President Benigno S. Aquino III’s Speech at the Miting De Avance for the Daang Matuwid Coalition
Quezon City Memorial Circle, Quezon City
07 May 2016
 
Yung may silya ho, maupo ho muna. Yung iba naman ho, samahan na niyo akong nakatayo.

Senate President Frank Drilon; other members of the Senate present; Speaker Sonny Belmonte and other members of the House of Representatives present; members of the cabinet; siyempre susunod nating Pangulo, Mar Roxas; susunod nating Pangalawang Pangulo, Leni Robredo; atin pong mga kandidato sa senado sa pangunguna ni Frank Drilon, Ina Ambolodto; Leila de Lima; Riza Hontiveros; TG Guingona; Mark Lapid; Kiko Pangilinan; Ralph Recto; si kuya Joel Villanueva; at siyempre yung mga hindi natin nakasama pero alam ko pong nasa puso niya kayo, si Ping Lacson; si Cris Paez at si Icot Petilla; yung nakakatanda po sa ating butihing Mayor ng Quezon City, Bistek Bautista; yung talagang nakakabata sa atin, Vice Mayor, Joy Belmonte-Alimurung; other local government officials present; fellow workers in government; mga minamahal ko pong kababayan: Magandang-maganda po talaga ang gabi natin ngayon.

Narito po tayong muli sa Quezon Memorial Circle, kung saan din tayo nag-Miting de Avance noong taong 2010. Salamat sa inyo at nagwagi po tayo noon, at ngayon narito tayo, salamat ulit sa inyo dahil sa Lunes, magwawagi muli tayo.

Huling araw na po ng kampanya. Sa Lunes po, tutungo na tayong lahat sa mga presinto upang maghalal ng mga bagong pinuno. Para nga ring itinadhana na bukas, ipagdiriwang ang Mother’s Day sa buong mundo. Maganda nga pong alalahanin ang mga turo ng ating mga ina ukol sa mabuting asal. Ang sabi sa akin noon ng sarili kong nanay: Huwag magmura, galangin ang ating kapwa. At dahil nga po apat ang kapatid kong babae, huwag mambastos ng kababaihan. Pinagdiinan sa aking pangalagaan at protektahan sila. Tinuruan po tayong maging ganap na Kristiyano, pangunahin na nga ang sumunod sa mga utos ng Diyos. Kabilang po dito, “Thou shalt not kill.”

Ganito ko po inumpisahan, dahil sa totoo lang, napapag-isip din ako. Sa mga survey sa pagka-Pangulo, lamang daw po si Mayor Duterte, na kabaliktaran ang gawain sa mabuting asal na itinuro sa ating lahat. Siya rin po ang kandidatong nagsasabing dadalhan daw tayo ng tunay na pagbabago.

Balikan natin: Ano ba ang babaguhin? Ano kaya ang pagbabagong tinutukoy niya? Hirit pa niya, “I will fix this country.” Ang akin, sira ba talaga ang buong bansa natin? Tayo po nung 2010, ay nagsabi rin nito. Ang panata natin: Iwan ang Pilipinas na di hamak mas maganda kaysa sa ating dinatnan.

Halimbawa po, sa edukasyon: Ang dinatnan nating backlog, alam po niyo, 66,800 classrooms. Sabi sa atin, 48,000 lang ang kayang sagutin ng budget sa buong termino natin. Sabi ko, “Di puwedeng aalis ako ng may utang.” Ngayon, ang matatapos at napondohan na po natin: 185,000 classrooms sa buong bansa. Sagot na po natin ang K to 12, pati — maraming salamat po. Palagay ko, malaking ngiti ng nanay at tatay ko sa nasabi niyo ngayon lang. Sagot na po natin ang K to 12, pati ang luma at sirang classroom. Tanong: Ano ba ang pagbabagong tinutukoy ni Duterte? Babawasan ba niya ang mga classrooms natin?

Pagdating sa Out of School Children nung taong 2008, nasa 2.94 million ang bilang nito sa buong bansa. Nung 2013 pa lang, sa ilalim ng ating administrasyon, bumaba na ito sa 1.2 million na out-of-school youth. Katumbas ito ng nasa 1.7 million na kabataang dating nasa lansangan, at ngayon, nasa paraalan na. Tandaan po natin, lumaki pa ang populasyon sa limang taong yun: Kung sa percentage po, ang dating 11.7 percent ng kabataang 5 to 15 years old na hindi nag-aaral, ngayon po, 5.2 percent na lang po yan at hinahanap pa rin natin sila para maibalik sa eskwelahan. Ang pagbabago po bang sinasabi niya ay ang patigilin sa pag-aaral ang lahat ng batang nakabalik sa aralan?

Sa kalusugan: Ang dinatnan nating coverage ng PhilHealth sa buong bansa: 47 million na Pilipino. Yun na po ang pinakamataas at natsambahan pang nasa election year. Ibig sabihin po, kung hindi eleksyon year, mas mababa. Ngayon, 93 milyon na ang saklaw ng PhilHealth. Pilit po nating pinupunuan ang kulang, pero nakita niyo naman ang direksyon: Patungo na tayo sa 100 porsiyento. Anong pagbabago ba ang gustong ng butihing Mayor dito? Hindi gawing miyembro ang bawat Pilipino?

Sa imprastruktura: Sabi sa akin ni Governor Adiong ng Lanao del Sur, bilang isang halimbawa, may dalawang bayan sa kanila, para puntahan niya nung araw ay inaabot siya ng 8 oras na biyahe, 8 oras papunta, 8 oras pabalik at kung matutulog siya, tapos na yung 24 na oras. Ngayon po, nagbukas na tayo ng kalsada doon, ang dating 8 oras, isa’t kalahating oras na biyahe na lang. Ngayon, mas makakaasa ng tamang pamamahala ang mga dating naliligtaang mga munisipyo. Pagbabago ba na pahirapan ulit ang gobernador ng Lanao del Sur na puntahan ang mga dating di marating na nasasakupan? Tatanggalin kaya ni Mayor Duterte ang kalsadang ito?

Sa atin pong Sandatahang Lakas. Ang kuwento sa atin nung araw, dahil kulang sa gamit, nakita po niyo siguro, ultimong purple na backpack mula sa isang fastfood chain, yun po ang bitbit ng isang kawal sa mga sensitibong operasyon sa kagubatan. Ngayon, nakita ninyo ang lahat ng bagong kagamitan. Meron na tayong mga Lead In Jet Fighters — dalawa. Sa 2017, ibig sabihin sa susunod na taon, darating na ang mga kapatid nito para makabuo ng isang dosena na fighter para sa atin. Ang ibig po bang sabihin ng pagbabago, babaliktarin ang nangyayaring modernisasyon ng Sandatahang Lakas? Ang ibig po kayang sabihin, bahala na ang New People’s Army sa atin? (crowd shouting: “No!”) Alam ko at alam niyo, di po tama yan.

Sa atin pong ugnayang panlabas. Alam naman po natin, ang Tsina, inaangkin ang halos buong South China Sea, kasama na yung parte nating West Philippine Sea. Dati, kung magprotesta tayo sa ASEAN, tanging Vietnam lang ang tila kakampi natin, na hindi pa makapalag nang husto dahil baka madagukan ang kanilang ekonomiya. Ngayon, ang buong ASEAN, nakapanig na sa paninindigan natin sa rule of law. Hanggang sa Europa po at siyempre, ang Amerika, pati na ang Australia, at sa marami pang ibang panig ng mundo, may kabalikat na tayo sa atin pong paninindigan. Ang ibig po bang sabihin ng pagbabago, itong mga tinig na dumadagdag sa atin ay hindi na mananatiling kakampi, dahil ngayon pa lang, inaaway na sila ni Mayor Duterte?

Ako po ay naniniwala, sa kampo nila, may totoong naninindigan para kay Mayor Duterte. Pero marami rin pong mga opurtunistang nagsasamantala upang makabalik sila sa poder. Huwag nating kalimutan ang iilang ito, pagkatagal-tagal na sa pulitika. Mukhang kumikilos sila para mamanipula ang may mabuting hangarin.

Bukod pa nga po dito: Sang-ayon naman siguro ang lahat: Lehitimong tanong ang inihain sa kanya ukol sa mga bank account niyang hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Ipaalala ko lang po: labag sa Saligang Batas ang pagtatago ng yaman mula sa yung SALN. Kung wala siyang dapat itago, bakit hindi na lang pumirma sa isang waiver ng bank secrecy, sa ganung paraan, matapos na ang usapan. Sa halip na hayagang sagutin ang mga alegasyon, siya naman ang humirit na respetuhin ang mga karapatang handang-handa niyang ipagkait sa iba. Di nagtagal, inamin din niyang may pera nga, na ipinang-“happy-happy” na raw niya. Niregalo lang daw ito sa kanya, at kung yun po ay totoo, ang tanong natin: Meron bang nasa matinong isip na magbibigay ng diumano’y daan-daang milyon nang walang kapalit? Hindi birong halaga ito. Ano naman kaya ang hininging kapalit ng donor na ito kay Ginoong Duterte? Lahat naman siguro ng tanong ay may sariling — lahat naman siguro ng tao, may sariling pag-iisip. Kahit pa sumusuporta sa kanya, magdududa na kung totoo ang imahen na inihaharap sa atin ni Ginoong Duterte. Talaga bang walang bahid ng katiwalian si Mayor?

Noong 2010, kung naalala niyo, sa balita pa lang na matatapos na ang pamumuno ng ating pinalitan, umangat ang ating ekonomiya. Ang pagbabago po ngayon, kabaliktaran ang nangyayari. Habang diumano’y lumalaki ang posibilidad na siya ang magiging susunod na Pangulo, sabay namang bumababa ang halaga ng piso. Ultimong stock market natin na lumagpas na po sa 8,000 ang level sa ilalim natin, ngayon raw po ay medyo humina. Miski po mga pahayagan sa ibang bansa, miski mga ambassador, ay umalma na sa mga hirit ni Ginoong Duterte.

Kapag naman po siya ang nakuwestiyon o nasabihan nang hindi niya gusto, imbes na magpaliwanag o magpaumanhin, ay lalo pang ididiin ang pagmumura o pambabastos. Hindi kaya niya naiintindihan na ang bawat salitang lumalabas sa bibig niya ay may epekto sa buong Pilipinas? Kung magtatangka ang sinuman daw na mag-i-impeach sa kanya, ang sagot po niya, nang may kasama pang mura: “Ipapasara ko ang Congress.” Sa ibang pagkakataon, idiniin pa po niya: “Wala, wala. Ako na ang congress, ako na ang presidente.”

Hindi ko po inimbento ang mga salitang ito. Ito po, mismo ang lumabas sa sarili niyang bibig. Saan po kaya tayo dadalhin ng ganitong klaseng presidente? Pag tanungin tungkol sa kanyang mga plano, wala naman pong masasabi kung hindi mangongopya lang siya. Direkta po niyang sinabi: “I could even copy, I said, the development plan of Poe and Roxas. Hindi naman nila gastos yan, sa gobyerno yan eh. Sinong gumawa niyan? Eh di gobyerno. Why would they begrudge eh sanay ako magkopya eh.”

Pag ang isang tao ay nagpapakasal, na sana’y maabot ko rin sa darating na mga araw, pag-iisang buhay po ang nangyayari. Ang pagpili natin sa pinuno, tila ikinasal na rin tayo, tatanungin ka siguro kung ikaw ay magpapaalam sa iyong ama na gusto mong magpakasal. Tatanungin ka siguro ng ama mo, “Itong nanliligaw sa ‘yo, ano ang mapapala mo? Tila marami yatang karelasyon, proud ka ba rito?” Sabi niya, “Pagagandahin daw niya ang buhay mo, pero di niya nabanggit kung paano.” Dadanak daw ang dugo, di kaya sabihin ng tatay mo, “Anak, ano ba yang papasukan mo? Sa mga binigkas niyang pahayag simula ng tumakbo, may mga nagsasabi po: “Over lang yan, exaggeration lang yan.” Ang akin po, paano kung literal at totohanan ang kanyang mga pahayag? Sino naman kaya ang maninindigan sa susunod? Sino naman pong ama ang magbibigay ng bendisyon sa ganitong klaseng manliligaw? Sa dulo ng diskusyon, ang isasagot sa anak na humihingi ng basbas, malamang, “Iha, malabo naman yata yang gusto mo. Mother’s day pa naman bukas. Paano natin ito ipapaliwanag sa nanay mo?”

Sa akin po, kung ang usapin ay kung sino ang dapat na tunay na maging pinuno ng ating bansa: Walang duda, kay Mar at kay Leni. (applause/crowd shouting: “Mar-Leni, Mar-Leni!”)

Kung naniniwala kayo na tama ang Daang Matuwid, puwede ba nating pagan — at puwede pa nating pagandahin at palawakin ito, sina Mar at Leni, ito mismo ang pangako nila.

Ipinakita na nila ang tunay na pagmamahal sa mga nasa laylayan ng lipunan. Nagdusa na sila, nagsakripisyo at patuloy na nagsasakripisyo para sa mga pinaniniwalaan natin. Alam nila: Ang lahat ng mahalaga, dapat ipaglaban. Alam nila ang importansya ng tinatawag na consensus building bilang haligi ng ating pagkakaisa bilang bansa. Ang pinakamahalaga: Sila ang magpapatuloy sa integridad at tunay na serbisyo sa ating mga kababayan—hindi lang sa salita, kundi lalo na sa gawa.

Ako po ay naniniwala na mahalaga ang itinuro ng tamang asal ng ating mga magulang at ng ating relihiyon. Dito luminaw ang lahat, napakarami sa ating mga kapartido, kasama sa koalisyon, kaalyado, kasama na po ang mga nasa laylayan ng lipunan na nagpahayag ng suporta kina Mar at Leni ay nakatulong upang makapagnilay ang ating mga kababayan. Sa kahuli-hulihan po, mananaig ang tunay na may kakayahan, may plano, may direksyon, at may integridad na dalhin ang Pilipinas sa katuparan ng ating mga pangarap.

Naniniwala rin po ako: Lahat tayo’y pinalaki ng mga magulang nang tama upang tayo’y makapamuhay nang marangal. Naniniwala ako: karamihan, kundi man lahat sa magulang na Pilipino ay ginugusto ang makakabuti sa kanilang mga anak. Tinuruan po tayo ng tamang asal; kaya ang mga anak, natuto, at isinabuhay ang tama at marangal na asal.

Mga kasama, tayong lahat, narinig na natin ang sinasabi ni Mayor Duterte. Ang akin, pag naging diktador ka, ikaw lang ang tama, ikaw lang ang masusunod, walang puwedeng sumalungat. Tuloy, gaya nung Martial Law natin, basta huwag akong mapansin na iisipin ng iba, huwag lang akong mapansin ng diktador, ligtas na ako.

Naalala ko tuloy ang isang sinabi ng aking ama na turo po ni Pastor Dietrich Bonhoeffer. Sabi po niya at kailangan ko pong sabihin sa wikang English ‘to: “First they came for the communists, but I was not a communist, so I did not speak out. Then they came for the socialists and trade unionists, but I was neither, so I did not speak out. Then they came for the Jews, but I was not a Jew, so I did not speak out. And finally, they came for me, there was no one left to speak out for me.” Diin ko lang po, pag inapi ang isa at hinayaan mo, hinahanda mo na ang sitwasyon na ikaw naman ang susunod na apihin.

Sinulat po ng butihing pastor na ito upang ipaliwanag kung paanong napunta at nanatili sa poder si Hitler, na nagdulot nga ng napakalalim na pagdurusa sa napakaraming tao. Ang dahilan: Nakalimutan ng iba na ang tadhana nating lahat ay magkakaugnay. Nawa’y matutuhan po natin ang aral ng kasaysayan: Mas marami pa rin po tayo. Alalahanin natin: Ayon sa mga survey, kanilang binabandera, 30 porsiyento daw po ang pabor kay Ginoong Duterte; 70 porsyento naman ang ayaw sa kanya. Kailangan po nating magkaisa; nasa pagkakaisa po ang susi upang maiwasan ang kadiliman, at madala ang ating bansa sa maliwanag na kinabukasan.

Sa Lunes, maghahalal tayo ng mga bagong pinuno. Sa ika-30 ng Hunyo, alas dose empunto, iba na ang magiging Pangulo po ninyo. Karangalan kong maging bahagi ng isang mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan sa susunod na administrasyon. Harinawa, sa araw na iyon, ipapasa natin ito sa taong tunay na magdadala sa Pilipinas sa katuparan ng ating mga pangarap, sa paraang may takot sa Diyos, makatarungan, makatao, at sumasalamin sa diwa ng ating pagka-Pilipino.

Alam niyo sa punto pong ito, nakikita ko sa inyong mga mukha, nagkalat ang dilaw, ang nanay ko po ay may sinabi sa akin at naalala kong matindi: “Hindi ka kandidato, huwag ka masyado mahaba magsalita.”

Huling pakiusap na lang po, sabi nga kanina ni Kiko, sabi ni Ralph, pagdating ng Lunes, pare-pareho lang po tayo, ang boto ko pareho nung sa inyo, isa lang ang bilang. Hindi ko ho kakayanin mag-isa. Hindi ko kakayanin mag-isa na maniguradong hindi bumalik ang lagim sa atin pong Inang Bayan. Kailangan ko kayong lahat, kailangan ko hong puntahan niyo, kailangan ko pong puntahan niyo ang ating mga kapatid na baka nahihilo pa o naliligaw. Kailangan nating bigyan ng liwanag ang mga ito. Ang kinabukasan natin tulad ng dati, nasa ating mga kamay. At ako po’y tinuruan na talagang sumandal sa sambayanang Pilipino at nakakasigurado po akong, ulit, papatunayang tama ang manindigan sa sambayanang Pilipino.

Magandang gabi po sa inyong lahat. Maraming-maraming salamat po.