March 20, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB/ by Rey Sampang |
20 March 2016 |
SAMPANG: Magandang umaga po, Secretary Coloma.
SEC. COLOMA: Magandang umaga, Rey, sa iyo at sa lahat ng ating tagasubaybay. SAMPANG: Opo, Sec. Bago po tayo magpatuloy, Secretary, mayroon po ba kayong pambungad na mensahe sa mga tagapakinig po natin ngayong umagang ito ng Linggo? SEC. COLOMA: Mayroon, Rey. Ito ay hinggil sa paghahanda para sa Kuwaresma. Alinsunod sa utos ni Pangulong Aquino, nakahanda at nakaantabay ang lahat ng kaukulang ahensiya ng gobyerno sa pangunguna ng DOTC, DILG at ng Pambansang Pulisya, Department of Health, DPWH, MMDA, Department of Energy at Toll Regulatory Board upang tiyakin ang ligtas at matiwasay na pagbiyahe ng ating mga motorista at mamamayan, at maging mga bisita sa ating bansa sa darating na linggo na panahon ng Kuwaresma o Semana Santa. Patuloy ang isinasagawang inspeksiyon sa mga terminal ng bus, paliparan at mga pantalan upang siguruhin na ligtas at maayos ang lagay ng mga pampublikong sasakyan, maging ang seguridad at serbisyo sa mga bibiyahe sa panahon ng Kuwaresma. May mga itinatag na Public Assistance Desk ang pamahalaan sa lahat ng terminal para sa agarang pagtugon sa mga pangangailangan ng ating mga mamamayan. Muling pinapaalala ng pamahalaan sa ating mga mamamayan ang ibayong pag-iingat sa kanilang pagluwas sa kani-kanilang lalawigan upang gunitain ang Mahal na Araw. Hinihimok natin ang ating mga mamamayan na makilahok at makibalita sa lahat ng hakbangin ng iba’t ibang ahensiya hinggil sa paghahanda sa Kuwaresma. Iyon lamang sa ngayon, Rey. SAMPANG: Opo, Sec. Maraming salamat po sa opening message po ninyo. Sec., diretso na po tayo sa mga katanungan mula sa Malacañang Press Corps ano po. SEC. COLOMA: Tuloy natin, Rey. SAMPANG: Sec., ano raw po ang reaksiyon ng Palasyo sa statement ng Kagawaran ng Kalusugan o DOH na inaasahan po nila na itong Estados Unidos ay mag-i-issue ng travel advisory sa Pilipinas dahil po dito sa Zika virus? SEC. COLOMA: Patuloy na isinasagawa ng Department of Health ang lahat ng nararapat na hakbang laban sa maaaring pagkalat ng Zika virus upang tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng lahat ng mamamayan, maging ang mga dayuhan bumibisita sa ating bansa. Sa kasalukuyan, pinaiigting ng DOH ang pagbabantay sa posibleng kaso ng Zika virus sa ilalim ng umiiral na Philippine Integrated Disease Surveillance and Response o PIDSR system. Sa ilalim ng PIDSR, lahat ng mga pinaghihinalaang kaso ng Zika ay kinakailangang maiulat sa DOH sa loob ng dalawampu’t apat na oras at sumailalim sa agarang pagsusuri gamit ang ‘real-time polymerase chain reaction’ na isinasagawa sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at iba pang kahalintulad na pasilidad ng DOH. Muling pinaaalalahanan ng DOH ang mga mamamayan na maging maingat at linisin ang lahat ng lugar na maaaring pamugaran ng lamok na siyang nagdadala ng Zika virus. Pinapayuhan din natin ang publiko, higit ang mga nagdadalantao, na umiwas sa kagat ng lamok lalo sa tag-araw; maging ang mga indibidwal na nakararanas ng lagnat, rashes at conjunctivitis na agad sumangguni sa doktor upang mapawi ang kanilang pangamba sa pagkahawa ng Zika virus. Nais lang nating ilinaw, Rey, na ang naglalabas ng travel advisory sa Zika virus ay ang Centers for Disease Control and Prevention sa Estados Unidos. Kung sakaling maisama ang Pilipinas sa kanilang gagawin pang alert announcement, ito ay batay lamang sa nag-iisang kaso ng infection ng isang US national na iniulat sa kanila noong mga nakaraang linggo. Ang mensahe sa ganiyang alert level ay “practice enhanced precautions.” Samakatuwid, kailangan ang patuloy na pag-iingat at kalusugan, pangangalaga sa kalinisan ng kapaligiran at pagsunod sa mga gabay ng DOH. SAMPANG: Opo. Sec., para po sa kaliwanagan po ng mga nakikinig sa atin, iyong CDC ay separate entity po iyan. Hindi po iyan, sabihin nating, representative ng US government? Ganoon po ba iyon, Sec.? SEC. COLOMA: Kasi ‘pag sinasabing travel advisory, para bang ang tunog noon eh US State Department. Hindi po ganoon. Kaya ko po nilinaw na ang nag-issue nito ay US Centers for Disease Control and Prevention. SAMPANG: Iyon, malinaw po, Sec. Sa iba pang mga katanungan, Sec. Sumasang-ayon po ba ang Palasyo dito sa … may naging pahayag daw po kasi itong si House Speaker Sonny Belmonte na nananawagan daw po siya para sa isang ‘political ceasefire’ ngayong Holy Week. Ano pong reaksiyon ng Palasyo diyan? Sumasang-ayon po ba kayo diyan, Secretary? SEC. COLOMA: Iginagalang natin ang pahayag ni Speaker Belmonte bilang isang haligi ng ating pamahalaan at ng koalisyon ng Daang Matuwid. Marapat lamang na sa lahat ng pagkakataon, at hindi lamang sa panahon ng kampanya, na isabuhay ang diwa ng Kuwaresma alang-alang sa mga sakripisyo at paghihirap ng Panginoon upang mailigtas ang sangkatauhan. SAMPANG: Well, Sec., siguro po iyong Holy Week eh … siguro naman, dapat naman siguro ano, Sec., eh makinig din naman at medyo maghinay-hinay na rin ano, Sec.? COLOMA: ‘Yun nga ang punto natin, Rey. May kampanya man, may eleksiyon man o wala, likas naman iyong ating pagkilala sa kahalagahan at pagiging banal nitong papasok na linggo, kaya nga Semana Santa ang ating tawag. At batid naman natin, ayon sa tradisyon ng Kristiyanismo, iginagalang po nating ang pagiging ‘solemn’ at ‘holy’ nito pong papasok na linggo. Iyon lang naman po ang punto ni Speaker Belmonte. SAMPANG: Sec., may pahabol pa hong katanungan dito. Although, ang Pangulo po, tulad ng nabanggit ninyo kanina, nagbigay na po ng mga direktiba sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para mag-monitor at umalalay sa mga biyahero at sa mga, ika nga po, uuwi ng kani-kanilang mga lalawigan ngayong Semana Santa. Ang isang katanungan po mula sa Malacañang Press Corps ay ganito po: Ano po ba ang schedule ng Pangulong Aquino this Holy Week? Mayroon po bang mga inspection sa mga terminal at paliparan? COLOMA: Laging binibigyan ng Pangulo ng mataas na prayoridad ang pagtiyak sa kaligtasan sa paglalakbay sa panahon ng Semana Santa. Pinapatupad ng lahat ng ahensiya ng pamahalaan ang nararapat na hakbang upang matamo ang layuning ito. Maglalabas ng media advisory hinggil sa schedule ng Pangulo. SAMPANG: Okay. Thank you very much po, Sec., sa mga kasagutan sa ating Malacañang Press Corps, not unless mayroon pa ho kayong ibang mga mensahe at nais na iparating sa ating mga kababayan, Secretary Coloma? COLOMA: Mayroon lang po akong iuulat ‘no. Natapos na po iyong 13th ASEAN Ministers Responsible for Information Conference na idinaos po noong nakaraang Huwebes sa Lapu-Lapu City, Cebu. Bago po noon, ang nagpulong naman ay iyong mga Senior Officials ng mga Ministry Responsible for Information sa buong ASEAN. Ang mahalaga pong napagkasunduan ay iyong pagbuo ng isang strategic plan hinggil po sa komunikasyon na ipapanukala sa mga heads of states ng ASEAN. Batid po natin na noong nakaraang Disyembre 31, 2015 ay nagsimula na iyong ASEAN Community, at ang kahalagahan nito ay nakasaad sa isang dokumento na inilabas ng lahat ng lider ng bansa sa ASEAN na ang pamagat ay “ASEAN 2025: Forging Ahead Together”. At sa pagtatamo ng bisyon ng ASEAN 2025, mahalaga iyong pagpapataas sa antas ng kaalaman at kamulatan ng mga mamamayan na naninirahan sa lahat ng bansa ng ASEAN tungkol sa mga hakbang na isasagawa sa larangan ng pulitika at seguridad, sa larangan ng pangkabuhayan at larangan ng panlipunan at pangkultura na mga haligi ng ASEAN. Kaya ang ASEAN Communication Strategy po ay ipapatupad ng iba’t ibang mga Ministry of Information, ng mga ministrong responsable para sa impormasyon. Sa bawat bansa ay mayroong National Communications Plan at mayroon po, para sa kabuuang ng ASEAN, ng isang ASEAN Communication Masterplan. At ipapamahagi po dito ang lahat ng mahalagang impormasyon hinggil sa pagpapatupad ng konsepto ng ‘One ASEAN’. Batid po natin na ngayon ay pinag-iisa na ang ekonomiya at pangkabuhayang usapin sa ASEAN dahil nga po sa napakalaking potensiyal ng ating rehiyon na sa ngayon ay … kung ito ay ituturing na isang bansa ay ikapito sa pinakamalaking ekonomiya sa buong mundo; at sa loob po ng mga susunod na taon ay magiging ikaapat na pinakamalaking ekonomiya. Ang populasyon po ng ASEAN ay mahigit sa animnaraan at dalawampung milyon, at napakalaki ng potensyal ng ASEAN na maging mahalagang bahagi ng pandaigdigang ekonomiya. Sa darating na taon po ay ipagdiriwang din ang ika-50 anibersaryo o golden jubilee anniversary sa pagtatag ng ASEAN noong Agosto 8, 1967. Kaya po sa darating na Agosto 8, 2017 ang 50th Founding Anniversary ng ASEAN. At sa pagkakataon ito, natapat na ang magiging tagapangulo ng ASEAN ay ang Pilipinas. Kaya po sa 2017, ang ASEAN Summit ay idaraos dito sa ating bansa. At kasalukuyan na ring naghahanda para dito sa pamamagitan ng pagtatag ng isang national organizing committee. Kaya iyan po ang kahalagahan ng isinagawang pagpupulong ng ASEAN Ministers Responsible for Information at ang mga kasalukuyang paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng ASEAN na matatapat sa pagiging tagapangulo ng Pilipinas sa buong ASEAN sa darating na taon. Iyon lamang, Rey, ang aking pahayag. SAMPANG: Sec., isang katanungan lang mula sa akin. Ang Pilipinas po ay isa sa mga original founding members ng ASEAN ano po? SEC. COLOMA: Tama iyon, isa tayo sa limang bansa na founders ng ASEAN. SAMPANG: Iyon, napakaganda at by 2017 tayo ang magiging tagapangulo. Maraming salamat po, Secretary. Thank you very much po, sir, sa oras na ibinigay po ninyo sa amin. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Rey. |
SOURCE: NIB-Transcription |