President Benigno S. Aquino III’s Speech at the at the inauguration of the Basilan Circumferential Road
Brgy. Tumahubong, Sumisip, Basilan
21 March 2016
 
Narito po tayo ngayon para saksihan ang panibagong patotoo sa ating panata: Walang Pilipinong maiiwan sa Daang Matuwid. Ang hangad natin: Moro man, Lumad, o Kristiyano, makasabay sa tinatamasa nating pag-unlad. Ngayon, pinapasinayaan natin ang Basilan Circumferential Road, na talaga naman pong matagal nang pinangarap ng marami nating kababayan, at sa wakas nga po ay pinapakinabangan na.

Taong 2000 po nang sinimulang ipagawa ang kalsadang ito, pero matagal nabinbin dahil sa kaguluhan sa inyong lalawigan at iba pang mga kadahilanan. Sadya raw pong hinahadlangan ng mga rebeldeng grupo ang proyektong ito. Bukod kasi sa mas hihirap ang pagtakas sa batas, hihina ang kanilang impluwensya dahil nararamdaman na ng ating mga Boss ang tunay na kalinga ng Estado.

Dati nga po, pahirapan ang biyahe sa inyong circumferential road dahil sa mga bako-bakong bahagi o mga bahaging wala naman talagang bahagi. Sa tagal ng biyahe, ultimong mga pampasaherong sasakyan, isang beses lang daw pumapasada kada araw. Pag tag-ulan naman, lalong delikado ang madulas at maputik na kalsada, at may mga bahagi itong hindi madaanan. Bukod rito, mayroon pang dagdag ding masasamang loob na nagsasagawa ng pagnanakaw, ambush, pati carnapping. Tuloy, pati daloy ng inyong mga komersyo at serbisyo, napupurnada. Ang masamang kondisyon ninyo, lalo pang napapasama.

Medyo nagulat ako kanina. Sa pag-ikot natin sa buong Pilipinas, ngayon lang ako nakarinig na gumagamit tayo ng chain sa kalsada natin sa Pilipinas. Yung chain ho kasi, sa Amerika natin huling nakita. Snow chain. Dito siguro sa atin, mud chain. Talagang kakaiba ho iyon.

Sa Daang Matuwid, tinapos natin ang pagdurusa na dulot ng inyong kinagisnan. Sa pangunguna ng ating unipormadong hanay, pinaigting natin ang seguridad sa inyong mga komunidad. Gayundin, P1.83 bilyon ang ating nailaan sa pagsasakongkreto ng mahigit 51 kilometrong bahagi ng kalsada at sa pagpapagawa ng apat nitong tulay. Sa tulong ng proyekto, ang dating inaabot ng 3 oras at 45 minutong pagbagtas sa circumferential road, dalawang oras na lang o mas mababa pa. Mas madalas na rin ditong nakakabiyahe ang ating mga public transport. Sa mas mabilis at mas ligtas na biyahe, yung ating mga magsasaka, mas nakakapili na ng mga merkadong bebentahan ng kanilang ani, depende kung saan nila masasagad ang kita. Ganoon rin sa mga negosyanteng umaabot na ang produkto sa liblib na mga barangay.

Nagpapasalamat tayo sa mga nasa likod ng proyektong ito. Una, sa DPWH, sa pangunguna ni Secretary Babes Singson. Talaga naman pong naisemento na ni Sec. Babes sa kamalayan ng mga Pilipino ang bagong imahen ng DPWH: Ang magpatupad ng proyektong agarang nagdadala ng benepisyo sa ating mga Boss. Saludo din tayo sa mga sundalo at kapulisan nating di lang tiniyak ang seguridad habang tinatapos ang proyekto, kundi nag-alay din ng lakas at bisig sa pagsasaayos ng kalsada. Nagpapasalamat tayo kay Gov. Mujiv Hataman ng ARMM sa kanyang mabuting pamamahala, natukoy at natugunan ang pangangailangan hindi lang ng Basilan kundi ng ARMM. [Palakpakan] Sa kanyang mahusay na pamumuno, patuloy na lumalago ang ekonomiya at pamumuhunan sa inyong rehiyon. Siyempre, sa mga Boss nating taga-Basilan, maraming salamat din po sa pakikiisa ninyo sa Daang Matuwid, kasama na po si Gov. Jum Akbar at Cong. Jim Hataman.

Simula pa nga lang po ang tagumpay natin sa araw na ito, isang bahagi ng malawakan nating estratehiyang iangat ang inyong lalawigan. Bukod nga po dito sa inyong circumferential road, ongoing na ang pagpapagawa ng Transcentral Road Phase 1 at for bidding na rin ang Phase 2 nito. Siguro mas batid ninyo ang transcentral road kaysa sa akin, pero mayroon tayong circumferential [road] na bumabagtas ng buong lalawigan, paano naman yung gitna, baka iyon naman ang maiwan? Kaya mayroong transcentral road. Isinasakongkreto natin ang kalsada mula sa lungsod ng Lamitan hanggang lungsod ng Isabela sa Phase 1, na tutuloy sa mga munisipalidad ng Maluso at Sumisip. Oras na makumpleto ito, ang biyahe mula Sumisip hanggang Isabela City, mababawasan ng isang oras, at ang travel time mula Maluso hanggang Lamitan City, mababawasan din ng 45 minuto. Bukod po sa mga kalsadang nabanggit, nakumpleto na rin natin ang halos 20 kilometrong kalsadang bahagi ng Al Barka-Tipo-Tipo Road.

Malinaw po: Sa mabuting pamamahala, nabigyan tayo ng kakayahang pagandahin ang ating serbisyo sa ating mga kababayan. Kung tutuusin po, noon ngang 2005 hanggang 2010, ang inilaan lang ng ating sinundan sa DPWH para sa pagpapagawa ng mga kalsada, tulay, flood control projects, at iba pang imprastruktura dito sa Basilan ay nagkakahalaga ng P1.85 billion. Ito pong 2011 hanggang 2016, inangat natin ito—sa DPWH pa lang po—sa halagang P14.85 billion. Basilan lang po ito. [Palakpakan] Sa buong bansa naman po, naipagawa at naisaayos na natin ang 18,547 kilometers na national road kasama ang 107,579 lineal meters ng tulay. Kita naman ninyo: Sa pananatili ng kaayusan at kapayapaan, mas nakakatutok ang inyong gobyerno hindi lang sa iisang sektor, kundi pati na rin sa iba pa nating mga pangangailangan.

Balikan ko lang hong kapiraso ang ating circumferential road. Palagay ko po, may mga kalaban tayong pupuntahan yung approaches—may tulay, yung approaches ay yung kabilaan. Mayroon pang apat na ipe-pave natin. Ang sasabihin nila, “Ito ba kumpleto o kulang pa? Mayroon pang hindi nape-pave.” Ipaalala lang po natin sa kanila ang itinuro ng mga engineer: Yung approach po, mabigat. Sa kalsada, puwedeng ganito lang ang tibay, pero yung approach, iba ho pag sumampa sa tulay at bumaba mula sa tulay. Ngayon, kailangan ho ng tinatawag na mai-”settle” yan, mai-”compacting” yan. Kasama na rin po sa proyekto, pag natapos yung time para ma-compact, ipe-pave na rin natin yan. At yung kapirasong approach na iyon, na wala pa yatang isang kilometro ang total, siguro kung napagawa natin yung 131 nitong kabuuan, yung wala man lang isang kilometrong approach ay napakadali maski dalawa na lang kami ni Babes ang gagawa ng approach. Pero yung tagatimpla po ng semento, si Mujiv.

Dito sa Basilan, pinapalakas din natin ang agrikultura at ang mga kababayan nating umaasa rito. Yun nga pong dating hindi nabubungkal at natatanimang lupa dahil sa kaguluhan, ngayon, lunsaran na ng kabuhayan ng maraming taga-Basilan. Kaakibat nito, P274.61 milyon ang inilaan natin sa pagpapagawa ng farm-to-market roads at sistemang patubig. Para naman sa industriya ng pangisdaan, naglaan tayo ng P67.7 milyon para sa pagpapatayo ng municipal fish ports at community fish landing centers. Ang report po sa atin: sa Sumisip, Lamitan, Maluso, Akbar, Hadji Muhammad Ajul, Lantawan, Tabuan Lasa, Ungkaya Pukan, at Tipo-Tipo.

Para naman siguruhing hindi patay-sindi ang pag-unlad ng ating mga industriya, nariyan ang Sitio Electrification Program. Sa programang ito, mahigit 97 porsyento ng mga sitio sa Basilan ay nagkakuryente na. Yung natitirang limang sitio na wala pang kuryente, sabi po ng Department of Energy at National Electrification Administration, bago raw matapos ang Marso, energized na rin po ang limang naghihintay pa ng kuryente. Gayundin po ang lahat ng natukoy na walang kuryente sa bansa noong 2011 na umabot sa 32,441 sitio; bago rin matapos ang Marso—at ang natitirang araw sa Marso ay sampung araw na lang—magkakaroon na rin ng kuryente, o magre-resign po yung dalawang Kalihim. Pero sa husay po nila, baka may matitira pa sa Marso ay tapos na nila.

Klaro po: Sa ating termino, hindi baril at karahasan ang ipapamana natin sa susunod na henerasyon ng mga kapatid nating Moro. Napakasayang nga po ng isinusulong nating makatwiran at makatarungang batas para sa pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao. Mahabang panahon ang dinaanan nito at iba pang mga proseso bago umabot sa Kongreso para isalang at maipasa. Kayo na ho ang testigo, pero tila naipit lang ang pagsasabatas ng ating BBL nang dahil sa dalawang senador. Yung isa po doon, tumatakbo ngayon. Bahala na kayong umalala sa kanya. Pagkatagal-tagal pong inilabas ang report ng komite, na kahit po sa mga huling araw ng session ay di pa tapos ang line by line interpellation noong isang senador na hindi naman po tumatakbo sa ngayon. Kayo na po ang humusga: Gusto ba nilang ipasa o harangin ang batas na ipinamalas sa kanilang mga kilos?

Mayroon na nga po tayong draft ng panukalang batas; irere-file na lang sa susunod na administrasyon ang natukoy na batas. Hindi po sila mag-uumpisa sa wala; malayo-layo na rin po ang paglalakbay na narating. Kung ito po ay tututukan at hindi hahayaang pansariling interes ang mangibabaw, wala na po akong nakikitang dahilan para hindi ito agad maisabatas ng susunod na administrasyon. Ang panawagan ko po: Patuloy nating tahakin ang direksyon tungo sa pangmatagalang kapayapaan. Huwag tayong mawalan ng interes at determinasyong maipasa ito para sa kapakanan ng mas nakakarami.

Malinaw po na sa Daang Matuwid, ang hatid natin: kapayapaan, ayuda, at kasanayan tungo sa mas magandang kinabukasan. Hindi tayo kuntento na magsabi lang ng “May nagawa naman kami maski papaano.” Sa atin po, dapat tuloy-tuloy ang pagsisikap at kailangang masabi nating “Sinagad natin ang pagkakataon sa bawat Pilipino.” Sa Payapa at Masaganang Pamayanan (PAMANA) Program, tinutukan natin ang mga komunidad na matagal naipit sa kaguluhan, at ngayon po’y pinagbubuksan ng pagkakataong umunlad. Sa tulong nito, pinondohan natin ang iba’t ibang proyektong pangkabuhayan sa Basilan, nagpatayo ng bagsakan centers, at nagpagawa ng mga barangay health stations.

Dito rin po sa Basilan, laking gulat ko na naman nang malaman ko kung ilan ang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program noong Hunyo 2010. Gaya po sa Cavite at Batangas, ang nakikinabang sa Pantawid Pamilya dito po sa Basilan noong mga panahong iyon ay zero. Wala ho palang benepisyaryo ng 4Ps noong 2010 noong tayo’y nag-umpisang umupo. Sa ilalim po ng Daang Matuwid, mula sa zero, itinaas po natin yan dahil mayroon na po tayong 31,449 na kabahayang benepisyaryo sa Basilan.

Alam po niyo, sa buong bansa, hindi man nakaabot ng 800,000 na kabahayang nakinabang sa Pantawid Pamilya. Ito pong taon ngayon, maisasara na po natin yung target na 4.6 million kabahayang benepisyaryo. [Palakpakan] Ang atin pong report na natanggap, napakaganda nga po ng inisyal na resulta ng programang ito: 7.7 million Filipinos ang ang nakatawid na sa tinatawag na “poverty line” sa tulong ng programa.

Ang lahat po ng mga tagumpay na ito, nagawa natin dahil sa ating ambagan at pagtutulungan. Nagawa din natin ang lahat ng ito nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss; maliban nga po doon sa Sin Tax na tumutulong paunlarin ang ating serbisyong pangkalusugan.

Ang tanong nga po: Mayroon bang nasa matinong pag-iisip ang magsasabing “Huwag na nating ituloy ang Daang Matuwid?” Sa darating na ika-9 ng Mayo, haharap tayong muli sa isang sangandaan, kung saan pipili tayo ng mga susunod na pinuno ng bayan. Sa akin po, kung ang tanong ay sino ang may kakayahan, karanasan, at may konsensya, at walang kaduda-dudang itutuloy ang ating mga tagumpay: Yan po ang Tambalang Matuwid na sina Mar Roxas at Leni Robredo. Sila po ang tambalang walang bahid, ang magpapatuloy sa ating pag-angat; magpapatupad ang batas at itataguyod ang kapakanan ng bayan bago sarili.

Mga Boss, 101 days na lang po ang natitira sa termino natin, at masasabi kong sa bawat sandali, mula noong umpisa hanggang sa kasalukuyan, pilit akong tumototoo ako sa inyong lahat. Bumangon na tayo mula sa mahabang panahon ng pagkakadapa. Ngayong kaya na nating tumakbo at umarangkada, marapat lang pong manatili tayong humahakbang sa iisang direksyon. Tara na pong ituloy, palawakin, at ipaglaban ang Daang Matuwid tungo sa payapa at masaganang bukas.

Hayaan niyo ako sa pagtatapos na magkuwento sa inyo ng dalawang bagay. Kanina po’y doon sa kalsadang dinaanan natin, mayroon pong gumawa ng kanyang poster at ang sabi niya, “Sir, kailangan pa namin ng mas maraming proyekto ditong pangkabuhayan.” Understood po yan. Noong parating ho kami dito, nakita kong ang dami niyong mga isla at beaches. White sand, ang ganda ng tubig. At sa turismo nga ho, may katahimikan tayo rito, pasukan natin yung turismo. Huwag ho natin kalimutan: Bawat foreign tourist na mayaya natin dito sa Pilipinas, katumbas raw ho ng isang trabaho. Yun pang sasali sa tourism industry, hindi kailangang aral na aral. Kumbaga, mapapabilis yung mayroon na siyang pangkabuhayan.

Tignan po niyo sa Tawi-tawi: Noong 2008, ang tourist arrivals po nila, lumampas ng 200 katao sa buong taon. Noong 2014, 16,540 na. At siyempre para makaabot ng Tawi-tawi, medyo dadaan ng Basilan, dadaan ng Sulu, alam niyo naman kapag nadidiyaryo ang Basilan at Sulu, kadalasan may nangyayari, hindi ho ba? Bago makapunta doon sa tourism sites, dito muna, exciting moments. Pero isipin ho niyo kung lahat ng lugar ito ay na tahimik. Isipin niyo, lahat ng ipinagkaloob sa atin ng Poong Maykapal, nandiyan at puwedeng pakinabangan ng lahat.

Mayroon pa nga ho: Noong Sabado, noong ako’y lumabas, may kainan akong pinuntahan. Sabi sa akin ng waiter, “Sana ho ma-extend kayo, maski three years lang.” Tinignan ko po siya at sinabi ko, “Brad, alam mo, dumating tayo sa punto ng kasaysayan natin noong araw, palagay ko wala ka pa, na mayroong isang tao, nakatapos na ng dalawang termino, humirit pa.” Ilan ho ang hirit niya? 1973 dapat natapos, [pero] 1986 natapos. Papunta na ng eight-year term—nasa Konstitusyon natin noong araw, dalawang four-year term—mayroon pang extension na 13 years. At yung 13 years, hindi naman natin masasabing boluntaryong bumaba.

Mga kababayan, talagang ikinatutuwa kong makapunta dito. Tignan po niyo yung hangin dito. Sa Luzon, parang Tagaytay na yung dating, medyo presko. Siyempre, ngayon gugulo na naman po yung kaisipan natin, “Saan tayo magha-honeymoon pagdating ng panahon?” Kung saka-sakaling pagbibigyan pa ako ng Diyos.

Pero ito pong pagbubukas natin ng kalsada, kung tutuusin, umpisa. Pero para maumpisahan yan, 16 years. Ginawa natin in six years, tapusin. At hindi lang po sa inyo sa Basilan. Yung pagkatagal-tagal na inisip, ngayon nagkakaroon na ng katuparan.

Ang tanong ho: Kapag ikaw nasa Basilan, wala kang karapatan bilang Pilipino; kapag ikaw nasa Apayao, konti ang boto niyo, pasensya na kayo. Hindi yata dapat ganoon yun. Pinilit natin ang basehan kung ano ang tutugunan sa pangangailangan, hindi ang dami ng boto na dadalhin niyo [sa] kung sinumang kandidato, kung hindi, ano ba ang pangangailangan ng kapwa nating Pilipino?

101 days na lang po. Nagpapasalamat ako sa inyo; tinulungan niyo ako noong 2010, at tinutulungan niyo ako habang nakaupo ako para naman marami tayong mapagtagumpayan. Pero uulit-ulitin ko lang po sa inyo: Umpisa pa lang ito; nasa inyo pong mga kamay. Tama ba yung ginawa natin nitong anim na taon kaya tinawag natin referendum ang susunod na eleksyon? O makikinig tayo doon sa lahat ng nagsasabing pagagandahin nila lalo ang sitwasyon, lalo na po yung mga umaangkin ng 4Ps ngayon.

Nagtataka lang ako noong isang araw. Sabi ko, “Pakitingnan nga lahat ng pinagsasabi nila sa 4Ps.” Ipinakita nila sa akin, sample lang, mula 2013 hanggang 2016, magugulat kayo sa dami ng bumatikos, nagpapahinto, nagpapaimbestiga, at kung ano-ano pang sinabi. Palagay ko may internet naman kayo dito maski papaano paminsan-minsan man lang. Tingnan na lang po ninyo ang mga pinagsasabi nila, baka sabihin na naninira pa ako. Hindi ho. Pabayaan ko nang sila ang magsalita para siraan nila ang sarili nila. Kasi nga po may nagsabi, “Yang 4Ps na yan, kailangan palawakin. Gawin nating 5Ps.”  “At habang palalawakin natin,” sabi niya, “babawasan ko pa ang buwis niyo, habang palalakihin natin ang benepisyo.” Ang dami pong maybahay dito, palagay ko. Pag yung asawa niyo nagsabi, “Babawasan ko ang budget mo, pero padamihin mo ang kakainin natin sa araw-araw.” Ilan kaya ang maybahay dito [na] papayag? Ilan kayang maybahay dito na magsasabing “Puwedeng gawin yan”? Pabayaan na po natin; maganda nga itong mayroon na tayong media, mayroon pa tayong new media—yung social media. Pabayaan po natin ang lahat ng mga nagtutunggali na ipakita ang plataporma nila. At pabayaan na rin natin silang dumulas at masabing totoo talaga.

Pero kayo na nga ho ang huhubog ng kinabukasan. Natagurian ho tayong “Ama ng Bayan.” Sana makalingon ako dito at masasabi ko na ito nga ang naging umpisa natin, at tuloy-tuloy na ang pag-asenso at pagsasaayos ng atin pong lipunan, pagtutugon sa pangangailangan ng bawat Pilipino. Sana ho hindi tayo magkamali sa darating na eleksyon. Bigla lang sasabihin natin, “Yung anim na taon ng Daang Matuwid, bakasyon lang pala yun. Balik na tayo sa tunay na buhay.” Hindi ho kailangang bumalik sa malungkot na tadhana ang Pilipino. Napakarami pong ipinakita sa atin ang Poong Maykapal na talagang mahal tayo. Sabi nga ho, “Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.”

Sa ika-9 ng Mayo, huwag nating kakalimutan: Boto natin, buhay nating kasalukuyan, pero mas importante ang pamana natin sa susunod na salinlahi. Kayo po ang aking Boss mula sa umpisa. Kayo ang Boss ko hanggang ngayon. Kayo po ang magsasabi sa atin kung saan tayo tutungo.

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.