March 23, 2016 – Interview of Sec. Coloma – Malacañang
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
New Executive Bldg., Malacañang, Manila |
23 March 2016 |
QUESTIONS AND ANSWERS
Weng dela Fuente (NET25): Sir, any Palace statement dun sa Brussels attack po? SEC. COLOMA: Ang pangunahing inaalala ng ating pamahalaan ay ‘yung kaligtasan at seguridad ng ating mga mamamayan at ng publiko lalong-lalo na at nasa kasagsagan tayo ng paglalakbay sa iba’t ibang lalawigan at iba’t ibang lugar na binibisita sa ating bansa ngayong Semana Santa. Kaya’t kahapon, pagkatapos mabalitaan ‘yung naganap sa Brussels ay agad na ipinag-utos ng Pangulo kay Secretary [Joseph Emilio] Abaya at sa lahat ng iba pang concerned government agencies ‘yung pagkakaroon ng pinataas o heightened alert para matiyak ang kaligtasan at seguridad lalong-lalo na sa mga transportation terminals: airports, sea ports, bus terminals at maging mga LRT stations. Ms. Dela Fuente: Sir, so magkakaroon ng strengthening po ba ng mga security — may pangamba ho ba na may mga supporters ‘yung terror groups dito sa atin na pwedeng maglunsad din ng pag-atake? SEC. COLOMA: Kahit kailan naman ay hindi tayo nagbaba ng ating pagiging maagap sa pagtugon sa mga — sa anumang banta sa ating seguridad. At ang ipinaiiral natin ay ‘yung mga deterrents at detection measures tulad nga ‘nung heightened visibility of uniformed personnel sa mga terminals at ‘yung pagpapakita na ang ating sinusunod ay mga patakaran na magpapatatag sa seguridad ng mga transportation terminals. Pansinin natin, tayo ay nagsasagawa ng vehicle inspection doon pa lamang sa approach o doon sa pasukan na malapit sa ating mga airports. Tayo rin ‘yung nagsasagawa ng X-ray scanning and inspection of all persons, luggage and hand-carried items doon pa lamang sa bungad o sa pasukan ng ating mga airport terminals. Hindi ito pangkaraniwang ginagawa sa ibang bansa at kahit hindi pa naganap ang pinakahuling terror attack sa Brussels, matagal nang ipinapatupad at pinapairal ‘yung mga security measures na katulad ng ating nabanggit bilang pagpapatatag sa kasiguruhan ng seguridad ng ating mga mamamayan at ng mga naglalakbay sa loob ng ating bansa. Ms. Dela Fuente: May paalala po ba tayo sa mga kababayan sa Brussels? Marami hong OFW yata doon? SEC. COLOMA: Sinusubaybayan ng ating embahada doon ano. Nag-ulat si Ambassador Victoria Bataclan na accounted for naman ang mga Pilipino. Wala naman tayong natatanggap na ulat na mayroong nadamay doon sa mga pagsabog sa airport at doon sa Metro or train station. Patuloy na tinututukan ni Ambassador Bataclan ang sitwasyon doon at sinabi naman niyang nasa maayos na kalagayan naman ang ating mga mamamayan at patuloy na sinusubaybayan ang mga kaganapan sa Brussels. Ms. Dela Fuente: Pero ‘yung pag-i-ingat po doon sa sabi nga day-to-day activities nila? SEC. COLOMA: Nandoon ‘yung paalala sa kanila na maging maagap at maging maalam hinggil sa kanilang personal na seguridad at antabayanan lahat ng mga anunsyo ng mga awtoridad sa lugar na ‘yon. Ms. Dela Fuente: Sir, assessment lang ho doon sa mga ginagawang pagtulong ngayon doon sa mga kababayan natin na uuwi ng mga probinsiya? SEC. COLOMA: Well, simula pa noong mga nakaraang araw ay tinutukan na ito ng lahat ng mga ahensiya ng pamahalaan. Bukod sa DOTC (Department of Transportation and Communications), sa mga transport installations, iyon namang DILG (Department of Interior and Local Government) natin ay sumusubaybay din sa seguridad. Nag-deploy sila ng mga police assistance desks sa mga iba’t ibang terminals at sapat naman ‘yung deployment ng ating kapulisan sa mga lugar na ito. Alden Monzon (Business World): Sir, pwede ho sir humingi ng statement doon sa launch ng microsatellite ng DOST (Department of Science and Technology)? SEC. COLOMA: Well, katulad ng binanggit ni Secretary Mario Montejo ng DOST, ikinararangal natin na nagkaroon muli ng demonstrasyon na ang Pilipino ay may sapat na kakayahan sa larangan ng Agham at Teknolohiya. Kaya’t narating natin ‘yung puntong nakapag-launch tayo ng satellite on a global platform. |
SOURCE: Presidential News Desk |