May 01, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue |
01 May 2016 |
ALLANIGUE: Secretary Coloma, sir, muli, magandang umaga po.
SEC. COLOMA: Magandang umaga sa iyo, Alan. ALLANIGUE: Sec., mayroon pong nagpahayag ng mga concerns kaugnay po ng kaligtasan ng mga guro na magsisilbi ngayong paparating na eleksiyon matapos pong magkaroon ng insidente ng pambobomba diyan po sa mga eskuwelahan sa Maguindanao ilang araw ang nakalilipas. Ano pong mga government actions tungkol dito, Secretary Coloma, sir? SEC. COLOMA: Patuloy na tinututukan, pinagtutulungan at inaasikaso ng Pambansang Kapulisan at ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas at lahat ng ating mga puwersang pangseguridad ang pagpapatatag sa mga hakbang na pangseguridad, lalo na sa mga lugar na maaaring pagmulan ng kaguluhan dahil sa eleksiyon, para pangalagaan ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga guro at iba pang mga kawani ng pamahalaan na magsisilbi sa pagdaraos ng pambansang halalan sa Mayo anuwebe. Bukod sa kanilang mga territorial units, ang AFP at PNP ay gumagamit din ng mga augmentation forces mula sa kanilang mga operating units para magbigay ng kaukulang proteksiyon sa ating mga guro at sa mga mamamayan na magtutungo sa iba’t ibang presinto ng halalan. Nagtatag din o magtatatag din ng mga joint security assistance desks sa lahat ng polling center nationwide. Kaya tuluy-tuloy ang paghahanda ng PNP at AFP upang matiyak iyong pagdaraos ng matiwasay at maayos na halalan na kung saan ay mayroong mahalagang bahagi ang ating mga guro at mga kawani ng pamahalaan. ALLANIGUE: Opo. Sec., related po sa mga election matters ano po. Dito po sa gawi ng La Union, mayroon pong isang convoy ng isang kandidato ng UNA na sinasabing pinasabog ano ho. Ito’y sa kabila naman ng pagdi-declare na rin ng pagtataas po ng alert status ng Philippine National Police. Mayroon ho bang mga dagdag na instructions kaugnay nito, Secretary Sonny, sir? SEC. COLOMA: Dahil sa nabanggit mong insidente, tiyak na patatatagin pa ang seguridad doon sa nabanggit na lugar kaakibat na rin ng pangkalahatang hakbang para mapahusay ang seguridad ng ating halalan. Tinitiyak natin, Alan, sa ating mga kababayan na sapat ang kakayahan at kapabilidad ng AFP at PNP upang supilin at pigilan ang lahat ng grupo at indibiduwal na maaaring maghasik ng karahasan patungkol sa pambansang eleksiyon. Sa katunayan, sa huling tala ng PNP – at ito ay batay sa datos nila as of ika-20 ng Abril, 2016 – tinatayang humigi’t kumulang sa tatlong libo limandaang (3,500) katao na ang naaaresto bunga ng pagpapatupad ng election gun ban. Dagdag pa rito, humigi’t kumulang sa dalawanlibo walondaang (2,800) iba’t ibang uri ng armas ang nasamsam ng PNP, at mahigit sa tatlumpu’t isanlibo dalawandaang (31,200) deadly weapons at iba pang uri ng pampasabog tulad ng granada at improvised explosion devices ang nakumpiska ng Pambansang Pulisya sa ilalim ng programang Secure and Fair Elections o SAFE. Hindi tumitigil ang buong pamahalaan upang siguraduhin ang kaligtasan at katiwasayan ng ating mga mamamayan habang papalapit ang araw ng eleksiyon. ALLANIGUE: Opo. Secretary Coloma, nasa pahayagan din ngayong araw na ito ano ho, itong paratang na ang Malacañang daw ang nasa likod nitong usapin na may kaugnayan diyan sa BPI account issue sabi po ng kampo ni Mayor Duterte ng Davao. Any reactions po mula sa Palasyo tungkol dito, Sec. Sonny, sir? SEC. COLOMA: Walang katotohanan at walang batayan ang alegasyon na iyan. Ito’y purong ispekulasyon. Sa halip na maghanap ng masisisi o magkalat ng intriga, mas mainam na sundin na lamang ng Alkade ang panawagan ng taumbayan na matapang na harapin at magbigay ng paliwanag hinggil sa nasabing isyu. ALLANIGUE: Opo. Okay. Secretary Coloma, sir, ngayon po ay Labor Day. Of course, mayroon pong mga earlier na iniulat din na mga job fair na isinasagawa all over the country kaugnay po ng paggunita ng Labor Day ngayong araw na ito, Secretary Coloma, sir. SEC. COLOMA: Papalawigin na lang natin ang pagtugon diyan, Alan, sa pamamagitan ng pagbibigay nang mas mahabang pahayag at paliwanag. ALLANIGUE: Opo. SEC. COLOMA: Sa pagdiriwang ngayon ng Araw ng Paggawa, ito ang mensahe ni Pangulong Aquino, sinabi niya: “Saludo ang ating sambayanan sa mga manggagawang Pilipinong nagpupunyagi para sa kanilang pamilya at pangarap. Idinaraos natin ang Araw ng Paggawa bilang pasasalamat sa alay ninyong husay, dangal at lakas sa ating bayan.” Nakikiisa ang buong pamahalaan natin, Alan, sa lahat ng manggagawang Pilipino sa buong mundo sa pagdiriwang na ito. Lubos na ikinararangal ng buong bansa ang ating mga manggagawa dahil sa araw-araw nilang pagkilos nang buong sipag, tiyaga, galing at tapang para sa pamilya at para sa kapakanan ng sambayanan. Sa nakalipas na anim na taon ng Aquino administration, mas higit pang pinalawig at pinalakas ang pagbibigay ng natatanging pagkilala, pagpapahalaga at respeto sa mga manggagawang Pilipino para sa kanilang ambag sa lipunan Ikalawa, mas mataas na sahod o daily net take home pay at dagdag na kita. Ang minimum wage sa buong bansa ay tinaas sa antas na mula P228 hanggang P493 daily kumpara sa dating range ng daily minimum wage, mula P142 hanggang P414. Ito’y dahil sa bukod sa pagtugon sa inflation rate, inilampas din ang minimum wage sa poverty threshold alinsunod sa recommended formula ng International Labor Organization (ILO). Itinaas din ang tax-free benefits mula P87,450 hanggang P105,187 kaya’t ang mga dagdag na benepisyo – ang tawag dito ay “de minimis benefits” – tulad ng CBA and Productivity Pay na P10,000, uniform and clothing allowance na P5,000, daily meal allowance for overtime at monetization ng nightshift differential pay ay natatanggap nang buo at walang kaltas na bayad buwis. Mayroon pang tatlong iba pang mahalagang pagbabago. Ang ikatlo, mas mabilis na desisyon sa mga kaso, at higit na mababang bilang ng mga welga at pag-aaklas; ikaapat, mas malakas na boses at mas malawak ng representasyon sa mga konseho at samahang paggawa; at ikalima, mas matibay na proteksiyon at pagkalinga lalo na sa mga vulnerable sectors tulad ng Overseas Filipino Workers. Umabot na sa dalawampu’t walonlibo, limandaan at siyamnapu’t anim (28,596) OFWs ang nabigyan ng pangkabuhayan sa pamamagitan ng libreng kasanayan at panimulang kapital sa maliit na negosyo kumpara sa 1,517 lamang noong 2005 hanggang 2010. Dahil sa pinaigting na proteksiyon para sa mga OFWs, bumaba ang mga naitalang kaso sa 330,695 mula sa 417,021 o may kabawasan na 86,326 na kaso o dalawampu’t isang porsiyento (21%) sa loob ng nakaraang limang taon. Iyan ang ating pahayag hinggil sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, Alan. ALLANIGUE: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli, nais po naming magpasalamat sa mga updates mula po sa Palasyo, Sec. Sonny, sir. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan. |