President Benigno S. Aquino III’s Speech at the meeting with local leaders and the community in Parañaque City
Redemptorist Road, Brgy. Baclaran, Parañaque City
06 May 2016
 
Dito ho sa kaliwa, si Sonny Coloma ng ating Communications Office at siyempre ho, ang pinakamarami yatang nagawa dito sa Paranaque Babes Singson ng DPWH; batiin na rin ho natin si siyempre ho si Paolo, hindi ho totoo na magkaklase kami ni Paolo, hindi ho, nauna ako sa kanya ng konti; butihing Mayor Edwin Olivarez; ito ho kababata ko pero matanda yata akong siguro, dalawang buwan, kayo naman ho eh, dinadaan niyo sa pakapalan ng buhok eh, kanya-kanyang style yan, pero si Edwin ho, kasabay pa natin nagcha-champion sa tennis di ho ba? Ako po‘y nag-aral ng tennis. Siya po ang nag-champion; Congressman Eric Olivarez, nung inabutan ko ho siya, naka-short pants pa lang siya parati, ibig sabihin nun, lamang ako ng mga tatlong taon; ito ho, kaibigan ng tatay ko ‘no, si Dr. Pablo Olivarez, ganon kahaba na ho ang pinagsamahan namin, bago pa ho martial law ‘no, eh talagang kasamahang tapat ng aking ama. Nung dumating ho yung Martial Law kasi, ang dami nilang kinukuhang pati kasambahay namin kung sinu-sino, pinipilit na tumestigo laban sa tatay ko. Si Dr. Olivarez ho, kinulong, tinakot, pinilit maging, di ba, saksi raw laban sa tatay ko. Ginawa niyang paraan po para hindi siya magpahirap sa kanyang kaibigan, kaya naman po yung utang na loob natin kay Doc ay talagang nagsusumapaw po, kaya maraming.. testing? Nasisira na raw ho yun, kakanta pa naman sana ako. Kaya lang napansin ko walang estrella, kaya next time na lang. Atin pong mga ibang mga government officials present, mga minamahal ko pong taga-Paranaque: Magandang-magandang gabi po sa inyong lahat.

Di nabanggit ko nga ho, nung araw si Dr. Olivarez ho, nagpapa-training sa akin sa tennis eh. Kaya aaminin ko po, dinatnan ko yung panahon na yung Paranaque, maraming asinan.

Bakit natin pinag-usapan yung asinan? Alam ho niyo, isa sa nagawa natin sa Daang Matuwid, nire-report sa atin ni Babes Singson. May problema kayo sa baha, kaya naman ho ang binuhos na pondo raw ho dito para sa Parañaque river, pagsasaayos po ng Parañaque river, kasama po diyan yung drainage system, clearing, slope protection, higit kumulang raw ho: 1.26 billion pesos po ang binuhos natin diyan.

Magreport na rin ho ako sa inyo dahil samantalahin ko na rin ‘to, magpapaalam na po ako, mga 55 days na lang po ako sa pwesto. Tapos pwede na akong mamili dito sa Baclaran. Pwede na akong dumalaw sa iba’t-iba niyong mga lugar dito. Hindi na ho ako nagmamadali kada dalaw ko dito.

Sa infrastructure po, budget ng Paranaque, 2005 hanggang 2010, umabot po sa halagang 930 million pesos nung bago tayo naupo.

Ngayon po, sa inyong pahintulot, naupo bilang Pangulo niyo, 2.18 billion pesos po ang naihatid na natin sa Parañaque. Kanina ho naabutan ko yung mga nagte-testify sa 4Ps program, gulat rin ako. Parañaque naman ho, hindi ganon kalayo sa Malacañang, sa DSWD. Nung 2010 po, isipin niyo ‘no, ang miyembro ng 4Ps na tinutulungan sa Paranaque ay wala, zero pala nung 2010. Ngayon po, nasa 8,059 household beneficiaries na po ang natutulungan natin. Kabilang lang po yan sa 4.6 million na 4Ps beneficiaries sa buong bansa.

Sa PhilHealth po, ang report sa atin sa Paranaque: 609,543 na po ang miyembro, kabilang nung 93 million sa buong bansa. Dito po sa National Capital Region, alam niyo kasi may nangangako eh, pag naupo siya: 3 to 6 months raw ho, wala ng krimen sa Pilipinas. Narinig na ba niyo yung nangako nun?

Nung araw ho yun, kasi bago na yung pangako niya, babawasan na lang raw. So pero, siya nangangako. Si Mar Roxas ho gumawa na. Alam ho niyo, inumpisahan nila yung programang Lambat Sibat. Ano bang ibig sabihin nun? Kumuha ng datos. Kunwari saan ba marami snatcher? O, dun pinadala yung mga nagpapatrol na pulis. Naglalagay ng mga CCTV camera at iba pang equipment. Kung saan maraming krimen, dun natin itinatalaga yung pulis para matahimik yung lugar.

Yung “Sibat” na parte ho diyan, may kasama diyan yung tinatawag na “One-time, Big-Time.” Maraming wanted pero yung wanted, may mga pinagtataguan, pag sa isang lugar, meron kang aarestuhin, may dala kang Warrant of Arrest, isa lang ang hinuli mo, yung iba matutunugan. “Uy, mainit ang pulis, magtago tayo sa ibang lugar.” Yung ginawa nung “One-Time, Big-Time” bawat lugar, minsanan ise-serve yung Search Warrant para wala ng matitimbrehan na mainit ang pulis.

Resulta po niyan: 2,389 sa Most Wanted sa National Capital Region, arestado na po at nililitis na’t nakakulong. Ano pong epekto niyan? Dahil ito yung Most Wanted, kadalasan ito yung pasimuno nung mga grupo nila. Pag wala yung mando, wala na po yung galamay. Hindi na makakilos. So yun po ang ginawa ni Mar Roxas. Ginamit niya siyensya, ginamit niya ang kaalaman, ginamit niya ang makabagong equipment. Kaya ang resulta po, itong Abril, kung ikukumpara natin nung inumpisahan yung programa 2014: 75 percent po nung mga krimeng naitala ang ibinaba, 25 percent na lang po ang dami kung ikukumpara natin dun sa 2014, kung kailan inumpisahan yung programa.

Wag ho kayong mag-alala, hindi po ako kandidato. Sabi ng nanay ko, pag di ka kandidato, wag ka masyado mahaba magsalita.

Ngayon ho, ano bang pakay ko sa inyo ngayong gabi? Siguro mga tatlong linggo na ako tinatanong. Sabi niya, yung tanong, simpleng-simple lang ho: Bakit raw ho tila sa mga survey na lumalabas, ang nangunguna eh baliktad na baliktad dun sa tinulak natin sa Daang Matuwid? Tama ho ba? Ilan ho ba sa atin dito napag-isip? Bakit nga ba nangunguna ‘to, baliktad na baliktad?

Isipin po niyo. Ako, bago ako naging Pangulo, tinanong ako sa kalusugan ko, pinilit kong sagutin ng buong-buo. Umabot sa hanggang “ano bang mga iniinom mong gamot?” Pati yung vitamins ko, sinabi ko kung anong brand. Dito ho, tinanong, itong kandidatong ‘to. Dahil pumasok sa ospital, kaka-umpisa lang ng kampanya. Ang sagot eh, “Pwede ho bang makita yung medical records niyo?” Ang sagot niya: “Ano ko sira, papakita ko sa inyo?” Tama ho ba? O ako lang nakapanuod ng TV nung araw na yun, okay.

Sabi: “Parang ang dami mong pera, ang layo dun sa inaangkin mo.” “Hindi totoo yan, ipapakita ko sa inyo ang mga passbook ko.” Pinakita, namili pa ng pahina. Di ba yung passbook, makikita natin lahat ng transaksyon eh? Para bang, parang may pinakita kang parang wala rin. Di ba? Maganda ha. Kasi isang sagot pa hong nabasa ko. “Wala ho sa SALN niyo ang akusasyon?” Yung Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Kailangan mong ilagay lahat dun: Ari-arian mo, at tsaka mga utang mo at kung ano yung neto.

Sabi niya: “Aba, nakalagay diyan,” di ba, “ang nakalagay diyan, as of this date. Eh nung date na yun, nagastos ko na lahat yan, kaya hindi ko na kailangan ilagay.” Pero malayo ho yata dun sa inaangkin niyang simple siya at ‘alang-‘ala siya. Tama ho ba?

Siguro ho, dahil aabutin ho tayo pag binulatlat natin lahat nung sinasabi niya. Simplehan na lang natin.

30 years po, itong taon na ‘to, nagkaroon tayo ng EDSA revolution, kung saan pinatalsik natin diktador, nabawi natin yung demokrasya natin. Si Doc, alam ho yan; si Edwin alam yan. At palagay ko dito sa mga nakikita ko, palagay ko marami-rami sa atin nakakaalam niyan. Ngayon, tinanong siya nung April 29. At tinanong siya, sabi kasi nung nag-iinterview, napanuod po natin sa Channel 7, sa GMA. Sabi po nung nagtatanong, “sabi raw ho ni Senator Trillanes,” tinanong kasi si Senator Trillanes: “Anong gagawin mo pag nanalo si Mayor Duterte?” Ang sagot raw ni Senator Trillanes: “I-impeach ko siya. I will move to impeach him.”

So tinanong ho si Mayor Duterte: “Ano hong gagawin niyo pag in-impeach kayo?” Ngayon ho, baka naman sabihin ng iba eh, naglalagay ako ng salita sa kanyang bibig. Pinakuha ko po yung palitan. Para ibahagi ko lang sa inyo. Una pong parte, on Trillanes saying he will move to impeach him: “Eh pag-i-impeach ako, sabi ni Trillanes, eh ‘di sarahan ko yung Kongreso. Eh di wala ng mag-impeach sa akin.” Ako lang ho ba nanuod ng TV nung araw na yun? Palagay ko hindi. Hindi, sandali lang ho.

Bakit ba may poder ang Kongreso mag-impeach? Sistema po natin, yung poder, hinati sa tatlong sangay ng gobyerno di ba? Ako po bilang Presidente, Chief Executive, tagapatupad ako nung batas. Yung judiciary naman po, binabantayan yung legislature at tsaka yung executive na dapat sumusunod tayo sa mga batas.

Pag may nang-abuso po, yung legislature, pwedeng i-impeach yung miyembro ng Supreme Court, pwedeng i-impeach yung presidente. Ibig sabihin po niyan, hinati-hati yung poder, tabla-tabla tayo, co-equal, pantay pantay tayo. Para walang posibilidad na may mang-aabuso.

Pag tinanggal mo yung Kongreso, sinong magche-check and balance? Ngayon, pwede bang gawin ng presidente na ipasara ang Kongreso? Sasabihin nung mga matanda sa atin: “Oo pwede, ginawa ni Marcos yan.” Nung araw, iba ho yung Saligang Batas. Tingnan po natin yung 1987 Constitution. Maghanap kayo at pupusta ako sa inyo, mapupunit na ho yung mga pahina, wala kayong makikita dun, karapatan ng co-equal branch, bawasan o ipasara yung mga ibang branch.

Ngayon po, ako po ay hindi abogado pero naging mambabatas at ngayon ho, tagapatupad ng batas, kailangan kong pag-aralan. So siya ho, si Mayor Duterte, abogado, naging prosecutor pa ho yan. Tinanong siya ulit: On whether he would violate any law should he chose to abolish Congress once he wins. Sagot po niya: “What do you mean by law? Lahat ng…” Tapos hindi ho maliwanag yung dinugtong. “All law, erase diyan pag ikaw ang nanalo. Pag natalo ka, patay ka. Every revolution that succeeds siya ang tigas. He now becomes the authority. E siya na yung, tapos — dot, dot, dot. Tingnan mo si Marcos, pero kanya Martial Law ho yun. Iba yun.”

Alam niyo, pati yung parteng yun. “Si Marcos, may Martial Law, iba yun.” Pag binasa po natin yung Saligang Batas natin kasalukuyan, kung ako ‘tong araw na ‘to, nag-deklara ako ng Martial Law, two days from now, kailangan pong pumunta sa Kongreso, ipaliwanag bakit ko sinampa ang Martial Law. Titingnan ng Kongreso yung dahilan. Pag hindi natuwa yung Kongreso sa dahilan ko, pwedeng i-lift yung Martial Law.

Dagdagan ko pa po. Maski sinong mamamayan, tutol dun sa Martial Law, pwedeng dumulog sa Supreme Court, nasa Saligang Batas po yan, at tatanungin sa Supreme Court: “Tama ba ang pagsasampa ng Martial Law?” At pwedeng sabihin ng Supreme Court: “Walang factual basis, pwedeng tanggalin yan.” Nakalagay rin sa Saligang Batas, pag nag-Martial Law ka, hindi tulad nung panahon ni Marcos, may limitasyon. Dalawang buwan, pwedeng pahabain ng Kongreso, pwedeng iksihan ng Kongreso. Kaya pag sinarado mo yung Kongreso, saan tayo dudulog pag nagkaroon tayo ng Martial Law? Pag-isipan lang po natin yan.

Meron pa hong tanong dun eh, ito yung inabot sa akin o. On whether his plan to abolish Congress is a form of dictatorship. Sagot raw ho: “Wala, wala. Ako na Congress. Ako na ang presidente.” “Diktador ka talaga,” sabihin ng congressmen, “bakit mo naman kami isasara.” Tapos nagmura. “Impeach-impeach kayo diyan.” Nagmura ulit. “Maniwala naman kayo sa ugok na yan”

Di ho, di ba kung nanunuod tayo sa TV, di natin gusto yung programa, lipat tayong channel. Pag ito ho naupo, lipat tayo ng channel, sana six years after 2016. Eh paano yung six years papunta ng 2022?

Ngayon, tinanong ako: “Bakit siya lumalamang?” Sabi ko: Tila yata yung gusto ng ganyang istilo na iisa lang ang sikat, nagsama-sama sila. Ang problema naman natin, naghati-hati tayo. So pag sinabing 30 porsiyento sa kanya, eh saan yung 70 percent? 70 kayang talunin yung 30 kung buo tayo. Tama ho ba? Puwede bang uminom lang ng konting tubig?

Aminin ko po sa inyo ‘no, talagang pinag-aralan ko. Hirap na hirap akong intindihin, sabi nila: Ang bansa raw natin, nasa krisis. Kaya inisip ko nga: Ano kayang krisis meron tayo ngayon? Yung problema natin sa West Philippine Sea, nung nag-umpisa po ako, wala tayong kakampi. Medyo lang ang Vietnam.

Ngayon ho, napakaraming bansa na ang tumutulong sa atin at sinasabing kailangan may sundan ang batas: ang International Law. Tayo maliit na bansa kung kukumpara dun sa katunggali natin. Tayo wala tayong sandata katapat nung sandata sila. Sa populasyon at populasyon na lang po: 1.3 billion sila. Tayo: 100 million. Pag sinabi nilang: Baka tayong gumawa ng gulo. Gagawa kami ng gulo? Maski sa suntukan na lang, 100 tayong milyon, 1.3 billion sila. Pitikin na lang ng tenga at tsaka ng ilong, paano tayo mananalo? Tama ho ba? Siyempre kailangan tayo maghanap ng kakampi. At yun po ang trinabaho ko.

Kayo na po ang testigo. Ang daming nagsasalita, sinusuportahan yung posisyon natin na pagsasaayos ng problema diyan, idaan natin sa mapayapang paraan, kaalinsunod ng International Law. Kaya dinala na po natin sa arbitration ‘to. Kaya tinatrabaho natin sa ASEAN.

Ito naman pong nangunguna raw sa survey ngayon, nung kanyang may joke na hindi natanggap na joke ng maraming tao. Inaway ang Amerikang may Defense Treaty tayo. Inaway yung Australia. May nabasa pa akong: “Titingnan natin yang treaty, baka dapat tanggalin na yan.”

Kahirap-hirap ko hong maghanap ng kakampi. Inaway naman nang inaway. Paano tayo kakampihan nung mga inaaway? Yun po. O ngayon, pag wala na tayong kakampi, hamunin nga tayo ng pitikan ng ilong. Gaano katagal tayo tatagal?

Ngayon, mga kapatid, alam ho niyo, hindi niyo maalis sa akin. 12 anyos ako nung pumasok yung Martial Law. Tulog ako bago nung gabi nung Martial Law, Tatay ko nasa bahay namin, umalis para magtrabaho. Nung gabi, dumating na lang po yung bodyguards, at sinabi inaresto tatay ko. Pitong taon, pitong buwan, kinulong, inasultuhan ba? Medyo matagal-tagal. Pagdating dun sa asulto, may korte raw. Yung korte: puro militar; yung hukom, law member ang tawag po nila: militar; yung presidente nung Military Commission: militar; yung miyembro: militar; yung tagapagtanggol: militar; yung taga-usig: militar; pag natapos silang magdesisyon, siyempre lahat ho niyan, meron kay Marcos na tangan na pag hindi natuwa, sisante ka na, resign ka na.

Sino ang nag-akusa sa tatay ko ng mga krimen? Si Marcos. Kailan niya ginawa? One year bago Martial Law. Naalala ni Doc yan. Sabi ng tatay ko: “Ikaw, Chief Executive, sampahan mo ako ng kaso. Trabaho mo yan kung meron akong ginawang krimen.” Sinampahan ni Marcos ang tatay ko, hindi kaagad, naghintay ng isang taon, nung sinampa yung Martial Law. Tapos dinala sa korte, lahat siya nag-appoint. Pagkatapos nun, sa sistemang umiiral nun, sino ang titingin kung tama o mali ang desisyon?: Si Marcos rin; so ang nag-aakusa: si Marcos; nagtalaga ng uusig: si Marcos; ang titingin kung tama ang desisyon: si Marcos. Kaya ho, nauso yung tawag na “Lutong Macoy.”

Ngayon ho, isipin niyo ‘no, sa mga nag-iisip, kailangan raw ng matigas na may malasakit. Tanong ko po sa inyo: Ang tao, hindi ho ba nilikha? Kung tao kang nilikha, siyempre hindi ka pwedeng perpekto. Kung hindi ka perpekto, pwede ka bang gumawa ng perpektong desisyon parati? Imposible ho yata yun, di ba? So sa akin ho, Lunes, magbobotohan na tayo. Ang tanong ko po simpleng-simple: Nag-umpisa tayo, halos walang tinirang budget sa akin. Wala kang budget, paano mo, di ba, saan ka kukuha ng pangtustos sa lahat ng pangangailangan natin? Nagtrabaho tayo para magkaroon tayo, may naipon tayo, para may magastos tayo.

At tanong ko sa inyo, masama ba na pinalawak natin yung 4Ps mula 780,000; ngayon po: 4.6 million na.

Masama ba, 47 percent ng PhilHealth, ngayon po: 93 million na po ang nasa PhilHealth?

Masama ba, nakapagawa tayo ng 18,000 kilometro ng kalsada? Masama ba na meron tayong 107,500 lineal meters ng tulay?

Masama ba na tinatawag na tayong “Asia’s Rising Star” kaysa dati, “Asia’s Sick Man?”

Mali ba na nung ako po’y congressman, pinaghahatian ng bansa at hindi naman ako ganun katanda, 8,000 classrooms: hati ang buong bansa. Pag may nauwi ka sa distrito mo, 8, 10 classroom, aba nagtrabaho ka. Pag nakauwi ka ng 12 classroom, ang galing mo na. Ngayon po, matatapos po hanggang sa susunod na taon, at ang nagpatagal lang po, meron yung sa National Capital Region, mga urban center, mahal yung lupa, hindi na pwedeng 1-storey, ginawa hong 3-storey, 4-storey, meron pa hong 5-storey na classroom. Ang matatapos natin, ginawa, ginagawa at matatapos by next year po: 185,000 classrooms sa buong bansa.

Yung pinalitan ko di ho ba, sinabi: “Wala na tayong classroom shortage.” Ang ginawa, kayo dito ho sa Paranaque naranasan niyo, shifting di ba? May pang-umaga, may pang-hapon, pag minalas ka, yung anak mo na grade school, may pang-gabi pa. Yung batang puyat, lalaking maayos. Ganun ho ba yun? Tayo ho, pag sinabi nating kinumpleto natin, totoo: 185,000 classrooms. Mali ba yun?

Ngayon ho, siguro importante, saan ba tayo pupunta? Ano ba yung sinasabi ni Paolo kanina? Pati yung college. Nung nag-umpisa ho tayong 4Ps, hanggang grade school lang, yun ang kaya eh. Pinalawak natin grade school. Ngayon, may study hong lumabas. Pag yung bata nakatapos ng high school, ang dagdag na kikitain niya, 40 porsiyento po. Eh di patapusin na natin ng high school. Ngayon, kung makatapos pa ng kolehiyo, eh di siyempre, mas mataas pa kikitain niya.

Hindi ho kami nagsabing bibigyan namin kayong trabaho, tapos nagpunta na lang ho kay St. Jude: “Sana ako magkatrabaho.” Hindi ho. Tinrabaho yan. Lumalaki yung ekonomiya. Pinakamataas po ang growth natin: 6.2 average GDP itong panahon na tayo nanungkulan.

May bagong trabaho, dito ho sa harapan natin, nakikita ninyo yung Entertainment City. Tinatapos yung pinakamalaki. Kailangan ng trabahador diyan. Yung trabahador, hindi nakatapos ng grade school, hindi marunong mag-add at substract, kulang sa Mathematics, matatanggap dun. Pero hindi tayo sa Mathematics lang nagpunta.

Kwentuhan ko kayo ng dalawang kwento. Meron hong kababayan tayo, taga-Pangasinan. Nayaya siyang magtrabaho sa Middle East. Pumunta ng Middle East. Tapos siya ng accounting. Pagdating sa Middle East, pinalitan yung kontrata, ginawa siyang domestic helper. Minaltrato. Pagka-maltrato niya, tumakas ho siya. Nakatulong ang embahada, nakauwi sa Pilipinas, binigyan ng pamasahe makauwi ng Pangasinan. Sinabihan siyang merong mga programa para sa OFW, baka gusto mo magsanay. Sabi po niya, salaysay niya sa atin, gulong-gulo isip niya. Natural ho nung nagpunta dun, malamang umutang. Pumunta sa Middle East para gumanda buhay niya. Imbes na gumanda, lumala ang sitwasyon niya.

Dati, wala siyang utang, ngayon may utang na, na hindi natapos yung kontrata, paano niya babayaran. Sinabi ho sa amin, nag-iisip na siya magpakamatay. Naalala niya ngayon, merong training na ibibigay ang gobyerno. Kumuha ho siya sa TESDA, yung Wellness Hilot na tawag nila at tsaka Massage Therapy. Natanggap sa isang spa. Magaling na empleyado, naging Operations Manager nung spa. Pagkatapos po nun, nagtayo siya ng sarili niyang mga spa. Apat na po yung spa niyang pag-aari. Meron pang tatlo na frinanchise niya dun sa amin sa Tarlac.

Ganon talaga pag namamayat kang konti, yung belt, kung saan-saan napupunta. Sabi ho nung, huwag na ho, yung timbang ko ho, mababawi ko ho yan after July. Ay! after June 30.

Dagdagan ko pa po. May isa naman ginang, nasa Pampanga. Nagtestify po siya, testimonial katulad kanina. Sabi niya: “Ako, Nanay ako ng pitong bata, yung asawa ko, iniwan ako. Ang trabaho ko, patinda-tinda.”

Kayo, baka mas naintindihan niyo yung Tagalog. Ako po ay Kapampangan. Di ba pag patinda-tinda, medyo hindi permanente? Minsan may tinitinda, minsan wala. Pag walang tininda, walang kikitain. Pag walang ititinda, lalo ng walang pag-asang kitain.

Sabi niya: “Miyembro ako ng 4Ps at dahil sa 4Ps, tatlo sa anak ko, napatapos ko na ng high school. Permanente ng may trabaho ngayon, regular na empleyado sila, katulong ko na dun sa apat ko pang anak na pinag-aaral.” Isipin po natin 2010, may lumapit sa atin.

Kunwari yung Nanay na yun lumapit sa atin. Sinabi: “Tulungan naman po niyo ako, pito ang anak ko, di ko mapakain.” Kunwari ‘no, katulad niyo ako, binata may konting naitatabi. Baka kaya ko bunutin sa bulsa ko, mapa-aral yung isa. Pero dito po, napaaral natin, napa-graduate yung tatlo na. At malamang yung apat po ang mga bagong na-enroll.

Ngayon ho, di naman ako nilapitan na bumunot sa bulsa ko. Tayong lahat, walang linapitan sa atin na mga benepisyaryo ng 4Ps para matulungan sila. Pero ngayon nga ho: 4.6 million na kabahayan ang tinutulungan natin. Resulta: 7.7 milyong Pilipino po, naiangat na dun sa poverty level.

Babalik na naman tayo. Mali ho ba yun? So ang punto ho nito, yung tinulungan nating grade school, baka nasa high school na ngayon. Nilawakan natin yung programa 2014, para tulungan na rin yung nasa high school. Ngayon, mas malaki na, pagpatuloy natin na lumaki yung ekonomiya natin. Si Mar, gawin nating pangulo, pwede na natin tulungan hanggang kolehiyo.

Yung dating walang papasukang trabaho, binigyan natin ng kakayahan para gumanda nang gumanda, o may pagkakataon talagang mapaganda yung buhay. Hindi ako tumayo sa inyo nung 2010 at sinabi ko sa inyo: “Iupo niyo ako, gagarantiyahan ko, gaganda lahat ang buhay niyo.” Ang sabi ko sa inyo nun: “Gagarantiyahan ko, isasagad ko lahat ng opurtunidad niyo para gumanda ang buhay niyo.”

Dahil pananaw ko po sa inyo partner ko kayo. Hindi kayo iba sa akin. Hindi ko kayo uutusan. Kayo ang Boss ko. Kayo nag-uutos sa akin, di ba? Ngayon ho, babalikan ko lang. Tinanong nga ako: Bakit ba yung magdidikta sa atin ang nangingibabaw? Eh yun nga ho eh, parang naghati-hati tayo.

So, balik tayo, gusto ba natin na isang tao na lang ang parating masusunod? Gusto ba natin na wala na tayong karapatan kung hindi “Bow, tama ka.” Wala ba tayong, di ba? Tayo ba hindi pa natuto dun sa lagim ng Martial Law na bibigyan natin ng pagkakataon ulitin sa atin ‘to? Pero ang mabigat pa nga ho, yung Martial Law, hindi na pwedeng gawin dahil dun sa Saligang Batas eh, na ganung klase.

Baka ho ideklara sa atin: State of Emergency, na wala hong nakalagay sa Saligang Batas na alituntunin sa State of Emergency. Pwede na namang mag-imbento ng kung anu-anong pahirap sa atin. O, ngayon. Magagawa ba niyan? Aba, kung papahintulutan natin. Saan nanggagaling ang poder? Sa inyo. Paano natin pinapakita yan? Eleksyon, sa Lunes, boboto tayo. Mula ngayon ho, hanggang sa Lunes pagpasok natin ng presinto. Sana bago tayo, di ba, gumuhit sa anumang — pag-iisipan natin, bago tayo pumasok man lang.

“Pinag-isipan kong mabuti, sinong karapat-dapat. Gusto kong masabi sa susunod na henerasyon, hindi ako nagkulang sa kanila, na talagang pinag-isipan ko sino ang makakabuti sa kanila, na talagang nakibahagi ako sa pagpapaganda ng atin pong lipunan.” ‘Yun nga ang pinangako ko sa inyo hindi ba? “Bigyan niyo ako ng pagkakataon, iiwan ko sa inyo di hamak na mas maganda sa dinatnan ko.” At kayo naman ang magsasabi kung tumutoo ako o hindi. Kung tumutoo po ako sa inyo at nakikita niyong maganda ang nangyayari sa ating bansa, na nakikita ninyo na lalo pang pwedeng gumanda ‘to. Aba’y tulungan naman niyo ako. Boto ko pareho niyo. Tig-i tig-isa lang ang bilang nun. Kayo ho ang magsasabi saan tayo pupunta.

Balikan ko ho si Edwin magaling, sigurado na. Ang problema lang nga ho, baka naman si Edwin, hindi suportahan nung nasa taas. Eh ano mangyayari kay Edwin? Ano mangyayari sa inyo?

Paano naging tama na iisang tao lang ang tama, isa lang ang magaling, isa lang ang anak ng Diyos, isa lang ang — di ba? Alam niyo, napag-isip ho ako talaga. Kung kailan pa anibersaryo ng kalayaan natin, dun pa tayo magkakaroon ng panganib na ganito. Ayokong masabi niyo, nagkulang ako sa inyo, kaya nandito ako ngayon. Pinapaliwanag ko sa inyo ang sitwasyon. Pero tulad nung EDSA na nagtipon-tipon tayo at nagsabi tayo “Tama na.” Tulad ‘nung 2010 na babaguhin natin ‘tong lipunan nating ‘to. 2016, may pagkakataon tayo, yung pagbabago gawin na nating permanente. Nasa inyong mga kamay po yan at talaga naman po, wala akong pinagmamalaki sa lahat ng hamong hinarap ko, halos anim na taon. Paano natin nalaktawan? Kumpiyansa ako nasa likod ko kayo. Magsama-sama pa rin ho tayo dahil talagang ngayon, may panganib po ang ating demokrasya. May panganib po lahat ng napagtagumpayan natin. Masakit kung ma-u-u-turn tayo’t balik tayo sa dati. Walo hong makikinabang dun kung hindi iilan na mang-aapi na naman sa atin.

Magandang gabi po. Maraming salamat sa inyong lahat.