March 27, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Easter Message 2016
President Benigno S. Aquino III’s Easter Message 2016 |
Rizal Ceremonial Hall, Malacañang |
27 March 2016 |
Sa araw na ito, ipinagdiriwang natin ang Pasko ng Pagkabuhay, na siyang katuparan ng propesiya. Batid ni Hesukristo: dadaan Siya sa matinding kalbaryo at pasakit hanggang kamatayan. Bilang tao, kusang loob Niya itong hinarap bunsod ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa ating lahat.
Nito nga pong Biyernes Santo, ginunita natin ang sukdulan ng paghihirap ni Kristo; kung paanong sa pagkamatay Niya, nabalot ng lungkot at kawalang pag-asa ang sanlibutan. Sa pagbangon niya mula sa kamatayan, binuksan ng Panginoon ang pintuan ng langit, at binigyan tayo ng pagkakataong makamit ang buhay na walang hanggan. Hindi man kasing-tindi ng pagdurusang dinaanan ni Hesus, gaya po Niya, dumaan ang ating bansa sa kalbaryo at kadiliman. Bunga ito ng pagsuway sa utos ng Panginoon: Sa halip na ibigin ang kapwa, inabuso sila at binalewala. Marami pong nawalan ng kumpiyansa sa sarili at sa bansa; at sinubok ang ating pananampalataya. Sa gabay at pagmamahal ng Panginoon, nasilayan natin ang liwanag ng pag-asa. Ngayon, ang Pilipino, bumangon na sa pagkakadapa; at handa nang umarangkada. Mga Boss, gaya ng panata ko, sa tulong ng Maykapal at sa inyong pakikiisa, masasabi ko, mata sa mata: tumutoo ako sa inyo at sa pagbaba ko sa puwesto, di hamak na mas magandang Pilipinas ang ating iiwan, kumpara sa ating dinatnan. Nakikita natin ang positibong transpormasyon sa mga OFW nating bumabalik na sa bansa dahil tiwala silang mayroon nang magandang kinabukasan sa Pilipinas. Naririnig natin ito sa mga testimonya ng mahigit 4.4 milyong kabahayang inaaruga ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program; at sa mga kwento ng mga benepisyaryo ng PhilHealth na nakakatanggap ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Naririnig natin ito sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan, na nagpapasalamat sa mga kalsada, tulay, at iba pang imprastrukturang ipinapagawa sa kanilang mga komunidad. Siniguro natin: Sa Daang Matuwid, walang naiiwan, walang nakakaligtaan. Tunay po: Nanunumbalik na ang sigla ng Pilipinas at ng Pilipino. Maging ibang bansa, kompiyansa sa kakayahan nating umasenso. Taas-noo, maipagmamalaki natin, tayo mismo—tayong sumusunod sa utos ng Panginoon, at kumakalinga sa kapwa ang nagsimula ng pagbabago, at patuloy na magpapaunlad sa ating lipunan. Malasakit, kawanggawa, at pagpanig sa tama at makatwiran ang naging susi sa ating pag-unlad. Mula sa pagbabayad ng buwis, hanggang sa pagpapanagot ng mga tiwali; mula sa pagtutok sa mga nasa laylayan ng lipunan, hanggang sa pagsisigurong hindi sila inaabuso, talaga naman pong inuuna natin ang bayan bago ang sarili. Sa Daang Matuwid, naiangat natin ang buong bansa, nang halos walang dagdag na pasanin sa mga Pilipinong nakikiambag. Hangad natin: Hindi na humiling ng higit na sakripisyo sa kapwa dahil lang sa pagkukulang ng iilan. Nagpapasalamat po tayo sa Panginoon sa pagtuturo ng landas na dapat nating tahakin. Maraming salamat din sa inyo, aking mga Boss, sa tiwala at suportang kaloob ninyo; at sa pakikiisa ninyong sundin ang dakilang utos ni Hesus: Ang ibigin ang kapwa, gaya ng pag-ibig ng Diyos sa atin. Sa pagtutulungan at pagsasabuhay sa aral ng Panginoon, wala po tayong hindi kayang tuparin. Nawa’y patuloy tayong magsilbing bukal ng lakas at pag-asa sa kapwa, hindi lang ngayong Pasko ng Pagkabuhay, kundi maging sa araw-araw nating pamumuhay. Sa pagbabalik-tanaw ninyo sa panahon ng ating panunungkulan, nawa’y nakita po ninyong totoong minahal ko kayo. Isang ligtas, mapayapa, at makabuluhang pagdiriwang sa ating lahat. |