Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Mike Enriquez and Joel Zobel (Super Balita sa Umaga – DZBB)


MIKE: Secretary, magandang umaga po. Happy New Year po.

SEC. ROQUE: Happy New Year, Pareng Mike.

MIKE: Opo, kasama natin si Joel Reyes Zobel ngayong umaga.

JOEL: Secretary, happy New Year.

SEC. ROQUE: Long time no hear, Joel.

JOEL: Opo, opo, wala po akong bonus. [laughs]

MIKE: Okay, ganito, Secretary. Bakit ninyo ipinagpaliban imbis na a-primero—eh ba ka ninyo, eh doon sa interview ninyo dito eh ginawa ninyong a-tres. Anong dahilan at—diskarte ninyo ba iyon o ipinagpaalam ninyo ba iyon kay Presidente? Papaano pag-uusapan iyan?

SEC. ROQUE: Well, hayaan na lang po natin bukas. Kasi bukas na naman po iyon.

MIKE: Maryosep naman, bagong taon nagba-blind item kayo. Ano ba ito?

SEC. ROQUE: Hindi po naman blind item iyon. Mayroon naman kasi iyang tinatawag din na due process. Pero tapos na naman iyong imbestigasyon at nandiyan na lahat ng dokumento pero tingnan natin po. Anyway bukas naman po iyon maaanunsiyo kung ipapa-anunsiyo na tuluyan ‘no. Pero ang punto po ay unang una eh talagang seryoso po ang Presidente dito sa laban sa katiwalian sa gobyerno. At pangalawa, asahan ninyo po na wala pong sinasanto ang Presidente, wala po iyang kaibigan, walang kaklase, walang kabarilan. Basta ikaw ay palpak, ikaw ay sibak.

MIKE: Secretary, may nabanggit kayo na kataga ngayon-ngayon lamang ah. Kung? Bakit hindi pa ba ito talagang sigurado, Secretary?

SEC. ROQUE: Well mayroon na pong marching order—

MIKE: Sabi ninyo ‘kung’ eh.

SEC. ROQUE: Mayroon na pong marching order pero hihintayin na lang po natin bukas.

MIKE: Sino mag-aanunsiyo? Kayo o si Presidente?

SEC. ROQUE: Ako po iyong mag-aanunsiyo bukas at mayroon naman po kaming regular press briefing bukas.

MIKE: Ah ganoon?

SEC. ROQUE: Opo.

MIKE: Lalaki ba ito o babae?

SEC. ROQUE: Bukas na lang po. [laughs] Pero ang pinag-uusapan po natin iyong pagiging seryoso ‘no, pagiging seryoso ni Presidente sa paglilinis sa mga nanunungkulan sa gobyerno.

MIKE: Opo, alam po namin iyon, kaya nga po namin kayo tinawagan, Secretary eh. May nabanggit din kayong kataga ngayon-ngayon lamang ha – ‘Due process.’ Lahat ba itong mga sinisibak mga nasibak na? At kayo na mismo ang nagsabi at si Presidente na rin ang nagsabi na makailang beses na mayroon pang mga sisibakin at kapag nalaman niyang may nagloloko diyan sa gobyerno, nangungurakot o kung ano man, tatanggalin niya mga tiwali. Eh abogado kayo, si Presidente abogado din iyan. Ang alam namin sa mga abogado—at least iyong mga abogado namin dito sa GMA, hindi po sila kumikilos… Oo, Secretary ng hindi… wala silang hawak na ebidensiya. Ganiyan kayo sinanay eh, ‘di ba?

SEC. ROQUE: Opo ganiyan po iyan ‘no. Well alam ninyo po—

MIKE: Dumaan iyan sa imbestigasyon, hindi iyan base sa mga—kasi kapag Presidente ka maraming bumubulong eh, Secretary, alam ninyo iyon, Malacañang kayo eh ‘di ba?

SEC. ROQUE: Tama po iyan. Well dalawa po kasi iyan eh, iyong mga Presidential appointees they serve at the pleasure of the President. So hindi po—hindi mo puwedeng sabihin talaga na—eh may karapatan sila sa due process pero hindi naman pupuwedeng walang dahilan para mawalan ng trust and confidence ang Presidente ‘no. Pero mayroon din iyong mga career ‘no, iyong mga covered ng Civil Service Law, iyon talaga mayroong kinakailangan na due process. Actually dalawang parte itong ating iaanunsiyo sa darating na—

MIKE: Bukas.

SEC. ROQUE: –sa Linggo ito ‘no. Oo bukod pa doon sa mataas na nanunungkulan eh sinabi na naman ni Presidente na iyong mga pulis ‘no kasama iyong ilang mga Colonel na sisibakin din sa puwesto ‘no. Ang alam ko po ay halos tapos na iyong imbestigasyon ng mga kapulisan kaya nga po mayroon distinction ‘no. Kapag iyong covered ng Civil Service Law kinakailangan talagang bigyan sila ng karapatan na marinig. So dalawang panig po iyan—

MIKE: Anong kaso nitong mga pulis na ito?

SEC. ROQUE: Eh iba-iba po eh at saka madami po iyan eh. [laughs] Madami po iyang mga pulis na sisibakin din na—pero iyan po iyong in-apply talaga natin.

MIKE: Okay. Balik tayo doon sa mga opisyal ng pamahalaan. Ano—mataas na opisyal ba ito? Gaano kataas?

SEC. ROQUE: Eh wala naman pong sinasanto ho ang Presidente natin. Wala naman pong sinasanto iyong Presidente natin na kapag sinabi mong presidential appointee, siyempre po iyan ay natalaga ng Presidente mismo.

MIKE: Ilan po iyong madadali bukas o iaanusiyo bukas?

SEC. ROQUE: Isa na lang muna po. At siguro iyong mga kapulisan eh within the week. Oo.

MIKE: Alam ninyo, Secretary kakatanong namin sa iyo ngayong umaga at kasasagot ninyo bukas nang bukas, aabutin tayo ng bukas dito eh. [laughs]

SEC. ROQUE: Well marami naman po tayong puwedeng pag-usapan ‘no. Mayroon po iyong mga special rapporteur—

MIKE: Excuse me Secretary. Kaya banat nang banat iyong special rapporteur na iyan kasi pinag-uusapan natin eh. Oo huwag nating pag-usapan tatahimik iyan. Oh ‘di ba?

SEC. ROQUE: Ang nais ko lang pong linawin diyan ‘no, eh kasi itong si Callamard eh kinorek ako na hindi raw elected ang mga special rapporteur, sila daw ay appointed ng UN Human Rights Council. Pero alam mo mahigit trentang estado iyong nakaupong miyembro ng UN Human Rights Council ‘no. Kaya noong sinabi kong elected iyan, tama. Ang UN Rights Council ang nag-a-appoint, pero iyong proseso ng pag-appoint kinakailangang magkaroon ng kasunduan iyong mga estado na bumubuo ng Human Rights Council. Anong tawag mo doon kung hindi eleksiyon. At hindi ka matatalaga diyan kahit anong gawin mo, kahit anong galing mo, kahit na kinikilala kang eksperto sa buong daigdig, kung hindi ka ino-nominate ng iyong bansa, wala pong kahit sino diyan sa UN na nagkaroon ng puwesto na hindi po na-nominate ng bansa niya. Kaya nga po napaka-political po iyong proseso ng—

MIKE: Secretary, volunteer—

SEC. ROQUE: Ah hindi po volunteer iyan. Alam ninyo po kapag hindi volunteer iyan mayroon naman po iyang prestige, kaya nga nagiging expert dahil ikaw ay na talagang special rapporteur ‘no.

Pero itong si Agnes Callamard hindi ko nga maintindihan kung bakit siya ay naging expert on against illegal killing kasi kakilala ko iyan; ang larangan talaga niya iyong freedom of expression. So sige aaminin ko eksperto iyan sa freedom of expression. Dapat ang kinuha niyang puwesto special rapporteur on freedom of expression dahil mayroon namang ganoon ‘no. Pero para maging special rapporteur siya ng extrajudicial killing, hindi ko alam kung ano ang kaniyang special qualification ‘no. Hindi na man lang siya humaharap sa Korte araw-araw na nagpo-prosecute ng mga kasong criminal at for murder, wala naman siyang special na mga research on extralegal killing ‘no at siyempre iyong hindi siya makapasok ngayon sa Pilipinas para mag-conduct ng investigation, iyan ay patunay na palpak siya sa trabaho niya kasi inaway niya nang inaway ang gobyerno, hindi tuloy siya maka-imbestiga dahil kinakailangan magkaroon ng invitation ‘no bago ka makapag-imbestiga.

MIKE: Okay, Secretary. Tapos na tayo kay Callamard, balikan natin iyong sisibakin o iyong aanunsiyuhin bukas.

SEC. ROQUE: Talaga…

MIKE: Eh bakit na naman eh alam namin na—alam ninyo, Secretary, alam namin naintindihan ninyo bilang—lalo na ngayon taga ‘pagsalita na kayo ng Pangulo, trabaho namin ito eh. Oo at trabaho ninyo rin na bitinin kami ng bitinin. Bakit ganoon?

SEC. ROQUE: [laughs]

MIKE: O ganito, ito bang taong ito alam niya na kung anong sasapitin niya?

SEC. ROQUE: Hindi ko po alam, hindi ko po alam.

MIKE: Ganoon?

SEC. ROQUE: Opo.

MIKE: Ah opo. Gaanong kataas? Cabinet rank ba ito o papaano?

SEC. ROQUE: Presidential appointee po.

MIKE: Presidential appointee. So mukhang kahit anong gawin namin, mukang hanggang doon na lang tayo ngayong bagong taon.

SEC. ROQUE: Opo, hanggang bukas po, Pareng Mike at Joel.

JOEL: May pahabol tayo, Mike, na tanong. Mayroon ba talagang kasunduan sa pagitan po ng pamahalaan at ng mga Marcos?

SEC. ROQUE: Naku lilinawin ko po: wala pong ganiyang kasunduan. Ito po klinaro po after na pumutok, nagulat nga po kami, kung saan nangyari iyan. Pero nung kami po ay naghanap sa internet, ito po pala ay isang offer, kumbaga isinumite ni Attorney Oliver Lozano ‘no. Eh kahit sino naman po ay pupuwedeng magpadala ng offer sa Malacañang, kung gusto niya ‘no. Ito naman po daw ay natanggap ni Presidential Legal Counsel ‘no. Pero sa ngayon po: wala pong kasunduan, iyan po ay kumbaga offer. Hindi po namin alam kung iyan po ay may basbas ng mga Marcos. Wala pong kahit anong kasunduan na lalagdaan sa panig ng gobyerno at sa mga Marcoses.

JOEL: Secretary, ‘pag sabi ninyo na walang kasunduhan, ngangahulugan ba ito na hindi interesado ang kasalukuyang administrasyon na pumasok sa isang kasunduan? Kung sakali lang—may alok eh, may alok daw. Oo may alok. Hindi interesado ang administrasyon na ngayon, kasalukuyan na ‘pag-usapan ito?

SEC. ROQUE: Well alam po ninyo noong minsan nagsalita po dito ang Presidente. Ang sabi niya ‘no, kung talagang mayroong ari-arian na magagamit para sa bayan eh ang kinakailangan lang magkaroon ng batas. So malinaw po ang Presidente, hindi po iyan desisyon ng Presidente lamang, iyan po ay desisyon ng Kongreso dahil mayroon po tayong mga batas na nagpapataw ng parusa kapag ho to ay guilty ng pandarambong ‘no. So iyan po ay nasa hurisdiksyon ng Kongreso, pero marami pong pagsubok diyan ‘no para magkaroon ng ganiyang batas at hindi naman pupuwede na magkaroon ng batas para sa mga Marcoses lamang. Iyan po ay lalabag doon sa tinatawag nating equal protection law. Pero sinabi na po ng Presidente iyan, kinakailangan magkaroon ng batas sa Kongreso kung mayroon ka—kahit anong kasunduan sa panig ng gobyerno at ng mga Marcoses.

MIKE: Sige po. Secretary, nagpapasalamat po kami at tinanggap ninyo ang tawag namin at hindi ninyo sinagot iyong mga tanong namin ngayong umaga. [laughs]

SEC. ROQUE: Kayo naman. [laughs]

MIKE: Totoo naman eh. Wala naman—

SEC. ROQUE: Marami naman tayong napag-usapan na iba ‘no. [laughs]

MIKE: So—

SEC. ROQUE: Happy New Year po.

MIKE: Ang gagawin namin, Secretary, ganito. Mamayang isang minuto makalipas ang alas dose ng gabi tatawagan namin kayo dahil bukas na iyon eh ha.

SEC. ROQUE: Eh samantalang naghihilik po ako noon.

MIKE: Secretary, salamat po.

SEC. ROQUE: Salamat po, magandang umaga po.

MIKE: Good morning.

###

 

Resource