President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Iloilo City
 Arroyo St. Iloilo City, Iloilo
03 May 2016
 
Alam niyo, basta may pinalangga, kaya ko yan. Pinalangga, pangga, di ba, naiintindihan ko ho yan. At lalo na pag walang “h.” Yung Kapampangan po, kami nagdadagdag ng “h” at saka nagbabawas ng “h” eh.

Mga kasama, siguro paano ko ba uumpisahan itong talumpati natin? Alam niyo, ang Iloilo ho talagang espesyal sa akin. Pati ho sa lovelife, siguro ikuwento ko sa inyo yung love life. Kaya lang hindi ho happy ending ha. [Tawanan] Meron hong kabarkada kasi ang tatay ko, taga-Iloilo, tapos sa totoo lang po, para bang noong nagsabog ng kagandahan ang Diyos, talagang sinabugan yung buong pamilya niya. So, isa sa pinakauna ko ho sigurong crush sa buong buhay ko, magkakapatid eh. Sabi ko, “Okay ito. Maski sino sa magkakapatid na ito.”

Sinamang palad ho, dumating yung Martial Law, nawalan kami ng ugnayan, tapos dumating yung panahon na meron akong nakatrabaho, tagadito rin po sa Iloilo, ang ngalan si Carmela Borres. Baka kilala niyo si Carmela, nakuwento ko sa kanya. Kaya ang sabi sa akin ni Carmela, “Alam mo, kaibigan ko yon. Kaibigan ko sila at iyong isa diyan nasa Iloilo na ulit.” Aba, baka ito na. Tadhana na to. Magkikita na tayo ulit! Sabi ko, “Paano ang gagawin natin, Carmela?” Sabi niya, “Sulatan mo at ihahatid ko.” Eh siyempre sulat ho tayo, kaganda-ganda pang sulat. Medyo mahaba-haba pa nga eh dahil nga naipon ho yung lahat ng sasabihin ko siguro mga 15 taon eh.

Totoo ho, talagang nangyari ito. Ibinigay ko kay Carmela. Si Carmela umuwi dito, ibinigay, bumalik dahil pareho kaming pinagtatrabahuhan ho noong araw eh. Sa Binondo. Pagdating ni Carmela, siyempre excited tayo. “Carmela, ano ang balita?” Ang sagot sa akin, sabi niya, “Naabot ko yung sulat.” O ngayon? “Ikakasal na pala eh.” Eksakto ho tayo sumulat bago kinasal. Two weeks bago kinasal. Yon ho ang kuwento ng lovelife natin sa Iloilo. Hindi ko ho alam kung ano ho ang aral doon: Huwag umasa kay Carmela siguro. Ewan ko. Pero huwag na nating pag-usapan yung buhay ko. Pag-usapan natin yung buhay niyo.

Ano bang napala natin sa Daang Matuwid? Dahil talaga naman po, ano, noong senatorial kong pagtakbo, si Manong Art tinulungan tayo, si Jerry tinulungan tayo, maski hirap silang tulungan tayo dahil oposisyon po ako non, pero nandun sila tumulong. Ano nga ho ba ang napala natin? Alam ko marami nang binanggit si Manong Frank, di ba? Binanggit na niya yung ating ilog na dati medyo hindi maganda, ngayon ho ay tourist spot.

Palagay ko nabanggit na rin niya, kung hindi man dito, sa ibang pagkakataon, alam niyo yung modelong ginawa ng Iloilo City, lalo na yung meron tayong informal settler? Paano ba natin aayusin ang problema ng informal settler? Nakipag-usap, tinratong tao, binigyan ng relocation center na maganda, tinulungan pati sa hanapbuhay, maganda ang sistema, happy yung mga dating walang tiyak na tirahan, may tirahan na silang maayos ngayon, may suporta na sa kanila diyan. Naayos naman natin yung pagdedevelop nitong Iloilo City. Nabanggit na po yung sabi nila—may nagsabi sa akin kasi, si Cory at si Ninoy sa Iloilo nagtagpo. Sabi ko, hindi yata nakuwento ng nanay at tatay ko dito sila sa Iloilo nagtagpo. Yun pala, yung kalsadang ipinangalan sa kanila, nagsalubong ang dalawa dito sa Iloilo.

Nabanggit ko na rin ho sa inyo dati, di ba? Ang problema ko, pag umiikot ako sa Pilipinas wala naman hong lugar sa Pilipinas na hindi ako puwedeng bumalik na nakataas yung noo dahil hindi ako dapat mahiya. Lahat ho wala tayong pinabayaan. Nanalo ako, natalo ako noong 2010, inasikaso ang pangangailangan nila. Pero ang sabi ko, “Alam mo Frank, dito sa ginawa niyo ni Manong Art, ni Jerry, at ng iba pa, ilang lanes nga ba ang kalsada niyo dito? Four and four, may two pang sobra, meron pang bike, meron pang “tsk.” Oo nga eh, alam na alam niyo. Ngayon sabi ko, pag-uwi ko sa Tarlac, hinahanapan ako ng four and four at saka yung bike lane. Hindi ba parang ang dami hong nangyari dito sa Iloilo na hinahanap sa atin siyempre sa ibang lugar. “Kami, kailan kami?” Sabi ko, “Aba, sandali lang, sila may plano, iyon ang kagustuhan, iyon ang pangangailangan, tinulungan ko lang. Kayo, ano ang plano niyo?” Eh di tutulungan ko rin kayo at iyon nga hanggang sa last 58 days ko po ay tutulong pa rin tayo sa abot ng ating makakaya sa lahat.

Kung okay lang ho sa inyo, meron ho ako ditong notes eh. At sabi ko, “Puwede ba piliin lang niyo yung pinakamatinding ginawa natin para sa Iloilo at kung puwede isang pahina lang. Kita ho niyo pinagbigyan naman ho ako, isang pahina nga. Ang problema ho, dikit-dikit ang liit pa ng letra. Siguro ang sabi nila, mabuti nang ganyan na ikaw na ang mahirapan para maibalita natin lahat. Pero sample lang po, sa infrastructure sa Iloilo po, ang budget 2005 to 2010, bago tayo naupo, P10.05 billion; 2011 to 2016, tayo na po ang nagpapatakbo, umabot na kayo ng P28.05 billion. Halos tatlong beses ang inilaki.

Isa ho sa mga paborito ni Manong Frank, siyempre, Jalaur River Multipurpose Project. At para hindi ko makalimutan ang sabi niya noong una naming naisip yan, “1960, yon ang taon na napanganak ka, baka ngayon na nandito buhay ka na, puwede mo nang gawin itong matapos.” Kaya nasa ano na tayo ng Jalaur, nandito na po sa, natapos na yung groundbreaking ng Stage 2, nandoon na yata sa pagbi-bid out ng mga contracts.

Farm-to-market roads: P1.16 billion po ang naihatid na natin dito.  Production post-harvest machineries equipment: P228.75 billion.

Pantawid: Noong araw po 2010, 5,085 na kabahayan. Ngayon po dumami: 91,992 kabahayang benepisyaryo. [Palakpakan] Siyempre ho sa buong Pilipinas mula 780,000, ngayon po 4.6 million na.

PhilHealth, sa Iloilo lang: 1.8 million members na kabilang sa 93 million tinutulungan ng PhilHealth. Sa Health Facilities Enhancement program, alam niyo ang kuwento sa atin, yung barangay health station merong baka may nurse, baka may midwife. Pagdating mo doon, may mesa, may silya, paupuin ka, wala namang aparato. Walang stethoscope, walang blood pressure meter, wala lahat, walang thermometer. So pagdating mo doon, kokonsultahin mo yung barangay health worker, ang gagawin mo doon magkuwentuhan na lang kayo. Kaya yung Health Facilities Enhancement Program, hinatid po ng inyong kababayang si Janette: P682.54 million para ho sa Iloilo ulit.

Sa kuryente: Sa pangunguna ni Icot Petilla na Secretary of Energy, Sitio Electrification Program natin, 32,688 na sitio sa buong Pilipinas. Dito po sa Iloilo, 1,964 na sitio ang napailawan na. Hundred percent na po ayon doon sa 2011 na survey natin.

Pero, siguro ho, di ba, parang nakakalula eh, bilyon, daang bilyon. Ano ba ang ibig sabihin talaga nito? Bigyan ho natin ng isang example: Meron ho ditong pamosong batchoy na palagay ko dadalhin ako ni Jed Mabilog sometime in the future, ang pangalan ho ay si Netong’s Batchoy. [Tawanan] Tama ba, Netong’s or Nitong’s? Netong. Ang sabi ho sa akin, nabanggit ho may testimonya, binidyo po, dati raw ho meron siyang isang puwesto. Doon sa puwesto niya sa bus stop, ang kinikita raw ho kada buwan ay P70,000. Ngayon raw ho, nasa P1.7 million na yung dalawang branch niya kada buwan na kinikita.  At ano ho ang naging susi? Iyang mga kalsada nga kung saan nagtagpo ang mga magulang ko, mukhang isang nakatulong yon. Siguro gusto ko hong lalo pang ipagdiinan. Itatago ko na ho ito dahil parang may sumesenyas sa aking magsasalita pa si Mar Roxas.

Pero, isa pa ho ano. Tingnan niyo, nanggaling ako ng Negros Occidental kamakailan eh. So, lalanding ka siyempre airport sa Silay. Silay, pupunta ako ng Bacolod City, dadaan ka ng Talisay. So nung kinabukasan ho, babalik na kami sa airport, may pupuntahan akong panibagong lugar. Ang Talisay pangkaraniwang lugar, hindi ho ba? Tubohan, may munisipyo, etc. Nagulat ako na may kalawak na binakurang dalawang lugar. Iyung isa po, property na dinedevelop ng Megaworld, iyong isa naman dinedevelop ng Ayala.

So ano ang nangyari? Kalsada mula Silay na airport papuntang Bacolod, pinaganda, dire-diretso. Talagang parang puwede na ihambing dito sa Iloilo. So, sa Negros Occidental merong ganung klaseng kalsada, sa Iloilo meron rin, sa Tarlac parating pa lang. Kung hindi na ako tanggapin doon, sana tanggapin niyo ako dito.

Anyway po, dahil nagkainteres yung Ayala, nagkainteres yung Megaworld, ang sabi nila mukhang magandang idevelop itong lugar na ito, tumaas yung halaga ng lupain. Tumaas ngayon yung buwis na kinokolekta. Hindi tinaasan yung buwis, tinaas yung kinokolekta dahil sa buwis na dati. Saan napunta yung buwis? Yung Talisay, Local Government Unit, meron po silang Special Education Fund. Sa dinagdag na kinita ng munisipyo nila, napondohan nila, may bus, may sariling mga classrooms, merong IT equipment, mga computer, meron pong dagdag na allowance sa mga maestra nilang malalayo ang pinupuntahan para magturo. Meron pa hong feeding program para sa kindergarten hanggang grade 3 dahil iyon ang pinakamaraming bumabagsak dahil malnourished, hindi nakakapagpatuloy ng pag-aaral. Meron pa ho yung mga kagamitan ng estudyante, nasustentuhan din nila.

Ulit, ang ginawa ng gobyerno isang kalsada, nakita puwedeng idevelop itong lugar, nag-umpisang magdevelop. Pero hindi pa ho tapos iyon, siyempre bakod pa lang ang itinayo eh. Pag dinevelop iyan, magkakaroon ng mga pabrika, opisina, mall, lahat non ay trabaho para sa kapwa nating Pilipino, hindi ho ba? Pero wala pa yung mga gusaling iyon, talagang umangat na yung estado ng kalagayan ng Talisay dito sa Negros Occidental.

Siguro ang kuwento ni Netong maganda rin. Dagdagan ko pa, meron hong isang OFW, accounting graduate, siya inalok magtrabaho sa Middle East. Pagdating doon, sabi sa kanya gagawin siyang kahera paalis dito. Pagdating doon, ginawa siya domestic helper, minaltrato pa. Nakatakas, natulungan ng embahada natin umuwi. Pag-uwi, gulong-gulo raw ho ang isip niya. At maintindihan natin iyon, di ba, dahil itong taong to, malamang umutang para makapunta doon. Hindi natapos yung kontrata, hindi siya nabayaran. Babalik siya dito, utang ang tangan niya at walang paraan, di ba. Paano niya babayaran itong utang na ito.

So pagdating raw ho niya dito, binigyan siya ng pamasahe pauwi ng Pangasinan. Pagkatapos po non sinabihan siya, “Alam mo, merong mga programa para sa ating OFW kung gusto mo magsanay. May mga programa ang TESDA at iba pa.” Pumasok siya. Pasok siya sa TESDA, ang pinasukan niya wellness, hilot wellness ho yata at saka massage therapy. Nakapasok siya sa isang spa, magaling na empleyado, naging operations manager. Magaling ho talaga. Pagkatapos non, nagtayo siya ng sarili niyang spa. Apat na ang branch ng spa niya. Tapos meron na ho siyang franchise. Tatlo ang fina-franchise niya na spa, doon sa Tarlac naman. So mula sa panahon na talagang walang-wala siya—ang sabi nga ho niya parang nag-iisip na siyang magpakamatay sa kabigatan ng problema niya—ngayon po, matinding entrepreneur na itong kababayan nating ito. Iyan po ang resulta ng Daang Matuwid.

Talagang pasensya na ho kayo, parang damang-dama ko lang ho yung time limit eh. Pero siguro ho, sabi nga ni Frank kanina, “Saan ba tayo nung 2010? Nasaan na tayo ngayon?” Sino ho kaya sa atin ang magagalit na dati, 780,000 na kabahayan sa buong Pilipinas ang tinutulungan, ngayon 4.6 million na kabahayan na? Sino ho kaya ang magagalit na ngayon ang ekonomiya natin, 6.2 percent GDP growth taon-taon ang average. Pinakamalaki ho. Ang medyo pumapantay lang sa atin, 1970s, at noon medyo dinaya pa yung numerong iyon. Sino ho ang nagagalit na lowest unemployment rate tayo ngayon? Sino ba ang nagagalit na Asia’s Rising Tiger na tayo ngayon, dati Sick Man of Asia? Sino ba ang nagagalit na 93 million Filipinos na po ang miyembro ng PhilHealth?

Dati depende sa eleksyon, di ba? Pag may eleksyon, baka 47, baka 51 percent. Ngayon ho, may eleksyon, walang eleksyon, tuloy-tuloy natin pinaparami nang pinaparami. [Palakpakan] Sino ho ang magagalit na yung Sin Tax na isinulong ni Frank Drilon, 20 years ginagawa yung batas na yon, hindi makapasa-pasa, si Frank Drilon ang nakapasa. P141 billion po ang tax na iyon last year. Saan pupunta yon? 85 percent ng buwis na yon pupunta sa health programs. So, kung binibigyan tayo ng sakit dahil doon sa sin products, sila rin ang magbibigay ng solusyon sa problemang nilikha nila.

Ngayon ho, ito siguro ang pinakaimportanteng ibahagi ko sa inyo ngayon eh. Palagay ko, hindi ko na ho pag-uusapan bakit magaling si Mar Roxas, palagay ko alam niyo bakit magaling si Mar Roxas. [Palakpakan] Kanina ho sa pagtanggap niyo kay Leni Robredo, damang-dama ko naintindihan niyo bakit talagang kaisa-isang dapat maging Pangalawang Pangulo si Leni Robredo. So kung ganun, ano ang natitira nating pag-usapan? Ito ho ang maganda, kailangan ko na naman ho dahil iko-quote ko eh.

Noong April 29, 2016, parang natanong raw ho si Senator Trillanes, “Pag nanalo si Mayor Duterte, ano ang gagawin mo?” Ang sagot ni Trillanes raw, “Ipapa-impeach ko siya.” So, tinanong naman ho si Manong Digong Duterte, ano ang reaksyon niya? Ito open quote, “Eh pag iimpeach ako, sabi ni Trillanes, eh di sarahan ko yung Congress, eh di wala nang mag-impeach sa akin.” [Tawanan] Tinanong raw ho siya ulit, “Would he violate any law should”—interview ho kasi ito eh—“Would he violate any law should he choose to abolish Congress once he wins?” Ang sagot raw ho niya, “What do you mean by law? Lahat ng”—tapos naging quiet ho. “All law erase diyan pag ikaw ang nanalo. Pag natalo ka patay ka. Every revolution that succeeds, siya ang tigas. He now becomes the authority. Eh siya na yung”—tapos tumahimik na naman ho—“tapos tingnan mo si Marcos. Pero yung kanya Martial Law. Iba yon.” Sabi niya, whether his plan to abolish Congress is a form of dictatorship? Sagot niya, “Wala, wala. Ako na ang Congress. Ako na ang Presidente.” Diktador ka talaga. Sabihin ng congressman, “Bakit mo naman kami isasara?” Tapos may sinabi siyang hindi ko puwedeng banggitin ngayon dahil tinuruan ako ng tamang asal ng nanay ko. [Tawanan] “Impeach, impeach kayo diyan”—at iyong hindi ko na naman puwedeng sabihin—“maniwala naman kayo sa”—ito baka puwede ito—“ugok na yan.”

Suriin lang ho natin ang sinasabi, kasi di ba parang lahat naman ng tatayo sa inyo, paano niyo malalaman kung bola o hindi bola? Pag hindi nambobola ang tao, sasabihin niya, “Dito tayo pupunta at ganito ang paraan paano tayo pupunta doon.” Simple lang naman ho iyon eh. Pero pag hindi niya sinasabi saan tayo pupunta, siyempre tayong botante tatanungin natin, “Saan mo ba kami dadalhin?” Hindi naman puwede yung lider natin magsabing “bahala na ako doon,” di ba?

So, idagdag pa natin. Alam niyo, hindi naman ako abugado, siya abugado. Pero pinag-aralan ko po yung ating Saligang Batas at hinahamon ko lahat kayo dito, lahat na nakikinig sa atin, hanapin niyo sa Saligang Batas: Saan ang kapangyarihan ng Presidenteng i-abolish ang Kongreso? I-abolish rin ang Supreme Court? Baka yon ang isusunod, ewan ko. Pero hanapin ho niyo, walang ganung karapatan.

Sinasabi nga ho sa Saligang Batas, co-equal branch eh. Ano ba ang ibig non? Pag umabuso yung Presidente, nandiyan yung Kongreso sa pamamagitan ng impeachment, pananagutin. Pag umabuso yung Kongreso at yung Presidente, nandiyan yung Supreme Court, puwedeng tingnan ang kilos niyo, grave abuse of discretion ang tawag. Sa madaling salita, iyong sistema natin, nagbabantayan na walang abusado dahil ang pinanggalingan natin may abusado eh, di ba? Dalawang termino na niya bilang Pangulo. Noong matatapos na, nagkaroon ng Martial Law, nagkaroon ng plus 13. So eight years nung baka nanalo nga siya, dinagdagan pa niya ng 13 years na tapos na yung termino niya. Isipin niyo gaano kahaba iyon, 21 years nasa Martial Law tayo.

Pag nagsasalita kang, “walang batas-batas,” tapos may nabanggit pang revolution, revolutionary government ba yan? Ano ang anyo pag nandun ka na? Tama ba lahat ng sinasabi? Parang meron pa ho kasing mga ibang beses siya nagsalita na parang ganun lang ang mensahe eh: “Ako ang masusunod. Ako ang tama. Ako ang magaling.” Pati ho sa supporter niya, tatanungin ko na lang ho. Inaasahan natin itong taong to, gagawa ng perpektong desisyon parati, di ba, kaya susuportahan dahil hindi natin alam kung ano ang plano eh. Hindi natin alam yung metodolohiya eh. So pag sinuportahan mo siya, eh sobra naman siguro yung sinasabi niya diyan, hindi naman ganyan.

So sana hindi niya gawin literal yung mga pinagsasabi niya ngayon. Ang tanong ko naman: Paano kung literal nga niya yung sinasabi niya ngayon? Paano kung ibabasura yung Saligang Batas? Paano kung baka sasabihin naman niya bukas, “Eh nanay mo ginawa rin yon.” Kako, inayos lang natin ang 1973 at kaagad, 1986. Yung EDSA, 1987, hinarap na yung Saligang Batas na inaprubahan ng mahigit 90 percent ng Pilipino. Hindi iniwan ng nanay ko yung kapangyarihang solo sa kanya. Gusto nilang ibalik sa demokrasya sa lalong madaling panahon, pero may dinaanan pang proseso, dinraft (draft) yung Constitution.

So, isipin ho natin: Nagsasalita, nanalo ka, wala nang batas-batas, itapon na yan, ako na ang tigas. Iyan yung sinabi eh, di ba? Hindi naman ako nagdadagdag sa sinabi niya eh. “Ako ang masusunod.” O ngayon, balikan natin. Puwede bang maging perpekto ang desisyon ng tao everytime? Iyong tao nilikha eh, hindi perpekto. Iyong hindi perpekto, gagawa parati ng perpekto, malabo yon.

So mabalik ako dito. Bakit kaya medyo parang mataas siya sa survey? At ilang beses ako nag-isip, at aminin ko ho sa inyo, iyong telepono ko, itong teleponong to, sa totoo lang ho ang daming nagtetext sa akin, kinakabahan lalo na malapit na ang eleksyon, paano kung magkatotoo? Iyan ang maupo at totoo lahat ang sinasabi niya? Tapos ang masakit ho sa akin, 30th year ng anniversary natin ng EDSA eh. Kung kailan tayo lumaya, ngayon ang parang lumalamang yung mga nag-aastang didikta. Parang may mali yata dito, ano ba ang nangyari?

Kaya babalik ako, kaya tinanong ko kayo kanina eh, mali ba yung tinutulungan ng 4Ps? Mali ba yung 300 percent increase sa DOH na budget? Mali ba yung 185,000 classrooms na naipatayo na natin para makapag-aral yung bata at pag nag-graduate o habang nag-aaral sa high school, may TESDA na tumutulong sa kanya para may trabaho six months pagkatapos mag-graduate? Mali ba lahat ng ginawa nating iyan na babaligtarin natin subukan na naman natin yung eksperimento ng Martial Law?

Baka sabihin pa, hindi naman Martial Law ang gagawin ko. O, sige baka yung pangalan iba. Pero pag tinapon na natin yung batas na pinagkasunduan natin, Saligang Batas, inaprub yan ng taumbayan noong 1987. Papalitan mo, siyempre ang tanong doon: Ano ang ipapalit mo? “Ako na ang bahala.” Sino ang magpapatupad niyan? “Ako na rin ang bahala.” Sino ang masusunod? “Aba’y ako.” Kanino kami magrereklamo, “Sa akin.” Paano kung mali ka? “Tiis kayo.” Hindi ba, ganun kasimple yon eh.

So, ulitin ko nga ho ano, ang daming nagtetext sa akin, may mga miyembro ng media, may mga relihiyoso, may mga yung iba ordinaryong mamamayan. Tapos parati nilang sinasabi, “Ikaw lang ang susi para hindi mangyari ito.” Sabi ko, “Ako, 58 days na lang ako eh. Ordinaryo na akong mamamayan eh.” Malamang, kung saka-sakali yung lagim na iniisip ng iba magkatotoo, at totoo talagang umastang diktador, palagay ba niyo makakaporma pa ako? Siguro number one tayo sa order of battle.

Pero ako naman ho, kung ganun ang mangyayari sa akin, okay na rin ho ako eh. Bakit? Noong pinatay ho ang tatay ko, sabi ko hindi ko matitiis na walang pagbabagong mangyari. Tapos ang tangan lang sa atin noong panahon ng Martial Law, ikukulong ka? Papatayin ka? Eh di namili na ho ako noon eh. Hindi ko matatanggap na walang nangyari sa pagkamatay ng tatay ko at iba pa nating mga kababayan, libo-libo po. Kailangan ibuhos ko yung magagawa ko. Kung buhay ko ang katapat, iyon lang ang tangan sa akin, eh dapat hindi ganun kaimportante yung buhay ko dahil hindi ko mailalaban yung ipinaglaban ng tatay ko. Hindi magkakaroon ng kabuluhan.

So, 1983 ho noong umuwi kami. [Palakpakan] 1987, ipinagtatanggol natin ang demokrasya, binalikan po ang nanay ko sa Malacañang, nilusob ng coup. Na-ambush po ako doon, tatlo sa apat kong kasamahan, patay. Hanggang ngayon may bala pa ako sa leeg. Bonus na lang ho, 1987 hanggang ngayon. Kaya kung iyon ang tadhana ko, eh di ganun. Bahala na siguro sa akin ang Diyos kung tama ang ginawa ko. Pero ang importante ho sa akin, klaro tayo pagpunta na natin sa polling centers natin.

Sa Lunes, boboto tayo. Kailangan maliwanag: Ano ba ang pinipili natin? Huwag tayong madadaan sa “Uy, kakaiba siya.” Katulad yung kanyang pagsasalita ay naiiba. Okay na kaya yon? Iyon bang ganung klaseng pagsasalita magdadala ng isang kilong bigas sa kaninumang hapag? Pag naghanap tayo ng kakampi at binati mo nang pabalagbag, ilan kaya ang kakampi sa atin? Eh mabigat yung kalaban natin sa South China Sea. Sa totoo lang ho, medyo naaway nga ho yung dalawang kakampi natin eh, at ako na ho ang humingi ng paumanhin. Hindi naman ako ang umaway pero ako ang humingi ng paumanhin. Pero papel ko ho yon e.

Mga kasama, siguro nga ho tadhana ko, tadhana ni Jerry, marami sa atin dito, lumaki kami panahon ng Martial Law. Noong panahong yon, pag nag-isip ka ng kinabukasan, umabot tayo ng susunod na pasko, ang laking bagay na eh. Ngayon ho iba na eh. Magtiyaga ka talaga. Iyong pamilyang hindi kayang pag-aralin, yung anak, susustentuhan ng gobyerno. Makatapos yung anak mo, meron siyang kakayahan, may trabaho siyang papasukan, may paraan para pagandahin lalo yung sitwasyon niya sa buhay. Kung magkaroon ka ng karamdaman, hindi bahala na si Batman sa iyo, pinipilit ng estado na ibuhos lahat ng kayang ibuhos para alalayan ka kung magkaroon ka ng malubhang karamdaman.

Maganda ang relasyon natin sa halos buong mundo. May tiwala ang mga negosyante. Kayo na ho siguro ang testigo, doon po ako nakatira ngayong gabi sa ano eh, Richmonde. Yong Richmonde ho dati, hindi ba, una airport lang yon. O, si Richmonde na katabi niya yung Convention Center, ang isang building nandun, McDonalds, iyon na yon. O ngayon, tatlong building ang dinaanan kong ginagawa eh. Trabaho na naman, oportunidad na naman.

So, doon ho nagmumula eh. Sabihin na natin noong araw, dapang-dapa tayo, Sick Man of Asia. Nakatindig na tayo, ginagalang na tayo ulit ng mundo ngayon, Asia’s Next Tiger nga raw eh. O, ngayon, PhilHealth, may kulang pa tayong 7 percent na hindi pa nako-cover ng PhilHealth. Yung sa Pantawid Pamilya, nag-umpisa grade school, 2014, high school tinulungan na rin. Yung unang batch ng high school natin, 2015, nag-graduate lampas 300,000 ang tinulungan. Doon po sa numerong iyon, mula 13,000 hanggang 14,000 ang honor student.

Ituloy natin ang ginagawa nating iyan. Itong mga pumasok, iyung nagsalita ho para sa kanila, pumasok sa UP. Nag-test sa UP ho sa Diliman, pinasukan nilang kurso, Engineering. Ang Engineering, quota course, mahirap makapasok doon. Iyong dalawang tinulungan ng Pantawid Pamilyang tagapagsalita nila, parehong tinanggap doon sa UP College of Engineering. Ituloy natin ang nangyayari, papakinabangan natin yung talento nila.

So, pag nagsulat tayo sa balota, sana kada tuldok na gagawin natin, isipin natin: Ito ba ang makakatulong para yung susunod na salinlahi, yung susunod na henerasyon, hindi na daanan yung problemang dinaanan ko? Ito ba makakatulong na matiyak yung kinabukasan ay talagang pataas nang pataas at hindi alanganin, hindi paatras, hindi na magyu-u-turn? Iyon ho ang halaga ng bawat boto natin. Kayo hong nandito, lalo na ditong nagpapaypayan nang husto na init na init na ho siguro, palagay ko naman, hindi kayo magtitiyaga diyan kung hindi pa tayo magkakasama. Pero ang problema natin, paano yung hindi nakarinig ngayong gabi? Paano yung naliligaw? Paano yung nadadaan sa gimik? Baka may oras pa tayo, puwede nating kausapin.

Malamang dito sa Iloilo, mahirap maghanap pero sa ibang lugar baka doon tayo maghanap, may kaibigan tayo, baka may textmate tayo, baka may Facebook friend. Kung sinuman ho, dahil ulitin natin ano, sa sistema natin ang nakakarami ang nagdedesisyon para sa lahat.

So balikan ko lang ho yung tanong ko: Bakit sa anibersaryo ng EDSA ngayon pa itong mga nag-aastang padikta-dikta, sila ang umaangat? At alam ho niyo, simpleng-simple lang eh, parang nagbuo yung ayaw ng demokrasya at yung ibang mga naliligaw. Hindi ko naman sinasabing lahat ng nandun eh masama ang intensyon. Hindi ho. Merong masamang intensyon, meron namang medyo nadala. Pero pag tiningnan niyo yung numero, isuma niyo yung kontra sa kanila, ang laki ng lamang natin eh. Importante lang magbuo tayo.

At iyan na lang po, talagang napahaba na. Ang gusto ko lang sabihin sa inyo, palagay ko ang magbubuo sa atin, magtutuloy ng Daang Matuwid, lalo pang patatayugin ang maaabot natin, walang iba kung hindi si Mar Roxas.