May 08, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Rey Sampang |
08 May 2016 |
SAMPANG: Nasa linya na po ng ating komunikasyon ang ating butihing Kalihim, Secretary Coloma ng Presidential Communications Operations Office. Magandang umaga po, Secretary.
SEC. COLOMA: Magandang umaga sa iyo Rey, at sa lahat ng ating taga-subaybay. SAMPANG: Maraming salamat pong muli Secretary sa pagpapaunlak po ninyo sa ating programa, sa ating himpilang Radyo ng Bayan. To start with, Secretary, baka mayroon po kayong opening statement sa ating mga taga-pakinig Secretary? SEC. COLOMA: Mainam siguro, Rey, dumiretso na tayo sa tanong ng ating mga kagawad ng Malacañang Press Corps. SAMPANG: Opo. Secretary isa pong… mula sa Malacañang Press Corps, ito daw pong Palace statement sa readiness ng gobyerno na mag-conduct ng isang peaceful at honest election bukas, Mayo a-nuwebe. SEC. COLOMA: Sa aspeto ng seguridad, ganap ang kahandaan ng pinagsanib na puwersa ng Sandatahang Lakas at Pambansang Kapulisan upang tulungan ang Comelec sa maayos at tahimik na pagdaraos ng halalan. Ang DepEd ay tinitiyak ang kahandaan ng mga paaralang gagamitin bilang presinto ng halalan, at ng mga gurong magsisilbing kagawad ng Board of Election Inspectors sa ilalim ng superbisyon ng Comelec. Tuluy-tuloy din ang isinasagawang pagtutok, pagtugon at pakikipag-ugnayan sa mga energy sector providers nang Department of Energy upang masiguro ang kasapatan ng supply ng kuryente sa mga pagdadausan ng halalan sa buong kapuluan. SAMPANG: Opo. Secretary, ito pong susunod na katanungan mula pa rin po sa Malacañang Press Corps. Nakaantabay po ang buong mundo sa magiging resulta at pagsasagawa ng eleksiyon sa bansa, partikular po ang Estados Unidos na nagpahayag na po na handa po silang makatrabaho ang susunod na Pangulo ng Pilipinas. Ano po ang reaksiyon ng Palasyo diyan, Secretary? SEC. COLOMA: Kabilang ang Pilipinas sa pamilya ng mga bansa sa United Nations, APEC, ASEAN at iba pang pandaigdigang kapulungan. Sa daloy ng panahon, nakapagtatag tayo ng matibay na pagkakaibigan, pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa maraming larangan, sa maraming bansa sa buong daigdig. Marapat lamang na maipakita natin sa kanila na magpapatuloy ang ganitong sitwasyon sa darating na panahon. Nakasalalay ito sa resulta ng eleksiyon at sa patuloy nating determinasyon bilang isang bansa na lalo pang patatagin ang demokrasya at mabuting pamamahala sa Pilipinas. SAMPANG: Secretary, isa pa hong katanungan. Ito po ay… naku, itong tanong na ito ay ganito po ang takbo ng tanong, ano po: “Handa na po ba ang Aquino government para sa smooth transition sa susunod na administrasyon?” SEC. COLOMA: Dahil sa masigasig na pagtatatag ng mabuting pamamahala o ‘good governance’, maisasalin ng Aquino administration sa hahaliling administrasyon ang isang pamahalaan na kung saan ay maayos ang mga sistema, patakaran at pamamaraan, kumpleto at hayag ang mga opisyal na datos at dokumento, at laging handang maghatid ng mapagkalingang paglilingkod sa mga mamamayan. SAMPANG: Secretary, ito pong… kung marapatin po ninyo na mabanggit ko lang. Noon pong nakalipas na administrasyon, walang—first ito ano po Secretary, kasi noong nakalipas na administrasyon walang mga transition teams na naitalaga noong pumasok po ang Aquino administration. SEC. COLOMA: Naalala ko lang, Rey ‘no, na noong mga… noong palapit na ‘no iyong pagpalit ng administrasyon, siguro pagkatapos ito noong proklamasyon ng bagong Pangulo na idinaos sa Batasang Pambansa noong first week o lampas lamang sa first week of June 2010, ay nagkaroon na ng mga ugnayan sa pagitan ng outgoing at incoming administration. At nagkaroon din ako ng oportunidad na mapasama doon sa mga pagpupulong na iyon ano para lang mapag-usapan iyong pisikal na pagpasok ng bagong administrasyon ‘no — iyong mga idaraos na kaganapan doon pagkatapos ng inauguration sa Luneta Grandstand ‘no; iyong pagdaraos ng unang pulong ng Gabinete; iyong pagbati sa bagong Pangulo at administrasyon ng mga mamamayan – iyon ang ilan sa mga tinalakay ‘no. SAMPANG: Iyon, okay. At least po iyong ginagawa po—halimbawa, sa atin, sa PCOO eh bilang direksiyon po mula sa inyo ay talagang iyong transition ay maliwanag. At least hindi ho nangangapa iyong susunod na papasok, ano po. At least on the end of the PCOO agency, sa ilalim po ng pangunguna ninyo ay magiging maganda iyong transition. Iyan. SEC. COLOMA: Isa pang dapat nating unawain, Rey ‘no, sa… bagama’t ako at iyong ibang mga senior officials ay magtatapos ng paglilingkod, na co-terminus o sabay sa pagtatapos ng paglilingkod ni Pangulong Aquino sa tanghaling tapat o twelve noon ng June 30, 2016, marami namang katulad mo, katulad ng mga professional civil servant na patuloy pa rin ang paglilingkod at hindi naman apektado sa pagpapalit ng administrasyon. SAMPANG: Okay. Sec., of course Secretary, sa Lunes po, bukas, May 9th eleksiyon na, at isa rin po sa mga tinitignan marahil eh iyon pong partisipasyon ng mga ahensiya sa ilalim ng PCOO sa pag-cover po ng eleksiyon. Mayroon po bang mga, ika nga po, aktibidad ang mga ahensiya sa ilalim ng PCOO para po maihatid sa ating mga kababayan iyon pong kaganapan sa eleksiyon? SEC. COLOMA: Inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na lumahok sa pagsubaybay sa pambansang halalan. Nilatag natin ang “Hatol ng Bayan 2016” – ito ang programa ng Media ng Bayan na kabilang na roon itong inyong himpilang, iyong Philippine Broadcasting Network at Radyo ng Bayan station sa buong kapuluan; kabilang na rin diyan iyong Philippine Information Agency, na mayroong field offices sa halos lahat ng lalawigan sa buong bansa at sa lahat din ng rehiyon. And of course, nandiyan po iyong ating People’s Television Network (PTV), nandiyan din iyong IBC-13, nandiyan din iyong Philippine News Agency, iyong ating News and Information Bureau, iyong National Printing Office at APO Production Unit. Lahat po ng ahensiya, pati iyong Bureau of Communications Services, lahat po ng ahensiya ng ating tanggapan ay nakatutok at handang maglingkod sa araw ng halalan. SAMPANG: Opo Secretary, at kasama po kami ng Philippine Broadcasting Service–Radyo ng Bayan at amin pong mga regional stations sa buong Pilipinas na maghahatid po ng mga kaganapan sa halalan. Bukas po, madaling araw pa lang Secretary, at ngayon pa lang pagpaumanhin ninyo na po kung maya’t maya ay tumatawag po kami sa inyo para po sa inyo namang mga statements o mga encouraging words para po sa ating special coverage na iyan, Secretary. SEC. COLOMA: Iyan ay katungkulan natin at masaya nating gagampanan ito, Rey, ngayon at sa mga darating na araw. SAMPANG: Maraming salamat po, Secretary. Thank you very much po. SEC. COLOMA: Siguro pampahabol na lang. Bumabati tayo sa lahat ng ating mga mahal na ina, ngayon ay Mother’s Day. Bukas naman po ay kaarawan na mahalaga din para sa ating inang bansa – at iyon ang halalan. Kaya maging determinado po tayo na patatagin ang ating demokrasya sa pamamagitan ng ating personal at makabuluhang partisipasyon sa ating halalan. SAMPANG: Sige po, Secretary. Mother’s Day ngayon, dapat ang babae minamahal, ginagalang, hindi binabastos, hindi pinagsasalitaan ng masama, ‘di po ba? — iyong mga kababaihan? SEC. COLOMA: Iyan ang ating pinapahalagahan sa ating lipunan, at iyon nga ‘no, ang simbolo din ng ating bansa, kadalasang ginagamit natin iyong katagang “inang bayan” o “inang bansa”. Kaya mahalaga ang mga pinahahalagahan nating prinsipyo, katulad ng iyong nabanggit. SAMPANG: Maraming salamat po Secretary, mabuhay po kayo. SEC. COLOMA: Maraming salamat, magandang umaga Rey. SAMPANG: Ang ating butihing Kalihim, Secretary Sonny Coloma ng Presidential Communications Operations Office. |