May 15, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB – Radyo ng Bayan
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Balita at Panayam by Alan Allanigue |
15 May 2016 |
ALLANIGUE: Secretary Coloma, sir, magandang umaga po.
SEC. COLOMA: Magandang umaga sa iyo, Alan. ALLANIGUE: Yes, sir. Secretary Coloma, sir, dito po sa pahayag ng China ano ho. Mayroon ho silang pahayag na iyon daw kanilang hindi pakikibahagi dito sa arbitration ay – base sa kanilang pahayag – isang paraan daw ng pagbibigay proteksiyon sa international law. May we have your reaction tungkol dito, Secretary Coloma, sir? SEC. COLOMA: May iba tayong pananaw diyan, Alan. Ang partisipasyon ng Pilipinas sa arbitration proceedings ng international arbitration court ay isang matibay na pagtalima sa mga prinsipyong isinasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS. Ito ay bunsod ng pagtataguyod ng ating bansa ng isang rules-based approach tungo sa mapayapang pagresolba ng mga isyu hinggil sa maritime entitlement claims sa West Philippine Sea. At sa ating pananaw, bilang bahagi ng international community, higit na maipapakita ng China ang pagtalima sa UNCLOS na kung saan isa ito sa mga signatories at iba pang kahalintulad ng international law sa pamamagitan ng partisipasyon o pakikibahagi sa arbitration. Hindi nag-iisa ang Pilipinas sa paniniwalang makatuwiran ang paghain ng petisyon sa arbitral tribunal. Marami nang bansa, kabilang na ang mga sumusunod: Estados Unidos, Britain, Canada, France, Germany, Italy at Japan ang nagpahayag ng pagtataguyod sa mga prinsipyo ng kapayapaan, seguridad at katatagan sa rehiyong Asya Pasipika at pagtutol sa tinawag nilang “intimidating, coercive or provocative unilateral actions that would alter the status quo and increase tensions,” sa bahagi ng South China Sea o West Philippine Sea. ALLANIGUE: Opo. Sec., sa ibang usapin naman po. Lalabas daw po bilang cover photo ng Time Magazine ito pong si presumptive President Rody Duterte, Mayor Rody Duterte ng Davao. Any reactions sa isyung ito, Secretary? ALLANIGUE: Opo. Naianunsiyo na rin po ng Malacañang ang pagbuo ng isang transition team sa pangunguna po ni Secretary o ES Ochoa, at ganoon din iyong team na galing po sa papasok na administrasyon ni Mayor Duterte. Mayroon na po bang mga schedules, Secretary, sir, ng mga pagpupulong dito sa mga teams na ito to effect the smooth transition, Sec., sir? SEC. COLOMA: Katulad ng nabanggit ko sa panayam natin kahapon, buo ang kahandaan ng Presidential Transition Committee sa pamumuno ni Executive Secretary Ochoa na makipag-ugnayan at makipagpulong sa transition team ng susunod na administrasyon. Kapag mayroon nang depinidong schedule hinggil sa pagpupulong ng dalawang pangkat ay ipararating natin ang impormasyon hinggil diyan. ALLANIGUE: Opo. Secretary Coloma, sir, next week po, gaya nung earlier na naianunsiyo na, next week ay inaasahan na na matatanggap ng ating mga government employees ang kanilang midyear bonus, and this time it will be equivalent to a month’s salary. Secretary Coloma, sir. SEC. COLOMA: Natunghayan na natin ang pahayag ni Budget Secretary Florencio Abad hinggil diyan, Alan, at ito ay alinsunod sa Executive Order 201, iyong bahagi ng pagpapatupad ng mga bagong pasuweldo at benepisyo sa ating mga government employees. ALLANIGUE: Iyon, okay. Well, Secretary Coloma, sir, muli, salamat po nang marami for the updates from the Palace. SEC. COLOMA: Maraming salamat at magandang umaga, Alan. *** |
SOURCE: NIB-Transcription |