May 14, 2016 – Interview of Sec. Coloma – DZRB
INTERVIEW OF COMMUNICATIONS SECRETARY HERMINIO COLOMA, JR. |
DZRB – Radyo ng Bayan / Kaagapay ng Bayan by Melany Valdoz-Reyes and Oliver Abelleda |
14 May 2016 |
QUESTIONS AND ANSWERS
Mr. Abelleda: Sir, kakamustahin lang ho namin, hihingi po kami ng update po doon sa pag-likha po natin ng tinatawag na National Transition Committee para doon po sa pagpasok ng bagong administrasyon po, Sir? SEC. COLOMA: ‘Nong nakaraang linggo ay lumikha si Pangulong Aquino sa pamamagitan ng Administrative Order No. 49 ng Presidential Transition Committee at ito ay pinamumunuan ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. Layunin nito ay upang tiyakin na magiging maayos at makabuluhan ‘yung paghahanda para sa pagpasok ng susunod na administrasyon. Iniaalay ni Pangulong Aquino ang suporta ng buong Gabinet at ng administrasyon sa papasok na administrasyon para tiyaking maging maayos ang pag-simula ng kanilang pamamahala. Ms. Reyes: Sir, meron na po ba tayong schedule kung kailan natin ime-meet naman ‘yung transition team ni presumptive President Mayor Duterte? SEC. COLOMA: Katulad ng naiulat, nakausap din ni Pangulong Aquino si Ginoong Christoper “Bong” Go, ‘yung executive assistant ni Mayor Rodrigo Duterte at pinarating na nga ‘yung kahandaan na makipag-ugnayan, makipag-tulungan. Sa ngayon ay hinihintay lang natin ang kanilang abiso kung kailan nila nais makipag-pulong at makipag-ugnayan sa atin. Kami naman ay handa sa kung kailan man nila nais maganap ang pagpupulong. Mr. Abelleda: Sir, follow up ko po doon sa National Transition Committee. SEC. COLOMA: Itama lang natin, Oliver. Para malinaw sa lahat. Ang official name nito ayon sa AO 49 ay Presidential Transition Committee. Para malinaw na ito ‘yung transition committee ng Aquino administration. Mr. Abelleda: Opo. Sir, hindi po ba nababahala po ang Palasyo na maapektuhan po or mabawasan ‘yung economic momentum o ‘yung parang reform momentum ho ng Pilipinas kapag dumaan po tayo doon sa tinatawag nila transition period doon sa pagpasok ng bagong administrasyon, Sir? SEC. COLOMA: Para sa kapakanan ng ating bansa. Sinisikap nating mapanatili ‘yung mataas na level ng kumpyansa ng mga mamumuhunan at mangangalakal ng international financial community. Kaya nga sa nakaraang anim na taon ay masigasig nating itinatag ang matibay na pundasyon, matibay na imprastraktura sa pamamagitan ng good governance o sa mabuting pamamahala. Paulit-ulit ngang pinupunto ni Pangulong Aquino: Good governance translates to good economics. At panatag naman tayo na ‘yung pundasyon na inilatag ay matibay, hindi ito mabubuway dahil lang sa hangin. Ito naman ay matatag sa pakikipagtulungan ng lahat ng sektor ay mapapanatili pa rin natin ang katatagan nito at ‘yung din naman, sa aking palagay, ay pag-asa ng ating mga kababayan sa kanilang pagpapasya ‘nong nakaraang halalan. Mahalaga dito, Oliver, ‘yung pagkakaroon ng positibong mindset. Hindi na dapat tayo mag-inject pa ng mga negatibong ideya sa ngayong panahon. Mas importante ‘yung pagiging positibo, ‘yung pagiging optimistiko at ‘yung matatag na paniniwala natin sa ating sarili na tayo ay mabubuting tao at kaya natin lumikha ng maaliwalas na kinabukasan para sa ating bansa. Mr. Abelleda: Sir, ano po ‘yung reaksyon po ng Palasyo po doon sa pahayag po ni Mayor Duterte na posible raw ho na kumuha siya ng mga miyembro ng Aquino administration para maging miyembro naman ‘nong Gabinete po ni Mayor Duterte? SEC. COLOMA: Nasa kanyang pagpapasya naman ‘yan. Nakita rin natin sa mga nakaraang panahon na marami namang ang naglilingkod sa iba’t ibang administrasyon at nag-aalay naman ng kanilang talento at panahon para sa serbisyo publiko. Marami naman po ang nakapag-lingkod na rin doon sa nakaraang administrasyon, at siguro po bigyan natin ng laya ang darating na administrasyon, ‘yung ating bagong pangulo na piliin ‘yung ‘ika nga ay ‘best and the brightest.’ At sa aking personal na opinyon, makakatulong din ‘yung mayroong karanasan sa nakaraang administrasyon kumbaga ay mababawasan ‘yung learning curve, ‘yung paghahanda, ‘yung pagiging maalam dahil meron ng nakaraang karanasan na pagbabatayan. Mr. Abelleda: Sir, nabanggit niyo po kanina ‘yung tungkol sa ekonomiya po ng ating bansa na gumaganda na nga ‘yung ecnomic momentum. Tamang-tama Sir ‘yung report po ngayon kasi patuloy din daw po na lumalawak ‘yung bilateral trade po ng Pilipinas tsaka Britanya. Kasi malaki ho ‘yung halos 2 bilyong dolyar ho kada taon ‘yung halaga po ng palitan ng kalakal po natin at tinuturing natin ngayon ‘yung Britanya na pinakamalaking European investor po sa ating bansa, Sir. SEC. COLOMA: Nais natin pagyamanin at lalo pang palawakin at palalalimin ‘yung ating bilateral trade relations sa United Kingdom o Great Britain. At hindi lang sa bansang ‘yan, kundi sa buong European Union o European community. Maalala natin ‘nong 2014 ay dumalaw si Pangulong Aquino sa headquarters ng European Union at nagtungo rin sa iba’t ibang bansa katulad ng Spain, ng Germany, at nitong nakaraan naman France at Italy. Sa bawat pagkakataon ay pinapahiwatig ng Pangulo ‘yung puspusan nating pagsisikap na mapalawig, mapalawak mapalalim ‘yung ating ugnayan sa pangangalakal sa mga bansang ito. Napakahalaga ito sa pagpapatatag ng ating ekonomiya. Ms. Reyes: Sir hingan lang po namin layo ng reaksyon, ‘yung Pambansang Lakas ng Kilusang Pamamalakaya ng Pilipinas is urging and challenging presumptive president Rody Duterte na i-prosecute daw po ‘yung mga big-time criminals at ayon dito sa Pamalakaya kabilang daw po dito si Pangulong Aquino. Ano po ang reaksyon ng Malacañang dito, Sir? SEC. COLOMA: Doon na lang sa huling bahagi, ‘yung tungkol kay Pangulong Aquino. Walang katwiran ang panukalang ‘yan, ‘yung pagpapahuli daw kay Pangulong Aquino. Pagtalima sa Konstitusyon at patas na pagpapatupad sa lahat ng mga batas ang pinairal ni Pangulong Aquino sa pagganap sa kanyang tungkulin, sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang punong ehekutibo. Kung maalala natin, hindi ba’t sa kauna-unahang pagkakataon isinakdal at linilitis ang kaso ng tatlong naninilbihang senador, mga dating kinatawan at iba pang mataas na opisyal ng pamahalaan. Ito’y pagpapatunay lamang sa patas at walang kinakatigan pagpapatupad ng batas dahil nga ito ang sinumpaang tungkulin ni Pangulong Aquino. Mr. Abelleda: Sir, may kinalaman pa rin po doon sa halalan po. Kasi marami ngayon mga, diumano, mga alegasyon ng dayaan, maraming mga reklamo, ‘yung mga sabihin na natin reklamo ‘nong mga talunang kandidato po. Sa tingin po ng Palasyo, posible kaya Sir na maging dahilan po ‘yung mga ganitong reklamo para magkahati-hati or makaantala po ito doon sa tinatawag nilang healing process? SEC. COLOMA: Kung ang layunin natin ay pagkakaisa at ‘yung healing, ‘yung pagbubuklod natin, ‘yung pagsasantabi sa mga hidwaan, at doon sa mga hinanakit, at doon sa mga nagbigay dahilan na magkakahiwa-hiwalay, ang taliwas ‘non ay magkaisa tayo. Saan tayo pwede magkaisa? Pwede tayong magkaisa sa proposisyong lahat tayo ay nais magtatag ng isang masigla at may integridad na demokrasya. At kung tutunghayan natin ang mga kaganapan, ito na ‘yung ikatlong automated election na ating dinanas. At siguro naman karamihan sa’tin makapagsasabi, na sa daloy ng panahon, nag-iimprove naman ‘yung pag-conduct ng automated election simula ‘nong 2010, 2013 at 2016. Pati nga turnout lamang ‘no ay tumaas ng husto ‘yung turnout, lumampas na ito sa 80 percent. At pati doon sa bilis ng transmission ng mga boto at ‘yung sa pagbibilang, sa official canvassing ay mas mabilis ngayon at mas kumonti na ‘yung mga tinatawag na technical glitches. Kaya sa kabuuan siguro, makatwiran namang sabihin na mas nagiging matatag ‘yung integridad ng ating halalan. Hindi pa ito perpekto pero kung pagtutulungan natin ay mas mapapabuti pa ito, mas mapapahusay pa at siguro ay tuluyan ng mapapawi ‘yung mga alinlangan o agam-agam hinggil sa merito ng pagkakaroon ng automated election system. Ms. Reyes: Sir, kung bibigyan po natin ng grado ang Comelec Sir, ano po ang gradong ibibigay natin sa kanila ngayong natapos na ‘yung May 9 automated polls? SEC. COLOMA: Siguro ang magandang batayan na lamang diyan ay ‘yung opinyon na naipahayag na ng mga citizen’s watchdog groups at ‘yung private entities. Kasi ang pag-iingat lang natin ay hinggil nga sa paggalang sa pagiging independent constitutional body ng Comelec at kailangan naman ay mayroong risonableng distansya. ‘Yung pamahalaan kasi ay ang mga ahensya nito ay deputized agency ng Comelec. Kung tayo ay magbibigay ng grado ay parang baka naman sa pananaw ng iba ay mabawasan ‘yung ating objectivity. Tayo naman ay sumusunod sa atas ng Comelec, kaya diyan sa aspetong ‘yan ay mas mainam siguro na ang tunghayan natin ay ‘yung opinyon ng mga independent observers. Mr. Abelleda: Sir pwede po bang malaman po ‘yung parang impresyon ho ng Malacañang doon sa leadership po ni Mayor Duterte or naniniwala po ba ang Palasyo na kayang i-unite po ni Mayor Duterte ang atin pong bansa, Sir? SEC. COLOMA: Meron ng panahon tayo para magbigay ng mga opinyon na ganyan at marami na ring mga opinyon ang inilahad ‘nong panahon ng kampanya. Maging si Pangulong Aquino sa kanyang paglilibot at tinanong at sinagot naman niya. Nagbigay naman siya ng kanyang pananaw hinggil diyan. Kaya lang Oliver at Lany ‘no, itong panahon kasi ngayon ay panahon ng pagbubklod, panahon ng pagsasama-sama. Kung tutunghayan natin ‘yung pahayag ni Pangulong Aquino, ‘yung election day message niya. Malinaw naman ‘yung kanyang sinabi doon. Sa isang demokrasya, ang bawat Pilipino ay pantay-panta, pare-pareho tayong iisa ang boto. Kaya pag pinagsama mo ‘yan, ‘yung pinakamarami ‘yun ang pasya nating lahat bilang isang bansa. Kaya sa ngayon siguro, mainam na pairalin na lang natin ’yung paggalang sa pagpapasya ng ating mga mamamayan, yung pag-respeto sa kanilang pasya ‘nong halalan at ‘yung paniniwala na posible ang pagkakaroon ng mas magandang kinabukasan nating lahat. Sinabi nga niya: “Sa demokrasya, lahat ay nakakapagdesisyun. Sa huli, pagkatapos ng halalan, nawa’y matigil na ang bangayan. Igalang at unawain natin ang anumang pasyang bunga ng pagsasama ng tinig ng mas nakararami para sa ating lahat.” Siguro sa ngayon ay sapat na ang ganyang obserbasyon. Mr. Abelleda: Sir, may report po kasi na posible raw ho na magkaroon ‘nong mass defection o ‘yung maramihang paglipat ho ‘nong mga member ng LP, Liberal Party papunta don sa PDP-Laban, ‘yung partido po ni Mayor Duterte. Baka may reaksyon po ang Palasyo dito, Sir. SEC. COLOMA: Wala akong tuwirang impormasyon hinggil diyan. At siguro din ‘yung mga ganyan ay maari natin masabi na nasa realm of speculation. Pangkaraniwan naman pagkatapos ng eleksyon ‘yan ang isa sa mga nagiging espekulasyon. Siguro hintayin nalang natin kung ano magiging kaganapan. Ano man ang aking sabihin ngayon, hindi ko nakikita na may positibong halaga ‘yun para sa kapakanan ng ating bansa hinggil diyan sa topic na ‘yan. Mr. Abelleda: Sir, sa ibang isyu naman po. Tungkol po doon sa naganap po na sunod-sunod ho na pambobomba po sa Iraq, partikular po sa Bagdhad. Alamin lang ho natin ‘yung monitoring po dito ng Malacañang. Baka, Sir may paalala po tayo sa ating mga OFWs po doon. Or tinitayak po ba ng Malacañang na kung sakali man po na merong mga OFWs na maapektuhan po, meron po tayong tulong para sa kanila? SEC. COLOMA: Siyempre, Lany at Oliver, pangunahin sa layunin natin ‘yung tiyakin ‘yung kaligtasan ng buhay at ‘yung kapakanan ng ating mga mamamayan. Hindi lamang diyan sa Iraq, kundi sa lahat ng bansa sa mundo na mayroong mamamayang Pilipino. ‘Yung bawat embahada, konsulada natin, ang pangunahing tungkulin ay ‘yung maghatid ng paglilingkod sa lahat ng Pilipino. At simula’t sapul, patungkol diyan sa Iraq at sa mga areas of conflict, nagtakda na ‘nong nakaraan pa ng different alert levels ang ating pamahalaan. Kung saan ay pinapayuhan kung kailan dapat lumikas, kung kailan dapat mag-evacuate na. At patuloy naman pinaiiral ‘yung mga security protocols na ‘yan. Kaya makakaasa tayo, lalong-lalo na diyan sa binanggit mo, diyan sa Iraq, ay masinsing tinutukan ito at tinitiyak ng ating pamahalaan na mabibigyan ng sapat na ayuda at tulong ang ating mga mamamayan patungkol sa kanilang seguridad at kaligtasan. Mr. Abelleda: Sir, pwede pong balikan lang po sana namin ‘yung isyu po ‘nong eleksyon. Tatanong lang po Sir namin kung, kasi nga merong mga alegasyon umano ng dayaan. Sa tingin po ba ng Palasyo, Sir, meron pa tayong dapat na iimprove doon po sa automated election system po natin, lalo na po doon sa election management po siguro, Sir? SEC. COLOMA: Sinasabi nga Oliver, na the biggest room in the world is the room for improvement. ‘Di ba? Sa lahat ng pagkakataon, palagi pa ring mayroong lugar para ma-improve at kung pagtutulung-tulungan natin, lahat naman tayo ay botante, meron tayong sari-sariling karanasan, baka meron tayong maimungkahi, wag tayong magatubiling ipabatid ‘yan sa mga kinauukulan. Para sa susunod na halalan ay maiwasan na ‘yung mga hindi kanais-nais na mga karanasan. Siguro ‘yun ang dapat maganap. ‘Yung bawat isa sa atin, magbibigay ng suhestiyon batay sa ating naging karanasan. At halimbawa, ‘yung sa mga paaralan, baka naman pwedeng gawin mas kumbinyente. Napansin ko kasi doon sa kung saan ako bumoto, ang pinagamit na classroom, ang mga upuan ay para sa grade school. Alam ko sa paaralan na ‘yun, meron naman sila high school. Baka naman mas bagay na doon sa lugar ng high school ‘yung pinagamit. ‘Yung mga ganoon lang naman. Napansin ko rin sinisikap nilang sa ground floor na lamang para doon sa mga katulad natin na dual citizen — senior at Filipino at hindi na umakyat. Siguro ‘yung mga ganoon. Tapos ‘yung aspeto pa rin ng pagbibigay alam kung saan ‘yung assignment nila, saan ‘yung kwarto. Meron naman tayong mondernong teknolohiya, yung malaman na kaagad pagdating doon ‘nong botante, malaking panahon kasi ginugugol doon sa paghahanap ng pangalan sa listahan at ‘yung kung saan located ‘yung clustered precinct ‘di ba. ‘Yung mga kahit na mga seemingly minor details, kung inasikaso siguro at binigyan ng kaaya-ayang solusyon ay talagang mas magiging katanggap-tanggap at makabuluhan ‘yung karanasan natin. Pero, ang importante din naman ‘yung sa kabuuan, ‘yung pakiramdam natin na naging maayos ito ay nabigyan tayo ng pagkakataon na ilahad ang ating saloobin. Mr. Abelleda: Sir, meron po tayong question mula po sa isa sa’ting mga taga-pakinig po, Sir. Ito babasahin ko na lang po. Sabi po niya: Sir, patapos na ang Aquino administration, pero sa loob ng anim na taon, wala pang nako-convict sa mga kinasuhang big fish o mga dating opisyal sa katiwalian. Si GMA baka makalaya pa po dahil pinangako ni presumptive president Duterte ‘nong panahon ng kampanya na palalayain ito kapag nanalo siya. ‘Yun po ang text niya, Sir. SEC. COLOMA: Dapat siguro unawain natin ‘yung sistema ng ating pamahaalan dahil nga may tatlo tayong sangay. May ehekutibo, may lehislatura, may hudikatura. Ang trabaho ng ehekutibo ay ipatupad at ipairal ‘yung batas. Kaya ‘yung sa Department of Justice natin, meron tayong prosecution arm. ‘Yun yung kasama sa nagsasampa ng kaso at demanda. Katuwaang din nito ‘nong Office of Ombudsman kung patungkol sa mga government officials. ‘Yung mismong proseso ng paglilitis, ‘yan naman ay nasa hudikatura, at nakita naman natin ‘yung Supreme Court natin ay nagsasagawa ng mga hakbang para ma-improve ‘yung efficiency ng ating judicial system at mapa-bilis ‘yung paggulong ng hustiysa. Kaya siguro kailangan lang maunawaan ng ating mga kababayan ‘yan. Pero dapat maunawaan din ng ating mga mambabatas, ano man merong mga judicial reforms na pwedeng isabatas at maunawan din ito ng ating Korte Suprema at patuloy pa nilang ipatupad ang mga reporma sa hudikatura. Pero hindi naman siguro tama rin ‘yung negative aspect, marami din namang positive aspect baka lang hindi masyadong naipahayag. Marami-rami naman din ‘yung mga – ‘yung sa level pa lamang Ombudsman ay nagawaran na ng kapurahasan dahil hindi naman lahat ng kaso ay kriminal case. Meron din mga administrative cases na patungkol sa graft and corruption, naglahad ng ulat ang ating Office of the Ombudsman ilang buwan na ang nakararaan, marami namang kinasuhan na napatawan na ng karampatang parusa para sa kanilang offense. Kaya siguro magkaroon tayo ng mas malawak na pananaw tungkol dito. Hindi natin sinasabing perpekto na ‘yung ating sistema, pero makatwiran din sabihin na malaki na rin ang naging pagbabago tungo doon sa direksyon na nabibigyan ng hustisya o napaparusahan ang mga mga lumabag sa batas. Ms. Reyes: Sir, susuportahan po ba ng Malacañang ‘yung panawag ng ilan nating mga kababayan, ganon din ang Comelec, na panagutin itong Smartmatic sa pagpapalit ng programing script ‘nong araw ng election at hindi ito pinaalam sa Comelec? SEC. COLOMA: Ulitin lang natin. ‘Yung pagsasagawa ng eleksyon, ito ay pangunahing responsibilidad ng Comelec na isang independent constitutional body. Hindi po ito nasa ilalim ng ehekutibo. Ang magagawa lang po natin ay sabayan ‘yung mga mamamayan sa pagpapahayag na dapat maging maayos, may integridad ang ating eleksyon. Kaya nakita naman natin, isinasagawa ng Comelec ‘yung pagsisiyat diyan sa naiulat na pagbabago doon sa kanilang sistema. Siguro bigyan muna natin sila ng pagkakataon na maresolba muna ‘yang usapin na ‘yan. At linawin lang po, hindi po under sa Malacañang ang eleksyon. Under po ‘yan sa Comelec. At ‘yung Comelec po ay isang independent constitutional body. Kami po ay kaisa ng lahat ng mamamayan sa pagnanasa na panatilihin ang integridad ng ating sistema ng halalan at handa naman din kaming gawin ang nararapat ng naaayon sa Saligang Batas at sa iba pa nating mga batas. Ms. Reys: Sir, sa iba pang topic. May naitala na naman po na kaso ng Zika virus sa Pilipinas. Ano po ang paalala natin sa publiko na nababahala? Kasi pang-limang kaso na ito Sir na na-record ng DoH. SEC. COLOMA: Nakikita naman natin Lany na masigasig ang ating Department of Health sa pangunguna ni Secretary Janette Garin sa pagsubaybay at pagtutok sa lahat ng kaso. Kaya’t agad na na-detect at nai-report, na-quarantine, nagamot, na-identify kahit na nangibang-bansa na sila. Masinsin ‘yung pakikipag-ugnayan natin sa ibang center for disease prevention kahit sa ibang bansa, kaya nakukuha natin kaagad ‘yung balita. Kahit na ‘yung mga naapektuhan ay galing sa Pilipinas, bumalik na doon sa kanilang sariling bansa, o nag-travel sa ibang bansa. ‘Yan ang ginagawa natin sa kasalukuyan. Bukod pa riyan, kinakailangan kilalanin natin ‘yung nature ng sakit na ‘yan. Dulot ito ng mosquito bite, at yung mosquito naman, function din ‘yan ng sanitation, kung malinis ang ating kapaligiran, lesser ‘yung chances na pamumugaran ito ng partikular type of mosquito na nagdudulot ng Zika o kaya ‘yung dengue at iba pang mga sakit. Kaya lahat ng ‘yan dapat ay pagtuunan natin ng pansin at handang-handa naman ang ating pamahalaan, maagap at masipag ang ating Department of Health at ang mga ahensya nito sa pagharap sa mga virus at sa iba pang mga banta sa ating kalusugan. Mr. Abelleda: Sir, nabanggit niyo po ‘yung tungkol sa sakit, ito Sir para sa isang uri ito ng sakit, kasi dito sa ating bansa, ilulunsad po ‘yung kauna-unahan po ito sa buong mundo, ‘yung AIDS hour, para magkaroon ng mas maraming kaalaman ang ating mga kababayan po tungkol po sa sakit po na AIDS. Baka may pahayag po tayo sa ating mga taga-subaybay po, Sir. SEC. COLOMA: Kailangang suportahan natin yung inisyatiba ng ating Department of Health dahil hindi rin matatawaran na mataas din ang numero ng mga Pilipinong naapektuhan ng HIV at AIDS, ng HIV virus at ng AIDS. Kaya ang malaking bahagi ng ating tugon diyan ay ‘yung pagpapalawak ng kaalaman at kamalayan ng ating mga mamamayan para mabatid nila na ang mga dapat na iwasan at hindi sila maapektuhan nitong sakit na ito. Pagtulungan po natin ‘yan, nag-uumpisa po sa awareness, nag-uumpisa sa kamalayan na kung ano ang dapat gawin, kung isasa-puso natin ito ay mas madali nating mapagtutulungan ‘yung pagtugon sa banta ng HIV virus at ng AIDS. |