Interview

Interview with Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro by Mike Abe (Mike Abe Live / PTV 4)


Event Media Interview

MIKE ABE: Usec., magandang umaga po. Welcome po sa Mike Abe Live.

PCO USEC. CASTRO: Yes, good morning, Sir Mike.

MIKE ABE: Kumusta na po, ma’am? Kayo ba’y nakakapagpahinga pa? Grabe, iyong trabaho mo. Hindi biro iyan.

PCO USEC. CASTRO: Oo naman, nakakapagpahinga naman tayo. Hindi natin alam kung sila ay nakakapagpahinga pa.

MIKE ABE: Ayaw nilang magpahinga. Nakakita sila ng katapat. Ang galing mo, ma’am, unang-una, ang galing mo talaga, bilib ako sa iyo. Araw-araw nakikinig ako sa briefing mo diyan sa Malacañang, talagang direct to the point. Hulog ka ng langit para sa mga Pilipino, Usec.

PCO USEC. CASTRO: Salamat. Salamat, Sir Mike.

MIKE ABE: Okay. Bago ang lahat, natuloy ba ang Presidente kagabi, nagbiyahe nga po papunta ng Vatican ‘di ba?

PCO USEC. CASTRO: Yes, opo, natuloy po sila kagabi. At nakapagtalaga nga po ng tatlong caretakes po sa katauhan po ni ES Lucas Bersamin, SOJ Boying Remulla at saka ni Secretary Estrella po.

MIKE ABE: Walang kaduda-duda, kayang-kaya nila iyan. Pero puwede po bang malaman, -hanggang ilang araw po ang Pangulo? Kailan po siya babalik?

PCO USEC. CASTRO: Sa ngayon po, hindi pa po ako binibigyan ng detalye, Sir Mike, so hindi ko pa po siya maibigay sa inyo po.

MIKE ABE: Anyway, okay lang. Alam naman natin na biglaan ito dahil bigla rin nawala ang ating Santo Papa so biglaan din iyong schedule; hindi talaga schedule iyan, biglang ganoon. So, okay lang po iyan, ang mahalaga ay nakarating ang Pangulo doon at siya iyong kakatawan hindi lang po bilang pangulo kung hindi sa lahat ng Katoliko na Pilipino sa abroad at dito sa atin dahil nga dito sa gagawing pakikiramay na ito, hindi po ba, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Yes, opo. At ipagdasal din po natin ang kaligtasan din po ng ating Pangulo at ni First Lady pabalik sa Pilipinas.

MIKE ABE: Yes po, ma’am. At dahil dito, ito na po, Usec., maliban sa Visayas Region, alam ninyo marami na hong nagtatanong, “Eh bakit kami wala? Eh bakit dito wala?” Sabi ko, relax lang kayo. Iyang bigas na 20 pesos per kilo, kailan kaya mangyayari ito sa Luzon or sa buong bansa, kasama siyempre ang Mindanao, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Sir Mike, kasi ganito, inaayos pa po eh. May mga isyu po about logistics. Kasi kaya po nauna iyong Visayas dahil una rin po na nagpahayag ng kanilang pakikipag-cooperate ang mga Visayas governors po. Kasi matatandaan po natin, iyong 13 pesos po ay isa-subsidize ng local at ng national. Since umako naman po ang Visayas governors, ang lokal po sa Visayas areas na sila po iyong magshu-shoulder ng kalahati po nang isa-subsidize na 13 pesos, so kaya po mas napabilis po sa Visayas. And at the same time po, mas marami po kasing stocks doon eh. Pati po iyong mga stocks dito sa Mindoro na sa Visayas po pinapadala ay makakatulong po ito.

So, mauunti-unti naman po ito. Iyon naman din po ang pangarap ng ating Pangulo na mabigyan po talaga lahat; nationwide po ito. So, hintay-hintay lang po din tayo at gusto rin po nating marinig kung ano rin po iyong kaya din pong itulong ng mga lokal na pamahalaan sa NCR, sa Luzon, ang sa Mindanao po.

MIKE ABE: So sa madali’t sabi, big challenge ito sa mga gobernador sa ibang lalawigan. Eh kung nagawa ng Visayas Region governors ay kaya rin nila iyan. Sana all dahil maliwanag na tulung-tulong ito ng lokal na pamahalaan at ng national government, Usec., dahil nga iyong 13 pesos, aba’y medyo mabigat din iyon dahil subsidy iyon eh, subsidized ng government. Kailangan tulung-tulong talaga, ano po?

PCO USEC. CASTRO: Opo, opo, kaya po talagang binabalangkas po ngayon ang guidelines para po mai-distribute ito nang maayos lalung-lalo na doon po sa mga kababayan natin na kailangang-kailangan ito.

MIKE ABE: At dahil diyan, Usec., hindi naman namin kayo pinag-aaway pero talagang ito ay naging isyu, kahit ako, bago ka nag-briefing kahapon ay nadinig ko na iyong interview kay Sara Duterte, medyo talagang foul eh. Talagang hindi talaga—parang unprofessional ang dating, pasintabi na. Tama lang iyong sagot mo na parang … nagulat din ang marami dahil nga bakit naman sa halip na tulungan iyong programa ng gobyerno dahil siya naman ay vice president ay ikinumpara pa niya na para raw pagkain ng hayop iyong bigas. Hindi ba napaka-foul iyon lalo na doon sa mga farmers na nagsusunog ng kilay para umani at ibenta ang bigas nila, rice nila, tapos sasabihin mo “panghayop, hindi pantao”. Ewan ko kung bakit ganoon, bakit umaabot sa ganiyang usapan, Usec.? Medyo nakakahiya at nakakainis na.

PCO USEC. CASTRO: Hindi, kasi ganito iyan, Sir Mike – kung iisipin ninyo, walang makikitang maganda ang mga Duterte, si VP, ang Bise Presidente sa kasalukuyang administrasyon. Lahat ng negatibo, iyan ang ipapakita niya sa tao lalung-lalo na doon sa kaniyang kaalyado para kapag sinabi niya, ito ay negatibo, kakalat iyan at iyon din ang gagawin ng ibang mga fake news peddlers. Walang makikitang maganda ang Bise Presidente sa Pangulo, sa pamahalaan. Bakit? Nakikipag-cooperate ba siya sa mga ganitong klase na proyekto para sa bayan? Tumulong ba siya? At ang taong itim lang ang nakikita sa paligid, hindi niya nanaisin makakita ng liwanag.

MIKE ABE: Iyon na nga eh.

PCO USEC. CASTRO: Lalung-lalo na kung ang liwanag ay manggagaling sa taong binababa niya.

MIKE ABE: At saka ang itsura nito, Usec., pasintabi na, balikan natin ang nakaraan, ito ay pangarap ng Pangulo na umabot sa 20 pesos, mangyayari na. Alam ninyo noon—balikan natin iyong state-of-the-nation address noong 2018 ni dating Pangulong Duterte. Ano ang sabi niya, paabutin niya ng seven pesos – iyon ay pangako. Itong kay Pangulong Marcos ay ano lang ito eh, pangarap niya eh pero nagkatotoo. Bakit hindi iyon nakikita ni Sara? Iyong kanilang pangako na hindi natupad pero itong gustong mangyari ng Pangulo ay nangyari na, minamasama pa. Ano ba iyon, bakit … hindi ko talaga maintindihan iyan, Usec.

PCO USEC. CASTRO: Ito ang ating pag-aanalisa diyan, Sir Mike. Alam nila na napakataas talaga ng halaga ng bigas sa farm gate, hindi talaga kakayanin ng sobrang baba dahil magsa-suffer po ang mga farmers natin. So, iyan talaga, kung tutuusin, iyan iyon ang tini-tease, inuudyok, inuurot sa mga tao na hindi kakayanin ng Pangulo na magbigay ng P20 kada kilo na bigas.

Laging iyan ang pangangampanya nila against the President. Pero since nakaya ngayon, hindi umubra iyong kanilang panunudyo, gagawan naman nila ngayon ng kuwento na pangit, na hindi maganda iyong bigas. Sir Mike, tandaan natin, bago ako pumunta sa P7 na pero kilo ng bigas, tandaan natin hindi nakikinig marahil ang Bise Presidente sa news, hindi niya nakikita, iyong mga magagandang proyekto, hindi niya iyan pinapanood, bakit? Mali kasi siya sa kaniyang pag-aanalisa noong sinabi niyang malamang, ito ay pangbaboy o panghayop na bigas dahil hindi niya ba nadinig na isa-subsidize nga iyong P13. So, ang ibig sabihin, Sir Mike, iyong P33 na regular na binibenta ngayon sa taumbayan through NFA, iyan iyong kinakain ngayon na halagang P33 kada kilo. So, ang ibig sabihin, maganda iyan at huwag niyang maliitin iyong mga local farmers na nagsu-supply po o nagbibenta ng kanilang mga bigas sa NFA, kasi pangmamaliit iyan sa local farmers.

Ngayon, siguro iyong sinasabi niyang P20 na bigas, iba po talaga iyon. Pero itong binibenta na P33 na gagawing P20 at isa-subsidize iyong P13, iba po iyan sa sinasabi niya na supposed to be, siguro iyong iba sinasabi na pagkain ng baboy, hindi natin alam kung anong klaseng bigas siya. Pero itong ibibenta po, iyong P33 na gagawin lang po na P20 at isa-subsidize.

Ngayon, hindi siya natutuwa doon kasi natutupad ng Pangulo ang kaniyang pangarap para sa taumbayan.

MIKE ABE: Correct.

PCO USEC. CASTRO: Ngayon, tungkol sa P7, totoo iyan ito ang sinabi ng Pangulong Duterte dati na magiging P7 ang bigas kapag po naipasa iyong Rice Tariffication Law, kaugnay po iyan sa Rice Tariffication Law at sinabi nga po ni dating Secretary Piñol, nagbabala na po siya na hindi po kakayanin ng RTL na ibaba ang presyo ng bigas ng P7. Iyan daw po ay deception, nasa news po iyan, iyan ay panlilinlang sa taumbayan. Nangyari po ba iyong P7 na ipinangako ng Pangulo para maisabatas iyong RTL, iyong Rice Tariffication Law, hindi! Mas tumaas; ang nabiyayaan po dito ay ang mga importers.

MIKE ABE: Correct, iyan nga iyong nangyari. So, dito sa programang ito, alam mo tama ka, Usec, marami talagang mapanira at gagawa at gagawa nang kabaligtaran sa katotohanan eh. Anong proteksiyon, anong safeguard naman para i-counter natin, i-counter ng gobyerno na baka kasi diyan, mayroong gumawa ng gimik na bibili ng bigas na talagang hindi maganda, papalabasin nila, iyon na iyong P20, babaligtarin, bibili sila ng kung anumang klaseng bigas diyan na talagang hindi maayos, tapos papalabasin iyon iyong binibenta ng gobyerno – pagsabotahe iyon – ano ang proteksiyon, paano natin lalabanan iyon?

PCO USEC. CASTRO: Mike, opo binabalaan na po namin, kahapon pa lang binalaan na natin ang taumbayan sa mga fake news peddlers, dahil ito po ang isinigaw ni Bise Presidente, na iyan ay panghayop na bigas. Mayroon na pong gumawa ng video na iyong P20, panghayop. Sir Mike, hindi ko po alam ang bentahan ng bigas kasi as of now, baka may ibinibenta po talaga na pang-feeds, hindi natin alam sa hayop or what, hindi natin alam iyan. Pero, iyan pong pinapakita nila na P20 na iyan na daw po iyong binibenta ngayon, napakalaking kasinungalingan. Mayroon na pong nagbi-video na ang sinisigaw nga iyong sinabi ni VP Sara na panghayop ito. Dahil hindi pa po nilalabas iyong bigas na ibibenta na pang-P20 kada kilo, gumagawa pa lang po ng guidelines ang DA at ang local government units.

So, huwag silang adelantado, huwag silang nag-a-advance! Kasasabi pa lang ng Bise Presidente na pang-hayop ito, agad-agad may P20 agad na panghayop na bigas, hindi po iyon ang binibenta na sinasabi po na ibibigay po na bigas para sa tao na worth P20. So, huwag po silang magmadali. Kasasabi pa lang po ni Bise Presidente tungkol sa panghayop na bigas, mayroon na kaagad silang video, fake news peddlers po talaga.

MIKE ABE: Baka iyon ang binabanggit mo na anay ng lipunan, hindi pa nga nagsisimula, sinisira na, naninira na, talaga naman oo, grabe.

PCO USEC. CASTRO: Sir Mike, kasi imagine, hindi pa po niya, ng Bise Presidente, nakikita iyong bigas na ibibenta dahil hindi pa nga ito nailalabas dahil may guidelines, pintasan niya agad na panghayop? Anong klase, napakairesponsableng statement na hindi pa niya nakikita kung anong klaseng bigas ang ibibenta at ano iyong ibinibenta na pang-P33, pipintasan niya na agad. Wala po talagang makikitang maganda ang Bise Presidente sa pamumuno ng Pangulong Marcos, kasi iyon ang nais nilang mangyari.

MIKE ABE: At saka iyong mga governor di ba, Usec, iyong mga governor, hindi papayag iyon na ganoon na papakainin nila iyong kanilang mga mamamayan ng hindi maayos na bigas? Kaya nga sila pumayag, kaya nga sila gagastos, gusto nilang bigyan ng magandang buhay at pagkain iyong kanilang mga mamamayan kaya dapat iniisip nila iyon na hindi puwedeng mangyari iyong kanilang bangungot na mga plano at ginagawa na, hindi ba, Usec.?

PCO USEC. CASTRO: Tama po, kasi ang mangyayari po niyan, sa mga guidelines po, kasi sa Kadiwa din po makakasama, mga authorized outlets po ang puwedeng magbenta ng P20 kada kilo na bigas. So, huwag po kayong papalinlang sa mga sinasabi ng mga fake news peddlers, mga sinasabi na maaaring damputin sa bibig mismo ng Bise Presidente.

MIKE ABE: Usec., maiba naman po ako, kahit alam kong bising-busy kayo mamaya, may briefing kayo mamaya. Ano ang reaksiyon ng Malacañang dito sa expose na nangyari kahapon sa Senado, dalawa iyong isyu doon eh, iyon daw may binabayarang company ang Chinese Embassy na parang troll, ‘di ba, tapos may sinabi ang National Security Council na parang nakikialam sa incoming midterm election natin ang China? So ano ang dating sa Malacañang nitong nakakabahalang mga report na ito, Usec?

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Actually, napag-usapan na po namin before ito dahil nga may lumabas po, maliban pa po sa nadiskubre ni Senator Tolentino, mayroon na po talagang napag-aralan na may mga China-link networks na siyang gumagawa, nagsasagawa ng mga post, vlogs para po sirain ang Pangulo, sirain ang pamahalaan, sirain ang relasyong U.S. at saka Pilipinas.

At ito po iyong nasa study ha, hindi po ito galing sa akin; another study ay para iangat ang Bise Presidente. So, tingnan po natin ngayon, anu-ano ba ang namumutawi sa mga fake news peddlers, anu-ano ba ang namumutawi sa mga panunulat, sa mga naiba-vlog or naipo-post noong mga naging resource persons dito sa House of Representatives, hindi ba nagsabi silang fake news sila.

MIKE ABE: Yes, umiiyak pa nga eh.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, sino-sino ba sila?

MIKE ABE: Nag-iyakan pa nga, umiiyak-iyak pa sila.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Sino ba iyong sinusuportahan nila? Iyan lang naman po iyon, sino ba iyong sinusuportahan nila.

MIKE ABE: Napapag-usapan ang fake news at iba pang mga statement, anong tingin rito kay Harry Roque, naman na ayaw tumigil, fake news na iyong mga sinasabi, tapos may panawagan pa at kaniyang pinagbabasehan na suntok sa buwan, bumaba daw iyong rating ng Pangulo, dapat daw bumaba na ang Pangulo. Iyan iyong mga hataw noong mga nagbabakasyon sa abroad na katulad ni Harry Roque, anong tingin mo naman doon sa mga sinasabi ho? Isa pang abogado iyan!

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Unang-una, desperado; hindi ba, hindi makauwi sa bansa.

MIKE ABE: Correct.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: May kinakaharap na mga issues. So, bago siya pumukol ng ibang issue, harapin niya muna iyong issue na ipinukol sa kaniya. Pangalawa po, ‘di ba pagbaba ng rating, hindi ba kaala-alarma iyong sinabi po ni Senator Tolentino, patungkol po sa mga nagbibigay ng mga fake news laban sa Pangulo. So, ito ba, ito bang pondo na nanggagaling sa ibang bansa, ito ba ay gumagana para sirain ang Pangulo at ang gobyerno at ito ba ay nagri-reflect sa mga survey. At ito bang gumagawa survey—ang tanong naman natin ay independent ba kayo? Iyon lamang naman ha, iyong gumagawa ng mga survey, independent ba kayo? Eh maraming nababalitaan eh nabili na daw itong ganiyan, nabili na—so, ayaw natin man na maging negatibo ang pananaw sa mga survey companies, we pray and we hope na independent kayo at hindi kayo kasama sa tseke o hindi kayo ka-payroll, iyon lang naman po.

MIKE ABE: Well, bago kita pakawalan, alam kong bising-busy kayo, may briefing nga kayo mamaya. Usec, paano mo nahaharap kasi alam ko maraming bumabatikos sa iyo, marami sigurong naiinggit na rin sa iyo sa maraming bagay. At iyon talagang pang-iinsulto, marami iyan nababasa ko eh, ang titindi noong mga sinasabi against you, paano mo ito nahaharap Usec? Alam mo kung—hindi biro iyan eh, dahil tao lang tayo pare-parehas, nakikita kita at naririnig kita araw-araw, pero iyong mga tao talaga iba ang pananaw, although kakaunti iyon, alam natin kung saan galing sektor iyan, paano mo iyan hina-handle Usec?

PCO USEC. ATTY. CASTRO: So, ngayon iniisip ko, kung ako naman ang kanilang bina-bash, kasama din ba kaya sila sa tseke, una iyan, kasama ba sila sa tseke? Magkano kaya ang natatanggap nila? Pangalawa, kung ako ang kanilang bina-bash, siguro obvious na pinagkakakitaan nila sa mga views nila. Wala na silang gagawin kundi ilagay din iyong pangalan ko sa mga content nila, una, siguro, para i-discredit, mawalan ako ng kredibilidad sa aking mga sinasabi.

Pero iyong mga tao na nag-iisip at nagsasagawa naman ng kanilang pag-aanalisa base sa facts, malalaman naman nila kung sino iyong gumagawa lang ng intriga at kung sino lang iyong pinagkakakitaan ang mga sinasabi ko.

MIKE ABE: At dahil diyan, Usec, alam mo naman nagba-vlog din ako, iparating ko na sa iyo na direktahan na ano, iyong lahat na majority ng mga nakikinig sa akin ay pabor sa iyo, saludo sa iyo, bilib talaga hindi lang—talagang natutuwa sila sa pagdating mo, ibang klase na. Kasi halos tatlong taon eh, halos three- two and half years na walang sumasagot sa Malacañang eh, pagdating mo ito na kaliwa’t kanan, kaya saludo sila at nagpapasalamat. Sabi nga nila, mabuti na lang mayroon Attorney Castro, dahil siya talaga ang sumasagot, nagkaroon ng pag-asa ang maraming Marcos loyalist, Marcos supporters at silent majority dito sa ating bansa at sa abroad dahil sa inyong pagdating, Usec; iyan po iyong feedback, iyan po iyong gusto kong iparating sa iyo.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Salamat, Sir Mike. Salamat din po sa pagsuporta, pero mas nanaisin po natin na suportahan natin pong lahat ang ating Pangulo, dahil sa kaniyang mga ginagawa na hindi nakikita ng mga taong nasa dilim at nasa kulay itim at suportahan din po natin ang ating pamahalaan, para sabay-sabay tayo pong umaangat at bumangon.

MIKE ABE: Usec., salamat po sa oras at ingat lang po kayo, salamat muli sa pagtanggap ng aming tawag.

PCO USEC. ATTY. CASTRO: Salamat Sir Mike.

MIKE ABE: Thank you po, ma’am, thank you. Mga kaibigan, si Undersecretary at Attorney Claire Castro ng Presidential Communications Office/Malacañang Press Officer.

 

###

 

Resource