President Benigno S. Aquino III’s Speech at the launching of the Balog-Balog Multipurpose Project (BBMP) Phase II
NIA campsite, Brgy. Sula, San Jose, Tarlac
26 May 2016
 
Ngayong araw po, minamarkahan natin ang simula ng isa na namang proyektong magdadala ng benepisyo sa ating mga Boss—ang Balog-Balog Multi-Purpose Project Phase 2. Panibagong patunay ito sa gobyernong tunay na nakatutok sa kanyang mandato: ang pagsilbihan at arugain ang taumbayan.

Sabi po sa akin, kayang magkaroon ng limang ani kada dalawang taon basta’t may sapat na irigasyon. Alam naman po ninyo, inuna tayo ng earthquake noong 1990, sinira ang ating irigasyon. Yung natira, inubos ng Pinatubo noong 1991. Dito po sa atin sa Tarlac, batid na batid, kapag tag-araw, maladisyerto ang Tarlac River. At kapag umuulan naman, rumaragasa ang ilog na pumipinsala sa ating mga kalsada, mga bahay, at iba pang estruktura. Sa ganito pong sitwasyon, paano nga naman magkakaroon ng saganang produksyon?

Kaya naman napakahalaga ng proyektong gaya ng Balog-Balog project. Ang layunin natin: Kapag tag-ulan, maayos na maipon ang tubig, at kapag tag-init, mailabas ito para sa sistema ng irigasyon. Matutugunan nito hindi lamang ang pangangailangan ng ating mga magsasaka, kundi pati na rin ang pangangalaga sa ating mga imprastraktura. Alam po niyo, iyan po ang malakihang ambisyon dito sa Pilipinas, dinadalaw tayo ng dalawampung bagyo taon-taon. Napakaraming tubig na bumababa sa ating minamahal na bansa; kung maiipon natin, magagamit nang mas tama, talaga naman pong ang laking ganansya ang mapapala ng sambayanan.

Panahon pa nga po ng aking ina nang simulan ang proyektong ito. Mahigit isang henerasyon na po ang nakalipas, at nakailang beses na rin itong sinimulan at nahinto. Humihingi po ako ng paumanhin kung matagal-tagal na panahon ang lumipas bago tayo umabot sa puntong ito. Sa laki po ng kailangang pondo para dito, importanteng masigurong papasa ang kalidad nito, sinuman ang sumuri at kumuwestyon. Makakaasa kayo: Sa bawat programa’t proyekto, sinisiguro nating masusi itong pinag-aralan at masinop na ginastusan para sa benepisyo ng mas nakakarami. Tinutugunan natin ang mga pangangailangan hindi lang ng kasalukuyan, kundi pati na rin ng mga susunod na salinlahi.

Ngayon nga po, ongoing na ang pagpapagawa ng North Main Canal at San Miguel Main Canal ng Balog-Balog project. Ang konstruksyon naman ng diversion tunnel at repair and upgrading ng Tarlac Diversion Dam, na-bid out na at target ma-award ang kontrata ngayong Hunyo. Magsisimula na rin sa third quarter ng taon ang procurement sa konstruksyon ng 105.5-meter high dam sa Upper Bulsa River. Target pong matapos ang buong proyekto sa 2018.

Oras na makumpleto ito, mabibigyan ng irigasyon ang kabuuang 34,410 ektaryang lupain sa Tarlac City at siyam na munisipalidad sa Tarlac. Ang makikinabang dito: di bababa ng diretsuhan na 23,000 na magsasaka. Inaasahan na mapapataas nito ang produksyon ng bigas kada taon mula 126,480 metriko tonelada, patungong 350,980 metriko tonelada. Mahigit doble pong pag-angat yan.

Hindi pa po diyan natatapos ang benepisyong hatid ng proyekto. Sa pamamagitan ng Balog-Balog project, mababawasan ang pagbaha, at ang mga perwisyong dulot nito. Bukod dito, makakatulong din ito sa inland fish production sa reservoir area. May potensyal din itong magbigay ng 43.5 megawatts ng kuryente gamit ang hydropower, na maisasakatuparan sa tulong ng Public-Private Partnership. Ang good news nga, inaasahang makakalikha ito ng 73,000 trabaho sa yugto ng konstruksyon, at 30,000 trabaho naman oras na operational na itong ating dam.

Siyempre, hindi naman po magiging posible ang pagkakataong ito kung wala ang tiwala’t suporta ng aking mga Boss, ang minamahal kong mga Tarlaqueño. Kaya naman sa inyong lahat, maraming-maraming salamat po.

Ito nga pong proyektong ito ay bahagi lamang ng malawakan nating pagsisikap upang paunlarin ang kabuhayan ng ating mga Boss. Dito sa Tarlac, para suportahan ang agrikultura at iba pang industriya, naglaan tayo ng kabuuang P11.3 billion para sa farm-to-market roads at sistema ng irigasyon.

Sa pagbubuhos nga po natin ng pondo sa irigasyon, mula 2011 hanggang 2014, napatubigan na natin ang kabuuang 164,230 ektaryang bagong mga lupain sa bansa. Nalampasan na po nito ang 144,016 ektaryang bagong mga lupain na napatubigan mula 2001 hanggang 2010. Sa tulong nito, napataas natin ang average annual palay production ng halos 21 percent—mula 14.92 million metric tons mula 2001 hanggang 2010, patungong 18.05 million metric tons nitong 2011 hanggang 2015.

Tunay po: Napakalayo na ng ating narating. Noon, kapag may problema, ang bukambibig ng nasa puwesto: “Walang pondo,” at “Bahala na kayo sa buhay niyo.” Ngayon, tapos na ang panahon ng pag-iwas sa mga obligasyon. Mula sa imprastraktura, kalusugan, edukasyon, hanggang sa mga programang pangkabuhayan, inihahatid natin ang mga serbisyong matagal nang hinihintay ng kapwa Pilipino. Ang maganda nga: Nakakapaghatid tayo ng mga benepisyo sa iba’t ibang sektor nang walang dagdag na pasanin sa ating mga Boss, maliban sa Sin Tax.

Ngayon po, inaani na natin ang bunga ng ating mga reporma. Sa paglago ng ating ekonomiya na dulot ng mabuting pamamahala, nabibigyan tayo ng higit na kakayahang magbukas ng oportunidad at bigyang lakas ang ating mga kababayan. Ang hamon sa lahat: Sagarin pa natin ang bawat pagkakataon; patuloy tayong mag-ambagan upang maging permanente at yumabong pa ang ating magagandang nasimulan.

35 na araw na lang po bago ako bumaba sa puwesto. Sa bawat sandali ng aking pamamahala, tumotoo ako sa inyong lahat, at patuloy akong tototoo sa ipinagkaloob ninyong mandato. Sa pagbalik-tanaw ko sa nakaraang anim na taon ng ating administrasyon, taas-noo kong mababalikan ang ating mga nagawa, buong-loob kong mahaharap ang aking mga Boss, at masasabing: Ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang hubugin ang isang bukas na di hamak na mas maganda kaysa ating dinatnan.

Talaga naman pong isang napakalaking karangalan na mapaglingkuran ang sambayanan at ang minamahal nating Pilipinas.

Alam po niyo, sa pagtatapos, sinamahan ko po ang ama ng ating butihing Gobernador, ang yumaong Congressman Jose Yap. Sa unang-unang beses ko pong nagpunta dito sa San Jose, sinakayan namin noon ang isang jeep na brand new—tanda ko pa nga ay Sarao. Paglabas namin dito sa San Jose, dahil ang kalsada ninyo noong araw ay bato at maraming tao ang nangangabayo. Yung brad new na Sarao, paglabas namin, kumakalampag na. 1984 po yata iyon.

Buti naman po, noong naupo ang ating ina, kayo na rin ho siguro ang patunay, inumpisahan ang pagtatayo ng mga kalsada dito at hindi kayo pinabayaan. Panahon din po niya nang inalok ng isang gobyernong dayuhan, hindi ko na ho babanggitin kung sinong gobyerno iyon dahil iyon naman po’y tumutulong pa rin sa atin, inalok itong Balog-Balog project, tinanggap natin, nagkapalitan ang gobyerno doon, binawi yung alok sa atin. Dumating ho si Presidente Estrada, bumubuwelo ako kung paano ko masabing “Puwede ho ba ninyo kaming tulungan sa Balog-Balog.” Kongresista na po ninyo ako noong mga panahong iyon. Bago ko nabanggit kay Presidente Estrada, naunahan na ako ni Presidente Estrada, “Iyang Balog-Balog, itutuloy mo.” Eh di siyempre, “thank you” lang po ang nasabi natin.

Naging dalawang taon lang po si Presidente Estrada. Si Ginang Arroyo na aking pinalitan, sabi sa akin noong kami po’y bati pa, “Ano ba ang kailangan ng Tarlac?” Eh di sinabi ko pong “Mam, yung Balog-Balog po, napakaimportante sa amin niyan. Baka puwede po ninyong ipaaral dahil malaki po ang gastusin.” Sagot sa akin noon, “Consider it done.” Eh wala hong naging “done,” kaya minabuti ko po noong ako na ang may responsibilidad at may pagkakataon, sinuri ko ho nang husto ang minungkahing proyektong ito dahil, uulitin ko nga ang sinabi sa talumpati kanina, importante na pag darating ang panahon—siyempre sa gobyerno ho parating nag-aagawa ng resources, baka makalimutan na naman tayo—sinigurado po nating tama ang lahat ng prosesong sinundan natin. Tama ang pagsisiyasat, pag-aaral nitong proyektong ito, para nga sinuman ang kumuwestyon, makikita nilang makatwiran at tama lang naman po ang proyektong ito, at maging tulay para talagang ipagpatuloy.

Ako po’y talagang hihingi ng paumanhin. Hindi ho natin minadali ito, hindi natin shinortcut ang mga proseso sa kadahilanan nga hong gusto nating magpatuloy ito at talagang maging kapaki-pakinabang sa lahat ng ating mga kababayan. Siyempre, pinapanaginipan natin yung punto na talagang magkakaroon ng limang ani kada magdadalawang taon. Pinapanaginipan din natin yung pagkakataon na hindi na tayo nangangamba tuwing tag-ulan, na talagang rumaragasa ang ilog at napakaraming buhay ang pinipinsala.

Ulitin ko lang po: Palagay ko, hindi na ako makakabalik dito bilang inyong Pangulo, magpapasalamat ako sa suporta ninyo sa akin mula noong ako’y kongresista hanggang sa pagiging Pangulo. At sana naman po, pag tayo’y nagbalik-tanaw, masasabi nating malaki-laki ang napala ng pagtutulungan natin.

Magandang hapon po. Maraming salamat sa inyong lahat.