa buhay publiko para naman may konti silang privacy at katahimikan. So nung hinarap ko po si Leni, sinusubukan ko pong buuin ang aking loob. Kung siya po ay talagang mapaluha nang husto at mapaiyak nang husto, isama na rin natin yung galit, yung lahat ng negatibong puwedeng mangyari, hinanda ko po ang sarili ko dahil talaga namang mabigat mawalan ng minamahal na asawa. Pero nang binanggit ko nga sa kanyang hindi tayo makakaasang may magandang balitang darating, ni isang luha po, hindi dumanak sa mata ni Leni. Talaga pong nakita ko kung ano ang katatagan niya. At pagkatapos nga nung nakumpirma na namatay na po si Jesse, sa ganda ng serbisyo ni Jesse, napakarami pong tao ang lumapit, gustong tulungan ang mag-ina ni Jesse. At ni minsan po, wala tayong nakitang ni bahid ng pansasamantala itong si Leni. Tinanggap yung palagay niyang nararapat na tulong at maraming tinanggihang tulong dahil palagay niya’y hindi nararapat. Yung tulong po, kusang ibinibigay. Wala hong magagalit na tanggapin niya. Pero sabi niya, “Hindi ito ang pinanindigan ng aking asawa at naming dalawa. Kailangan yung nasa tama lang.” Kaya nung tinawag po siya, pagkamatay ni Jesse, 2013 na eleksyon, pinakiusapan siya ng kanyang mga kababayan para mabuo o manatiling buo ang kanilang samahan, kailangan siyang maging simbolo ng pagkakabuo nila. Puwede siyang tumanggi, sabihin niyang dalawa pa ang pinag-aaral ko sa tatlong anak namin. Gusto ko namang masanay sa buhay na wala ang aking asawa. Pero hindi po niya tinalikuran ang tawag ng kanyang mga kadistrito. Lumaban sa makapangyarihan, matagal nang nakaupong kalaban, at nanalo po siya. At pagdating sa Kongreso, marami pong nagawa na talagang masasabi mong kahanga-hanga. Puwede ho siyang humabol na lang ng re-election at di hamak na mas madali yun. Puwede rin siyang magsabi, “Napagbigyan ko na kayong lahat, baka naman puwedeng ako’y magpahinga na.” Pero muli, hindi inalintana ni Leni ang kaakibat nitong mas mabigat na sakripisyo noong tayo po’y nakiusap sa kanya sampu ng napakarami pang ibang mga Pilipino. “Leni, kailangan ka para dito sa pagpapatuloy ng Daang Matuwid.” Mabigat na desisyon. Sa dulo po, um-oo si Leni Robredo. Kaya maraming salamat ulit kay Leni, sampu ng kanyang mga anak. Mga kasama, sa umpisa nga po sinabi ko sa inyo, kumbaga nagpapaalam na ako sa inyong lahat, 105 days na lang po ang natitira, magreretiro na po tayo. Alam naman po niyong hindi pa ako nakakapag-asawa kaya kung minsan pag tinatawag akong ama, kinaklaro ko lang, “Ama po ng bayan, wala po akong anak.” Pero tulad po ng sinumang ama, sa pagwawalay natin, gusto ko naman na nasa mas maayos kayo. Gusto ko naman na maganda ang mapupuntahan ninyo. Sinabihan po ako noong araw ng isang nakakatanda sa atin sa Nueva Ecija, “Mag-iingat ka. Sa binabalak mong yan, marami kang bubungguin na masalapi, makapangyarihan, at baka marami pa diyan, pikon.” Pagbaba ko sa puwesto, baka babawian nila ako dun sa mapagsamantalang naipit natin at pinanagot sa ating mga korte. Okay lang ho sa akin iyon, dahil puwede ko namang masabing tumotoo ako sa inyong lahat. Yung iiwan kong Pilipinas, di hamak na mas maganda sa dinatnan natin noong 2010. [Palakpakan] May mga nagpapayo, “Huwag ka nang mangampanya ngayon para kaibigan mo na lang lahat.” Inisip ko po yun. Praktikal. Pero sa dulo po niyan, tototoo ba ako sa inyo? Kung bahala na kayo o bahala na si Batman, hindi ho yata tama yon. Dito po, noong alanganin, ako po’y nasa oposisyon, sinamahan niyo ako. Ngayon bang tayo’y natuto nang lumakad at patakbo na, paarangkada na nang husto, dun ko pa kayo iiwan? Eh palagay ko, magpalit muna ako ng pangalan bago ko gagawin yan. Pasensya na ho kayo kung uulit-ulitin ko: Pero sa akin pong pananaw, sa dami ng tumatakbo ngayon, ang karapat-dapat at siya lang talagang magtutuloy ng ating pagtahak sa Daang Matuwid na lalo pang magpapaarangkada, walang sinuman kundi ang susunod na Pangulo ng Republika ng Pilipinas, sa inyo pong pahintulot, na si Mar Roxas. |