May 10, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue |
10 May 2016 |
ALAN: Sec, base po sa mga updates na pinaparating din sa inyo ng iba’t-ibang government agencies, ano po ang kanilang naging assessment dito sa election na naganap maghapon kahapon, Sec. Sonny, sir?
SEC. COLOMA: Kagabi, Alan, ay nagtungo sa Presidential Situation Room si Pangulong Aquino, ito ay nandoon sa Malacañang Park na hindi kalayuan doon sa Bahay Pangarap sa Maynila, at tinanggap niya ang ulat ng ating mga security forces na deputized ng Comelec. Ang nag-ulat doon si AFP Acting Chief of Staff Glorioso Miranda at ibinigay niya iyong salient aspects ng mga ulat as of that time hinggil sa security situation. At overall, Alan, ay naging maayos naman ang takbo ng ating halalan sa iba’t-ibang lugar ng ating bansa. Basahin ko lang doon sa notes: As of 8:00 P.M. last night ay labingwalong election-related incident ang naitala — tatlo ay burning, walo ay shooting na kung saan ay labingdalawa ang killed o namatay o napatay; tatlo ang explosion incidents kung saan dalawa ang napatay; dalawa iyong ballot snatching; at isa iyong misrouted official ballots, nagkamali ng pag-deliver doon sa mga ballot boxes at dahil doon ay may elections sa Hinigaran, Negros Occidental at Borongan, Eastern Samar at iniulat din iyong failure of elections in three Lanao barangays. Pero tandaan natin na apatnaput-anim na libo ang barangay, Alan, kaya kung iyon lamang ang naitala masasabi naman natin na naging maayos at mapayapa ang pagdaos ng ating halalan. At ayon din sa datos ng Comelec, lumagpas sa 81% ang turnout, napakagandang senyales ito sa kasiglahan ng ating demokrasya at sa aktibong partisipasyon ng mga mamamayan sa isa sa pinakamahalagang kaganapan sa ating demokrasya. ALAN: Ayon. So, lumalabas po na na-exceed iyong expectations din ng Commission ng Elections, inaasahan nila around 80%, base sa data nila it’s a little more than 81%, Sec. Sonny, sir. SEC. COLOMA: Iyon nga ang natunghayan natin sa pag-uulat nina Chairman Bautista at ng Comelec. ALAN: Ayon, okay. And base rin po sa mga updates from the Commission on Elections, meron din ho bang naipagkaloob sila na, let’s say, timetable within which to finish iyong opisyal na pagbibilang mga boto. Halimbawa, para doon sa mga tumakbo sa national positions, Secretary Coloma, sir? SEC. COLOMA: Kitang-kita naman natin, Alan, sa lahat ng election coverage ng iba’t-ibang media organizations natin — mula pa kahapon, bago pa man nagsara ang botohan, ay nakagayak na… handa iyong National Board of Canvassers para sa senatorial elections; na mismong Comelec en banc nandoon na sila sa kanilang lugar sa PICC. Doon naman sa pagtanggap ng mga transmissions mula sa mga presinto, precinct-level transmission, kung hindi ako nagkakamali ay lampas na sa 85% sa kasalukuyan, as we speak, iyong natanggap doon sa Comelec Transparency Server at doon sa iba pang mga paraan nila ng pagtanggap ng resulta. Iyon namang sa pambansang… iyong sa election naman ng Pangulo at Pangalawang Pangulo ang National Board of Canvassers dito ay ang House of Representatives. Kaya ang dapat na maganap ay iyong maihahatid sa kanila iyong mga Certificate of Canvass mula sa iba’t-ibang mga lalawigan at siyudad ng bansa, Alan. May ibang proseso ito para sa opisyal na proklamasyon ng Pangulo at Pangalawang Pangulo. ALAN: Opo, okay. Well, Secretary Coloma, of course, ang end ng termino ng Pangulo officially ay June 13 noon base po doon sa, of course, nakatadhana sa Saligang Batas na doon nga ang end ng 6-year term ng Pangulo. Dito po sa mahigit sa isang buwan, Secretary Coloma, ano po iyong mga pagtutuunan ng pansin, ika nga, ng Malacañang para po sa ating mga kababayan, Sec.? SEC. COLOMA: Well, ayon sa election day message ng Pangulo, sinabi niya ito, “Karangalan ko pong maging bahagi ng mapayapang pagsasalin ng kapangyarihan sa ilalim ng ating mga demokratikong proseso,” kaya gagawin po ng Ehekutibo ang nararapat para tiyakin itong mapayapa at maayos na pagsasalin ng kapangyarihan. Ang iba’t ibang tanggapan po ay naghahanda ng kanilang mga transition report na maaaring gawing gabay ng mga kahalili. At katulad ng binanggit ko sa ating panayam kahapon, Alan, dapat ding unawain ng ating mga mamamayan na mayroon naman tayong isang matatag na corps of dedicated and experienced public servants na hindi din naman sila mawawala dahil tuluy-tuloy lang ang kanilang serbisyo. Iyan iyong mga Career government employees na deka-dekada na iyong kanilang paglilingkod; batid nila kung anu-ano ang mga proseso, mga patakaran sa mga tanggapan. Naiayos natin ang mga patakaran na iyan sa pamamagitan ng iba’t ibang programa, iyong mga productivity improvement programs, iyong mga quality management system, iyong mga good governance citizen’s charter programs para maging bukas at hayag ang proseso ng pamahalaan. Tiyak na ikagagalak nating isalin ang kaalaman hingil dito doon sa papasok ng administrasyon, Alan. ALAN: Opo. Well, Secretary Coloma, sir, muli, salamat po nang marami for the updates from the Palace, sir. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan. |