INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue
05 May 2016
 
ALAN: Ilang araw na lang po ay boboto na ang sambayanan sa susunod na Presidente, Bise-Presidente, mga senador at hanggang doon sa local officials sa kani-kanilang probinsya, bayan o lungsod. Considering na ilang araw na lamang po, Sec, meron ho bang mga paalala ang ating—meron ba kayong paalala, sir, para sa ating botante na makakatulong doon sa tamang pagboto ng mga gagabay o mangunguna sa ating bansa sa susunod na anim na taon, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Unang-una, Alan, importante na gamitin natin iyong ating kapangyarihang magpasya. Lahat po sa atin na registered voter magtungo po tayo sa ating mga Voting Precincts, dahil mahalaga po iyong partisipasyon natin. Hindi dapat na mag-absent o i-balewala iyong ating karapatang bomoto. So, pinakamahalaga siguro iyon — iyong paggamit ng karapatan. Pangalawa, iyon namang tamang paggamit noon. Dapat siguro ay maging mapanuri tayo at magnilay dahil importante iyong ating pagpapasya.

At sabi nga ng ating Pangulo, ang dapat nating tingnan ay iyong kinabukasan ng ating bansa; iyong pagtatayo ng isang matibay na pundasyon para sa ating mga kabataan. At ito nga ang hinangad at determinadong ginawa ni Pangulong Aquino nitong nakaraang anim na taon, bagama’t meron pang mga kulang naitatag natin iyong isang matibay na pundasyon.

Kaya’t itong halalan nagbibigay sa atin ng pagkakataon para palawigin pa iyong mga mabubuting programa na naitatag na, katulad nung 4Ps o iyong Pantawid Pamilyang Pilipino o CCT Program na mula sa 780,000 ay mahigit na sa 4 milyong mga kababayan natin ang nabibiyayaan at doon sa numerong iyon, Alan, tinatayang merong 1.4 million na households o pamilya o humigit kumulang pitong milyong Pilipino ang nakaalpas na doon sa pagkamaralita. Dapat ay maipagpatuloy pa natin ito, mapadami natin iyong mga oportunidad, lumikha tayo ng mas marami pang pagkakataon para sa kabutihan ng ating ekonomiya at ito ang magbibigay ng mas magandang kinabukasan para sa ating bansa.

ALAN: Secretary, nabanggit ho ninyo iyong unang-una, huwag sayangin ng bawat botante ang pagkakataon na makaboto. In fact, earlier naalala ko nga, deklarado na ng Malacañang ang Lunes, Mayo 9, bilang isang special non-working day nationwide para mabigyan ng pagkakataon iyong mga kababayan natin na makaboto at hindi maging katuwiran iyong may trabaho, may lalakarin on that day para lamang hindi makaboto, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Ganoon nga at ayon din sa ating natunghayan mas pinahaba iyong voting hours, kung hindi ako nagkakamali 6 a.m. to 5 p.m. Kaya’t hangga’t kasing-aga ng alas-sais ng umaga puwede nang magsimula sa pagboto; at alamin natin iyong mga tamang procedures para mapabilis ang daloy ng mga botante sa ating mga Voting Precincts. Pero mahalaga rin nga, Alan, iyong mapanuring pagpapasya, dahil kinabukasan ng bansa ang nakataya dito.

ALAN: Opo. Sa ibang usapin po, Secretary Coloma; sa panig po o sa sektor po ng pagnenegosyo. Meron pong obserbasyon itong mga business leaders — gaya nung nabanggit n’yo rin — na nakapag-establish ang kasalukuyang pamahalaan ng mga foundations para sa sustainable at inclusive growth dito sa bansa. Paki-elaborate n’yo po itong observation na ito ng business community o business leaders, Sec. Sonny, sir?

SEC. COLOMA: Mahalaga kasi iyong pagkilala ng sektor ng mga mamumuhunan at nagnenegosyo, dahil iyan ang makina ng ating ekonomiya, Alan. Kapag maganda ang pagturing, kapag may tiwala sa ekonomiya tuloy-tuloy iyong pamumuhunan, lalago ang mga negosyo makakalikha ng hanapbuhay, makakalikha din tayo ng maraming oportunidad para sa ating mga kababayan.

Isa pang benepisyo nito, mababa iyong tinatawag nating cost of money, kasi nga iyong pera ay raw material din iyan na nilalagay sa negosyo, iyong pera iyon din ang ginagamit natin sa pagpapabuti ng ating buhay. Kung mababa ang interest, puwede tayong makapangutang na dadagdag sa ating mga nai-ipon so puwedeng magpatayo ng bahay, puwedeng bumili ng mga appliances na magpapaginhawa sa buhay.

Mabanggit ko na rin, Alan, mayroong proyekto iyong ating NEDA tungkol sa ano ba ang bisyon o ambisyon ng ating mga kababayan para sa taong 2040. Bakit 2040? Nung last year kasi ay 2015. Kung one generation ang ating bibilangin, 25 years; 2040 iyong ating titignan na susunod na milestone. Eh ang 80% sa ating mga kababayan ay naghahangad ng tawag nila ay simpleng buhay, na mayroong sariling bahay at mayroong maginhawang pamumuhay na matiwasay, maayos at iyan naman ang talaga nating sinikap na maitatag. At kailangan din kasi iyong economic growth natin ay ma-maintain doon sa mataas na antas. Iyan ang karanasan ng maraming bansa na ngayon ay nakahanay na doon sa tinatawag na First World o high income countries. Hindi ba, Alan, sa pinakamatagal na panahon ang tawag sa atin Third World Country, dahil mababa iyong kinikita ng buong ekonomiya natin. Pero kung masusustini natin, mame-mentini natin na mapapalago pa ito doon sa antas na 6% or higher — na natamo natin nitong nakaraang anim na taon — iyan ang magiging susi. Kung mapapanatili natin diyan sa antas na iyan for the next many years eh iyan ang magiging susi sa pagpasok natin doon sa liga ng mga high income countries. At kapag high-income country tayo ay mas maraming oportunidad para sa lahat.

ALAN: Opo. Okay. Sec, apat na araw na lamang po ay election day na. Base po sa mga updates galing sa mga iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan — lalo’t higit sa Comelec, PNP, AFP at iba pa — gaano na po kahanda ang mga ahensiya na ito kaugnay ng eleksyon sa araw ng Lunes, Secretary Coloma, sir?

SEC. COLOMA: Well, ganap din ang ating pakikipag-ugnayan, ang pakikipag-ugnayan ng iba’t-ibang mga ahensiya ng pamahalaan sa Comelec — nangunguna na rito iyong AFP saka iyong PNP, na deputized sa aspeto ng seguridad at law and order. Nariyan din iyong DepEd, dahil nga ang bubuo ng ating mga Board of Election Inspectors ay iyong ating mga guro pa rin kahit meron nang bagong batas na naipasa na magiging voluntary na ito sa susunod na halalan; iyong ating mga paaralan ay gagamitin na presinto sa halalan. Kaya puspusan pa rin iyong paghahanda para tiyakin na maging maayos at kaaya-aya iyong mga kondisyon na iiral sa araw ng halalan.

ALAN: Opo. Secretary Coloma, sir, muli salamat po ng marami for the updates from the Palace, sir.

SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan.