President Benigno S. Aquino III’s Speech at the national launch of the Expanded Human Papillomavirus (HPV) Community-based Vaccination Program
Sarabia Manor Hotel, Iloilo City
03 May 2016
 
Ang panata natin: Iwan ang Pilipinas na mas maganda kaysa sa ating pong dinatnan. Ngayong patapos na ang aking termino, patuloy tayong tumototoo sa pinagkaloob ninyong mandato. Sa bulig sang mga pinalangga ko nga Ilonggo, madamo gid nga salamat sa inyo tanan. Sa ating mabuting pamamahala, ibinalik natin ang mandato ng gobyerno sa tunay nitong mandato: ang bigyang lakas ang taumbayan. Mahalagang bahagi po nito ang pagtutok sa kalusugan.

Patunay dito ang inilulunsad natin ngayong Expanded Human Papillomavirus (HPV) Community-based Vaccination Program para sa buong bansa. Ang sa atin nga po: “Prevention is always better than the cure.” Gusto ko lang ho idiin iyon, “Prevention is always better than the cure.” Noong kakaumpisa ho natin kasi, madalas ang debate ko ho sa DOH noong araw na hindi pa si Janet ang nandoon, ang dami hong proyekto para sa mga ospital. Sabi ko, “Hindi ba natin siguraduhing huwag maospital ang mga kababayan natin kaysa pagandahin natin yung ospital?” Ngayon na nandiyan si Janet, talagang magka-wavelength ho kami at talaga naman pong ang dami talagang nagawa ng DOH sa pamumuno ng inyo rin pong kababayan na si Janet. Kaya maraming salamat sa inyo, Janet.

Wala po sigurong tututol na kung puwedeng iwasan at agapan ang sakit, dapat lang itong gawin agad para hindi na lumala o kumalat pa. Ito pong bakuna laban sa HPV ay isang malawakang pagsisikap upang maiwasan ang cervical cancer, na pangalawa sa pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga kababaihan sa bansa. Ayon sa tala, labindalawang Pilipina ang namamatay kada araw dahil sa cervical cancer. Kaya naman pinalawak natin ang programang ito; mula sa implementasyon nito sa mga paaralan lamang, ipinapatupad na rin natin ito sa buong komunidad simula noong nakaraang taon. Sumatotal, ang target na mabakunahan ng Phase 1 at Phase 2 ng programa: 690,000 na kababaihan, mula 9 hanggang 10 taong gulang—for cervical cancer.

Alam ninyo, kapag kinakausap ko ang DOH, marami akong natututunan, pero kung minsan, marami rin akong kinakabahan. Lalo na noong pinag-uusapan yung MERS Corona Virus, Ebola, Zika. Sabi ko nga sa kanila, “Alam ninyo, natutuwa ako pag nakikita ko kayo, kung puwede lang wag masyadong madalas.”

Isa pa sa isinusulong natin ang bakuna laban sa dengue. Noon po, inaasa lang natin sa fogging machine ang tugon dito, na pansamantalang itinataboy lang ang mga lamok. Nito pong Abril, inilunsad natin ang dengue vaccine immunization sa mga public schools sa Region 3, 4-A, at NCR. Ito po ang mga lugar na una nating tinutukan dahil sila ang may pinakamaraming insidente ng dengue. Ang sabi nga po sa atin, hindi naman 100 porsyentong maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit pag nabakunahan. Pero sa tulong nito, inaasahang 93 percent reduction sa severity o malubhang epekto ng dengue, at 81 percent ang pagbaba sa hospitalization ng mga nagkaroon dengue.

Ang malaki nga pong pagbabago: Dati, limitado lang sa mga pribadong ospital ang bakuna, kaya kapag napunta ka sa pampublikong ospital, parang ang sinasabi: “Sorry na lang.” Kanina po, ipinakita sa atin itong tsart na kung saan—tingnan po niyo yung para sa rabies na full dose: “1986, available to those who can afford it.” Paano naman yung cannot afford it? Isipin niyo po: Kahit matagal nang nandiyan ang kaalaman, ang siyensya, at teknolohiya, wala rin itong maitutulong para gamutin ang karamdaman kung di naman ito abot-kaya ng ating mga kababayan.

Sa Daang Matuwid, pinalawak natin ang ating national immunization program para magkaroon na rin ng akses ang ating mamamayan, lalo na ang mga nasa laylayan ng lipunan. Ngayon po, ang bakunang mayroon sa pribadong sektor, ibinibigay na rin natin nang libre sa pampublikong sektor.

Ayon nga po kay Secretary Janet Garin, yun daw pong pentavalent vaccine na laban sa mga sakit ng hepatitis B, meningitis at pneumonia na binebenta na sa pribadong sektor noon pang 2003, simula noong 2012 ay libre nang naibibigay sa publiko. Ang pneumonia vaccine para sa mga bata na meron na rin sa pribadong sektor noon pang 2006—10 years ago—ay libre na ring naipagkakaloob sa publiko mula noong 2013. Dagdag ko pa po: 1985 pa available sa pribadong sektor ang booster dose para sa measles, mumps, at rubella. Nito pong 2015, sinimulan na rin natin ang school-based immunization laban sa mga ito, pati na rin sa tetanus at diphteria. Wala pa naman hong nagrereklamo, mukhang tama ang pag-pronounce ko sa lahat ng mga sakit na ito.

Sabi ko nga sa inyo, siyempre pag binanggit yan, hindi naman ako yung taong tatango-tango lang. “Ano ba ang ibig sabihin niyan? Ano ba yung ginagawa nito? Ano yung karamdaman nito?” Kaya pagkatapos ho nun, palagay ko tumataas nang konti ang blood pressure ko sa dami ng mga sakit na binabantayan natin.

Napapaisip nga po tayo: Kung ang mga bakunang ito ay naipagkaloob na nang libre noon pa lang, ilan kaya sa ating kababayan ang natulungang malunasan ang karamdaman? Malinaw po: Sa Daang Matuwid, di tayo nakukuntento lang sa “bahala na,” o “puwede na.” Ginawa natin ang lahat ng puwede pa nating nagawa upang arugain ang ating mga Boss, ang sambayanang Pilipino. Sa atin pong termino, mahigit 300 porsyento na ang itinaas ng budget ng Department of Health mula nang tayo ay magsimula.

Gamit ang pondong ito, pinaunlad natin ang mga pasilidad pangkalusugan sa ating bansa. Sa ilalim ng ating Health Facilities Enhancement Program, P682.54 milyon na ang inilaan natin sa pagpapaunlad ng 94 barangay health stations, 46 rural health units at urban health centers, at 12 na ospital—dito sa po lahat yan Iloilo. [Palakpakan] Mula naman 2010 hanggang 2015, nag-deploy tayo ng 12 na doktor, 1,456 nurse, 263 midwives, 2 dentista, 4 nutritionists, at 20 public health associates sa inyong mga liblib na komunidad.

Sa PhilHealth naman po, 1.8 milyong Ilonggo na ang saklaw ng programa, na bahagi ng 93 milyong miyembro sa buong bansa. Alam niyo po, mayroon tayong mga kababayang tinaguriang nasa “near poor.” Ibig sabihin po, sila’y nakalaktaw na sa poverty line, nakaangat na. Pero sa isang iglap, kapag tinamaan ng malubhang sakit o matinding sakuna, puwedeng masimot ang kanilang naipon at maglaho ang lahat ng kanilang pinaghirapan. Sa pinalawig na benepisyo ng PhilHealth at pagpapaunlad ng mga pagamutan, tinutulungan natin silang lalong mailayo sa poverty line, at yung “near poor” ay talagang lumayo na doon sa poverty line na ating tinagurian. Ayaw naman po nating makulong na lang tayo sa siklo ng kapirasong pag-angat at pagbagsak sa kabuhayan ng Pilipino. Ang gusto natin: Tuloy-tuloy na ang pag-asenso.

Kita niyo naman po: Magkakadugtong ang ating programa’t proyekto para talagang maiangat ang kabuhayan ng ating mga kababayan. Imbes na isang sektor lang ang ating tututukan, sinisikap nating tugunan ang pangangailangan ng iba’t ibang at ng lahat na sektor. Sa Daang Matuwid, pinagaganda natin ang sistema ng edukasyon at inaalagaan ang kalusugan ng ating mag-aaral. Ang maganda nga pong balita: Noong 2008, ang ating out-of-school children, umabot sa humigit-kumulang 2.9 milyon; nito pong 2013, nasa 1.2 milyon na lang ang out-of-school children, at sinisikap po nating mapag-aral ang mga natitirang out-of-school children na ito. Bukod dito, sinisiguro din nating may sapat silang kakayahan para makahanap ng trabaho pagka-graduate. Yan naman po ay nangyari dahil kinausap natin ang nagbibigay ng trabaho para malaman ang kakayahang kakailanganin.

Ganyan nga po ang nangyayaring malawakang transpormasyon sa ating bansa. At itong mga tagumpay natin, nagawa po ito nang walang dagdag na pabigat sa taumbayan, maliban sa Sin Tax, na layunin ding paunlarin ang ating mga serbisyong pangkalusugan. Nito pong 2015, ang nakolekta natin sa Sin Tax: P141 bilyon.  85 percent po niyan patungo sa atin pong health programs. Ang nakipaglaban po sa senado para maging katotohanan yung Sin Tax nag pagkatagal-tagal nang binubuno, walang iba kundi The Big Man of the Senate, si Frank Drilon.

Naalala ko nga ho noong dating ng araw ng botohan sa panukalang batas na yan, talaga naman pong pinakitang gilas ni Frank dahil ang boto po, sa totoo lang, 10-9. Muntik nang matalo ang batas na yan, kaya magaling talaga itong si Frank Drilon. [Palakpakan] Ilonggo talaga ang dapat ibalik natin sa Senado, Frank Drilon po ang ngalan.

Napakarami nga pong patunay: Sa pag-unlad ng ekonomiya, imprastraktura, kabuhayan, edukasyon, kalusugan, at mga serbisyong panlipunan, talaga naman pong napakalayo na ng ating narating.

Kanina sabi po ni Jed, sa naintindihan ko po, parang nagpapasalamat siya sa akin. Dapat yata Jed ako magpasalamat sa iyo, kay Jerry, kay Manong Art, at sa inyong lahat. Sa lahat po ng nagawa natin, puwede bang nangyari ito kung hindi niyo ako sinamahan sa pagtahak ng Daang Matuwid?

Sa Lunes nga po, eleksyon na. May mga nag-iisip na kahit sino daw pong pumalit sa akin, maitutuloy nila ang lahat ng ating magandang nasimulan. Sa akin po, isipin natin kung sino sa mga nagpepresentang maging pinuno ang talagang dapat na manalo. May mga nagsasabi: “Kampihan natin yung malamang mananalo.” Palagay ko, dapat ito po yan: “Kampihan natin yung dapat manalo.” [Palakpakan] Tiwala akong makikita ninyo, na ang pinakakuwalipikadong magpatuloy ng ating nasimulan ay walang iba kundi ang pinalangga ninyong kababayan at tunay na anak ng Panay Island, na si Mar Roxas.

Alam niyo naman po, yung pinapangako pa lang ng mga katunggali niya, matagal nang ginawa ni Mar. Sa simula pa lang, kasama na natin si Mar sa paghubog ng bawat detalye ng Daang Matuwid, para maghatid ng benepisyo hindi lang sa Panay Island, kundi maging sa buong bansa. Kaya naman wala pong dahilan para ang Iloilo at ang Panay Island, ay hindi mag-100 percent para kay Mar Roxas.

Tao po natin si Mar, iba na rin siyempre na may kasama kang Vice President na sinusuportahan ka. Ibigay din po sana natin ang buong suporta kay Leni Robredo,  ang pambato natin bilang Pangalawang Pangulo. Gaya ni Mar, mahusay at matatag na pinuno si Leni. Higit sa lahat, uunahin din niya ang bayan bago ang sarili, para sa tuluyang pag-angat ng mga nasa laylayan.

Alam niyo po ang ating pinanggalingan. Noon, sa halip na gawin ang tama, tumutok sila sa kung paano manatili sa poder. Isipin niyo na lang po, kung noon pa lang, tumahak na tayo sa Daang Matuwid, di ba’t mas matayog na sana ang ating narating?

58 na araw na lang po, bababa na ako sa puwesto. Sa huling survey, di hamak na mas marami pa rin ang sumusuporta sa akin, kaysa noong ako po ay tumakbo noong 2010. Bihira lang po itong mangyari sa isang Pangulo na natatapos na ang termino. Marahil nga po, sumasalamin ito sa pagtanaw ninyo sa mga positibong repormang sama-sama nating pinagtulungan. Sa mga Boss kong Ilonggo: Nalab-ot na naton ang kadalag-an. [Tawanan] Gani, aton na gid lang ini padayunon para sa kauswagan pa gid sang pinalangga naton nga pungsod Pilipinas. [Palakpakan] Basta nondoon po ang “palangga,” “pinalangga,” “pangga,” kaya ko yun.

Tunay po: Isang napakalaking karangalan na maging Pangulo ng sambayanang patuloy na nagkakaisa para maabot natin ang isang bukas na di hamak na mas maganda kaysa sa atin pong dinatnan.

Sa pagtatapos po, kanina may dalawang bata tayo ditong kasama. May mga araw po, aaminin ko sa inyo, talagang ang bibigat ng mga problema. Napansin ko nga ho yung litrato ko noong ako’y in-inaugurate, medyo di hamak na mas makapal ang buhok ko noon. Akala ko noong araw pa, ganito na eh. Pero napapagod ka pag ang bigat ng problemang humaharap sa iyo. Talagang parang kung minsan natapos ka na ring magdasal. Talagang kung minsan, saan ka ba talagang bubunot ng lakas? Mapapalingon ka. Suwerte ko may mga pamangkin at sa iba pang mga bata. At parati kong tinatanong sa sarili ko, “Kung yung susunod na henerasyon, tawag natin salinlahi, mamanahin sa atin ang eksaktong problema ng dinaanan natin, nagkulang tayo.” At siguro naman po, itong nakalipas na halos anim na taon ay medyo nabago na natin ang istorya ng Pilipinas. Kaya ho, pakiusap ko sa inyong lahat, sa darating na Lunes, boboto tayo. Pagboto natin, importanteng malingon natin yung mga bata at masabi nating, “Talagang pinangalagaan namin ang kinabukasan ninyo.”

Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.