President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Proclamation Rally of the Candidates of the Liberal Party (LP) Manila
Plaza Miranda, Quiapo, Manila
28 March 2016
 
Alam po niyo, itong Plaza Miranda at saka yung partido naming Liberal ay talagang mahaba ang kasaysayan. At dito nga ho, 1971, muntik nalipol, naubos ang liderato ng Partido Liberal. Kaya sa amin ho, parang sagrado itong lupang ito. Nandiyan pa ang Quiapo Church. Bakit sagrado? Dugo ho talaga literal ang ibinuhos dito para ipaglaban ang kapakanan ng sambayanan. Kaya dito ho, parati naming inuulit-ulit ang dalawang bagay: Lalo na sa Plaza Miranda, hindi puwedeng magsisinungaling. Kailangan totoo parati ang sasabihin natin dahil sagrado ang lupang ito.

Siguro pangalawa—at ito nga ho ang pinagtatanong ko… Kanina ho kasi, bago ako umakyat ng entablado, nakita ko ho tong marmol na nandito sa tabi ng entablado. Ngayon, meron hong natira. Hindi ko ho alam kung ang tawag diyan ay art—abstract art—dahil wala naman ho talagang nakaguhit. O dati may karatula diyang nakalagay. Sino ba ang nakakaalam kung ano ang nandito sa marmol? Malaki-laki, nasa Plaza Miranda, pero hindi ko ho maintindihan itong nasa harapan. Matagal na ho yatang nawala yan. Sana hindi yan ang tanda ng kondisyon ng Maynila na tila nakalimutan na pati itong ating mga ginawang monumento dati.

Anyway, alam po niyo, katatapos lang po ng Semana Santa. Salamat at nagkaroon tayo ng kaunting panahon para sa atin pong pamilya. Nagamit din natin ang panahong ito para taimtim na magdasal at makapagnilay-nilay. Nagkaroon rin po tayo ng panahon na makapanood ng isang lumang pelikula tungkol sa buhay po ni Archbishop Oscar Romero ng El Salvador, na pinatay po noong siya’y nakikipaglaban para sa karapatan lalo na ng nasa laylayan ng lipunan.

Ako po’y napag-isip: Sa dami ng pangyayaring inilagay don sa pelikulang yun, palitan lang natin ang mga pangalan ng tao, ng lugar, ng mga sitwasyon. Kunwari ho doon, ang tawag nila ay “kampesinos.” Sa atin po, “kasama” ang tawag. Parehong-pareho ang nangyari sa El Salvador sa nangyari sa atin sa Pilipinas, at halos pareho rin ho yung panahong ito.

Alam po niyo, dahil kinakabahan ang mga kini-criticize, binabatikos ni Archbishop Romero, ang ginawa nilang solusyon, pinaslang si Archbishop Romero habang nagse-celebrate po ng mass. At ngayon po ay beatified na siya; malapit na pong maging isang santo.

Palagay ko naman po, wala sa inyong kontra sa pamamahala natin dito sa Daang Matuwid. At dahil papalapit na po ang eleksyon, may mga nag-eengganyo sa inyo, gamit ang pinakamatatamis na salita, para kumbinsihin kayo na magbago ng landas. Kung tutuusin, lahat ng mga nagpepresentang maging Pangulo, papalit po sa atin, kakilala ko, at masasabi nating siguro naman maski papaano ay kaibigan ko pa. Pero nangingibabaw po ang pagiging pinuno ko at ama ng bayan, sa kabila ng pagiging magkakaibigan namin. Tingnan po natin kung saan sila nanggagaling.

Sabi nga po: Ang tao, nilikha. Dahil nilikha, hindi perpekto. Walang isang tao na puwedeng magsabing tama siya sa lahat ng panahon at sa lahat ng pagkakataon. Ang ganda po ng sistemang demokrasya, puwede tayong magkaroon ng iba-ibang paniniwala, pero pag pinagsama-sama tayo, huhubog tayo ng isang landas na sinasang-ayunan ng lahat.

Problema ko po: Pag napapakinggan ko po, nababasa yung mga sinasabi ni Manong Digong Duterte, ang sabi po niya sa debate noong Pebrero, “If I become president, it will be bloody. Because we’ll order the killing of all criminals, ang mga durugista at drug lords.” Ano po ba ang sinasabi niya? Ibig sabihin ho ba ng mga katagang kanyang binigkas, siya ang tutukoy, siya ang huhusga, at siya rin ang magpaparusa? Bawal ba sa kanyang palakad ang magkaroon ng kontrang opinyon at siya lang ang tama sa lahat ng pagkakataon? Kung ganyan nga po ang sinasabi niya, ako lang ho ba dapat ang medyo kabahan sa puwedeng kahinatnan natin?

Alam po niyo, merong itinuro sa akin ang aking ama. Kino-quote po niya ang buhay at sinabi ng isang pastor na ang ngalan ay Dietrich Bonhoeffer noong panahon ni Hitler sa Germany. “First they came for the communist, but I was not a communist so I did not speak out. Then they came for the socialists and trade unionists, but I was neither. So I did not speak out. Then they came for the Jews, but I was not a Jew, so I did not speak out. And when they came finally for me, there was no one left to speak out for me.” Sa madaling sabi po: Nilipon nila unti-unti ang lahat, ako lang ang hindi. Sa mga bagay na hindi po ako kasali, hindi ako nagsalita, hanggang dumating ang panahon, ako na lang ang natitira at at ako na ang huling nilipol.

Pinapalabas po ni Manong Digong sa atin na talagang matigas na matigas na pinuno siya. Di ba dapat tayong mag-alala sa sinasabi niya? Maraming gagawin sa mabilis na panahon; di ba’t kaakibat noon, shortcut? At ano kaya ang ibig sabihin ng shortcut, kung hindi kasama na rin pagsasabalewala ng tamang proseso.

Kay Senadora Grace Poe naman po: Ulit, kaibigan natin. Dalawang beses niyang binanggit sa huling debate na gagawin raw po niya ang dating Marine Colonel o dating Philippine Marine Colonel na si Ariel Querubin, gagawin niyang crime czar. Sa unang tingin, mukhang maganda yan; matigas ang Philippine Marines, aayusin ang krimen. Ang tanong: Tama ba ang kanyang binigkas? Ang pulis po, trabahong hulihin ang kriminal. Magagamit lang ang deadly force sa self-defense o sa pagdedepensa sa iba. Ang sundalo naman po, ang trabaho, kung hindi hulihin ang lumulusob sa atin, kundi ay gapiin sila. Balikan ninyo ang kaisipan na iyan at ang ating kasaysayan at kasaysayan ng buong mundo. Di ba, di naman inaaresto ng sundalo ang kalabang sundalo? At kung may nahuhuling mga sundalo, puwersado silang sumuko dahil natalo na po sila.

Si Col. Querubin po, may kakayahan. Totoo. Pero angkop ba siya sa trabaho? Ihalintulad natin ang problema sa krimen sa pagtatahi ng damit mula sa tela. Ang kailangan mo para mahubog yung tela sa isang damit, gunting. Isusunod mo sa patterns, ipagdidikit, mabubuo mo ang damit. Hindi puwedeng gumamit ng chainsaw para putulin ang tela para gawing damit. Pagbigyan na po natin dito si Senadora Grace, sa kung sa ano ang gusto niya pong sabihin. Pero sa mga panukala niya, ang tanong na palagay ko’y angkop: Handa na nga ba siya sa lahat ng desisyong kailangan niyang gawin?

Si Vice President Binay naman po: Alam natin, lumaban sa diktadura. Pero di ba tayo napapag-isip: Ano baga ang kanyang ipinagmamalaki sa Makati? Ang cake? Ang libreng sine? Totoo kaya ang sinasabi nilang bumaba ang bilang ng mahihirap sa Makati, o tulad ng naikuwento sa atin, nailipat lang sila sa labas ng Makati? Batid natin ang sama ng loob ni VP: Nasa poder siya nang pagkatagal-tagal, pero ngayon, ang daming kumukuwestyon sa kanya. Ako naman po, kilala niyo ako; wala akong tinataguang tanong, o tinatakbuhang isyu. Doon po sigurado tayong nagkakaiba sa kanya.

Ito po, bahagi ng pagsusuri ko sa mga naghahangad na maging susunod na pinuno ng bansa. Naniniwala akong iisa lang ang hangarin natin para sa ating bansa: ang maituloy ang pag-angat ng bawat isa.

Ang akin nga: Bakit ihihinto ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program, na dati’y hindi pa umabot ng 800,000 ang bilang ng kabahayang benepisyaryo, at ngayon, aabot na sa 4.6 million bago matapos ang taon? Dito sa inyo, ang dating 2,777 pamilya o kabahayang benepisyaryo noong taong 2010, umakyat na sa 46,723 ang bilang sa kasalukuyan.

Bakit ititigil ang PhilHealth, na dating nasa 51 percent lang ang mga miyembro, ngayon, halos abot-kamay na natin ang 100 percent coverage dahil nasa 93 percent na tayo ayon sa PhilHealth? Dito sa inyo sa Maynila, bakit natin pipigilan ang pagpopondo sa mga Health Facilities Enhancement Program, na pumalo sa halagang P281 million, sa Maynila lang?

Bakit natin ipagkakait sa ating mga Boss na Manileño ang imprastrukturang inyong kinakailangan? Sa mga kalsada, tulay, flood control, at iba pang imprastruktura: Noong taong 2005 hanggang taong 2010, ang nailaang pondo para sa inyong lungsod ng ating sinundan, P4.73 billion. Sa parehong panahon, 2011 hanggang 2016, natriple na natin ito sa humigit kumulang P16.33 billion, para sa Maynila lang, katumbas ng maraming mga probinsya. Kasama rito ang mga proyektong Metro Manila Skyway Stage 3, NLEX-SLEX Connector Road, pati na ang redevelopment ng Roxas Boulevard, reconstruction and improvement of the Bonifacio Drive and widening ng Anda Circle, pagpapaunlad ng Ayala Bridge.

Bakit natin ipupurnada ang Metro Manila Flood Control Master Plan, na inilalayo ko sa peligrong dulot ng baha ang ating mga kababayan? Nariyan ang Pasig-Marikina River Channel Improvement Project Phase 2 at Phase 3, Manila Bay Seawall Project, Blumentritt Interceptor Catchment Area.

Idiin ko lang po: Marami na nga tayong naitanim, at marami-rami na ang ating inaani. Pero mas marami pa ang maaani natin, at mas mapapalago pa natin ang matatamis na bunga ng lahat ng ating pinagsikapan kung matutuloy ang ating nasimulan.

Bilang Ama ng Bayan, tungkulin kong maging gabay sa inyo. Tungkulin kong ipresenta sa inyo ang tamang pinuno. Siya yung siguradong itutuloy ang reporma, dahil siya mismo ay nagsakripisyo at naging kabahagi natin sa pagtahak natin sa Daang Matuwid. Sa akin po, walang iba iyan kundi si Mar Roxas.

Sabi po ng aking mga magulang, kung ikaw ang mag-eendorso, kailangan kaya mong garantiyahan. Ito pong si Mar, maliwanag na uunahin ang bayan bago ang sarili. Kung ang ibang kandidato, kargado ng mga kontrobersya, si Mar, ang tangan ay karanasan, kaalaman, at tagumpay sa mabuting pamamahala.

Binansagan siyang “Ama ng BPO” dahil sa pagsisimula at pagpapalawak sa sektor na ito. Ngayon po, mahigit isang milyon na ang nabigyan na ng diretsuhang trabaho. Napababa rin niya ang krimen sa National Capital Region at sa iba pang mga rehiyon, gamit ang batas at hindi dahas. Sa dami ng kanyang nagawa, makikita mo po siyang nagpapakumbaba, imbes na magbuhat ng sariling bangko. Ganyan dapat ang Pangulo: Hindi kayo bobolahin, hindi kayo tatalikuran, at higit sa lahat, hindi kayo nanakawan. Yan po si Mar Roxas.

Kasama po niya siyempre si Leni Robredo, ating pambato bilang pangalawang pangulo. Nang pumanaw po si Jesse, imbes na panghinaan ng loob, naging tanglaw si Leni sa kanyang mga anak, sa akin, at sa ating lahat. Noong taong 2013, tinawag siya ng kanyang mga kadistrito para tumakbo bilang kanilang kinatawan. Hinarap niya ang hamon, kahit pa malaking pamilya ang makakabangga. Ngayon, tayo naman ang tumatawag muli sa kanya. Sa totoo lang, puwede siyang tumanggi, at sabihing “Di ba marami na kaming naiambag sa bayan? Sarili ko naman. Pamilya po naman namin muna ang aking aasikasuhin.” Pero muli, siya po ay kasama nating lumalaban para sa alam niyang tama at makatwiran. Iyan po si Leni Robredo.

Sa totoo lang, itong sina Mar at Leni, puwede na sanang parehong nakuntento sa tahimik at kumportableng buhay. Pero tulad ko, tulad ng aking mga magulang, nakikitta nina Mar at Leni na meron silang talagang magagawa para gumanda ang kalagayan ng ating mga kababayan.

Dito naman po sa inyo sa Maynila, sa dalawang pangalan lang din tayo nagtitiwala: Siyempre, kay Mayor Fred Lim, at sa kanyang magiging Vice Mayor na si Atong Asilo.

Higit-kumulang po tatlong buwan na lang ang natitira sa ating panunungkulan. At di natin maiiwasang kung minsan po, malungkot talaga magpalaam. Marami nga hong mga kuwentong umaabot sa akin. Naalala ko tuloy mga kuwento sa akin ng kaibigan kong si Sandy Javier. Dumalaw raw po siya sa Fairview, nakausap niya yung mga nagta-tricycle doon. Sabi po niya sa akin, tinanong niya: Sinong gusto niyong maging presidente? Sagot po nila at tanong din, “Puwede bang si Pnoy na lang ang presidente uli?” Ang sabi kasi nila, nung naging Presidente siya, gumanda ang buhay raw nila; tumaas ang pasada nila, naging P700 galing sa P300 kada araw.

Sa totoo lang po, lumaban ang mga magulang ko para sa demokrasya, at di ko maatim na sa akin mismo ang pag-uumpisa ng pagbubukas muli na pag nagkaroon ng pangalawang termino, e baka magkaroon ng pintuan kung saan pupunta ang isang tulad nung ating nakaraan ay hindi na pumayag bumaba sa kanilang puwesto. Hindi po maatim ng ating konsensya na magbibigay tayo ng anumang puwang para sa ganoong mga adhikain.

Sa totoo lang po, hindi ko minabuting magpapogi sa ating panunungkulan. Hindi ko hinabol ang kaliwa’t kanang photo opportunity para mapatunayan sa inyong ako po’y nagtratrabaho. Kuntento na lang po ako pag kayo na mismo ang nagsabing tama ang ginawa ko. Kuntento na po ako sa pagiging pogi, nanay ko na lang ang nagsabi noon at saka yung mga naging girlfriend ko.  Okay na po sa aking iba ang mag-ribbon cutting sa lahat ng ipinapatayo natin; okay na po sa aking umangkin sila ng kredito pagdating ng panahon. Susunod na administrasyon ang makakakuha ng pagkilala. Pero ang akin po, panatag ako, dahil kina Mar at Leni, iiwanan ko ang bansa na nasa mabuting kamay. Kina Mar at Leni, sigurado akong hindi lang nila itutuloy, kundi talagang palalawakin at ipaglalaban pa nila ang Daang Matuwid.

Ito nga po ang tanong ko: Ngayong kita na natin kung saan tayo ihahatid ng Daang Matuwid, sa isang Pilipinas na mas maunlad, kung saan talagang hitik ang bunga, kung saan napakasarap ng pinagtiyagaan nating nilaga, isusugal ba ninyo ang ating bansa sa “baka”? Hayaan ninyong ibahagi ko ang minsang sinabi sa akin: It is your obligation to train your successor. Linawin ko lang po: Pagdating ng Mayo, sa ikasiyam ng Mayo, si Noynoy Aquino, tulad niyo, iisa lang ang boto. Pareho ang boto ni Juan at Juana Dela Cruz. At sa huli po, damay-damay tayo sa lahat ng botong yang pinag-ipon ang magiging may lagda ng ating kinabukasan.

Malinaw sa aking kung gusto nating magtuloy ang Daang Matuwid, kailangan nating ihalal, ikampanya, at ipaglaban sina Mar at Leni. Sabi nga ho nila, lahat ng may halaga o tunay na may halaga, pinaghihirapan. Tungkulin nating isulong ang tama at ilapit sa iba ang ating paniniwala. Kailangan nating muling buhayin, ipakita ang lakas ng People Power.

Darating nga ang panahon na tatanawin natin ang sandaling ito sa ating kasaysayan. At sana po, lahat tayo ay masasabi nating “Kasama ako sa humubog sa magandang bukas ng Pilipinas. Kasama nina Mar at Leni, itinuloy ko ang laban. Naging parte ako ng positibong pagbabago.”

Mga Boss, ngayon po, ipapakilala ko na po ang mamumuno sa ating laban, ang susunod na Pangulo ng Pilipinas, walang iba po kundi si Mar Roxas.