Interview

Interview with PCOO Secretary Martin Andanar by Fernan Gulapa (DZBB – Sunday Gwapo)


GULAPA: Nasa linya natin si PCOO Secretary Martin Andanar. Secretary Andanar, magandang umaga po.

SEC. ANDANAR:  Good morning Guwapo at sa lahat ng nakikinig sa atin dito sa DZBB.

GULAPA:  Unahin ko lang itong si Bikoy, may pahayag na ba ang Pangulo tungkol kay Bikoy, iyong kaniyang pagbaligtad Sec.?

SEC. ANDANAR:  Wala pa namang sinasabi si Presidente Duterte about kay Bikoy; at least sa akin ‘no, hindi pa kami nag-uusap about it, wala naman siyang komento; nandito kami ngayon sa Baguio eh…

GULAPA:  Ah, kasama ka.

SEC. ANDANAR:  Oo, pero ngayong ala-siyete eh kailangan naming pumunta sa Philippine Military Academy dahil mayroong lockdown dahil pupunta si Presidente.

GULAPA:  Oo nga, kare-report kanina ni Tuesday. Eh topnotcher pala babae, at sa top 10, limang babae.

SEC. ANDANAR:  Ang dami. Ang galing, galing… galing noong istorya ng graduation ng Philippine Military Academy ngayong araw na ito – taun-taon, iba-iba istorya.

GULAPA:  Oo nga, at ito daw palang topnotcher na ire, iyong kaniyang mga magulang eh talagang walang trabaho at siya’y scholar.

SEC. ANDANAR:  Oo. Usually ganiyan naman ‘yan hindi ba: minsan magsasaka; minsan mga simpleng mga trabaho. Pero ito talagang PMA, Philippine Military Academy, ito talaga iyong eskuwelahan na kahit sino, mahirap man, mayaman… once grumaduate ang isang estudyante ay automatic eh out of poverty kaagad hindi ba. Actually, habang nag-aaral pa lang mayroon nang allowance eh; mayroon nang maibibigay sa pamilya kaya ito talaga ay—kumbaga, ito iyong eskuwelahan na tina-target talaga ng napakadaming mga kababayan natin na hirap na hirap sa buhay; at maraming istorya na tungkol diyan.

GULAPA:  Ano ba ang magiging buod ng pahayag ng Pangulo mamaya diyan sa mga graduates ng PMA, Sec.

SEC. ANDANAR:  Hindi ko pa nababasa ang kaniyang talumpati. At of course alam naman natin na malaki dito iyong extemporaneous eh ‘di ba. Bukod sa ikukuwento na lang niya kung ano iyong kaniyang gustong sabihin sa publiko, pero kaabang-abang talaga itong Philippine Military Academy graduation ceremony. Eh taun-taon, kaabang-abang ito; tingnan natin kung nandoon din si Vice President, baka doon sila magkuwentuhan tungkol kay Bikoy kasi ‘di niya rin alam [laughs] ‘di ba.

GULAPA:  Kasama ka ba sa biyahe ng Pangulo sa Japan?

SEC. ANDANAR:  Oo, bukas naman iyon. Magandang opportunity talaga itong Nikkei Conference dahil tungkol ito sa negosyo eh, ekonomiya; tapos nabibigyan ng pagkakataon iyong mga pumupuntang bansa na makasalamuha ang mga negosyante sa Japan at Japanese government. Though nag-i-invest ang Japanese sa mga bansang pumupunta doon. Tulad sa atin, ine-expect natin iyong investment sa real estate, sa power line at infrastructure.

GULAPA:  Nandoon na daw si kuwan eh, si Pangulo ng US. Magkikita ba sila ni Pangulong Duterte?

SEC. ANDANAR:  Hindi ko pa nakikita sa schedule eh, pero of course ang sigurado diyan ay magkikita si Presidente Duterte pati si Prime Minister Shinzo Abe dahil magkaibigan ang dalawa. Tapos marami tayong mga projects kasi sa Japan, lalung-lalo na iyong projects na may kinalaman sa Build, Build, Build. Sa huling tatlong taon kasi Fernan, huling tatlong taon ng Duterte administration ay nakatutok talaga tayo sa poverty alleviation, number one; number two, dito sa infrastructure projects – ito ‘yung mga hard projects na magiging legasiya ni Presidente, ‘yung tipong kahit pa tapos na ang kaniyang termino, ‘pag nakita mo ‘yung project na ‘yan: “Ay, kay Presidente Duterte ‘yan.” ‘Ayan… ‘yun na nga ‘di ba, marami ang kaniyang mga projects eh—halos every administration may ganiyan: “Si Gloria Macapagal-Arroyo nagpagawa niyan”; “Itong si Cory Aquino nagpagawa niyan”; “Si Fidel Ramos nagpagawa niyan…” iyong ganoon ba…

GULAPA:  Ang balita ko, ang sangkaterba ngayon eh sa Build, Build, Build Sec.

SEC. ANDANAR:  Ay, napakadaming mga hard infrastructure projects na Duterte legacy… so kaya kinakailangan paspasan. At pangatlo, ako’y naniniwala na nakatutok iyong pamahalaan sa NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa huling tatlong taon.

So, iyon ang mga abangan natin to the next three years, and of course, mga oposisyon at iyong mga nag-aambisyon ng pagka-presidente, eh nakatutok din iyong mga mahilig sa pulitika doon.

GULAPA:  May survey na lumabas ngayon Sec., SWS – 4 out of 10 eh gumanda raw iyong buhay ng Pinoy – ano ba reaksiyon ng Malacañang ho?

SEC. ANDANAR:  ‘Yan ay nagpapakita naman na tama ang mga ginagawa ni Presidente – gumanda ang buhay, kumonti naghihirap… iyong ‘yung mga surveys na iyon eh; 81% satisfied kay Presidente; mataas iyong satisfaction sa drug war. Ramdam kasi ng mga kababayan natin na kung ano iyong sinasabi ni Presidente, ginagawa niya. At matagal nang hindi pinapansin iyong drugs, criminality, corruption… matagal na ‘yan. Tingnan mo naman last week lang, may sinibak na naman government official. Even sa anti-corruption rights, sabi nga ng Transparency International ay nag-improve din ang ranking ng Pilipinas pagdating sa transparency, nag-improve ng 13 points, pinakamataas since 2013. So lahat ng ginagawa ni Presidente ay sinasang-ayunan ng mga kababayan natin.

GULAPA:  Eh dito sa—galit pa ba iyong Pangulo dito sa Canada tungkol sa basura?

SEC. ANDANAR:  Ang importante naman diyan ay iyong respeto na binibigay sa bansa, na hindi tayo tapunan ng basura. So kung mayroong mga ibang bansa na ganoon din, magtatapon ng basura sa atin, eh ganoon din. Kailangang isauli sa kanila iyong basura. Kahit sinong bansa naman siguro, hindi papayag na gawing basura ang kanilang bakod. At ang dami-dami nang basura sa Pilipinas eh, dadagdagan mo pa ‘di ba. Hirap na hirap na nga tayong mag-process ng basura natin tapos dadagdagan pa ng hindi basura natin ‘di ba?

GULAPA:  Sec., panghuli na lang. May pahayag na ba iyong Pangulo tungkol dito sa—iyong nakauwi na, iyong pinaslang na OFW diyan sa Kuwait?

SEC. ANDANAR:  Napakalungkot niyang balita na ‘yan, at talaga namang—kahit sinong Pilipino na napapatay, na OFW eh isang napakalungkot na balita. At tayo’y nakikiramay sa pamilya. Mamaya ay kung puwede itatanong ko po si Presidente kung ano iyong kaniyang pahayag. Pero ang dami kasing OFWs ‘di ba, na nasa abroad. Isa lang naman ang hangarin ng OFW eh, iyong mapaganda ang buhay ng pamilya ‘di ba, tapos mapaasenso iyong mga anak. Eh ‘pag sa kasong ito, kabaliktaran iyong nangyari ‘di ba, so talagang masakit ‘yan sa lahat ng mga Pilipino. Napakasakit na balita at mayroong ganiyang mga insidente na nangyayari, Fernan.

GULAPA:  Ito pa, may pahabol. Subcontracted ba talaga ng NPO iyong voter information sheet, Sec.?

SEC. ANDANAR:  Ano? Ano?

GULAPA:  Iyong voter information sheet na sinubcontract daw ng NPO, may nag-report na ba sa inyo?

SEC. ANDANAR: Nabasa ko ‘yan. Alam mo, hayaan natin iyong National Printing Office Director na sumagot diyan dahil sila naman talaga iyong mayroong knowledge about the contracts to begin with. Saka ako naman ay very confident sa National Printing Office na ginagawa naman ang tama. Kasi alam mo kung bakit? Hindi naman naiimprenta lahat ng mga balota na ‘yan, kung anuman iyong iniimprenta pa; tulad nitong voter’s information sheet, kung walang knowledge ang—kung walang approval ang Comelec. Siguro dapat tanungin natin iyong mga—iyong lima pang mga Comelec na mga Commissioner. Oo, dapat sila tanungin kasi hindi naman—

GULAPA:  Nagulat kasi iyong isang Commissioner eh, may nilalabag daw na batas pagka ganoon, so alam ng iba, ganoon?

SEC. ANDANAR:  Eh dapat, tanungin iyong iba ‘di ba. Siyempre hindi naman aakto ang NPO kung walang knowledge ng buong Comelec ‘di ba? Eh kasi ang trabaho naman ng NPO eh mag-imprenta eh. Eh, sino nagbibigay ng go signal ‘di ba? ‘Di Comelec. So siguro dapat tanungin iyong ibang Commissioner saka iyong NPO Director mismo.

GULAPA:  Okay, sige. Maraming salamat po sa oras po ninyo, Secretary Andanar. Thank you po.

SEC. ANDANAR:  Salamat Guwapo. Salamat din sa lahat ng nakikinig sa DZBB. Good morning po.

GULAPA:  PCOO Secretary Martin Andanar, mula po diyan sa Baguio.

 

###


Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)

Resource