May 04, 2016 – President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Inauguration of the Mount Hamiguitan World Heritage Park
President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Inauguration of the Mount Hamiguitan World Heritage Park |
Sitio Tumalite, Brgy. La Union, San Isidro Davao Oriental |
04 May 2016 |
Ngayong araw po, inilulunsad natin ang pagbubukas ng Mt. Hamiguitan World Heritage Park. Bahagi po ito ng 27,714 hectare na Mt. Hamiguitan Range Wildlife Sanctuary, at nabanggit na nga po, isa pong UNESCO World Heritage Site. Ito pong sanctuary na ito ang nagsisilbing kritikal na habitat ng mga ipinagmamalaki nating Philippine Eagle at Philippine Cockatoo. Dito rin makikita ang 1,403 species ng flora and fauna; at 341 sa species na ito, endemic sa Pilipinas. Para mapangalagaan ang natatanging yaman ng Mt. Hamiguitan, pinaigting natin ang pagpatrolya at pagbabantay ng ating Forest Rangers at Protected Area Enforcement Officers; kasama na ang pagsasagawa ng capacity building programs para sa management, wildlife law enforcement, at ecotourism awareness. Meron din tayong sistema ng Regular Biodiversity Monitoring, na imbentaryo ng species sa lugar.
Dito nga po sa World Heritage Park, meron tayong natural science museum, research and management center, butterfly garden, bird watching sites at iba pang pasilidad, na tiyak makakapag-engganyo sa ating mga turista, mga researcher, at conservationist na dumadayo rito sa inyo. Sa Mati City naman, puwedeng bisitahin ng mga turista ang pinaunlad na Subangan Museum kung saan tampok ang Mt. Hamiguitan, pati na rin ang mayamang biodiversity at cultural heritage ng Davao Oriental. Siyempre, dulo nito, dahil dadami ang bibisita sa inyo, sisigla ang lokal na turismo, na maghahatid ng oportunidad sa mga taga-Davao Oriental, partikular na sa San Isidro. Alam niyo po, kada isang foreign tourist arrival dito sa atin, tinataya po na may isang trabahong nalilikha para sa ating mga kababayang Pilipino. Para nga po mapabilis ang pagbiyahe patungo sa napakaganda ninyong natural park, naglaan tayo ng P236.36 milyon sa pagpapagawa ng 40 lineal meter bridge at pagsasakongkreto ng 4.90 km road section ng Junction La Union-Mt. Hamiguitan Road. Malinaw ang ating estratehiya: Mas maayos na mga kalsada at imprastraktura, mas malagong komersyo’t turismo, mas maraming oportunidad sa mga mamamayan. Panata po natin: Iwang mas maganda ang Pilipinas kaysa sa atin pong dinatnan. Alam po niyo, sa mga napupuntahan nating lugar, kung minsan nababalitaan lang, katulad ng sa Sorsogon po, meron na silang butanding o whale shark. Noong araw daw po hinuhuli, kinakatay, kakainin, baka may pagkain ka sa madali. Ngayon po, pinangangalagaan. Dahil pinapangalagaan, natahimik yung mga whale shark. Tuloy-tuloy yung mga turistang dumadayo sa kanila. Imbes na makakain isang araw o dalawang araw o isang linggo, ngayon po’y tumutulong ang kanilang natural endowments na para tuloy-tuloy palakihin ang kanilang ekonomiya. At talaga nga naman pong kung dito masasabi nating mas everybody happy. Ang ganda hong na-tour natin yung museum dahil alam niyo, ang atin MinDA ay talagang inaalagaan ko po yan. Hindi ko na niyaya doon sa maglakad nang tatlong oras para umpisahan yung pag-akyat ng bundok dahil marami pa ho tayong pinapagawa sa kanya. Kaya maganda na ho ito na natanaw natin maski papaano na hindi natin nirisko ang ating butihing Secretary ng MinDA. Alam niyo dito sa Davao Oriental–kung naalala ni Governor Malanyaon–isa sa una talaga nating dalaw dito yung pagkatapos ng Pablo. At noong nagpunta tayo sa Catiil, talagang parang iisang gusali na lang ang naiiwan. Kung tama ang tanda ko, yung gusali pang naiwan, pag nilapitan mo, sira-sira lahat ng salamin, parang may estrakturang mukhang building, pero hindi na rin talaga magagamit, tapos nakita natin lahat ng niyog na nakabagsak. Sa amin po sa Tarlac hindi ho produkto ang pagniniyog kaya tayo nag-aral, gaano katagal ba pagtanim ng niyog? Gaano katagal bago mapakinabangan? Sabi nga ho sa Ingles, “As far as the eye can see.” Dapang-dapa lahat. Sagot sa atin: 5 to 7 years. Siyempre, tanong po natin, 5 to 7 years natin hinihintay mamunga, ano ang gagawin natin, at ano ang kabuhayan ng mga kababayan natin sa Davao Oriental? Di ko malaman ho kung mas malungkot si Governor Malanyaon o ako noong nakita natin ito, dahil wala naman talagang agarang solusyon. Pero alam ho niyo, lahat ng natutunan natin sa Pablo, paghahanda sa darating na sakuna, pagsasaayos o immediate na relief, pati na rin ho yung paano yung Build Back Better. Palagay ko dito talaga sa Davao Oriental nag-umpisa, at dito tayo natuto na maraming mga leksyon. Alam ho niyo, baka sabihin niyo kakaunti yung problema kong dinatnan: May Pablo tayo noong 2012, sinundan ng Yolanda noong 2013. At yung Yolanda ho, di ba, tapos sa Zamboanga crisis, tapos yung lindol sa Cebu at saka Bohol. Ngayon ho, ano ba ang napagtulong-tulungan natin? Umpisahan ko na muna sa niyog. Isa ho talaga sa nagpaengganyo sa atin noong mga panahong iyon ay yung pagtatayo ng produktong ang ngalan ay “Hot Pablo.” Napatanong ako, “Hot Pablo? Ano ang ibig sabihin nun?” Yun pala ay paminta, pepper. Three to four months itatanim. Tapos ang magandang balita po doon, yung ang tinataya sa kada ektarya ng magniniyog, kikita ka raw ng P20,000 kada taon. Dito ho sa paminta o yung chili paste at saka yung powdered na paminta, may investment ka na P90,000, kikita ng gross na over P250,000, may neto ng P100,000. Saan ka naman nakakita ng negosyo na mas malaki ang kikitain mo after roughly about four months kaysa sa pinuhunan mo? Siyempre meron hong mga hanapbuhay na ilegal, na baka kaya hong sumabay doon, pero yung legal, bihirang-bihira ho yatang negosyo yun. Ang pagkaintindi ko ay natapos na po yung approval process ng FDA na talagang mapapalakas na natin yung bebenta nitong produktong ito na dagdag sa kikitain sa pagniniyog. Isa pa hong inaasahan na malapit na mangyari, meron ho nga isang siyentipiko, nasa Bicol State University siya, ang ngalan niya ay si Dr. Arboleda, at siya ang nag-discover ng geotextile material–yung coco coir. Yung bunot, kukunin mo yung fibers, iwi-weave into geotextile material. Ginagamit yun sa slope protection, ginagamit sa lining ng landfill. Marami hong pinaggagamitan. Pati yung porseso ng paggawa nun, may pino-produce na ang ngalan ay “coco peat.” na nagpapaganda sa lupa. Hindi ho fertilizer, pero nakakatulong para i-rip yung nutrients sa makuha ng halaman nang buong-buo. Ganito na lang ho no–parang masyadong teknikal ang ating speech–pinondohan siya ng gobyerno dahil sabi ni Dr. Arboleda, sa Bicol, pangunahin nilang produkto ang pagniniyog, pero lahat ng pinag-aaralan ng Bicol State University, puro ho bigas at saka mais. Sabi niya, “Kailangan may silbi naman tayo sa komunidad,” kaya doon nga niya nadiskubre lahat ng itong produktong ito. Nasaan na tayo ngayon? Pinondohon siya ng gobyerno para magtayo ng isang factory para sa mga nagniniyog na kung saan lahat ng produkto maliban yung kopra, pakay. Nandiyan na yung coco coir, nandiyan yung coco peat, nandiyan yung coco water. At ang tinataya po nila sa investment na mahigit nang konti sa P30 milyon, mababawi yung kapital na pinahiram ng gobyerno after three years. Pag nabawi yung kapital, puwede mo ipasa ngayon sa susunod na farmers group para may sarili silang factory. Nandoon yung pagniniyog, nandoon yung lahat ng iba pang produkto maliban doon sa kopra at yung coconut oil na nadiskubre na ho at malaki na ang merkado. Sabihin niyo ngayon, “Kung kukunin yung coconut water, ano ba ang silbi nun?” Yung siguro mga two or three years ago yata–baka two and a half years ago–yung pinakita sa aking datos nasa 16 milyon liters na po ang binebenta nating coconut water export. Ang limitasyon lang ho, ang planta, kailangan malapit-lapit sa pinagkukunan ng tubig dahil–masalimuot sa akin yun–pag yung tubig ng niyog ay iniwan mo sa hangin, siguro kinabukasan puwede nang suka. Kailangan ho mai-package kaagad, ma-pasteurize. Ang totoo nga ho, America pa lang ho yun na 16 milyon liters, at sinasabi sa atin kung yung coco coir, kinakapos na tayo sa Pilipinas, kinakapos na rin ho ng materyales para sa coconut water at iba pang mga produkto. Pero yun na nga ho, malapit na ho itong i-roll out nang buong-buo, lalo na pag natapos ang Kongreso, kung saan pupunta si Gov. Cora, na maisulong yung paggamit ng Coconut Levy fund para mapabilis yung pagtayo ng ganitong mga factory na ito. Ngayon ho, papaalam na po ako sa inyo, kaya kung okey lang ho sa inyo, puwede po natin–alam niyo si Gov., alam naman po niyo noong nag-umpisa, hindi kami magkapartido, pero hindi naging hadlang yun para talagang magkatulungan. [Palakpakan] Meron hong ilan-ilang mga lugar [na] tumutulong ka na, pinahirapan ka pa. Dito, kung marami-rami ang naabot natin, dahil tatagang totoong meron kayong lingkod bayan na talagang may malasakit sa inyo, na talagang sineryoso na importante tulungan ang ating mga kababayan imbes na mamulitika kada hinga. At yun nga ho, kailangan natin purihin si Gov. Cora na talaga naman naging totoong kasangga natin sa pagpaangat ng ating mga kababayan. [Palakpakan] Dahil po diyan, kunwari po sa infrastructure pa lang, 2005 to 2010, ang naitala ng national government po sa Davao Oriental: P4.4 bilyon. Noong taon na ho natin, 2011 to 2016: nasa P10.26 bilyon na po, mahigit doble ang naipasok. [Palakpakan] Sa Mindanao–nabanggit na kanina ni Lou: P67.32 [bilyon]. Ang naihatid na natin, P302.15 bilyon, kapos po sa apat na ulit. [Palakpakan] Davao Oriental po, flood control projects: P889.31 milyon na po; farm-to-market roads, irrigation budget: halos P890 milyon po. Meron pa pong fish port project pala dito. Sa Pantawid Pamilya ho no, pinagkakalat ho natin mula ho 8,829 [kabahayang benepisyaryo] noong 2010, meron na po tayong 41,250 kabahayang tinutulungan ng ating Pantawid Pamilyang Pilipino Program. Bahagi lang sila ng 4.6 milyon na kabahayan sa buong Pilipinas na natulungan ng Pantawid. Sa classrooms po: 967 classrooms raw po ang ginawa at kasalukuyang ginagawa dito po sa inyo. Kabilang lang po ng 185,000 na ginawa sa buong Pilipinas. Sa PhilHealth po sa Davao Oriental: 503,735 na po ang members. Sa Mindanao: 24.85 million members; nationwide: 93 million members na po ang tinutulugan ng PhilHealth. Meron rin pong Health Facilities Enhancement Program: P129.56 milyon. Sitio Electrification, ang balita po sa atin: May tinalang 226 na sitio dito sa Davao Oriental na walang kuryente, ngayon po, yung 226 na nandoon sa talaan noong 2011, ang report po sa atin, may kuryente na lahat na 226 na sitiong ito. [Palakpakan] Mga kapatid, kayo na po magsabi kung may pagbabagong ho bang nangyari. At kung may pagbabagong nangyari, tatandaan ho natin, nag-aano pa lang ho tayo. Kumbaga, dapang-dapa, medyo nakatayo na, naglalakad na tayo, tapos namuhunan tayo. Ano ba yung puhunan? Kunyari yung mga batang pinapaaral sa Pantawid Pamilya, nag-umpisa tayo, grade school. 2014, dinagdag na hanggang high school. May ilan-ilan na po pati college tinutulungan. Bigyan ko kayong sample: Yung sa high school batch ho, lampas 300,000 ang tinulungan ng Pantawid. Doon sa batch pong yun malampas 13,000, kulang sa 14,000 honor students. Yung dalawang nagsalita para sa kanila, natanggap pareho sa University of the Philippines College of Engineering. Quota course po yan. Sa susunod na administrasyon, ga-graduate na sila. Pag-graduate ho nila, sinusuklian na tayong lahat na nagtiwala sa nagbigay ng pagkakataon. Sa BPO industry po, yung mga dumaan ng training ng TESDA para sa BPO, unang taon pa lang ho, yung sa pinakamababang suweldo na sa BPO, bayad na yung buwis nila, yung ginastos natin para paaralin sila. Madaling salita po: Panata natin di hamak mas maganda ang iiwaan natin kaysa sa dinatnan. Ang ginawa natin lahat ho ng puwedeng magawa natin diyan. Ngayon ho, may mga lugar na meron pa rin namang pangangailangan. Tanong-tanong nga ako dito, tumindig na tayo, naglalakad na tayo, isusugal ba natin ito para madapa ulit? At pag nadapa tayo ulit, aasa tayo na darating yung panahon na baka makabangon naman tayo. Hindi naman natin kailangan isugal. Siyempre ho, sa Lunes, eleksyon na. Alam niyo, pag nahihirapan ako kung minsan sa dami ng hinaharap kong problema, pag nakakita ako ng bata, nagkakaroon ako ng inspirasyon. Pag tinanong ako, “Bakit ka naman nagpapakahirap nang ganyan? Bakit ka ganyan kaseryoso? Bakit mo sinasagad kada segundo?” Kako kailangan kong maharap ang mga batang ito na pag tinignan ako at sinabi sa akin, “Tumototoo ka sa amin? Inayos mo ba yung kinabukasan namin?” Puwede kong masabi, “Talaga.” Yun ho ang punto. Dahil sa akin ho siguro, talagang pinakabatayan, ito bang mga batang ito pagdating ng panahon, haharapin yung parehong problemang hinrap natin? Doon bigo tayo. Siyempre habang may buhay, may problema. Kung iba na po ang problema, kung mas maganda ang problema nila, kung mas konti ang problema nila, siyempre titingnan tayo at sabi sa ating lahat, “Salamat. Pinaganda niyo talaga yung kalalakihan natin.” Babalik ho tayo dito: Lunes magdedesisyon tayo. Matagal-tagal na nating pinakinggan lahat ng nagkakatunggali. Pag-isipan po natin nang maayos, “Saan ba tayo dito ang sigurado at saan ba ang delikado?” Nasa inyo na po yan. Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat. |