PRESIDENT MARCOS: Ngayong linggo ay namumpa na ang mga bagong halal nating mga lokal at national officials na nagsimula sa kanilang mga trabaho.
Ako ay makiki-congratulate ulit sa inyo at magpaparating ng good luck para sa inyong lahat.
Tapos na po ang bahagi ng pulitika.
Serbisyo publiko na ang haharapin niyo ngayon. Marami-rami tayong trabahong pagtutulungan sa lokal at sa national government at malaking bahagi ang LGU sa paghahatid namin ng serbisyo sa taumbayan.
Isang halimbawa sa pagtutulungan niyan ay ang implementasyon ng marami nating programa sa pagkain at sa agrikultura.
Gaya na lamang nitong P20 rice program. Hindi lamang po sa Kadiwa stores may P20 rice, kundi pati na rin sa mga palengke natin.
Parami nang parami na ang ating mga location. At hindi lang po ito pop-up store na mawawala naman pagkatapos na masimulan.
Tuloy-tuloy na po ito. Sa ngayon, as we said, vulnerable sectors muna doon sa higit na mga nangangailangan.
Sa pagtutulungan ng maraming ahensya ng national government at ngayon in partnership with the local government, P20 rice is here to stay. It is achievable, it is sustainable.
Kaya abangan ninyo in your nearest public market.
Mayroon ngang nagsasabi na mayroon silang pangamba na dahil binaba ang presyo ng bigas, eh sasabay din ang presyo ng palay. Hindi po totoo ‘yan.
Mayroon po tayong minimum buying price. Ang NFA ay bibili ng basa na palay sa P18. Iyong dried na palay mula P19 hanggang P23.
Kahit ano pa ang maging presyo ng bigas, hindi po bababa dito ang pagbili ng NFA sa palay mula sa ating mga magsasaka. Ang dahilan kung bakit kayang baratin ng mga trader ang pagbili ng palay sa ating mga magsasaka dahil wala silang mga processing kaya basa ang hawak nilang palay. Napipilitan sila na ipagbili kaagad ito kung anumang presyo ang ibinibigay ng trader.
Kaya naman ay nagkakalat po tayo ng mga rice processing plant, daan-daan na mga dryer para ‘yung farmer mayroon na siyang dryer, mamimili na siya kung saan niya dadalhin ‘yung tuyo na niya na palay.
Kaya hindi siya mapipilitan maipagbili ‘yung kanyang palay kung anong presyo ang ibinibigay sa kanya ng trader.
Q: Para po sa aming mga kabataan, ano po ang hakbang ng ating gobyerno para gawing kaakit-akit ang farming bilang career po dito po sa ating Pilipinas?
PRESIDENT MARCOS: Tinanong din ako ng ating mga kasamang magsasaka paano daw maeengganyo ang mga kabataan sa pagsasaka dahil matanda na ang ating mga farmer? Ang sagot ko, teknolohiya. We must use technology. Nakakaunawa ang kabataan sa mga bagong teknolohiya.
Isang halimbawa niyan ‘yung pinamigay natin na mobile soil laboratory. High-tech at talagang state-of-the-art ‘yung mga kagamitan.
Malaki ang maitutulong nitong mga soil laboratory sa productivity ng ating mga farmer. Lalo na ngayon panahon ng climate change, talagang apektado ang sigla ng ating lupain.
Isa pang high-tech na pinuntahan namin ay ‘yung rice processing. ‘Yung facility na iyan ay kaya mag-process ng dalawa hanggang tatlong tonelada ng palay kada oras.
At patuloy din ang pamimigay ng makinarya para mapadali at mapabilis ang trabaho sa bukid.
Mura, maaasahang supply, at masustansyang pagkain, ‘yan ang magiging ani ng isang matibay na sistemang agrikultura.
Kaya natin ito pinagbubuhusan ng pansin mula sa sakahan, sa iba’t ibang proseso na kailangan pagdadaanan ng mga ani, pati sa bagsakan hanggang sa pamilihan, titiyakin ng pamahalaan na maayos ang pagtakbo para sagana sa pagkain ang hapagkainan ng bawat pamilyang Pilipino.
— END —