President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with the local leaders and the community in Pampanga
Capitol Compound, Bgy. Sto Nino, San Fernando City, Pampanga
17 March 2016
 
Pag iniisip ko po ang Pampanga, aaminin ko sa inyo, nagiging emosyonal tayo. Nagkataon pa, pagharap ko sa inyo, 30th anniversary ng EDSA. Nang pinaslang po ang aking ama, dinala namin ang kanyang labi sa Tarlac para magpaalam na rin sa mga kababayan niya. At noong pag-uwi po ng Maynila at eventually ay paglibing sa kanya, siyempre, dadaan dito sa Pampanga. Dumating ho na nasa tapat kami ng [simbahan] sa Angeles at inihinto po yung prusisyon. Tapos noong tinanong ko kung bakit inihinto, para naman daw makita ng ating mga cabalen dito sa Pampanga, magbigay pugay sa aking ama. Dinala sa simbahan, doon binendisyunan. Sabi nila sa akin, “Alam mo, huling beses na namin siyang makikita. Pagbigyan mo naman kami na makapagbigay ng tamang paggalang at parangal sa kanya.”

Huwag ho nating kalimutan na noong panahong iyon, pinaslang na nga ang lider ng oposisyon, Martial Law pa talaga tayo noon, pero naglabasan ang mga cabalen natin dito sa Pampanga na talagang nagpadama ng pagmamahal sa kanya at nawala ang takot. Siguro ho, iyon na ang unang pagkakataon ng pag-usbong ng People Power Revolution. Malaking bagay po iyan sa akin at sa aking pamilya. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.

Pagkatapos po noon, nagkaroon tayo ng maraming rally. Naatasan po tayong magsalita madalas dito sa Pampanga. At kahit saan po ako magpunta sa Pampanga, masasabi kong hindi ko na kailangang magkumbinse dahil kumbinsido na po tayo na mali ang Martial Law para sa atin sa Pilipinas. Nakita naman natin iyan sa inyong suportang sobra talaga noong snap election para sa aking ina.

Noong 2010 din, alam niyo naman, katunggali ko ang inyong kababayan. Nasa oposisyon tayo kasi noong mga panahong iyon. Bahagya po tayong makakapagkampanya dito sa Pampanga noong mga panahong iyon, pero pagtakbo ko po noong 2010, bagamat kakaunti ang pagkakataon kong makapagkampanya dito sa Pampanga, hindi po nawala ang inyong suporta, ang inyong tulong, at tayo po’y nagtagumpay dito po sa buong Pilipinas. Kaya naman po, nabigyan tayo ng pagkakataon na tunay na makapagsilbi sa inyong lahat.

Kareng kaluguran kung cabalen, dakal a salamat keng lugud, suporta, at tuluy-tuluy pamantabe keng Dalan Matulid. Ikayu pamurin ing kanakung sikan.

Ngayon po, ano nga ba ang napala ng Pampanga sa Daang Matuwid? Mula kalsada, tulay, paliparan, flood control projects, hanggang serbisyong panlipunan—malawakan ang ating estratehiya upang bigyang lakas at ilapit sa kaunlaran ang ating mga Cabalen. Magbanggit tayo ng ilang pruweba.

Alam po niyo, yung unang talumpating ginawa para sa araw na ito, umabot ng pitong pahina na single space. Sa pitong pahina pong iyon, lima ang accomplishment report. Siguro naman, alam ng mga kababayan ko kung ano ang nagawa natin diyan. Huwag na nating isa-isahin. Sabi sa akin, “Sir, hindi na po natin inisa-isa yan. Iyan po ay mga generic topics na.” Sabi ko, “Ang limang pahina noon, baka puwedeng paigsiin pa ninyo.” Kaya pinilit ko po sila—ako po ang boss nila—four pages na lang ang talumpati natin ngayong araw. Pero ano nga ba ang napagtulong-tulungan natin sa Daang Matuwid?

Sa imprastruktura, ayon sa mga rekord: Noong 2005 hanggang 2010, ang naipadala pong pondo sa Pampanga, P9.41 billion. Sa atin, nitong 2011 hanggang 2016, umabot na ito sa P16.94 billion. Kabilang po diyan ang Gapan-San Fernando-Olongapo Road Project Phase 2, Lazatin Flyover, San Fernando 1st Green Road, at Aquino Bypass Road.

Noong Setyembre 2015, naaprubahan na rin ang Clark International Airport New Passenger Terminal Building Project, na magkakaroon ng inisyal na kapasidad na 3 milyong pasahero kada taon. Oras na makumpleto, aabot naman ang total capacity nito sa 6 milyong pasahero kada taon. Noong 2012, ang inyong tourist arrivals ay 486,595; pagdating ng 2014, nadoble na natin ito sa 992,145. Alam po ninyo, lalo na yung dayuhan na turista, pag dumating raw po ng Pilipinas, tinatayang bawat dayuhang turistang dumarating, isang trabaho ang nalilikha. Kaya malaking bagay po ang pagdoble ng mga turista dito sa Pampanga. Nagpatayo na rin ang DOTC at Clark International Airport Corporation ng temporary passenger terminal building, na magsisilbing pre-departure area para sa domestic flights. Bukod pa ito sa ikinabit na baggage screening equipment at passenger boarding bridges.

Para ibsan ang pagbabaha sa inyong probinsya—at ito po’y napakalapit sa puso natin: Mula 2011 hanggang 2016, naglaan tayo ng P6 bilyon para sa flood control projects. Kasama diyan ang Pinatubo Hazard Urgent Mitigation Project Phase 3; ang rehabilitasyon ng San-Fernando-Sto. Tomas-Minalin Tail Dike; ang Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Measures; at nasa public consultation stage na rin ang Pampanga River Basin Flood Control Master Plan.

Liwanagin ko lang po: Ang planong iyan, matagal na pinag-aralan, kasama ang DPWH, DOST, at ating mga foreign aid agencies and consultants. Itinanong: Paano ba natin mawawakasan ang problema ng pagbaha, na perpetwal na problema po ng Pampanga? At nakita nga po, simpleng-simple naman ang prinsipyo. Ang tubig kapag dumaloy, kailangang may puntahan. Yung ating mga ilog at sapa, kulang kapag rumagasa yung tubig galing sa Sierra Madre at Chico River. Isang parte po noon ay dredging, pero pinakamalaking parte po niyan ay kailangang may catchment basin na tinatawag, maiimbakan ng tubig.

Ngayon, dalawa po ang kailangan nating catchment para maibsan ang problema ng Pampanga, Tarlac, Bulacan, at Nueva Ecija. Yung isa po, nasa Nueva Ecija, yung isa po, nandito sa Candaba Swamp. Yung catchment basin, kakausapin natin yung mga kaibigan natin sa naturang lugar, “Kailangang yung lupa ninyo, diyan iimbakin yung tubig.” Ang choice ay maimbak natin sa lugar na iyan, o pabayaan nating kumalat yung tubig sa kung saan pinakamababa. At taon-taon, nagbabago po iyan. Papayag ho siguro lahat na kailangan natin iyan, pero marami din ang magsasabing “Itayo ninyo ang imprastrakturang iyan, pero wag ninyong itayo sa lugar ko. Itayo ninyo sa kapitbahay ko.” Sana ho hindi ganoon ang mangyari para magkaroon talaga tayo ng proyektong ito na maiibsan ang baha lalo na sa fourth district.

Sa agrikultura naman po: Nasa P1.5 bilyon ang inilaan natin para sa farm-to-market roads at patubig. Mahigit 5,600 na magsasaka ang nakikinabang na sa 144 natapos nang farm-to-market road projects; mahigit 2,500 naman ang nakikinabang na sa 69 na natapos nating proyektong pang-irigasyon.

Alam niyo po, nang tumatakbo akong Senador, napunta tayo sa Baguio kung saan nakausap ko si Bishop Cinense—kung naalala pa niya. Sabi po niya sa akin, ang pamilya po raw nila ay galing sa Pampanga. Ang mga ninuno niya ay galing din sa Pampanga. Napilitan daw silang lumipat ng probinsya dahil wala raw pong pagkakataon sa Pampanga. At bilang Kapampangan, sabi ko, “Ibahin natin ang kuwento o kasaysayang nangyayari diyan.” At ano nga ho ba ang pagbabago?

Mayroon na ho tayong Shared Service Facility o SSF para tulungang mapalago ang mga negosyo. Sa Pampanga po, 36 SSF na po ang naipatayo. Kabilang sa sinusuportahan ng mga pasilidad na ito ang meat, milk, food processing para sa tocino, pati na po paggawa ng organic fertilizer, bamboo processing, at water hyacinth. Isa po sa benepisyaryo nito ang Mapina Farmers Irrigators Association. Noong 2013, sa tulong ng SSF, natulungan silang mapataas ang produksyon ng kanilang milk products, tulad ng fresh carabao’s milk at pastillas. Ang dati nilang kita na P20,000, umakyat na sa P96,000 kada buwan dahil sa SSF.

Sa kalusugan naman po: Mula 2010 hanggang 2014, kabuuang P572.91 million na ang ating nailaan sa pagsasaayos o pagpapagawa ng inyong health facilities. Nasa P2.61 milyon nating cabalen ang saklaw na ng PhilHealth sa inyong probinsya, na kabilang sa kabuuang 93 milyong benepisyaryo sa bansa.

Pinaunlad din natin ang Jose B. Lingad Memorial Regional Hospital. Noong 2013, pinirmahan natin ang RA 10355, na siyang nagtaas sa bed capacity ng ospital, mula 250, patungong 500 hospital beds. Nakapaglaan na rin tayo ng pondo para sa pagpapatayo ng dalawang bagong wards ng ospital—ang Obstetrics-Gynecology and Pediatric Ward na natapos natin nitong Disyembre, at ang Medical Ward na target nating matapos ngayong taon. Iyan po ay sa pagtutulungan ng DOH, provincial government, at ng PhilHealth. Maraming salamat po sa inyong lahat.

Siguro ang pinakamaganda pong maipaalala ko sa lahat: Lahat ng nagawa natin sa Daang Matuwid sa buong bansa, nagawa natin nang hindi nagdagdag ng pasanin, maliban sa Sin Tax, na nakatutok naman sa kalusugan.

Alam niyo, si Sec. Mel, minsan siya’y nagtatalumpati sa kanilang bayan sa Samar. Sabi po nila, kapag nagpatawag ng pulong ang PTA o Parent-Teacher Association, noong panahon na mayor siya, parang walang-wala raw silang matakbuhan. Ang mayor, tatabukhan ng kanyang constituents, yung mayor, walang matakbuhan, parating walang pondo. Pagdating daw ho sa PTA, nag-usap ang tatay at yung anak. “Tay, nagpatawag ng meeting yung PTA. Patay, ambag na naman.” Ang punto ho niyan, lahat ng mga ambag na ito, nakakatulong tayo sa kapwa natin tulad ng kaninang nagbigay ng testimonial.

Bigyan ko kayo ng isa pang halimbawa sa testimonial, nagpunta ho kami ng Pangasinan—Urdaneta, kung saan ko siya nakita noong isang araw. Ang pangalan po niya ay Christina Reyes. Siya po ay bachelor of science graduate—commerce, major in accounting—napunta sa Middle East. Nagkaroon ng contract substitution, naging domestic helper siya. Pinahirapan daw ho siya ng nag-eempleyo sa kanya. Buti na lang, tinulungan siya ng ating embassy. Pinabalik sa Pilipinas, at hindi na pinatapos ang kontrata. Siyempre isipin lang po natin kung magkano ang ginastos niya para makarating doon, hindi siya kumita doon, bumalik siya dito, paano yung babayaran niyang utang. Talagang parang masamang-masama ang loob niya at gulong-gulo ang isip niya.

Pagdating daw po ng Pilipinas, binigyan siya ng pamasaheng makauwi ng Pangasinan at pinayuhang may mga scholarship tayong nakalaan para sa mga kababayang bumabalik mula sa pagiging OFW. Doon, napasok siya sa TESDA sa dalawang programa—isipin po ninyo ang kuwento niya at hindi lang po siya iyon.

Nakapag-training siya ng hilot, wellness, at massage therapy. Pagkatapos po ay nagkaroon siya ng trabaho, operations manager ng isang spa. Pagtapos noon, nagtayo siya ng sarili niyang spa. Sa loob ng isang taon, naging dalawa. At noong 2014, umabot na ng apat. Yung apat po niyang spa, 32 na ang empleyado mula nang nasa panahon na hindi niya alam kung ano ang mangyayari sa kinabukasan niya. Nagulat ho ako noong ikinukuwento niya sa akin lahat ito, dahil yung panibagong yugto ng kanyang negosyo, siya po ay nagfa-franchise na nitong kanyang spa. Meron na po siyang dalawang franchisee at siya yung franchiser. Mula sa walang-wala, ganoon po ang Daang Matuwid, binibigyan ang lahat ng oportunidad. Siyempre, ipinagmamalaki ni Joel na karamihan ng graduate nila, bibigyan ng sandaling panahon lang ho, dumodoble sa suweldo ko.

Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, pinalawak natin nang husto. Dito po sa inyo, mula sa 1,200 na kabahayan noong 2010, ngayon po—nabanggit na ni Governor kanina—nasa 51,371 kabahayan na ang natutulungan natin. Ayon pa sa mga inisyal na pag-aaral tungkol sa sa Pantawid Pamilya, ang epekto po ay ganito: 7.7 milyong Pilipino na raw po ang naiangat lampas ng poverty line. Tuloy naman ang sikap nating ilayo sila sa kahirapan at mailayo pa sa kahirapan. Dahil tinatawag natin silang “near poor” ngayon, talagang gusto na nating malayong-malayo doon sa pagiging “near poor.”

May lumabas naman pong survey kamakailan, isang tanyag na survey firm. Sabi po nila: 4 out of 5 sa mga Pilipino, boboto sa kandidatong magtutuloy sa Pantawid Pamilya. Alam niyo, noong nakita ko po iyon noong susunod na araw, natawa po ako dahil ang dami ko pong nabasa sa pahayagan: Na yung dating kumokontra, ngayon po, gusto nilang maging kampyon ng Pantawid Pamilya. Tila ba apat na rin sa lima nating mga katunggali, nakikisakay sa tagumpay ng programa. Lagi hong nangangako, pero wala namang patunay sa kaya nilang gawin. May isa naman po, papalawakin daw niya ang 4Ps at gagawin niyang 5Ps. At pag ginawa niyang 5Ps, babawasan din niya yung buwis ng nagbabayad dito sa 4Ps. Tanong ko: Ang galing mo naman. Kung kaya mo talagang gawin yan, dapat ikaw na nga ang pumalit sa akin. Pero kayo ho, pag sinabi ng mister niyo, “O, itong intrega ko sa iyo, babawasan ko. Pero dadagdagan mo ang dapat mabili ng bawas na panggastos mo.” Sino kayang misis ang papayag doon? O sino kayang misis ang magsasabing “Kaya mo yan?” Isa pa po, yung anak po mismo ng taong ito ang nagsabi noong araw na paiimbestigahan [ang 4Ps]. Sa dami nga ng alegasyon ng katiwaliang hinaharap po nila, malamang, ninipis, kung hindi man maglalaho sa pamumuno niya ang benepisyo ng Pantawid Pamilya. Pero nabanggit nga ho sa isang commercial na ginawa natin, eleksyon, kampanya, panahon ng ligawan, siguro ho alam, lalo na ng aking cabalen, [lilitaw ang totoo at lilitaw ang fake].

Talagang maganda ang pakiramdam ko na makasabing nakatulong. Isipin niyo, lahat ng natulungan ng 4Ps, 4.6 million families po ngayon yan. Lahat po ng natulungan ng TESDA, 9 million course graduates na po ang binibilang nila. Lahat ng natulungan ng PhilHealth. Para bang lahat ng tulong na ginagawa natin sa kapwa natin, hindi tayo miyembro ng PTA na nag-ambag ulit, ibinibigay lang natin yung tamang buwis. Yung iba ho, nakumbinse natin na magbayad ng tamang buwis sa wakas. Pero pag tayo po ay nilapitan ng mga tinutulungan, sinabi sa atin, “Bakit niyo naman gustong ihinto yung tulong na ibinibigay niyo sa amin na hindi naman kayo nahihirapan? Baka naman puwedeng ituloy-tuloy ninyo yung tulong na binibigay ninyo sa amin.” Kanina ho may nagtestimonya: Tatlong anak na niya ang may trabaho, may apat pang anak na umaasang kalingain natin. Bakit natin hinditutulungan? Hindi naman mahirap sa atin, di po ba?

Malinaw po: Narating natin ang puntong ito dahil sa pagtutulungan at pag-aangat sa ating kapwa. Nagpapasalamat po ako sa pakikihakbang ng mga cabalen natin sa Daang Matuwid. Alam po ninyo, noong araw po, di naman kami ganoon ka-close ni Governor Baby, pero nakita niyo naman, talagang nakikipagtulungan siya sa atin, hindi po siya nagpabigat. Kasama na po ang ating Vice Governor Dennis Pineda. Si Yeng Guiao po, panahon pa ng aking ama at ng kanyang yumaong ama ay magkakasama na kami. Sobrang close namin, hindi na nagkakalayo ang hairstyle namin ni Yeng. Malamang ho, pati suklay namin pareho rin ng brand. Si Manong Oca po, iniwan nga ako sa hairstyle, pero sa ibang bagay, panahon pa ng Batas Militar, talagang naman pong napakatatag na ni Kuya Oca. At siyempre, ating butihing Mayor Edwin Santiago.

Sa ika-9 ng Mayo, haharap muli ang sambayanan sa sangandaan. Ang tanong: Itutuloy ba natin ang Daang Matuwid, kung saan may gobyerno na muling inuuna ang bayan kaysa sarili? O lilihis ba tayo, babalik sa dating kalakaran ng pang-aabuso at pambabalewala sa kapakanan ng Pilipino?

Kung ang ibang kandidato, kargado ng mga kontrobersya, si Mar, ang tanging bitbit: karanasan at tagumpay sa mabuting pamamahala. Maski mataas ang araw, kita ninyo, hindi kumukurap ang mata natin. Pag nagsasabi kayo ng totoo, madali ho iyon. Binansagan siyang “Ama ng BPO,” dahil sa pagsisimula at pagpapalawak sa sektor na ito bilang kalihim ng Department of Trade and Industry. Nag-umpisa sila na mga 2,500 empleyado. Ngayon po, mahigit isang milyon na ang nabigyan ng trabaho dahil sa sektor o sa industriyang inumpisahan ni Mar Roxas noong panahon na siya’y kalihim. Sabihin niyo, isang milyon lang. Yung BPO, yung call center, sa ilalim niyan ay convenience store. Mayroon yung mga nagmamaneho ng taxi para makapunta sa call center, at marami pa ho. Kaya yung indirect employees sa sektor na ito, may one million na direct, mga 3 to 4 million naman ang indirect employees. At this year nga po, inaasahang 1.3 million direct employees na ang BPO sector, na may kasamang $25 billion na itutulong sa ating ekonomiya.

Sa larangan naman po ng krimen, napababa po niya ang krimen sa NCR at sa iba pang rehiyon. Gamit po niya ang batas at hindi dahas. Gumamit ng siyentipikong analisis kung saan tukuyin ang pinakamalalang problema at tukuyin kung sino ang gumagawa ng problema. Sa dami po ng nagawa niyang serbisyo, nakikita natin siyang napakamapagkumbaba, imbes na parating nagbubuhat ng sariling bangko. Ganyan dapat ang Pangulo: Hindi kayo bobolahin, hindi kayo tatalikuran, at higit sa lahat, hindi kayo nanakawan. Yan po si Mar Roxas.

Kapiling din natin ngayon ang pambato ng Daang Matuwid sa Pangalawang Pangulo, walang iba po, si Leni Robredo. Sino ba naman ang di hahanga sa kanyang katatagan sa harap ng napakaraming pagsubok? Nang pumanaw ang [bana] niyang si Jesse, imbes na panghinaan ng loob, naging tanglaw pa siya sa kanyang mga anak, sa akin, at sa ating lahat. Noong 2013, tinawag siya ng kanyang mga kadistrito para tumakbo bilang kanilang kinatawan. Hinarap niya ang hamong iyon, napakalaki po at napakatagal nang naghahari doon ang kanyang ikinabangga. At siya po’y nagtagumpay. Ngayon, para wala na ring hirap, puwede na naman siyang maghangad ng re-election o, kung tutuusin, puwede na rin siyang magpahinga at puwede niyang sabihin sa ating lahat, “Hindi pa kami nakaambag nang husto sa bayan?” Pero nakita naman po ninyo, muli siyang tumindig nang tawagin natin siya para sa mas mataas na posisyong hindi naman po siya naghanda. Sa lahat ng ito, puwede siyang tumanggi at sabihing “Marami na kaming naiambag sa bayan. Puwede bang asikasuhin na muna namin ang sarili namin?” Pero muli, narito siya, lumalaban para sa alam niyang nararapat at tama. Yan po si Leni Robredo.

Ing tutu: Ikatamung Kapampangan ing migsilbing ehemplu kareng kekatamung Cabalen. Ewari, keng bandera ning Pilipinas, ing metung kareng walung sala na ning aldo sisimbulwan ne ing Pampanga, metung kareng probinsyang memunu keng himagsikan. Maski keng panahun ning diktador at keng panahun ning kakung pengari, angga keng kayang kamatayan, angga keng kandidatura ning kanakung ima, eyu kami likwan. Maski anyang yaku ing kumandidatu, manibat senador anggang presidenti, atsu kayu. Kareng eganaganang mibayu king Pilipinas, asabi tamung eya megpalakwan ing Pampanga.

Meragul kung maniwala, pane mong ayasaan deng Kapampangan, anggang nanung kasakit ing sitwasyon. Emewala ita kapilanman. Paretiro naku, ing buri ku pu sana lakwan dakayu keng masanting a sitwasyun. Sopan yu ku pu, sopan tala rin pu sana ri Mar ampoy Leni. Nung makananu kayung memunu anyang aldo, pakisabi ke kayu ngeni, sopan tala reng kekatamung sarili ampo reng kekatamung cabalen, keng pamaghubug keng masanting a kinabukasan. Muna kayu keng pamagtaguyud keng dalan a matulid. Iboto yo pu sana ampong ikampanya. Ipakit tamu nung makananu ya kahanga-hanga reng Kapampangan.

Halos araw-araw po na salita, nagbabago po yung aking sinasalita. Sa totoo lang, [ipinanganak ring at home ako] noong nasa France kami. Yung presidente po nila, ang spelling ng pangalan H-O-L-L-A-N-D-E. Ang pronunciation po, “ow-lan.” Wala rin silang “h.” Doon pala tayo nanggaling sa France.

Ulitin ko lang ho: Talaga ho, sa pinakamadilim na mga pagkakataon pong dinaanan ng buhay ng aming pamilya, lilingon kami sa ating mga cabalen, at parating nandiyan kayo, buong-buo ang pakikisama. Talagang wala na po ako masasabi sa pagtulong ninyo.

Dito po, 104 days na lang ang natitira. Tapos na po ang mandatong ibinigay niyo sa akin. Importanteng-importante po sa akin, bilang ama ng bayan, maiwan kayo sa mas magandang sitwasyon tulad ng ipinangako ko sa inyo. Pero mas importante pa po doon, manigurado tayo na tuloy-tuloy na ang ating natamo ngayon at paarangkadang talaga. At ulit-ulitin ko lang po, pasensya na kung makulit: Wala hong kaduda-duda, ang talagang magtataguyod sa atin para lalo pang umarangkada ang nangyayari nang pagbabago sa Daang Matuwid, walang iba kundi si Mar Roxas at si Leni Robredo.