Interview

Cabinet Report sa Teleradyo – The New Normal hosted by Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar with Assistant Secretary Joseph Joy Encabo, Executive Director of Hatid Tulong Program


SEC. ANDANAR: Pilipinas ngayong gabi, ang paksa na ating pag-uusapan ay ang pag-uwi ng mga Locally Stranded Individuals o LSI sa kanilang mga pinanggalingang mga siyudad at munisipyo sa Pilipinas.

Sa mga nakaraang buwang pamamalagi ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang kinailangan nang umuwi sa kanila kaya lang marami sa kanila ay stranded na. Marami sa ating mga kapwa Pilipino ay hindi na muna makauwi, iilan ang dahilan kung bakit. Una diyan ay ang mga travel restriction sa ilalim ng mga community quarantine na ipinatutupad sa buong bansa. Nandiyan din ang aspeto ng kawalan ng sasakyan na dahil na rin sa community quarantine restrictions. At siyempre isang malaking dahilan na rin ay ang kawalan ng kakayahang bayaran ang pamasahe pauwi.

Sa unti-unting pagluwag ng community quarantine sa maraming parte ng Pilipinas at sa unti-unting pagbalik ng mga biyaheng pampasahero, minabuti ng pamahalaan na simulan ang isang programang tutulong sa mga locally stranded nating kababayan na makauwi na sa kanila. Ito ay ang programang Hatid Tulong, ang pag-uwi ng mga stranded sa pamamagitan ng Hatid Tulong ng pamahalaan, ito po ang ating pag-uusapan ngayong gabi.

Pilipinas, ako si Communications Secretary Martin Andanar at ito ay ang aking Cabinet Report sa inyo.

Sa usapin tungkol sa mga stranded at ang programang Hatid Tulong ng pamahalaan para sa kanila, makakasama natin si Assistant Secretary Joseph Joy Encabo, ang Executive Director ng Hatid Tulong Program. Magandang gabi sa iyo, Asec. Joy.

ASEC. ENCABO: Magandang gabi po sa iyo, Secretary Martin at salamat po uli sa inyong imbitasyon para kami’y makapagbigay ng updates ng ating Hatid Tulong initiative.

SEC. ANDANAR: Asec. Joy maraming mga nagtatanong ano, magsimula po muna tayo siguro sa definition of terms. Sino po ang considered ng Hatid Tulong Program na Locally Stranded Individual?

ASEC. ENCABO: Itong mga tao na ma-recognize o ma-consider as Locally Stranded Individuals ay ang mga taong masabi nating transient o bumisita sa isang lugar at naabutan po ng lockdown. Ito din po ang mga indibiduwal na kung saan may temporary employment dito sa Kamaynilaan o sa mga karatig lalawigan at iyong panahon ay natapos sa kanilang mga kontrata o hindi napagpatuloy ang mga proyekto gaya ng mga construction workers ay naabutan din ng lockdown at wala na pong paraan para makauwi sa kanilang probinsya.

Isa din dito, maari nating masasabi ay ang mga estudyante na kung saan ay naka-schedule na po silang umuwi sa kanilang mga probinsya dahil patapos na rin po ang kanilang pag-aaral o schedule ng eskuwela. So may mga turista din po at mga nag-a-apply ng trabaho kaya iyon pong naabutan ng lockdown dahil po sa COVID at wala na pong pag-asa o nahirapan na umuwi, magkaroon ng access sa transportation, ito po ang ating mga Locally Stranded Individuals.

SEC. ANDANAR: At hindi po malayo Asec. Joy na ang bulto ng mga LSI ay nasa mga malalaking metropolitan area tulad ng Metro Manila at Metro Cebu ano?

ASEC. ENCABO: Opo, dahil alam naman po natin na nandoon po din ang mga oportunidad ng ating mga kababayan kung ating pinag-uusapan ay employment o hanapbuhay. Kaya po sila’y nagsasapalaran sa mga malalaking siyudad gaya ng Cebu at Metro Manila upang magkaroon ng pagkakataon ng isang magandang pamumuhay. Ngunit sa panahon na inabot nila itong COVID crisis ay hindi po naging mapalad sa kanilang pag-venture ng paghahanap ng isang magandang employment o trabaho. Kaya po sila’y naapektuhan nang lubos lalung-lalo na po sa financial aspect ng isang tao.

SEC. ANDANAR: Ilan pa po ang mga LSI na target iuwi ninyo mula sa mga metropolitan areas?

ASEC. ENCABO: Alam ninyo po Sec. Mart, sa araw na ito mayroon po kaming 16,000 list names ‘no, sa listahan namin at ngayong July 4 po, kahit ang target namin ay 6,000, eh halos dumudoble na rin po ang numero na nag-e-enroll sa—as Locally Stranded Individuals. Nakita din po nila iyong opportunity na makadaing at makahingi ng tulong sa ating national government dahil ito po ang isang presidential directive na talagang gusto ni Presidente tulungan itong mga LSIs. So sa ngayon po, ongoing ang enrollment, tumataas ang numero dahil marami na rin pong gustong umuwi at the same time nagma-manifest na rin po na talagang humihingi na rin sila ng tulong sa ating national government sa pamamaraan ng libreng sakay para sa kanila. [VTR OF PRRD]

SEC. ANDANAR: Related to that Asec., itong mga Locally Stranded, anu-ano po ang mga lugar sa bansa na patutunguhan nila?

ASEC. ENCABO: Karamihan po ay Mindanao at Visayas ‘no dahil alam naman po natin ang mga kababayan natin sa Mindanao at Visayas, tinitingala po nila at sila’y nagbibigay ng malaking konsiderasyon sa isang pagkakataon na magkaroon ng magandang hanapbuhay sa Kamaynilaan o sa isang malaking siyudad gaya ng Cebu. So sa ngayon po ang bulk ng numero ay nasa Mindanao particularly po Caraga Region at ang Davao Region. So iyon po ang may malaking numero o mataas na numero ng mga LSIs na gusto nang umuwi sa kanilang mga probinsya.

SEC. ANDANAR: Ngayon naman pag-usapan natin ang programa ninyo. Ano po ba Asec. ang Hatid Tulong Program para sa kapakanan ng ating mga tagapanood at tagapakinig, at ano ang nais magawa ng pamahalaan sa pamamagitan nito?

ASEC. ENCABO: Well ang Hatid Tulong is a transportation assistance ‘no na gusto nating maihatid nang maayos ang mga LSIs sa kanilang mga probinsiya at ginagamit po natin ang transportation assets ng ating government. Ngayon po ay in partnership po tayo ng isang private organization or sector sa pamamagitan ng pagpahiram ng mga bus at maihatid itong mga taong ito. Ang Hatid Tulong, it’s a transportation assistance program ‘no. Iba po ito sa Balik Probinsya, pansamantala ito na programa or assistance at tinitingnan po natin in 2 to 3 months na maiayos natin, maitawid at maibalik itong mga LSIs sa kanilang mga probinsya lalung-lalo na sa Kabisayaan sa Mindanao. [VTR]

SEC. ANDANAR: Ano po ang pagkakaiba ng programang Hatid Tulong sa programang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa na katulad po ninyo ay naglalayon ding tulungang umuwi sa kanila ang mga kababayan natin?

ASEC. ENCABO: Ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa is a social program of the government. It is a whole of government approach wherein there are certain individuals who decided to go back to his own province or a selected province and shall decide to live and work in that province permanently. So there is no chance for him or even a single thought of going back to Manila because nag-decide na po siya na siya’y babalik na sa isang probinsya or pupunta para manirahan at magtrabaho doon nang permanente.

And by the moment na ang isang indibiduwal ay na-enroll sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program, sasaluhin po siya ng mga ahensya ng gobyerno sa regional level at ma-enroll sa isang livelihood program or employment program. Halimbawa, kung ang kakayahan ng isang tao ay pagsasaka, maaari po siyang bigyan ng livelihood program under the Department of Agriculture ‘no. Mayroon po siya doong assistance na makukuha at suporta na manggagaling sa isang ahensya or kung siya ay isang engineer at gusto niyang bumalik na sa probinsya para manirahan at magtrabaho, puwede po siyang lumapit sa Department of Labor and Employment para maendorso siya sa mga organisasyon ng mga inhinyero at magkakaroon din siya ng pagkakataon na mapalawak ang kaniyang kapasidad bilang isang engineer. So iyon po ang mga multi-dimensional programs na puwede pong ma-avail ng isang indibidwal na nag-enroll sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa Program.

Pero ito namang Hatid Tulong ay isang tulong sa mga indibiduwal na nahihirapan umuwi dahil sa transportasyon, so ganoon lang po kasimple ang konteksto ng Hatid Tulong initiative. Ito’y isang inisyatiba, assistance ng national government para sa mga Locally Stranded Individuals. Kasi iyong sa Balik Probinsya, Bagong Pag-asa, ang mga tao doon ay hindi po categorized or recognized as stranded individual.

SEC. ANDANAR: Malinaw po ang pagkakaiba ng dalawang programang iyan bagama’t may similarities, magkaiba po. Ang Hatid Tulong ay short term in the sense that it is a response to the pandemic while Balik Probinsya, Bagong Pag-asa is a long term program. Status update muna tayo Asec. Joy, where are we now in the implementation of the Hatid Tulong Program?

ASEC. ENCABO: Right now Secretary Mart, the Technical Working Group is about to launch the grand sendoff for the Hatid Tulong initiative ‘no. We are targeting 6,000 Locally Stranded Individuals na ihahatid natin sa Mindanao at the same time sa Visayas and north Luzon. Ngayon po, although nagkaroon po ng moratorium sa tatlong rehiyon – Region VI, Region VIII at Caraga, kasama din po diyan ang buong lalawigan ng Cebu at ang Mactan ay kung nagkaroon man ng pagkakataon na itong mga rehiyon na ito ay kasama, aabutin po tayo ng 10,000 po sa pagpapahatid nitong LSIs sa grand sendoff natin.

Kaya umabot tayo ng mga around 6,000 because nagkaroon po ng deduction o nagkaroon po ng moratorium sa mga nabanggit na rehiyon. Pero ang Technical Working Group po ay optimistic at talagang desidido, passionate to deliver what is expected from us by the President and of course we will continue to serve these people, these stranded individuals because we understand and we truly sympathize with them because they are suffering at the same time experiencing loss of resources while being stranded or affected by this COVID crisis.

SEC. ANDANAR: Ano naman ang next steps natin, Asec.?

ASEC. ENCABO: Well after July 4 and 5 Secretary Mart, magkakaroon po ng assessment at magkakaroon po ng another sendoff ‘no particularly sa mga ibang regions na nag-moratorium na kung sakali man ay ma-lift iyong moratorium status, sila naman po ngayon ang bibigyan natin ng priority na mapauwi sa kanilang mga probinsya. Halimbawa po itong Caraga Region, ‘pag ma-lift ang kanilang moratorium status before July 15, then we will be able to cater around 1,000 mga kababayan mo Sec. Mart sa Caraga na mapauwi natin within month of July.

So after July 4 and 5, we’re still looking forward to serve these LSIs because even the indigenous people, tumawag po ang NCIP sa amin, mayroon po silang pending na 500 indigenous people na na-stranded dito sa Kamaynilaan at saka sa mga malalapit na lalawigan.

So habang po may crisis, habang may stranded, lalung-lalo na iyong mga kababayan natin nasa Philippine Army ngayon ay tinitingnan natin isa-isa ang kanilang mga kalagayan at kondisyon. Patuloy naman din po ang ating assistance sa kanila sa pamamagitan ng ayuda na galing sa DSWD dahil sila din po ay considered and declared as individuals in crisis situation kaya mayroon po silang sapat na ayuda. At of course ang Office of the President, nagbibigay din po ng food assistance at ang office po ni Senator Bong Go nagbibigay din po ng suporta sa kanila para habang sila’y nag-aantay sa kanilang mga biyahe ay hindi naman po sila makaranas ng gutom at kahirapan. [VTR]

SEC. ANDANAR: Kahit anong programa ay mayroon talagang mga hamon ano sa pagpapatupad. Ano ang mga naging hamon sa pagpapatupad ng Hatid Tulong? Napapabalita kasi Asec. Joy siyempre ang pangamba ng ilang local government officials lalo na eh hindi natin matatangging ilan sa mga bagong kaso lalo na sa labas ng Metro Manila ay itong mga nagsiuwian. Ano po ang inyong reassurance sa mga lugar na paghahatiran ninyo ng mga stranded?

ASEC. ENCABO: Well ang unang malaking challenge na aming nararanasan ngayon is iyong hindi pagtanggap ng mga LGUs sa kanilang mga LSIs at sa ngayon po may mga LGUs na nagre-request na rin po ng moratorium sa kanilang mga probinsya or rehiyon. At doon po kami naaapektuhan ng malaki at talagang nahihirapan kasi po kaabay po namin ang DILG, sila mismo ang nakikiusap sa mga gobernador, sa mga mayor na kung puwede po ay maari muna silang tanggapin bago po mai-declare ng moratorium ang kanilang rehiyon o probinsya.

Dahil unang-una, ang mga LSIs po at mga constituents po nila ang nahihirapan dito at kailangan po nila ng suporta sa kanilang sariling LGUs. Pangalawa, isa sa mga challenges na aming nararanasan ngayon ay ang limitasyon ng ating transportation assets, so kaya po hinihiling din po namin sa private sector na kung puwede po ay maari din kayong mag-volunteer o magpahiram or magkaroon ng partnership with the government to serve and cater these Locally Stranded Individuals here in Manila or other provinces in Luzon. [VTR]

SEC. ANDANAR: Pero marami pa rin sa ating mga LGU executives ang suportado po ang pagbabalik ng mga stranded sa kanila. Last Monday lang ay nakausap natin sa Network Briefing si Zamboanga City Mayor Beng Climaco at suportado niya ang pagbabalik ng mga stranded. [VTR]

Ano po ang mensahe ninyo sa kanila at sa iba pang mga siyudad at munisipyo na uuwian ng mga stranded?

ASEC. ENCABO: Well ang mensahe ko po ay ako po’y umaapela sa ating mga local chief executives na sana po ay bukas-loob ninyo pong tanggapin ang inyong mga constituents, ang inyong mga kababayan na nagmamahal din sa inyo, sa inyong mga liderato at nagmamahal din sa kanilang sariling lalawigan o lugar dahil nais din po nilang makapiling ang kanilang mahal sa buhay. Bawat mensahe po na natatanggap ng aming opisina o ng Technical Working Group ay pare-pareho lang po ang mensahe ‘no, gusto na po nilang umuwi at makapiling ang kanilang pamilya dahil matagal na po silang naghihirap dito kung saan sila na-stranded.

Kaya po kasama ng mga iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ako po ay mismong humihingi ng konsiderasyon sa mga mayors and governors natin na kung puwede po ay buksan po natin ang ating mga pintuan ng ating mga lalawigan at tulungan po natin sila ‘no. Mayroon din pong plano ang IATF sa pamamagitan ni General Charlie Galvez na kung kailangan po ng tulong ang LGU sa mga swab test kits ay maari naman po silang magbigay at mag-extend ng assistance. At the same time, kung ano po iyong mga medical protocols na puwedeng bigyang suporta ng DOH, iyon po ang isang assurance din na binibigay ng IATF through the leadership and efforts of the Chief Implementer ‘no, Secretary Charlie Galvez.

So sana po, sa mga LGUs natin tulungan ninyo po ang national government, ang inyong mga LSIs at lalung-lalo na po sa mga LSI natin ay sana maunawaan ninyo po ang aming effort, pahabain ninyo po ang inyong mga pasensiya at pag-unawa dahil sa lahat ng aming makakaya ay ginagawa po namin ito para sa inyo. At sana po ay ipagdasal din natin ang ating bayan na suportahan din natin ang programa ng ating Presidente para matalo natin itong COVID crisis na ‘to. Dahil kayo po at tayo ang tamang sagot na makatalo sa COVID crisis na ito. [VTR]

SEC. ANDANAR: Panghuli na lang po Asec. Joy, para sa mga stranded o may kakilalang stranded at ngayon ay nanonood at nakikinig, ano ang maaaring gawin upang mapasama sa Hatid Tulong Program?

ASEC. ENCABO: Sa mga LSIs na gustong umuwi na, huwag po kayong mahiya at huwag po kayong magdadalawang-isip na kumatok po sa mga ahensya na handang-handa na tumulong sa inyo. Ready po kami para tugunan at rumesponde sa inyong mga concerns lalung-lalo na sa panahon ng krisis na ito, sa COVID crisis ‘no. And nakikita ninyo naman po kung paano po gumalaw at magtrabaho ang ating mga ahensya gaya ng AFP, ang PCG, ang DILG, ang PNP, lahat po ay sama-sama para lang po maiahon kayo sa kahirapan ngayon dito sa Kamaynilaan at dito sa Luzon para makauwi na kayo sa Visayas or Mindanao.

So sa mga LSIs na mga kababayan natin, uulitin ko po, ipagdasal po natin na ang ating gobyerno ay makapagplano at makapagbigay ng tamang suporta sa inyo and of course ipagdasal din po natin ang mga frontliners, ang mga empleyado na nagsisilbi at nagbibigay ng assistance sa inyo. And lastly, again uulitin ko: konting pag-unawa lang po at pag-intindi sa mga efforts na ginagawa ng gobyerno. So iyon po, maraming salamat po.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat muli at mabuhay po kayo, Asec. Joy Encabo ng PMS at Hatid Tulong Program. Mabuhay po kayo, sir.

ASEC. ENCABO: Maraming salamat po, Sec. Mart.

SEC. ANDANAR: Pilipinas, kakaiba ang sakit na coronavirus. Maituturing itong isang social disease, lumalala ang tsansang ikaw ay mahawa kapag tayo ay magkalapit kaya tayo’y pinaaalalahanan na mag-social distancing o lumayo muna sa isa’t isa pero huwag naman masyadong malayo. Kaya nga marami sa atin na matagal nang nalayo sa ating mga lupang tinubuan o kung saan tayo ay lumaki ay nalayo sa mga mahal natin sa buhay, nalulungkot sa kanilang mga tahanan at gusto nang umuwi.

Isipin na lang natin ang lagay ng mga kababayan nating stranded, sana makauwi na rin sila dahil sa hirap na dulot ng pandemya. Isa sa mga konsuwelo natin ay tayo ay nasa atin, kasama ng ating pamilya’t kaibigan. Ika nga, there is no place like home.

Pilipinas, muli ito po si Communications Secretary Martin Andanar. Salamat sa inyong pagsubaybay. Samahan ninyo po ako sa Lunes sa pagsimula ng isa na namang linggo ng balitaan kasama ng mga local chief executives. Mula sa inyo, saan man kayo sa Luzon, Visayas at Mindanao, sa Network Briefing News, alas nuwebe ng umaga sa Radyo Pilipinas at hanggang sa Biyernes magkita-kita tayong muli upang mapag-usapan natin ang mga programa ng pamahalaan para sa buong kapuluan dito lang sa Cabinet Report.

Magandang gabi sa inyong lahat.

###

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)