INTERVIEW OF PCOO SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR.
Presidential Communications Operations Office / Office of the Secretary
12 May 2016
 
Alex Calda (DZMM): Sir, ‘yung reaksyon ninyo sabi ni Joma (Sison) kapag nagkita sila ni (Rodrigo) Duterte hihilingin niya kay Duterte na ipa-aresto si PNoy at si Secretary Butch Abad at kasuhan ng plunder dahil sa maling paggamit ng PDAF (Priority Development Assistance Fund)?

SEC. COLOMA: Maraming kuwestiyon katulad niyan ay patungkol sa mga prospective action ng incoming administration at ‘nung hahaliling Pangulo.

Kasi katulad niyan ‘yung ipapa-aresto, prospective, hindi naman maisasagawa ‘yan between now and June 30. Baka naman po mas mainam na iyang mga prospective na scenario na iyan ay hintayin na lang natin na maganap sa halip na tayo ngayon ay mag-e-engage sa espekulasyon dahil baka hindi ‘yan masyadong nakakatulong sa paglikha ng isang kaaya-ayang sitwasyon na kung saan ay pwedeng magkaisa tayo at tumugon tayo doon sa lumalawak na panawagan for unity and healing in the nation.

Mr. Calda: Sabi po ni Jun Lozada ginamit lang siya ng administrasyon doon sa kaso ni (Benjamin) Abalos?

SEC. COLOMA: Wala pong batayan at walang katotohanan. Ang tinutukoy po kasi natin dito ay isang proseso ng batas na kung saan ang ginagamit na batayan sa pagpapasya ng hukuman ay ebidensiya.

Batid naman po natin ang pagkakahiwalay ng Executive at ng Judiciary. At dahil po sa pamantayan ni Pangulong Aquino ng good governance, kailanman po ay hindi nanghimasok o nakialam ang Ehekutibo sa mga proseso ng Hudikatura maliban na lang doon sa pagganap ng tungkulin ng ating mga government prosecutors.

Kaya po walang batayan at walang katotohanan. Isa pa po, ebidensiya nga po ang ginagamit diyan baka naman po mainam na basahin muna natin at unawain natin ‘yung naging pasya ng hukuman bago tayo gumawa ng mga komento o obserbasyon habang hindi pa naman ito nababasa o nauunawaan.

Florante Rosales (DZRH): Sir, according to presumptive President Duterte, uunahin niyang bill or ipapasa, kung hindi man maipasa sa Kongreso ay i-e-edict ng Palasyo o siya mismo ang magpapalabas ng executive order para maipatupad ‘yung FOI (Freedom of Information) law?

SEC. COLOMA: Well, prerogative naman ng Pangulo ‘yung pagpapalabas ng mga executive order. Hinggil naman diyan sa bagay na ‘yan, makailang ulit nating tinalakay iyan dito sa ating mga ugnayan at makailang ulit ding ipinunto natin na kung tutuusin, iyong buod at sustansiya ng Freedom of Information bill ay ipinapatupad na, matagal nang ipinapatupad ng Aquino administration kahit na wala pang batas o kahit walang executive order.

Paano natin ito masasabi? Lahat ng government offices ay may official website dahil umaayon tayo doon sa prinsipyo ng transparency. Lahat ng government agency merong Citizen’s Charter, nagtatakda kung ano ang mga standards of performance. Kung ikaw ay frontline agency, ilang araw ang pag-proseso ng papel ng application for a certain public service.

Lahat po iyan hayag, nakalabas sa mga website. Pati po ‘yung mga budgetary transactions ng mga national government agencies in the interest of openness and accountability, hayag po ‘yang isinasapubliko.

Iyon pong bidding natin na sinu-supervise ng GPPB (Government Procurement Policy Board) ay nakalagay din po sa mga website. Iyon pong buod at sustansiya ng Freedom of Information na kung saan ay nagbibigay tayo ng access sa mga mamamayan sa mga transaksyong pampubliko sa paggamit ng pondo ng bayan, madidiskubre po ng mga bagong uupo na lahat ay ipinapatupad na kasama pa rin ‘yan doon sa performance-based bonus.

Hindi makakatanggap ng performance-based bonus ang mga opisyal at kawani ng anumang agency na hindi open and transparent ang kanilang mga transaksyon.

Joel Egco (The Manila Times): Sir, sa transition po na sinasabi, meron po ba kayong hihilingin sa incoming administration na ituloy po na programa?

SEC. COLOMA: Iyon pong paghiling na iyon ay maraming beses nang inihayag ni Pangulong Aquino sa kanyang pagtatalumpati.

Naging bahagi na rin naman ‘yan ng kanyang panawagan sa ating mga mamamayan. Siguro mainam na lamang nga katulad ng binanggit ko kanina, hintayin na lang natin at bigyan natin ng pagkakataon ‘yung papasok na administrasyon dahil iyong kasalukuyang administrasyon ay inihalal para sa isang fixed six-year term na patapos na.

Kung anuman ang aming ipinangako at kung anuman iyong aming inihayag, pwede po kaming bigyan ng rating ng mga mamamayan ayon doon sa mga kongkretong naisagawa na at kung meron namang nais ipagpatuloy ang ating mga bagong opisyal, bagong halal na opisyal, siguro kasama na rin ito sa kanilang pagtaya o pagtuos sa ibig sabihin ng mandato na ibinigay sa kanila ng mga humalal sa kanila na mga mamamayan ng ating bansa.

Roices Naguit (TV5): Sir, may mga pinangalanan na po si Duterte na magiging bahagi ng transition team and si Pangulo po pinangalanan na si — or dinesignate (designate) na si ES Ochoa as head ng transition team. Meron na po bang parang proposed meeting or nagkita na po ba nag-usap ‘yung mga opisyal na ito. At saka ano po siguro ‘yung mga itu-turnover ng current administration sa kanila if ever?

SEC. COLOMA: Ang batid ko ay nagpatawag na si Executive Secretary (Paquito) Ochoa ng pagpupulong bukas ng hapon.

At kung merong fresh developments na mula doon sa pagpupulong na iyon, makatitiyak kayo na ipararating sa inyo ito.

Mr. Egco: Sino-sino, sir, ang kasama bukas?

SEC. COLOMA: Hindi ko alam kung sino pa ang iba. Basta ako ay nakatanggap ng anunsiyo na ako ay ipinapadalo doon. Hindi po ibig sabihin ‘non na kasama ako, pinapapunta lang ako doon sa meeting.

Ms. Naguit: Saan po ‘yung meeting, sir? Sa OP?

SEC. COLOMA: Sa loob po ng mga tanggapan ng Office of the President.

Nel Maribojoc (UNTV): Sec, lumulutang pa rin po ‘yung usapin ng pandaraya sa eleksyon lalo na po ngayon na may isyu dito sa transparency server dahil doon sa usapin ng hash code. Ano po ang masasabi ng Palasyo?

SEC. COLOMA: Ang atin pong paglahok sa eleksyon ay bilang deputy ng COMELEC (Commission on Elections) because the COMELEC is the constitutional body that has the primary responsibility of ensuring the conduct of free and honest elections in the country.

Iyon pong mga tanong hinggil sa aspects of the automated election system, halimbawa ‘yung sa nabanggit mong hash code, may natunghayan akong paliwanag ng kinatawan ng provider ng COMELEC, which is Smartmatic.

At meron naman po tayong mga citizen watchdog groups na maalam din diyan dahil in constant dialogue sila sa isa’t isa at sa COMELEC. Siguro po sila ang mismo makapagsasabi hinggil diyan.

Basta lang ituwid lang po natin ‘yung buong automated election system ay nasa pangangasiwa ng Commission on Elections. Wala pong partisipasyon ang Executive branch kabilang na ang Tanggapan ng Pangulo at lahat ng sangay ng pambansang pamahalaan diyan sa paggamit ng iba’t ibang aspeto ng digital technology o ng automated election system.

Kaya dapat lang po siguro kung sino ‘yung mayroong mga tanong, mayroong mga hindi ganap na nauunawan tungkol diyan. Mas magiging responsable ang kanilang pagtukoy sa mga usaping ‘yan, kung ihaharap nila ito sa mga tamang kinauukulan.

Mr. Egco: Sir, may binanggit na personal sentiments of the President with regard to the outcome of the elections? I mean masaya ba siya, malungkot ba siya?

SEC. COLOMA: Wala akong pagkakataon na makausap siya o matanong siya hinggil sa bagay na ‘yan.

Ang akin lang huling pakikipagkita sa kanya ay noong election night mismo at siya naman ay nagtungo doon sa Presidential Situation Room na klaro ‘yung kanyang layunin na tiyakin ‘yung pagkakaroon nang maayos na halalan.

Kung tutunghayan natin ‘yung kanyang mensahe for Election Day na naihayag na one day before the election, malinaw naman ‘yung kanyang pananaw hinggil doon sa kahalagahan ng ating pambansang halalan na dito isang mamamayan, isang boto, pantay-pantay lahat tayo.

At kapag pinagsama ‘yung mga saloobin ng mga mamamayan, diyan natin makukuha kung ano ‘yung resulta ng halalan.

Kaya masasabi naman natin na ang Pangulo ay tinitingnan ang lahat ng developments na ito with equanimity and objectivity.

Mr. Egco: Sir, lagi niyang sinasabi before na ‘yung election daw po ay referendum ng taumbayan sa Daang Matuwid? Don’t you find it quite frustrating na ‘yung turnout baliktad?

SEC. COLOMA: Marami din po akong natunghayang pahayag at opinyon na hindi naman naniniwala doon sa proposisyon na ni-reject daw ‘yung Daang Matuwid.

Paano natin masasabing ni-reject samantalang lahat ng kandidato ay laban sa korupsyon? Hindi ba ‘yan ang battle cry ng Aquino administration? “Kung walang corrupt, walang mahirap.”

Paano natin masasabing ni-reject samantalang malinaw naman na naitatag natin ‘yung mabuting pamamahala?

At maging ang mga objective observers mula sa international community ay nagbibigay nang mataas na marka sa atin.

Siguro naman ay mayroong bigat ‘yung kanilang sinasabi dahil sila ay impartial observers.Wala po silang bahid pulitika.

Ang basehan po nila ay ‘yung internationally accepted standards of governance. Kaya hindi po kami sang-ayon doon sa proposisyon na ito ay pagtanggi ng mga mamamayan sa Daang Matuwid dahil kung titingnan din natin ang mga parallel na pahayag ay namentene naman ng administrasyon at ng Pangulo ‘yung mataas na antas ng pagtitiwala at ‘yung performance approval ng mga mamamayan all throughout the six years of his administration.

Lei Alviz (GMA 7): Sir, kamusta na po si Presidente? Mga ilang araw na rin po siyang walang official events naghahanda na rin ho ba siya sa pag-alis?

SEC COLOMA: Patuloy po niyang ginagampanan ang kanyang mga opisyal na responsibilidad. At i-consider po natin, even now as we speak, ilan po ba ang mga Pilipinong nasa ibang bansa?

Napakarami pong Pilipino nagta-trabaho, nanirahan sa ibang bansa. Ano man ang mangyari sa kanila, responsibilidad po ‘yun ng ating pamahalaan.

Katulad nang madalas sabihin ni Pangulo, ang trabaho ng isang Pangulo, para kang nanunuod ng cable TV na more than 200 channels sabay-sabay mong pinapanuod at kung meron kang dapat gawin ay kinakailangan mong gumawa ng aksyon.

Kaya’t patuloy niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin marami pa rin naman pong state papers o policy matters na dumadaan sa kanyang lamesa, sa kanyang harapan, at iginugugol po niya ‘yung panahon para makumpleto po ‘yung kanyang paglilingkod sa ating mga mamamayan.

Mr. Rosales: Sir, totoo ba nag-empake na ang Pangulo?


SEC. COLOMA: ‘Yun namang paghahanda sa pag-alis ‘no, mismo ako, ako ay nag-umpisa nang mag-inis o ‘yung mga pwede nang ayusin, pwede nang ano — natural lang naman ‘yan dahil hayag na hayag naman kung kailan aalis. Nasa lugar din naman ‘yung paghandaan na ito.

Mr. Egco: In a nutshell, sir, last, how do you describe your six years stay?

SEC. COLOMA: Parang kahawig yata ‘nong saloobin ni Ginoong (Vic) Somintac ‘yan.

Naging napaka-makabuluhan, maraming natutunan lalung-lalo na sa mga mamamayahag ng Malacañang Press Corps na walang kapantay sa pagiging masigasig at determinado sa pagkuha nang napapanahong impormasyon para sa kapakanan ng ating mga mamamayan.

Ms. Naguit: Sir, na-clarify niyo na po sa PSG (Presidential Security Group) at what point mag-a-assign ng security detail kay presumptive President?

SEC. COLOMA: Sorry, Roices hindi ko pa naitatanong.

Ang alam ko lang kasi ay ito ay para sa Pangulo at sa immediate family ng Pangulo at doon din sa mga former presidents.

Wala pa akong impormasyon diyan. At kung titingnan din natin ‘yung batayang legal, ang atin lang impormasyon sa ngayon ay batay sa mga partial and unofficial returns.

Mismong ‘yung official canvassing of votes for president and vice president, senators, part-list, hindi pa naman ‘yan nagaganap.

Hindi pa kumpleto ‘yung senators and party-list, ginaganap pa sa COMELEC, doon sa PICC. ‘Yung sa president and vice president sa Kongreso ‘yun.

Nag-umpisa nang tanggapin ng Senado ‘yung mga certificates of canvass. Ang nai-proklama pa lang kasi ‘yung mga up to congressman, mayor, vice mayor, counselor, governor, vice governor at provincial board members.

Kaya siguro ‘yun ang kilalanin nating reyalidad na ‘yun ang estado ng resulta ng halalan sa ngayon.

Ms. Alviz: Sir, tinawagan na po ba ni Pangulo Aquino mismo si Mayor Duterte?

SEC. COLOMA: Wala akong impormasyon. Ang aking impormasyon ay ibinigay ko sa inyo kahapon ‘yung hinggil sa kanyang pakikipag-usap kay Ginoong Christopher “Bong” Go.

Ms. Naguit: Sir, dagdag lang doon sa meeting for tomorrow, may instruction ba na…

SEC. COLOMA: Ang akin lang natanggap ay text message sinasabi: “Please attend meeting tomorrow at 2:00 pm.”

Mr. Rosales: What time?

SEC. COLOMA: 2:00 p.m.

Mr. Egco: From ES ‘yan, sir?

SEC. COLOMA: ES Ochoa. Batid naman natin siya ‘yung itinalaga ni Pangulong Aquino na pinuno ng transition committee sa panig ng Aquino administration.