President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Meeting with the local leaders and the community at Sta. Rosa, Laguna
Garden Plaza Events center, Garden Villas, Brgy. Malusak, Sta. Rosa, Laguna
31 March 2016
 
Kahapon po, tinanong ako ng iba’t ibang miyembro ng media galing sa [iba’t ibang bansa ng] mundo, umattend ako ng kanilang conference dito sa Pilipinas, may isang nagtanong, “Yung mga kandidato ninyo, nasa 20 to 27 percent lang ho sa survey. Di ba dapat isinisigaw ng taumbayan an ituloy ang Daang Matuwid?” Ipinaliwanag ko po. Kako, tandaan natin ang ang mga kandidato namin, nagtatrabaho; yung mga kalaban namin, nangangampanya mula 2010. Pagkatapos pong mag-swear in, nangangampanya na sila.

Sabi ko, tingnan natin kung saan sila nagmula. Sa totoo lang ho, single digit sa survey noong nag-umpisa. Ngayon ho, mula four percent, one percent kay Leni, nasa twenty plus percent na po ngayon. Medyo ang laki na ng laktaw. Yung nilaktaw nila, tila iyon din naman ang ibinaba ng kalaban nila. Pero ang mas importante sa akin pagdating ko dito. Yung “ama ng bayan,” parang di ko na ho masyadong gustong titulo iyon. Sabagay, ninety plus days, hindi ko na ho titulo iyan. Kasi pagdaan ko ho kanina, sabi sa akin, “Daddy.” Sabi ko, “Masyado mo namang niliteral ang ‘ama ng bayan.’” Sabi ng bata, medyo mga ilang layo sa kanya, “Uy, Mar Roxas, dumating ka na. Salamat!” Kako, “Ayos, panalo na talaga si Mar Roxas nito.” [Tawanan] May pinagkaiba lang ho kami ni Mar Roxas. Di hamak na mas makapal nang konti ang buhok niya. Konti lang ho. Iyon lang ho ang pinagkaiba.

Dito naman ho, ang sabi sa akin, “Panalo ka na.” Sabi ko, “Salamat po, kaya lang hindi ako tumatakbo eh.” [Tawanan] Ibig sabihin siguro noon, ang magpapatuloy ng Daang Matuwid, panalo na. Kaya thank you na rin po. [Palakpakan]

Sa Daang Matuwid, talagang tuloy-tuloy ang paghahatid natin ng pagbabago. Dito mismo sa Laguna, kitang-kita ang pruweba:

Kanina, dumayo tayo doon sa isang kumpanya, ang ngalan ay Kaertech. Ang ginagawa po niya, ang tawag ay Smart Electric Toothbrush. Una muna, electric. Uy, electric toothbrush. Hindi naman pangkaraniwan sa atin yan. Eh ngayon, smart. Ano ho ba yung smart? Yung smart na parte ho, yung toothbrush ay nakikipag-usap sa inyong smartphone, sinasabi kung medyo mali ang pagsipilyo ninyo, kung saan dapat umasenso. Pero ang mabigat ho doon, merong applications sa smartphone na ginagawa nilang parang laro sa bata habang nagsisipilyo. Parang may points ka pag binalikan mo yung dapat balikan. Ang importante po ay hindi yung kakayahan ng toothbrush; ang importante po ay dito ginagawa sa Pilipinas itong high-tech na sipilyong ito. At hindi lang iyan ang produktong ginagawa ng Kaertech, marami pa nga ho. Dito po sa inyo sa Laguna ginagawa ang napaka-high-tech na mga bagay na iyan.

Talagang maganda ang takbo ng negosyo, kaya balak nilang mag-expand pa dito. Siyempre, dulo nito, lalakas pa ang ating manufacturing at technology sector, na magdadala ng dagdag na empleyo. Pero pinakaimportante po sa akin, hindi lang sa investment nila, yung pagsasanay sa ating mga kababayan kung paano magdisenyo ng ganitong produkto, paano gumawa ng ganitong produkto, kung paano i-assemble ang ganitong produkto.

Bakit importante sa akin yon? Noong 2010 ho, alam kong alam niyo, ultimong electric fan. Dati marami tayong gumagawa ng electric fan sa Pilipinas, napunta na sa ibang bansa. Tayo, nag-iimport ng electric fan na hindi ganoong kakomplikado. Ngayon ho, marami nang nagbalikang electric fan. Pero tayo ho, lumalaktaw mula sa electric fan, dito na tayo sa mga high-tech na produktong ito.

Ang ganitong industriya, pati ang mga pamayanan, kailangan siyempre ng maayos na imprastruktura. Kaya sa public works, mula 2011 hanggang 2016, P12.61 billion ang nailaan natin para sa Laguna. Iyan po, mula sa infrastructure budget lang ng DPWH. Noong araw po, ang pinalitan natin, ang ipinagkaloob sa parehong period—six years, mula 2005 hanggang 2010—hindi ho P12 billion ang dinala sa Laguna, [kundi] P3.68 billion lang.

Heto ang ilan sa mga proyekto natin para sa inyo: Naisakongkreto na ang Lipa-Alaminos Road; pinapalawak din ang Manila South Road. Ang Sta. Rosa-Ulat-Tagaytay Road at San Pedro Bridge, magiging apat na lanes na ayon sa pangako ng DPWH. Sa buong bansa naman, napaayos na natin ang higit 18,000 kilometro na national road at 107,000 lineal meters ng tulay.

Kanina nga po nang papunta rito mula sa Biñan, nakita ko yung kalsada, napakarami ho ninyong mga pabrika, napakarami aktibidades dito, napakakitid ng kalsada. Natanong ko tuloy si Mayor Arcillas, “Bakit ba nakaligtaan yata ito?” Ang sagot sa akin, “Private road.” Tinanong ko kung sino ang may-ari, sabi ko, “Parang kaibigan natin yan. Baka mapakiusapan natin yan.” Baka samahan pa ako ni Dan Fernandez na makiusap, mapakinabangan natin yan, mapalawak nang mas marami pa.

Ipinapagawa na rin ang South Luzon Expressway Toll Road 4 at ang North-South Railway Project South Line. Sa malalaking proyekto, na tanda rin ng malaking kaibahan sa ating sinundan, naiaward na natin ang 44.63-km na Cavite-Laguna Expressway o CALAX, kung saan nagkakaroon na tayo ng imprastrukturang kailangan natin, binayaran pa tayo ng P27.30 billion para sa karapatang ipatayo yang imprastrukturang kailangan natin. Isipin po ninyo, imbis na tayo’y bibili ng kalsada kung tutuusin, tayo’y tutulungan na magkaroon ng imprastruktura kaagad, at sa palagay nila ay kikita sila sa proyektong iyon kaya binayaran pa tayo ng [P27.30 billion] para itayo yung kailangan natin.

Sa Health Facilities Enhancement Program naman, P195.74 million ang nailaan na mula 2010 hanggang 2014 para sa mga ospital, rural health units o urban health centers, at barangay health stations dito sa Laguna.

Kasabay nito, pinalawig natin ang PhilHealth, na nagbibigay benepisyo sa 2.59 milyong taga-Laguna. Kabilang sila sa 93 milyong suportado na ng PhilHealth sa buong bansa.

Sa Pantawid Pamilya naman para sa Laguna, noong 2010, nang tayo’y kakaupo, ang alam nating mga kabahayang tinutulungan ng 4Ps ay 903 lang pong kabahayan. Ngayon nasa 44,550 na ang kabahayang tinutulungan sa Laguna. Sa buong Pilipinas naman, kung ang dinatnan natin, hindi pa umabot ng 800,000 kabahayan, ngayong taon, maaabot na natin ang target na 4.6 milyong kabahayang benepisyaryo. Nasa 7.7 milyong indibidwal na ang nakatawid sa poverty line—naiangat na sa kahirapan.

Sabi po ng isang survey: 4 sa 5 na Pilipino, ihahalal ang magtutuloy sa Pantawid Pamilya. Kaya ngayon, todo angkin ang mga dating pumupuna na sa kanila siguradong uunlad ang programa. Ulitin ko po iyon: Dati po, noong 2013, puro pagpuna sa Pantawid. Ngayon na may survey, na 80 percent ng electorate ay boboto doon sa magtutuloy ng Pantawid, lahat sila ay inaangking sa kanila ang programa at magpapalawig sa programa. Alam ko namang pong ang Pilipino, hindi ulyanin, naalala ang mga sinabi niya noon.

Mga Boss, idiin ko po, kita ninyo at ng buong mundo: Posible na talaga ang dating imposible. Sa Daang Matuwid, pati ang mga hindi natin ipinangako, tayo na rin ang tumupad. Nagawa natin ito nang walang dagdag na pasanin sa sambayanan, maliban sa pagreporma sa Sin Tax. Ang akin: Tulungan po ninyo kami na ituloy ang paghahatid ng benepisyo na walang dagdag na pasanin sa inyo.

Maipagmamalaki po natin sa Daang Matuwid: Hindi kami nangurakot. Hindi rin namin inangkin ang pagbabago. Hindi kami puro pag nagsasalita ay parating “ako, ako, ako,” kundi sinabi nating parati “tayo”—tayo ang gumawa sa lahat ng pagbabagong ito. Tayo ang magpapatuloy ng lahat ng pagbabagong ating tinatamasa. Napakaimportante po noon. [Palakpakan]

Ang lahat ng ito, nagawa natin dahil sa suporta ninyo. Kaya naman buo rin ang suporta natin sa mga maaasahang anak ng Laguna.

Unahin na po natin yung nangako, si Dan Fernandez, baka sakaling maalala po niya yung pangako niya. [Palakpakan] Siyempre, si Arlene Arcillas at si Len Alonte, talaga naman, tinatanaw pa lang ninyo, jackpot na ang Laguna. Ang sisipag pa at talaga namang napakadedikado nitong dalawang ito kaya kita naman po ninyo talagang hangang-hanga tayo sa lahat ng mga pagbabagong nangyari sa kanilang pong mga lugar. Si Manong Jun Chipeco, kasama rin po natin, si Benjie Agarao, mga kadamay natin, at sampu ng iba pa nating mga kasamahan na ating nakasama sa araw na ito.

Lahat ng naabot natin, tatandaan na natin, puwedeng nagawa sampung taon na ang nakaraan dahil bago po ako umupo, parehong may pagkakataon, hindi ho ba? Pero saan tayo dinala? Kung hindi tayo nagkaroon ng tinatawag na “lost decade,” yung nawalang sampung taong yan sa ilalim ng ating sinundan, napapaisip po ako: Gaano na kaya kaunlad ngayon ang Laguna? Gaano kaunlad na kaya ang buong Pilipinas? Gaano katayog na kaya ang mga natulungan ng 4Ps na masinsinan noong araw kung ngayon eh baka marami-rami na sa kanila ang naka-graduate ng high school man lang.

Siguro naman po, malinaw na sa inyo ang ibig sabihin ng Daang Matuwid at ng good governance. Wag sana nating kalimutan na bago tayo dumating sa puwesto, baliktad na baliktad ang nangyayari. Pero nangako ako ng pagbabago. Hinalal ninyo ako at talagang tinutukan natin ang lahat ng repormang ating pinaggagawa. Pero ngayong pababa na po ako, tatandaan nating walang katiyakang permanente ang mga benepisyong tangan ninyo.

Kahapon po, may isang pagpupulong akong pinuntahan. At sinabi sa atin doon, parang ibang-iba na talaga yung pananaw ng Pilipino sa Pilipinas. Sang-ayon po ba kayo na noong bago tayo naupo, ang mga diyaryo natin, ang TV, ang radyo, parating magkakaroon ng istorya sa dami ng Pilipinong lumilikas sa Pilipinas. Tama po ba? Tila ang ambisyon lang ng bawat Pilipino: Paano ba ako makalayas sa Pilipinas dahil sa kakawalan ng pag-asa sa bayan natin. Ngayon alam naman po ninyo, nag-uumpisa nang nag-uuwian. Yung tinatayang 10 milyong OFW, nasa 9.4 million o 9.2 million po ang opisyal na record ng talaan natin habang bumababa yung unemployment rate natin sa record ng nasa Pilipinas.

Maliwanag po na kung kapareho natin ang papalit sa atin, tutuloy ang ginhawa at serbisyo. Tutuloy ang lahat ng nangyayari sa atin. Pero klaro rin naman na kung ang papalit sa atin ay taliwas sa atin, kung iba ang pananaw, kung iba ang tinuturing na kanyang mga Boss, puwede siyang magbago ng isip, at baka naman ituloy yung kanyang iniisip na baligtad sa atin, at pigilin na lang ang lahat ng ating programa. Tanong po: Isusugal ba natin ang ating kinabukasan? Nasa sa inyo nga kung magiging permanente ang pagbabago, o kung nagbakasyon lang tayo dito sa halos anim na taon at babalik sa sadlak na sitwasyong dinatnan natin gaya noong taong 2010.

Ibahagi ko po sa inyo: Nanggaling sa Pampanga kamakailan. Meron pong isang maybahay. Tumayo sa entablado. Siya po ay kabilang sa 4Ps program. Ang salaysay po niya ay ganito: Iniwan raw siya ng asawa niya. Iniwan sa kanya ang pitong anak niya at ang pinagkakakitaan niya ay patinda-tinda lang. Ang pagkakaintindi ko po sa sinasabing patinda-tinda lang, ibig sabihin kung minsan may natitinda, kung minsan walang natitinda. Kung minsan mapapakain yung pitong anak, kung minsan hindi mapapakain yung pitong anak. Sabi po niya, sa tulong ng Pantawid Pamilya, tatlo na po doon sa pitong anak niya ang nakapagtapos at may permanenteng trabaho na. Apat pa ang nag-aaral. Isipin lang po ninyo, kung kaharap niyo itong inang ito, inabanduna ng asawa, bahala ka palakihin yung pito nating anak. Kung itong maybahay na ito ay makausap ng sinuman sa inyo at tanungin kayo ng ganitong tanong, “Natulungan na ninyo ako sa aking tatlong anak, may apat pa akong pinag-aaral. Habang tinutulungan niyo ako, hindi naman ako humingi ng limos sa inyo. Hindi naman ako nagpabigat sa buhay niyo. Nakakatulong na kayo sa akin, nagbabayad kayo ng tamang buwis, may gobyerno tayong ginagamit nang tama yang buwis na yan.”

Yung apat po, umaasa pa ng kung puwedeng konting kalinga pa. Pag tinulungan natin itong apat na ito, natulungan natin yung pito, natulungan natin yung ina na—ulit ha—hindi ho tayo bumubunot sa kanya-kanyang bulsa, ginagawa lang natin yung tama. Sila ho titindig sa kanilang sariling mga paa, kakayod, ibubuhay yung sarili nila, at nagawa nila yan dahil tinulungan nating lahat. Kung tayo po tanungin, “Kayo ho ba puwede kong asahan na itutuloy niyo itong kalingang ito?” Sana naman po, huwag niyong isugal dahil ang pakiusap po, itong inang nagsasalita, marahil sasabihin niya, “Natulungan na ninyo akong walang pabigat sa inyo. Kayang-kaya ninyong tulungan pa akong konti. At pagkatapos niyan, hindi na niyo kami problema namin.” Tayo sasabihin natin, “Sige, isugal natin.” Palagay ko ho wala sa atin dito ang makapagsasabing, “Ipagdadamot namin ang tulong at kalinga sa iyo.” Bagkus, lalo pa nating dapat palakasin. Mga Boss, ang akin po, kumpletuhin na natin ang tulong. Ituloy natin ang Daang Matuwid.

Siguro, walang mag-aakalang madali ang trabaho ng Pangulo. Araw-araw may mabigat na desisyon kang dapat harapin. Ngayong malapit na ang halalan, marami na namang aawit sa inyo at liligaw sa inyo. At bagamat ayoko hong matawag na daddy dahil wala pa naman akong asawa at wala pa akong anak. Ama nga rin ako ng bayan, obligasyon ko pong magbahagi ng konting palaisipan sa inyo. Baka makatulong.

Sa totoo lang po, di ako ang diretsuhang katunggali ng mga kandidato sa pagkapangulo. Pero gaya ninyo, pagretiro ko po, magiging karaniwang mamamayan na lang ako. Maaapektuhan din ako ng mga desisyon ng susunod na lider ng bansa. Kaya naman, naniniwala akong dapat tanungin ang mga nagprepresentang pumalit sa akin.

May kandidato po diyan. Ang hirit: Ang Pangulo, dapat nasa secure na lugar kung may matinding krisis. Pero nakita ko sa sarili kong ina, noong panahon ng mga kudeta laban sa kanya, iba-ibang hamon kasama na ang Pinatubo, ang Pangulo mismo dapat ang mag-“lead from the front.” Sinanay po tayong hindi tagautos. Bago ka may iuutos sa isang tao, siguraduhin mong kaya mong gawin muna ito.

Ito mismo ang ipinamalas natin sa pagtungo natin nung atakihin ang Zamboanga City. Kailangang makita ng taumbayan, lalo na nung nasa Zamboanga at sa buong bansa, na di sila tatalikuran ng kanilang Pangulo. Ang akin nga, tanggap kaya ng kandidatong nagsalita na marami pa siyang kailangang maunawaan bago niya asamin ang pinakamataas na katungkulan?

Alam niyo po, lumaki ako na binibigyang halaga ang demokrasya. Naniniwala po ako sa consensus building at pagsasama-sama ng tinig. Pero may isang kandidato na naman, ibang kandidato po ito, pag nagsalita, parang siya lang ang tama at masusunod. Sabi pa niya, ang pangako raw po niya: tatlo hanggang anim na buwan, burado ang krimen, at kung hindi, magre-resign siya. Tama kaya yun? Lider ka, tumakbo ka na may pangako, at pag di mo natupad, ipapasa mo ang trabaho sa Bise mo at sasabihing, tila sinasabi yata sa ating lahat, “Bahala na si Batman.”

Ikaw mismo, Chief Executive ka ng lungsod mo, alam mo na araw-araw may hamon, may araw na mabilis makamit ang tagumpay, may araw na mahirap ang tagumpay, may araw na parang walang tagumpay. Parang ang gandang paki nggan na meron kang “onor,” pero puwede ba yung lider na bigla na lang susuko? Ang akin po, ang pamumuno sa bansa, parang pag-aasawa yan bagamat lecture lang ni Dan ang pagkaalam ko diyan. “For better or for worse” ang sinasabi ng pari. Dapat nandiyan ka. Tama po ba? [Palakpakan] Sabi ng mga nakakatanda sa atin, “Hindi yan parang mainit na kaning isinubo, pag napaso ka, iluluwa mo na lang.” Tatandaan lang po natin na lahat ng tumatakbo—ewan ko kung mayroong pinilit na tumakbo. Ang alam ko may iba nagpipilit tumakbo, at pagdating doon ay nahirapan ka, sasabihin mo, “Ayoko na.” Hindi ho. Bilang Pangulo, tumakbo ka, ang kontrata mo sa taumbayan ay anim na taon, at wala namang kontrata na “Pag naging Pangulo ako, doon sa happy lang ha.” Siyempre, kasama ka rin sa sad. At malamang doon sa sad, una ka. Di ho ba? Ikaw ang lider eh. Hindi puwede itong mga ganitong klaseng pangako.

Yung isang kandidato naman, ang sabi niya: Palalawakin daw niya ang 4Ps, at gagawing 5Ps, habang binabawasan ang ating buwis. [Tawanan] Mag-isip lang ho tayong konti doon ha. Nakikita kong maraming kababaihan dito. Palagay ko, mayroon ditong mga maybahay. Pag ang asawa mo sinabi, “Babawasan ko ang budget mo, at pagkatapos kong bawasan, dagdagan mo ang binibili mo,” ilan ho kayang misis ang tatango dito? Ang sasabihin, “Okay yan.” Ang malabo pa sa politikong ito, 20103 po, anak niya mismo ang gustong ipaimbestiga ang Pantawid Pamilya.

Ang tanong natin: Paano mo palalawakin ang programa habang binabawasan ang pantustos nito? Seryoso kang palalawakin mo ang programang pinaiimbestigahan ng mismo mong anak? Naalala ko po tuloy yung appropriate na tanong o yung angkop na tanong. Pag nagkita ho kami, palagay ko sasabihin ko sa kanya, “Kuya, ano ba talaga?”

Linawin ko lang: Lahat ng tumatakbo sa pagkapangulo, maituturing kong kaibigan. Pero nangingibabaw para sa akin ang prinsipyo kumpara sa pagkakaibigan. Kung ako po ang tatanungin, may isang kandidato na tiyak kong itutuloy ang reporma, dahil siya mismo, nagsakripisyo at kasama na natin sa pagpapatupad ng paglakbay sa Daang Matuwid sa simula’t sapul pa lang.

Ang BPO sector na siya ang nagsulong, ngayon nakalikha na ng higit isang milyong direktang trabaho, at inaaasahan nating lalago pa sa taong ito na magiging 1.3 million na po yung direct employees, kasabay ng pagpasok ng $25 billion sa ating ekonomiya dahil ito dun sa industriyang siya ang nagtatag.

Ang kandidato ko po, hindi puro photo op ang inatupag. Yung iba puro photo op eh, “Uy, may sakuna. Punta ako diyan, picture tayo dito. Nandito ako, dumadamay ako.” Ang importante, may sakuna, ano ba ang dapat gawin dito para maibalik sa tamang kondisyon ang ating mga kababayan. Siya po, masasabi ko pa, hindi lang kasama ko sa pag-aaddress ng mga sakuna. Sa totoo po, may mga panahong siya pa ang nauuna sa pagsosolba ng mga iba’t ibang problema tulad sa krisis sa Zamboanga, lindol sa Cebu at Bohol, pati na po yung hagupit ng Yolanda at marami pang iba. Naroon po siya. Sa paglilingkod, binunggo niya ang dapat bungguin, para sa ating mga kababayan. Ginawa niya ang tama, hindi lang sa panahong bahagi siya ng ating administrasyon kundi noong araw pa noong lahat kami ay nasa oposisyon pa. Walang iba po yan kung hindi si Mar Roxas—hindi puro sound bite at bola, naniniwala sa pagkukuha ng tinatawag na consensus, may integridad, walang reklamo, walang drama, trabaho lang po ang inaatupag. [Palakpakan]

Ang pambato naman natin sa pangalawang pangulo: si Leni Robredo. Alam niyo, ang naabot ni Jesse, kung wala si Leni, baka hindi kasintayog. Si Jesse, masasabi nating “He fought the good fight and he kept the faith.” Gaya ni Mar, inuna niya ang bayan bago ang sarili, at pumalag sa mga naglalakihang interes. Sa lahat ng ito, siyempre katabi niya ang butihin niyang maybahay na si Leni. Ganyan din po si Leni. Hanga tayo sa tindi ng katatagan niya. Nang mamatay si Jesse, si Leni pa ang umaaruga sa ating lahat.

Alam po niyo, Sabado po nung araw na yun. Inabisuhan ako na nawawala yung eroplanong lulan ang ating Kalihim ng Interior and Local Government na si Jesse Robredo. At sa totoo lang ho, mga late afternoon na po nung ako’y naabisuhan, gusto ko po sanang pumunta kung saan yung huling nareport kung saan nabagsak yung kanyang eroplano. Hindi na ho kaya ng Masbate na airport na tumanggap ng eroplano pag madilim na. Kaya alas sais ng umaga, pagbukas na pagbukas ng airport, nandun na kami. At tayo na mismo ang namuno sa operations para mahanap si Jesse.

Dumating yung pagkakataon na kailangan kong sabihin kay Leni, “Leni, lampas na yung 24 na oras mula nung nawawala si Jesse.” At si Leni ho hindi ko kakilala talaga. Minabuti ni Jesse na yung asawa niya, mga anak niya, ilayo sa buhay pulitika. Kaya wala ho talagang masyadong may kakilala sa kanya. Pero bilang, ama ng bayan, miyembro ko sa Gabinete, kailangan ako magsabi sa kanya nitong hindi magandang balitang ito. At natural na ho siguro kung bumuhos ng luha kay Leni. Mabuti siguro kung naglabas ng galit rin si Leni. Siyempre lahat ho tayo biglaang may namatayan, magtatanong, “Bakit, bakit, bakit?” Pero napakatatag po ni Leni, pinakinggan ang ating mga nalikom na impormasyon.

At talaga naman ho, mula po noon, mula nung narecover na rin yung katawan ni Jesse, medyo nag-umpisa na po yung decomposition nung nahanap yung katawan ni Jesse. Sabi ko po kay Leni, “Leni, hindi kaya mas magandang tandaan na lang natin si Jesse nung buhay siya kaysa makita yung ayos ng kanyang katawan ngayon? Yun na lang maging alaala niya?” Sabi niya, “Kailangan ko ho talagang makita.” So sinamahan natin sa morge, tiningnan niya. Ako kaibigan ko si Jesse, matagal ko na rin hong kasamahan, pero yung maybahay po niya, kaka-celebrate nila ng 25 years na anniversary. Tapos makikita, biglaan, talagang… Nakikita ko pa rin ho sa utak ko kasi kung ano yung hitsura ni Jesse nung panahon na yun.

Ngayon po, dumating ang eleksyon ng 2013, sinabi ng mga kadistrito niya, “Puwede bang ikaw ang tumakbong kongresista?” Puwedeng sabihin ni Leni noong panahon na yun, “Bakit kami na naman ang hihingan niyo, di ba puwedeng iba na lang?” Nakumbinsi siya ng mga kababayan nila na siya ang unifying factor, mabigat ang naging kalaban, pagkatagal-tagal na pamilya na po sa pulitika doon sa lugar nila. Ultimo sound system pahirapang makahiram, pupunta raw sa isang barangay, hindi ipapahiram yung plaza, hindi ipapahiram yung covered court. Pero nanaig po ang kagustuhan ng sambayanan doon at talagang ang laki ng panalo po ni Leni.

Itong 2016, puwede siyang maghangad ng re-election. Malamang, mas madali ang pagtakbo doon. Pero kailangan natin siya, at muli, nakiusap po ako, nakiusap si Mar, marami ang nakiusap sa kanya, “Leni, mukhang ikaw ang talagang angkop na tumakbo bilang Bise Presidente.” Tatandaan lang po natin, pag Bise, hindi spare tire yun. Dapat kung ano yung kuwalipikasyon ng Presidente, yun rin ang Bise. Dahil pag tinawag bigla ang ating Pangulo, kailangan kaagad mapupunuan ng kanyang Vice President. At ako po, sa nakita ko sa sinseridad, sa sipag, sa tatag ng kalooban, talagang handang-handa rin po si Leni Robredo. Kaya ako po’y nakikiusap nang matindi, tulungan natin nang masinsinan po si Mar Roxas at si Leni Robredo. [Palakpakan]

Mga Boss, 91 days na lang po ang ibinigay niyo sa aking mandato. Pagpatak ng tanghali ng 30 ng Hunyo, ordinaryong Pilipino na lang po ako. Wala na ako sa poder na sa anumang oras po, puwede niyong tawagin at handang sumaklolo at tumulong sa inyo. Pero ang mahalaga po, panatag ako na iiwan ko kayo sa mabuting kamay, at yun ang mga kamay ni Mar at ni Leni, na kaya kayong pagsilbihan, ipaglaban, at talagang tototoo, hindi lang sa hinaharap, kundi sa kasalukuyan at pati na sa lumipas, talagang tumototoo sila sa inyo.

Sila ang makakapagpatuloy sa Daang Matuwid. Ang panawagan ko po para kina Mar at Leni, at sa ating lahat: Hindi sapat na iboto lang natin sila. Tandaan lang po natin: Ang lahat ng mahalaga, pinaghihirapan. Kaya naman, ihalal natin sila, ikampanya natin sila, ipaglaban natin sila, dahil sila ang makikipaglaban para sa atin. Yan po ang matinding pakiusap ko sa bawat isa sa inyo sa araw na ito. [Palakpakan]

Tatapatin ko po kayo: May mga nagpayo sa akin, “Maging praktikal ka na lang.” Manahimik na lang ako, para hindi na raw ako pansinin lalo ng mga nasagasaan natin. Baka di na raw madagdagan ang galit nila sa atin—marami ang naapektuhan ang maling kabuhayan dahil isinulong natin ang tama. Pero pinaghirapan natin ang mga tagumpay na nakakamit natin. Wala pong lugar sa buong Pilipinas na hindi ko kayang puntahan dahil nahihiya ako sa performance natin sa kanila. Lahat meron tayong puwedeng ipagmalaki. Panahon po, pawis, dugo, luha, pati buhay, inalay natin para umabot tayo kung nasaan tayo ngayon. Hindi lang yung sa atin pero pati na rin yung pinaghirapan ng lahat ng nauna sa atin para lang makarating tayo sa ating tinutuntungan.

Huwag po nating sayangin ang pagkakataon. Marami na tayong naipunla, marami nang naani, pero mas matayog pa ang mga susunod na aanihin ng sambayanang Pilipino. Kaya naman po, andito po ako, hanggang sa huling sandali ng aking termino, maglilingkod sa inyo. Hindi po ako bababa sa puwesto, para lang sabihin sa inyo pagkatapos, “Bahala na kayo sa buhay ninyo.” Hindi po. Ngayon po, ibinabahagi ko sa inyo ang kaalaman kong nalikom para gabayan kayong magkaroon ng tamang pasya, at maihatid tayo sa mas maunlad na bukas pa. Tulad ng dati, nasa kamay ninyo ang ating direksyon; gamitin natin ang karapatan natin nang tama, at ihalal natin ang tama para sa ikabubuti ng ating kapwa.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyo.