ANGELO: Secretary, magandang umaga.
SEC. ROQUE: Hi Cong. Angelo at saka Henry magandang umaga po. Magandang umaga sa mga nakikinig at nanunuod sa atin.
ANGELO: Sec. una, within the powers ba ng Palasyo na magsuspinde ng Deputy Ombudsman?
SEC. ROQUE: Naninindigan po ang Palasyo na may ganyang kapangyarihan ang Presidente. Nagkaroon po ng kaso diyan, iyong Gonzales; noong unang desisyon po 7-7 ang botohan, may ganyang kapangyarihan. On motion for reconsideration, na-overturn po iyan, pero 8-7 lamang.
So ngayon po bahala po si Carandang na pumunta sa mas mataas na hukuman. Pero ang tingin po ng Malacañang, may kapangyarihan po iyan, dahil ang Saligang Batas naman natin, ang sinasabing impeachable lamang ay ang Ombudsman.
HENRY: Sabi ni Senator Trillanes binu-bully lamang daw ng Malacañang itong si Carandang?
SEC. ROQUE: Ay hindi po puwedeng ma-bully iyan. Alam n’yo naman iyan ay talagang may sariling galaw iyan. Pero iyong mga pinaggagawa niya na kung anu-ano ang mga pinagsasabi tungkol doon sa mga papeles na nilabas ni Trillanes, lumalabas naman pala sabi ng AMLC hindi nanggaling sa kanya at saka iyong mga pigura ay mali at misleading.
ANGELO: Paano po natin na-establish na mali iyon pong mga nilalaman ng mga dokumentong iyon, Secretary?
SEC. ROQUE: Dahil AMLC na po ang nagsalita. Sinasabi po kasi ni Senator Trillanes at saka ni Carandang, galing daw iyan sa AMLC. Nagsalita po ang AMLC hindi galing sa kanila iyan at sila po ang nagsabi na mali at misleading po ang mga pigura.
ANGELO: Ayon. So walang excuse na sasabihin niya na ito ay bahagi ng pagha-harass ng pamahalaan sa mga kritiko…
SEC. ROQUE: Hindi po, dahil nagsalita na po iyong AMLC, at iyan naman po iyong ahensiya ng gobyerno na tanging puwedeng magbigay ng mga data na tungkol sa mga bank accounts.
Kaya nga po nung lumabas iyong artikulo ng Vera Files, ang sabi ko po, kapag meron na kayong authenticated documents at saka kayo humingi ng reaksyon sa Malacanang, dahil hanggang walang authenticated document, tsismis at saka kuwentong kutsero.
ANGELO: Saka dito sa aspetong ito, partner, may ibang reklamo, hindi naman ang Pangulo ang nagreklamo. May private complainant dito, Sec, hindi ba?
SEC. ROQUE: Meron po, meron po. At hindi naman po puwedeng isantabi iyan ng Office of the President.
ANGELO: On that basis kaya na-suspinde si Carandang, hindi ito whimsical.
SEC. ROQUE: Hindi po, hindi po. At saka ang naging order nga po muna ay una nagkaroon ng imbestigasyon, nagkaroon ng finding na merong probable cause, matapos po ng finding na may probable cause ay saka po kinasuhan ng pormal si Carandang, binigyan ng sampung araw para sumagot at nagkaroon po rin ng preventive suspension for 90 days.
ANGELO: Okay. Sec., maiba ako. Inuutos na po ng Sandiganbayan arestuhin muli iyong dating Gobernador po ng Palawan na kayo din ho ang nag-prosecute na talagang may basehan iyong murder case. Sec., anung gustong mensaheng iparating po ninyo?
(communication cut)
ANGELO: Si Governor Reyes nga po ay pinaaresto muli. Sa palagay po ba ninyo ay—siyempre baka sabihin naman nila, bahagi ito ng pamimesure (pressure) ni Atty. Harry Roque.
HENRY: Sabihin biased kayo riyan.
SEC. ROQUE: Well kahit ano po ang sabihin niya, ang Presidente po ay tagapagpatupad ng batas. So wala po talagang option kung hindi adressin ang isyung ito, nagagalak po kami na pinapaaresto na si Joel Reyes ng Sandiganbayan dahil totoo naman po, minsan nagtago, talaga naman pong flight risk siya. At saka hindi na po niya puwedeng masabi na may presumption of innocent siya pagdating diyan sa pandarambong, wala po. Siya po ay na-convict na ng graft and corruption, kaya wala na po siyang presumption of innocence at dahil doon sa mga ginawa niya dati na nagtago sa iba pang bansa, talagang flight risk po iyan. Ang tanong magpapahuli ba ho siya?
ANGELO: Hindi sumurender na yata.
SEC. ROQUE: Ay very good. Siya ay sumurender na, di mabuti. Para mapatunayan ang kaniyang… walang pagkakasala kung ganoon at hindi na naman siya tumakbo. Pero mabuting-mabuti po iyan na siya ay sumurender at ng sa ganoon magkaroon ng kapayapaan din iyong mga pamilya ng Ortega na siya ay naririyan pa rin.
Dahil ang… ang OSG naman nagsampa na po ng motion for reconsideration doon sa naging desisyon ng CA at siyempre po wala na iyong ponente. Ang balita nga ay nag-early retirement.
HENRY: Padalhan n’yo daw ng kumot saka kulambo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
ANGELO: Ikaw talaga nag-uurot ka na naman. Sec., last point. Sabi po ng CBCP nakakabahala itong ChaCha through ConAss because matatawag daw po itong ‘creeping dictatorship.’
SEC. ROQUE: Naku, hindi ko po maintindihan paano maging creeping dictatorship po iyan, sa Saligang Batas mismo nakasaad iyan, iyong mga pamamaraan para mabago ang Saligang Batas – Constitutional Convention, Constitutional Assembly at saka through People’s Initiative.
ANGELO: Ano ang gusto ninyong iparating sa CBCP?
SEC. ROQUE: Well, hindi ko po maintindihan kung saan sila nanggagaling. Pero huwag po nilang pulaan ang Constitutional Assembly dahil pinupulaan po nila iyong taumbayan na nagratipa, nagbigay ng buhay doon sa ating Saligang Batas kapag pinulaan nila iyong mga pamamaraan na nakasaad sa ating Saligang Batas kung paano magkakaroon ng pag-revision ng ating Saligang Batas.
ANGELO: Hindi at saka si Father Rannie Aquino, kasama doon sa ConCom.
SEC. ROQUE: Well, Constitutional Commission po iyan at sila po ay magsa-suggest lang naman sa ating Kongreso kung ano iyong mga dapat irebisa at maamyendahan.
ANGELO: At saka kung meron man silang mga inputs di iparating nila kay Father Rannie, hindi ho ba?
SEC. ROQUE: Tama po iyan, dahil talaga namang napakalapit ni Father Rannie sa CBCP.
ANGELO: Siguro masyadong premature na magpahayag ng ganoong pangamba ang CBCP?
SEC. ROQUE: Well, kaya nga po hindi ko alam kung saan nanggagaling ang hugot ng CBCP.
ANGELO: Okay. Secretary, maraming salamat at magandang umaga po.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po at maraming salamat.
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau)