May 02, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Tuguegarao City
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Tuguegarao City
Bagay Road, Brgy. San Gabriel, Tuguegarao City, Cagayan
02 May 2016
Kumusta ho kayong lahat? Maupo ho tayo, maupo muna kayo. Kanina ho, narinig ko sabi, binabanggit dumating na raw ako. Ang sabi nila, sabi ng tagapagsalita, “Nandito na po ang Pangulo natin, si Benigno S. Aquino Jr.” Sabi ko, “Sandali lang, meron pala dun.” Ang junior ho kasi sa amin, tatay ko e. Dun naman sa Pamplona, binati ako ng mga bata, “Ninoy, kumusta ka?” Kako, “Thank you na rin.” Gusto ko sanang sabihin, ang tatay ko, mas makapal ang buhok sa akin eh. Baka magalit siya. Pero okey lang po yan. Sanay na sanay tayo diyan.
Nung araw ho sinasabi kasi, “Anak ni Ninoy, anak ni Cory, naging kapatid ni Kris. Ngayon, tiyo ni Bimby, pinsan ni Mikee.” Okey na ho lahat ng pangalan na yun para sa akin basta importante, huwag nating kalimutan yung Benigno Aquino III, kaibigan ni Manny Mambang, susunod na Governor ng Cagayan.
Hayaan niyong batiin ko lang ho si Secretary Babes Singson at si Secretary Mel Sarmiento na siyang gumagawa ng lahat ng programa. Kadalasan ho, ako tagautos, pagkatapos na utusan, sila’y inuutusan ko, iinaugurate na Pamplona bridge, si Babes Singson ho nakahanap at gumawa sa tamang oras at tamang halaga.
Alam ho niyo, balikan ko lang ho si Manny ha. Si Manny ho, matagal na akong bilib eh—2001 tayo magkasama, ganon ba? Nauna ba ako sa yung—hindi, isang term lang, tama, nauna ako sayo isang term. At sa halos sa unang araw ko nakita si Manny, sabi niya, “Dapat tumakbo ka ng senador, pagkatapos nun, tumakbo ka ng Presidente.” Sabi ko, “Ang dami mo namang pinapagawa sa akin.” So sa totoo lang po, natutuwa ako naimbita tayo ngayon dito sa Tuguegarao dahil nung tinetesting ko sarili ko, kaya ko ba yung lalagari sa buong Pilipinas, walang tulugan, walang kainan, bahala na. Ang una ho o isa sa mga una hong naniwala sa atin, walang iba ho kundi si Manny Mamba.
Yung isa pa ho, dalawa sila nung umpisang-umpisa, si Jesse Robredong tatay ni Aika. Yun naman po, isang testing punta kaming Bicol, alam ho niyo, kanina binabanggit ni Manny lahat ng ginawa nating pinagtulong-tulungan sa Daang Matuwid, tama ho ba? Sabi niya, “Ang daming kalsadang ginawa.” Yun po narinig ko eh. Pero magaling talaga tong si Manny Mamba dahil yang dinaanan po namin, yan yata yung proyekto ng probinsya, medyo mahaba-habang walang kalsada diyan sa dinaanan namin. Hindi, wala ho akong ibig sabihin dun, ibig ko lang sabihin, para bang, ideya yata ni Manny, imbes na idaan ako dun sa kalsadang maganda, dinala ako dito sa dirt road para ibulong kay Mar Roxas sa darating na araw para tapusin. Ang tawag ho dun, “planning.” Magaling talagang magplano tong si Manny Mamba. Sabi nga ho sa amin, ibang “kind.”
Anyway po, batiin ko lang po—sorry ha, magbigay-pugay lang ho tayo sa lahat. Siyempre: si Paolo at saka si Aika; ating mga kasamahan; ating Vice Gubernatorial Candidate, si Bobot Taruc; congressional candidate natin sa 1st district, si Mon Nolasco; sa 2nd district, si Win Sacramed; sa 3rd district, si Toto Guzman; [palakpakan] si Mayor, pabalik na Mayor natin ulit sa Tuao, Kiko Mamba; at iba pa hong mga local officials present; fellow workers in government; ay-ayatek nga kailyan: Naimbag a malem kada kayo amin, Apo.
Baka hindi niyo alam, sa Tarlac ho kasi, nung congressman ako, yung distrito ko, tatlong bayan Ilokano, isa Kapampangan. At ang problema pa ho nun, nung nag-aaral ako ng Ilokano sa amin, yung tatlong bayan namin, kanya-kanyang version: May matigas na matigas, may katamtaman, at medyo malambot na Ilokano. Kaya paglipat ko ng kabilang bayan, di kami nagkakaintindihan. Kaya next time ho, pagtapos ng June 30, papaturo na lang ako kay Manny Mamba na mag-Ilokanong dire-diretso.
Ito ho kasing dala-dala kong papel, yung mga pinagtulong-tulungan natin sa Daang Matuwid, eh halos lahat ho nito, at may mga nasabi na si Manny, pero dadagdagan ko lang ho konti ha.
Sa imprastruktura po nung 2005 hanggang 2010, ang nailaan na pondo sa Cagayan province ay P3.79 bilyon. Sasabihin, “Ay malaki-laki na rin.” Pero tayo ho, sa pinagtulong-tulungan natin: P17.04 bilyon, mula 2011 hanggang 2016. Lampas ho yata yun sa apat na ulit ang inilaki ng budget.
Kanina binanggit ni Manny yung mga tulay, galing tayo doon sa Pamplona Bridge. Binabanggit ni Manny ang tatlong malalaking tulay na pinagawa natin. Sabi ko, sa Tarlac po noong tumakbo akong Presidente noong 2010, siyempre probinsya ko po yun, number one ako dun. Meron ho kaming isang tulay na bago dun. Dito sa Cagayan na number 2 ako, in-add yung 1 and 2, tatlong tulay ang bago maliban pa dun sa mga nire-repair.
Ang haba ho nito, baka antukin kayo pag sinabi ko lahat ito. Sa Shared Service Facilities ho, meron kayong 75 na Shared Service Facilities. Nakakabahan akong hindi ako makaboto sa Lunes, dahil sa Tarlac ho, hindi kami umabot yata sa 35 eh. Dito ho sa inyo, 75.
Sa atin pong irrigation at mga farm-to-market roads, higit P3.5 bilyon po ang dinala natin sa Cagayan. Meron ring post-harvest machineries nagkakahalaga ng P128.89 milyon.
Meron rin hong Pantawid Pamilya. Noong 2010, para kayong Batangas at saka Cavite, at saka Basilan. Ang dami hong kasama ng Pantawid Pamilya noong tayo’y naupo, sa isang naupo dinatnan natin para sa Cagayan: wala. Zero ho ang miyembro ng 4Ps noong 2010. Ngayon, nabanggit na ni Manny: 32,205 na pamilyang tinutulungan ho.
Sa classrooms ho niyo, nung araw ho kasi noong congressman kami ni Manny, magkaroon ka ng walong klasrum sa distrito, sa distrito po ha, malaking bagay na yun. Pag nakakuha ng sampu, magaling ka. Pag nakakuha ka ng 12, sobrang galing mo dahil ang pinaghahatian ho sa buong Pilipinas: 8,000 klasrum. Sa Cagayan lang ho, ang naipatayo at kasalukuyang itinatayo, meron na ho tayong 2,000 klasrum na ipinatayo dito sa Cagayan.
Ang DOH naman po, may programang Health Facilities Enhancement Program: P377.25 milyon na po ang hinatid sa Cagayan.
Ang PhilHealth membership niyo: 1.03 milyon na raw po, kabilang ng 93 milyon na miyembro ng PhilHealth dito sa Daang Matuwid.
325 ang nailistang sitio niyong walang kuryente noong 2011. 100 percent na pong may kuryente itong 325. [Palakpakan] Sa buong bansa po, kabilang yun sa 32,688 na mga sitiong pinailawan natin.
Mga kasama, siguro ho samantalahin ko na yung pagkakataon magpapaalam sa inyo. Kayo nagtiwala sa akin, binigyan niyo ako ng supisyenteng boto para tayo magkaroon ng pagkakataon mamuno ng isang dakilang lahi tulad ng Pilipino. [Palakpakan]
Narinig niyo testimonya kanina tungkol sa tulay sa Pamplona. Narinig niyo testimonya ng miyembro ng 4Ps. Hindi siya nakapagtapos, paano ba niya babaguhin ang tadhana ng mga anak niya, di ba? Pangkaraniwan pong istorya yan sa buong Pilipinas.
Baka ho may naiinitan kaya tulong na rin sa atin ito siguro, ano.
Alam niyo, siguro, ano ba yung pilosopiyang bumabalot—Manny, parang ito na yata yung “The sails that will bring you to the capitol.” Wala, maingay lang. Okay po, garantisadong hindi na po pinapawisan ang susunod nating governor.
Siguro at ayaw ko naman hong—alam niyo, pinaalala ng nanay ko sa akin eh, “Pag nagsasalita ka,” aniya, “lalo na kung hindi ka kandidato, maraming kailangang marinig ang tao, siyempre ang kandidato kailangan nating bigyan ng priority. Ikaw na hindi kandidato, iksian mo ang sasabihin mo.”
Puntahan ko po ang 4Ps. Lahat ng pulitiko siguro panahon ni Mahoma, pare-pareho sinasabi, “Tulungan niyo ako, pagagandahin ko buhay niyo.” Di ba? Siguro ang dapat nating itanong: Paano ba pagagandahin ang buhay mo? Maganda ho siguro, gawin nating ehemplo yung 4Ps.
Panahon pa ho ng nanay ko, libre supposed to be ang grade school at high school. Pero alam natin napakaraming out-of-school-youth, hindi kayang sustentuhan yung pamasahe. Kung makapasok man, kulang sa tamang kinakain, nagkakasakit, umaalis. Ngayon ho, anong ginawa natin sa 4Ps? Pinalawak natin. Dinatnan natin: 780,000 na kabahayan buong Pilipinas. Ngayon po, 4.6 milyon na pamilya ang tinutulungan.
Tawag po sa English: Conditional Cash Transfer. Ano po yung kondisyon? Panatilihin mo ang anak mong nag-aaral, may sustento ka mula sa gobyerno. 2014 po, pinalawak na natin hanggang high school at palagay ko po, pag si Mar Roxas ang inupo natin, isasagad na natin ang tulong hanggang college.
Ano pong diperensya nun? Ang diperensya ho ng naka-graduate ng high school sa suweldong puwedeng kitain at yung nag-graduate ng grade school, ang diperensya: 40 porsyento, malaki-laki po yun. Madaling salita: Yayaya tayo ng mga negosyante, local at dayuhan, magtayo kayo ng negosyo niyo dito, magkakaroon ng trabaho. Kababayan natin walang kakayahan. Papano siya sasali sa pag-angat ng ekonomiya? Hindi ho kaya, di ho ba? So kumpletuhin na natin yung tulong. Tulungan nating makapag-aral, bantayan natin yung kalusugan, sustentuhan nating mapagtapos yung anak.
Resulta: Isa ho sa narinig namin, nanay siya sa Pampanga. Anak raw ho niya, pito. Asawa niya, iniwan siya. Dahil raw ho sa 4Ps, tatlo sa anak niya, napa-graduate na niya ng high school, permanente na ang trabaho. Naka-graduate, may kakayahan na nakuha sa pag-aaral, puwedeng sumama sa paglago ng ating ekonomiya, tama ho ba? Yun lang ho hinahabol e, hindi yung hinabol na magpagawa ka isang kalsada, kita niyo tumulong ako sa inyo. Hindi! Kumpletuhin na natin lahat yan. So paano natin isasabay ang ating mga kababayan para magkaroon o masagad yung pagkakataon? Kumpletuhin na natin, tulungan nating mag-aral, tulungan natin na pumunta ng mga kurso na talagang may tiyak na pupuntahang trabaho.
Banggitin ko po yung TESDA. Yung TESDA po noong nag-umpisa tayo, ang nakakahanap ng trabaho, anim na buwan pagkatapos mag-graduate, 28.5 percent. Ngayon po, 72 percent na. Ano po resulta nun? Kuwentuhan ko na naman kayo, pinakamadali nating maintindihan, ang hirap ho kasing mag-isip pag yung “bilyon,” “daang milyon,” gawin na nating kuwento ng isang tao.
Meron hong taga-Pangasinan, nagtrabaho sa Middle East, nakatapos ng Accountancy. Sabi sa kanya “Ngayon, pumunta ka sa Middle East, meron kang trabaho: kahera.” Pagdating doon, contract substitution. Naging domestic helper, minaltrato pa. Talagang hirap na hirap siya doon. Nakatakas siya, tinulungan ng embahada natin, umuwi ng Pilipinas. Pag-uwi, binigyan ng pamasaheng makauwi ng Pangasinan, sinabihan may mga training program para sa ating mga OFW, amongst others. So siya raw ho gulong-gulo pag-uwi. Puwede nating maisip bakit gulong-gulo ang isip niya e. Malamang umutang para makatrabaho sa abroad. Hindi natapos ang kontrata sa abroad, paano niya babayaran yung utang niya? Kung di niya mababayaran pa yung utang niya, ano pa yung puwedeng mangyari sa kanyang inaasahan niyang maganda sanang kinabukasan niya dahil sa paghihirap sa trabaho sa Middle East? Nawala lahat yan.
Pinasukan niya ang training sa TESDA, tinawag ho nila doon yung massage therapy at saka yung hilot wellness ho yata pangalan ng kurso. Dahil nag-aral siya dun, natanggap siya sa isang spa. Sa spa, magaling siyang empleyado, umabot siyang operations manager. Dahil magaling ho talaga ang taong ito, mula sa pagiging operations manager ng spa, meron na ho siyang apat na spa sa Pangasinan sa loob ng dalawang taon. At kasalukuyan po, dagdag dun sa apat na spa, may tatlo pa siyang franchise sa Tarlac naman. Pito ang spa nitong aleng dati nag-iisip nang magpakamatay. Yun ang totohanan na isagad ang oportunidad ng bawat kababayan natin.
Nabanggit po ni Manny kanina, sabi niya, mula raw ho yata nang unang pagtuntong ko sa Malacañang, binibilang ko na yung mga araw. Hindi naman totoo yun. Pero alam ko 59 days na lang po ako sa Malacañang. Hindi ko alam yung oras at saka yung segundo.
At sa totoo lang naman ho, ano, alam naman po niyo, Martial Law, 12 years old ho ako eh. 56 na po ako ngayon, 44 years na po tayong nakikidamay dito eh. At pag tinitignan ko ho yung mga kapatid ko at saka yung mga pamangkin ko, parang siguro, sa pagtapos ng June 30, makakatikim na rin tayo ng normal na buhay at tahimik tayo. Pero kaya nating gawin yun, kaya kong isipin yun kung sigurado akong kalagayan niyo, maayos kayong kalagayan, di ba, importante sa atin yan.
Pinangako ko sa inyo, pagbaba ko sa puwesto, di hamak mas maganda ang iiwan ko kaysa sa ating dinatnan. [Palakpakan] Ayaw ko naman hong dalawin ako ng nanay ko at sabihin sa akin, nagyayabang ako dahil sa pagtataas ng sariling bangko. Kung hindi niyo nadadama yung lahat ng pinaghirapan nating itong anim na taon na ito ay bigo ho ako. Pero kung totoo na talagang di hamak mas maganda ang kinalalagyan natin ngayon kaysa sa dinatnan natin noong 2010, kayo na ho siguro ang pruweba diyan at kayo na ang bahala sa atin sa May 9.
Importante ho, pumunta naman tayo—bago tayo pumunta dun sa future, kailangan tingnan natin yung lumipas. Wala hong magandang halimbawa dito kundi si Mel Sarmiento na ating kalihim ng DILG. Noong dati po, mayor siya, sabi niya halos wala siyang makuhang tulong kung saan man. Kunwari raw ho, isang beses may lumapit siyang kababayan. Sabi sa kanya, “Mayor, may problema po ako”. Sabi ni Mel, “Ano ba problema natin.” “Namatayan ho kami, wala ho kaming kabaong.” Lapit yung karpintero ng city hall ni Mel. Sabi ng karpintero, “Sir, meron tayong sobrang retasong kahoy diyan. Ako na bahalang gumawa ng kabaong.” Pinagawa yung kabaong, naibigay doon sa kanyang kababayan.
Bumalik ho yung kababayan, nagkita kay Mel, “Sir, dumating na po yung kabaong. Salamat po.” Sabi ni Mel, “Ayos naman ba?” “Okey na ho sana, kaya lang wala hong salamin eh, di ho namin makita yung patay namin.” Sabi na naman ni Mel, “Saan ko na naman kaya kukunin to?” Dating na naman yung karpintero nila, “Sir, meron tayong jalousie diyang retaso, ako ng bahala.” So kinabitan, di ko lang alam kung paganito o paganon, at lahat ng dadalaw para magdasal, bigay sa kanilang pakiramay, sumisilip-silip dun sa yumao, dahil jalousie nga lang ang nandun e.
Dagdagan ko pa: Inimbita si Mel [sa] International Conference ng mga mayor. Sabi niya sa akin, dumating raw yung representative galing Japan, sabi ng immigration sa bansang yun, “From Japan! Please welcome. Enter our country.” Dumating yung taga-Singapore, “From Singapore! Welcome to our country. Please proceed.” Dumating si Mel, “From the Philippines!” Tinignan si Mel sa ulo, tinignan hanggang paa, binalikan paakyat-baba, tingin nang tingin. Sabi kay Mel, hindi yung, “Please enter our country.” Sabi kay Mel, “Purpose of visit? Length of stay? Proof?” Sabi ni Mel, “I was invited to this conference,” sagot niya. “Proof of invitation?”
Pagdating doon sa kumperensya, may dala-dala siyang 100 calling cards, kasi importante diyan, makipag-usap ka sa mga kapwa mo mayor, baka may maitulong ka sa kanila, baka may maitulong sayo. Di ba, kumperensiya po, international eh. Sabi ni Mel, papunta ang dala niyang calling card, 100. Pauwi, 101 ang dala niyang calling card, may nagsauli pa yata.
Pag narinig raw na galing sa Pilipinas, lumalayo yung ibang mayor dahil baka naghahanap raw yung taga-Pilipinas ng ambulansya, police vehicle, firetruck, at iba pa. Noon po yun. Ngayon po na kalihim na si Mel, siya na namimigay ng police vehicle, ng firetruck.
Kanina ho sabi ni Manny, tatlo na lang yata ang bayan niyong walang police station. Di siyempre tinanong ko agad si Mel, “Mel, bakit walang police station?” “Wala pa ho yung lupa ng tatlong bayan na yan, pero yung pondo, nandiyan na, yung tao nandiyan na. Kaya nating itayo pero kailangan ho natin ng lupang tatayuan.”
Kaya pag nanalo si Manny Mamba, pipilitin niyang magkalupa yung tatlong bayan na yan. Di ba, kawawa naman ang kapulisan natin, inaasahan natin tagasugpo ng krimen, tapos wala man silang tanggapan. Unfair naman ho yan. Pero sigurado ho itutuloy yan, lalo na pag si Manny nga ho naging Governor natin.
Noong kinukuwento po ni Mel ito, ganoon rin ho pakiramdam ko eh. Pupunta ako sa meeting ng ASEAN—obligado ho ang lahat ng mga heads of government sa ASEAN—may dumating na kapwa head of government, kakausapin mo, sampung bansa ho lahat-lahat yan. Noong una ko pong hinarap sila, parang ang dating, ang pakiramdam ko lang naman ho ano, sana hindi. Pero noong nalamang taga-Pilipinas, para bang, “Ah, taga-Pilipinas ka pala. Okey, welcome.” Ganoon. Para bang pilit na pilit, parang obligado lang akong kausapin.
Eh ngayon ho, iba na rin ang sitwasyon. Noong ekonomiya natin halos 7 percent ang GDP growth, sa kanila ho bansang tinutukoy ko, nasa mga 1.4 percent. So may kumperensya, sabi ng counterpart ko, “President Aquino, the Philippines is doing this much. We are only doing this much. What is the secret of the Philippines?” Di ba? Siyempre, ngiti na lang ho ako dahil nung araw, sabi nga ng kaibigan kong isa, “Dati, ina-eye nila tayo.” “Anong ina-eye?” “Minamata.” Ngayon ho, tinatanong tayo ng payo. Eh di ngiti na lang ako, pero sabi ko sa loob-loob ko, “Sandali lang, humahabol pa kami sa inyo, hihingin mo pa sikreto namin.” Eh sinabi ko na lang ho, “We are copying your example.” O tigil na ho yung usapan dun.
Pero punto ho, kayo na ho rin testigo: “Sick Man of Asia,” “Asia’s Rising Tiger,” “Asia’s Rising Star.” Kaliwa’t kanan ang puri sa atin. Second fastest growing economy sa mga ilang panahon, sunod lang raw sa Tsina sa Asia. Kumbaga ho, noong dumating tayo nang 2010, dapang-dapa na ang Pilipino. Ang Pilipino, parang wala nang ambisyon kundi paano ba ako makaalis ng Pilipinas? Tama ho ba yun?
Ngayon ho, kanina sa diyaryo, front page ng isang broadsheet, ang dami raw Pilipino na imbes na maghanap ng trabaho sa abroad, inuuna nang maghanap ng trabaho dito sa Pilipinas. [Palakpakan] So puwede ko naman ho siguro sabihin, dati dapa tayo, ngayon nakatindig na tayo, ngayon natuto na tayong maglakad, ngayon nagpupuhunan tayo sa mga kababayan natin.
Sample niyo TESDA. Yung iti-training natin sa TESDA para doon sa BPO, yung mga call center na itinayo ni Mar Roxas, ang gagastusin ng gobyerno, gagastusin para i-training yung bawat kababayan natin. Unang taon pa lang na nagtatrabaho yung graduate ng TESDA, magbabayad ng buwis, yung ibabayad niya ng unang taong buwis, bayad na yung training natin sa kanya sa TESDA, eh hindi naman isang taon lang magtatrabaho. Taon-taon magbabayad ng buwis, ibig sabihin taon-taon, puwedeng may ibibigay na oportunidad na umangat ang kanyang estado ng buhay. Yun po ang Daang Matuwid.
Ngayon ho, ano ba ang hinaharap natin? Dito ho sa Cagayan, talagang tinagurian, Cagayan Valley lalo na, “rice basket.” Pero alam ko po, ang layo mula Maynila nitong Cagayan, talagang subukan. Ang magsasaka natin pag umani, sabay-sabay. Kadalasan umaasa sa anong presyo ng trader. Tama ho ba? Masakit pa nito, yung dadaanan ng Dalton Pass, parating sinasabi sa akin ni Babes Singson, basta may bagyong parating na tatama dito, naghahanda na ang DPWH ng mga equipment tulad ng grader dahil malamang masasara yung Dalton Pass. Kung minsan nga raw ho, ni walang ulan o konting ulan lang, malakas ang landslide. So yung tao na umani, gusto niyang ibenta, napupurnada pang ibenta dahil walang makalusot. Yung makakalusot, magdidikta ng presyo, yung puwede kitain ng ating magsasaka, nababawasan sa hirap puntahan ho nito.
Ano ho bang ginawa nating tulong diyan? Alam po niyo yung una ho na ginagawa na sa kasalukuyan? May kalsada ho mula Tarlac City diretsong Cabanatuan. Kumbaga ho, expressway na rin ho yan. CELLEX ang pangalan. Una ho yan na ginagawa na.
Yung susunod naman po, yung Dalton Pass na 70 kilometers na kalsadang yan, meron ho tayong isa na mas—ang tawag, ang hirap pong i-describe—pero imbes na tatawid ng ilang bundok, mas mababa yung slope na tinatawag. Mas hindi maapektuhan ng mga landslide. Ngayon po, nasa detailed engineering and design na tayo, tinutulungan ng bansang Hapon. Madaling salita po, pag sinabing ituloy ang Daang Matuwid, itutuloy natin yung kalsada na talaga namang maniniguradong hindi kayo maa-isolate. Yung kalsada na gagarantiyahan ng mas maraming pagkakataon ang ating magsasakang maibenta sa tamang presyo yung kanilang pinaghirapan.
Ngayon, baka itanong niyo, “Bakit naman matatapos ka na, hindi pa natatapos yan?” HIndi ho biro yan, may tunnel ho na limang kilometro na dadaanan. [Palakpakan] Ngayon, alam ba niyo wala tayong tunnel boring machine, kailangan natin ng tulong ng dayuhan, kailangan natin ng tulong nila pati sa financing nito dahil malaki hong proyekto: 90 kilometers na kalsadang dapat matinding highway na hindi puwedeng masara. Yun po ang kasunod na maasahan natin dito.
Sa flood control ho, malaki-laki na nailagay dito pero marami pa, hindi ko na ho iisa-isahin yung ating mga flood control projects dahil alam natin, lalo na sa banda niyo Manny, madalas ang baha, di ba? Pati yung tulay, ano bang tawag dun, yung spill? Overflow bridge. Pag rumaragasa yung tubig, wala na yung bridge.
Dati dapa, ngayon nakatindig, ngayon naglalakad. Anong susunod nating maasahan? Yung pinag-aaral natin sa kasalukuyan, baka dati kung hindi nakatapos, yung trabaho niya, maliit na trabaho lang tulad ng pagwawalis sa kalsada. Paano ka naman makakasustento ng pamilya nun? Yung pinuhunan natin ngayon na pag-aaral niya, puwede siyang mas mataas na trabaho makuha, mas maganda suweldo, mas maalagaan niya pamilya niya. Yun po ang tinatawag nating pag-arangkada.
Balikan ko lang ho, sa panahon na maraming kandidato nangangakong pagagandahin ang buhay niyo. Bibigyan kayo ng milyon-milyong trabaho kada taon. Si Mar Roxas ho, hindi pa tumatakbong Presidente, itinayo yung BPO industry. Ilan ang nakikinabang diyan diretsuhan? Itong taong to: 1.3 milyon na diretsuhang empleyado ang BPO Industry.
Doon sa call center, kailangan ng convenience store, dagdag na trabahador; lailangan ng driver ng taxi na gagamitin papunta dun sa call center, dagdag na trabaho; may titirhan, yung construction na titirhan, pati yung pagme-maintain ng lugar, merong dagdag na trabaho. So tinataya po, tatlo hanggang apat na trabaho kada trabahong nalikha sa BPO ang nalilikhang dagdag. Yun po ang inumpisahan ni Mar Roxas na puwede nating masabing 5 milyong katao ang nakikinabang diretsuhan at $25 bilyon po ang inaasahan nating kikitain ng bansa dahil diyan.
Sabi ng isang kandidato, susugpuin niya ang krimen sa loob ng 3 hanggang 6 na buwan. Si Mar Roxas ho, ginawa yung mga plataporma ng DILG tulad ng Lambat Sibat at saka yung One Time, Big Time.
Kuwento ko sa inyo yung One Time, Big Time. Kadalasan ho pag naghigpit ang kapulisan hinahanap yung mga wanted, isa-isa. Pag may nahuli kang isa, natutunugan ng ibang pusakal na mainit ang pulis, magtatakbuhan. Yung One Time, Big Time ho, minsanan susuyurin. Kunwari probinsiya, lahat ng may warrant of arrest, minsanan ise-serve. Ang resulta po niyan, mahigit sa 2,400 na ang arestadong pinakapusakal na kriminal.
Mastermind pa sila, sila pasimuno ng mga pangkat nila. Nang nawala yung pasimuno, hindi na makakilos yung galamay, kaya ang laki ng binaba po ng krimen dahil sa naisip ni Mar Roxas. Naisip at ginagawa ni Mar Roxas, pinagpapatuloy ni Mel.
Pag-usapan natin si Leni. Si Leni po asawa ni Jesse. Si Jesse makailang ulit na ring sinabi, para silang mga magulang ko eh, nanay ko po at tatay ko, parating sinabi sa magkakaibang panahon, kung di nila nahanap yung kapareha nila, hindi nila naabot yung tugatog ng kanilang inabot. Talagang dito sa samahan nina Jesse at saka ni Leni, nakita natin yung damayan, tunay na pagmamahalan at suportang walang kabawas-bawas.
Ngayon ho, dumating yung panahon, naaksidente si Jesse, miyembro ng official family ko po, miyembro po ng Gabinete ko, kaibigan ko. Si Leni, hindi ko masyadong kakilala dahil gusto ni Jesse hiwalay yung buhay ng pamilya niya sa buhay niyang publiko. Kailangan ko hong sabihin yung hindi magandang balita na medyo nababawasan na tayo ng pag-asa mahanap si Jesse na buhay pa dahil mahaba-haba na rin yung oras na nawala siya. Dumating ho yung punto, nahanap yung kanyang bangkay at sinabi ko po kay Leni, “Leni, ang balita ko, dahil matagal nang nasa tubig. Ibang-iba na ang anyo ni Jesse. Di kaya mas maganda, isipin mo na lang paano si Jesse noong buhay siya at yun na lang ang maging alaala mo.” Sabi niya sa akin, “Asawa po ako. Gusto ko namang makita’t magpaalam maski na itong huling beses na lang.” At nung nandoon nga kami sa morge, si Leni kasama ng kapatid ni Jesse, ako po kasama ko si Dinky Soliman, sinamahan namin sila doon. Awang-awa ako sa itsura ng aking kaibigan na si Jesse, pero habang naaawa ako kay Jesse, talagang humanga naman ako kay Leni, sobrang tibay ho ng kanyang dibdib.
Sobrang alam niyo di ba, puwede nating isiping hahagulgol, magtatanong ng kaliwa’t kanang bakit? Talagang sa shock na dumating, iba ho talaga ang dapat maging reaksyon. Pero malumanay, pinagdadasal si Jesse, kinakausap si Jesse, hindi ko ho nakitang talagang para bang nawalan ng loob itong si Leni. At marami nang ibang pagsubok na dinaanan. Puwede namang nanahimik na lang siya, puwede siyang nag-reelection na lang. Puwede namang nagpaalam sa ating lahat, sinabi niya, “Puwede ba, asikasuhin ko na lang tong mga anak ko,” at maintindihan natin. Pero alam niya na may pangangailangan at alam niya na kaya niyang tugunan ang mga pangangailangan na yan. Kaya talaga naman ho, tayo malaki ang pagkakamali kung hindi natin ihalal si Mar Roxas at saka si Leni Robredo.
Talaga hong—sabi nga ho, baka bukas hindi natin alam eh, finished or not finished, pass your paper. Magkikita kaming mga magulang ko eh, palagay ko dahil sa tiwala niyo sa akin, sa binigay niyong mandato sa akin at sinamahan niyo ako sa lahat ng kailangan nating haraping hamon, puwede kong harapin yung aking mga magulang na nakatingala, hindi ho nahihiya na hindi ko sinira yung kanilang alaala at saka pinamana.
Tandaan po natin, darating na Lunes, magbobotohan na tayo. Doon ho, may mga nagsasabi, sino ba dapat iboto? At babalik nga ako dito, baka dapat may nagsasabi, “Sino ba dapat iboto?” “Ay, doon tayo sa dapat mananalo.” Ang dapat ho yatang tanong eh, “Sino ba ang dapat manalo?” Hindi yung popular, yun ang iboto natin. Hindi yung magaling kumanta, hindi yung nakakagulat. Hindi ho. Pag may ipinangako ka, kaalinsunod dun, paano mo ba tutuparin ang pangako mo? Yun bang trabaho, naintindihan mo? Ngayon nga ho sa mga survey, alam naman natin, nakikita natin, merong isa na nakakagulat. Pero palagay ko, marami sa atin mag-iisip eh. Pag nagmura ka ba, may dadalhing bigas yan sa hapag-kainan ng Pilipino? Pag naghamon ka kaliwa’t kanan, makakakuha ba ng kakampi lalo na may problema tayo sa West Philippine Sea. Pag ikaw ayaw mong magsabi ng buong sagot pag ika’y tinatanong, ano bang aasahan natin pag ika’y naupo na? Pare-pareho siguro tinatanong natin dito.
Mga kasama, ako alam niyo nakasal na yata ako sa bayan. Wala akong asawa, wala akong anak. May mga pamangkin ako, yung pinakabunso kong pamangkin ngayon si Bimby, kaka-9 years old. Pag tinitignan ko yung mga pamangkin ko, kung minsan, alam naman niyo kung gaano kabigat itong trabahong to eh. Kung minsan ho pag yung medyo napapagod ka na rin, titignan ko yung mga pamangkin ko at importante sa akin na kung may silbi yung buhay natin ngayon, tayo magdedesisyon ng kinabukasan.
Importanteng masabi natin sa susunod na henerasyon, habang may buhay, may problema. Pero yung problema niyo, dapat iba na sa problemang hinarap namin dahil inayos na namin yung mga problemang yun. Dapat puwede nating masabing di hamak mas maganda ng pagkakataon yung sa kinabukasan dahil pinagpaguran namin yan at hindi namin kayo pinabayaan.
Importante ho, Lunes, hindi yun ilang minuto lang tayo nandoon. Pag-isipan natin, sa akin tinawag ko nga hong referendum ito, itong eleksyon na to. Tama ba ang ginawa natin sa Daang Matuwid o hindi? Tama ba na meron tayong 7.7 milyon na naiangat mula sa poverty level? Tama ba na 93 milyon ang PhilHealth na beneficiary? Tama ba na 4.6 milyon ang nasa Pantawid na ngayon? Tama bang lowest unemployment rate natin? Tama ba yung 6.2 percent na average GDP, biggest since the 70s? Maniwala ako, pag iba ibinoto natin, ibig sabihin nun, mali ang ginawa natin.
Nabasa ko nga ho sa diyaryo kanina, maling-mali raw ang aking labor policy sabi ng isang kandidato, “Laban ni Mar.” Sabi ko, “Mali.” Ang dinatnan ko, 199 na strike ng labor. Sa panahon ko po hanggang sa araw na ito, 17 lang po at halos anim na taon na tayo.
Nabanggit ko na sa inyo unemployment, nabanggit ko na po sa inyo 6.2 percent growth. Pag iba binoto natin, ibig sabihin, gusto natin mas mataas ang unemployment rate, gusto natin bawas ang trabaho. Kayo ho pag nagbabasa kayong diyaryo sa Linggo, classified ads. Di ba noong araw, anong mga trabahong marami? Maid, cook, di ba, yaya, driver. Ngayon ho pag nagbasa tayo, kung ano-ano kailangan, puro urgent. Di ba, urgent, immediate hiring. Yung “No Vacancy” noong bata kami ni Manny—matanda nang konti lang sa akin si Manny—yung puro “No Vacancy,” ngayon pinapalitan na ng “Urgent Hiring.” Tama ho ba?
Mga kasama, talagang nadadama ko na ho, ang nanay ko ay parang pinapaalala sa akin, mahaba na ako nagsalita. Pasensya na ho kayo, nagpapaalam na ako sa inyo. Importante lang ho, ano, ulit-ulitin ko lang ho, tayo ho nandito, malamang iisa pananaw natin na tama tong Daang Matuwid. Pero meron pa tayong mga kababayan, baka naliligaw. Kailangan nating hanapin, kailangan nating kausapin, kailangan nating pakiusapan na yung bukas ginagawa ngayon. [Palakpakan] Huwag nating gawing biro-biro yung darating na halalan sa Lunes. Hindi puwede yung baka sakaling tumotoo yung mga kalaban ni Mar Roxas. Baka sakaling alam nila ginagawa nila. Baka sakaling tama sila. Eh bakit pa tayo magbabaka kung may sigurado naman sa ngalan ni Mar Roxas at ni Leni Robredo.
Alam niyo paminsan-minsan pa rin, may nagsasabi sa akin, “Sana ho nag-reelection na lang kayo.” Sabi ko, “Wala sa Saligang Batas yan.” “Sana ho, nag-extension kayo maski three years lang.” Sabi ko, “Mahirap yata yun.” Mahirap yung extension dahil alam naman natin yung nagpakulong sa tatay ko, dalawa na termino niya, nag-extension pa ng 13 years. 21 years hong namuno siya. Nag-iisa pa siya. Eh meron hong kalaban si Mar Roxas eh, siya nasa gobyerno, tatlong anak niya nasa gobyerno, baka naman mag-21 years sila tigitigisa eh, 84 years ho yata yun. Di ba maski gaano kagaling, hindi ho yata maganda sa atin yun.
Importante ho ano, may nangyayari sa Pilipinas, ituloy-tuloy na natin, maski sino pa nakaupo dito. At importante nga ho, masakit pag nagkamali tayo, baka mailiko tayo kaliwa-kanan. Ang pinakamasaklap, ibalik tayo sa dati, u-turn. Ayaw natin ng left turn, ayaw natin ng right turn, ayaw natin lalo ng u-turn. Tama ho ba?
Sa May 9, boboto tayo. Pag nagsikap tayo ngayon, meron tayong nilaga. Pag tayo nagtatamad-tamad, baka magtitinginan tayo, iiyak-iyak tayong lahat. Bakit tayo kailangang umiyak? Eh nasa kamay natin yung paghuhubog ng kinabukasan? [Palakpakan] Boto ko po, isa lang ang bilang. Bawat isa sa atin, isa lang ang bilang. Pero boto nating lahat, yung nakakarami ang magdedesisyon para sa lahat. Kailangan magparami tayo nang magparami. Hanggang huling araw ng kampanya, huwag tayong tumigil magparami nang magparami. Pag ginawa po natin yan, yung susunod na salinlahi sa atin, pag tinignan tayo nakangiti, sasabihin sa atin, “Thank you.” Kaysa naman ho magtamad-tamad tayo ngayon, pag tinanong tayo ng susunod na henerasyon, “Bakit niyo kami pinabayaan?” Nasa atin ho yan.
Ulitin ko lang ho, si Noynoy Aquino mag-isa, ano bang magagawa niya? Si Noynoy Aquino sinamahan ni Manny Mamba, dadalawa kami. Sinamahan ni Paulo, ni Aika, apat kami. Pag sinamahan niyo lahat tulad nung 2010 na sinabi maski sino manalo, huwag lang ako, hindi nila kinaya ang sambayanang Pilipino. Kaya nating ulitin yan para sigurado ang Daang Matuwid.
Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.