SEC. ANDANAR: Magandang umaga, Guwapo. Good morning sa lahat po ng nakikinig dito sa DZBB.
GULAPA: Naku [unclear] ng Pangulo ng Sri Lanka iyong kampanya ng Pangulo dahil sa laban sa droga.
SEC. ANDANAR: Oo ito ay patunay lamang, Fernan na na-appreciate ng mga leader ng iba’t ibang bansa ang programa ng ating mahal na Pangulo sa droga, kaya nga ito ay naging ehemplo para sa Pangulo or iyong head of state ng Sri Lanka.
GULAPA: So iyon ngang pagsasampa ng kaso sa International Criminal Court, ano ang dating nito, Sec.?
SEC. ANDANAR: Alam mo hindi naman maiiwasan na mayroon talagang mga kritiko dito sa ginagawa natin pero ito ay malinaw na kahit saan, sa mga kababayan nating Pilipino ay tama ang ginagawa ni Presidente. Nakailang survey na tayo mula noong 2016, noong maupo si Presidente Duterte, hanggang ngayon ay napakataas pa rin ng tiwala ng mga kababayan natin. Hindi lang po para kay Presidente Duterte – 81 percent ang kaniyang approval rating, 76 percent ang kaniyang trust rating according to the latest Pulse Asia – kung hindi pati iyong mga naniniwala sa war against drugs, wala lang sa akin iyong mga numero ngayon, pero kitang kita sa mga surveys noong nakaraang taon na napakataas.
GULAPA: Bukas na po itong gagawing plebisito diyan sa Bangsamoro Organic Law. Nandoon kayo bukas, Secretary?
SEC. ANDANAR: Nandoon ako sa 22, pero mayroon din akong naka-schedule na biyahe pero titingnan natin kung makakasabay tayo dito sa C-130 ngayong Lunes – bukas January 21, sapagkat ang trabaho rin ng Presidential Communications Operations Office ay iyong i-escort iyong ating mga International media sa pamamagitan ng Office of the Global Media Affairs. So I will check tomorrow morning or tonight kung nakasama ako sa manifesto para sa biyahe bukas.
GULAPA: Wala namang… sa oras na ito na na-report sa inyo na hindi magandang nangyayari diyan sa gaganaping plebisito sa bahagi ng ilang lugar sa Mindanao?
SEC. ANDANAR: Wala naman. Mayroon lang mga nababalitang dalawang conflict na nangyari, violence na nangyari pero ang eleksiyon/plebisito sa January 21 ay tuloy na tuloy. The President made his last speech last week at sinabi niya na kailangan ay suportahan natin, iboto natin ang ‘yes’ para mas lalong maging successful itong Bangsamoro Organic Law.
GULAPA: So, sa tingin ninyo mananalo na itong ‘yes’ Secretary?
SEC. ANDANAR: I’m very optimistic na ito ay iboboto ng ating mga kapatid na Muslim at ilang mga lugar na mayroong bobotong mga Kristiyano diyan po sa Mindanao.
GULAPA: Nakatutok maging ang mga malalaking bansa dito at suportado nila iyong pagkakaroon ng BOL, Sec.?
SEC. ANDANAR: Oo, nakailang sama din ako kay Presidente sa kaniyang mga International visits at mga meeting dito sa Pilipinas. Nandiyan po iyong bansang Japan at sumusuporta iyong bansang Australia at mga ilang bansa sa Europa ang sumusuporta rin po sa Bangsamoro Organic Law – even China sumusuporta rin. Sila ay nagpapadala ng kanilang tulong, kanilang ayuda para sa development ng Mindanao. Ang Mindanao naman talaga ay isa sa mga prayoridad ng iba’t ibang bansa para maging successful at magkaroon na rin ng pang matagalan o pang habang buhay na kapayapaan.
GULAPA: Sec., diyan sa mga balita nga, iyon iyong pagpunta ninyo sa Thailand at nagkaroon daw po ng memorandum of understanding tungkol sa media cooperation ang Pilipinas at ang Thailand?
SEC. ANDANAR: Tama po kayo, Fernan, noong 15 and 17 may official visit tayo sa Thailand at unang-una ay nagkaroon po tayo ng press freedom caravan kung saan ang mga guest po natin ay iyong Bangkok media at kasama ko ang Presidential Task Force on Media Security Usec. Joel Egco at ang ating direktor ng Freedom of Information na si Kris Ablan at of course ako ay nandoon para pag-usapan naman iyong pangatlong polisiya natin para sa media – iyong bridging media and government.
And the next day – on January 17, ay makasaysayan ang nangyari Fernan, dahil napirmahan na ang kauna-unahang information exchange memorandum of understanding between the Philippines and Thailand sa loob ng 70 years; kasi 70 years na iyong ating diplomatic relations with Thailand. So nagkapirmahan tayo, ibig sabihin po nito ay puwede na pong magpadala ng mga media representative ang Pilipinas sa Thailand para pag-aralan iyong kanilang media industry at hindi lang iyon para pag-aralan ang kanilang mga information centers sa kanilang gobyerno at ganoon din po ang Thailand, puwede silang magpadala sa atin para pag-aralan ang ating media industry, pag-aralan din ang ating government media. Iyan po ang kagandahan nitong MOU, mahalaga dahil ang Thailand—
GULAPA: Ang tanung: ‘eh bakit kailangan pa iyong mga ganitong pag-aaral tungkol sa style ng media sa Thailand at sa Pilipinas, Sec.?’
SEC. ANDANAR: Mahalaga ito dahil wala naman tayong monopoly ng ideas ‘di ba, Fernan? So minsan mayroong mga bagay na mas magaling sila at mayroon ding mga areas sa media na mas magaling tayong mga Pilipino. In fact, mayroon tayong kasunduan din with China, with South Korea, with Russia, with Cambodia, with Singapore. Tapos next week, Fernan, ang bilis ng balita, ang bansang Myanmar naman ang pupunta dito sa Pilipinas para magpirmahan ng Memorandum of Understanding tungkol din sa information exchange.
So tayo kasing lahat ay nasa ASEAN, itong mga bansang… Itong Myanmar at Thailand at mahalaga na mayroon tayong magandang ugnayan sa komunikasyon para mas lalo tayong nagkakaintindihan and so that we can promote each other’s culture, art, our tourist attraction at kung ano pa ang dapat ma-promote ng ating bansa.
GULAPA: Kaso, may maitutulong din sa ekonomiya ito, Secretary?
SEC. ANDANAR: Oo, mayroon, mayroon. Kasi halimbawa ‘pag pumunta dito iyong… halimbawa na lamang isa, dalawa, tatlo o apat na influential na mga media man ng Thailand, kukuha sila ng videos, kukuha sila ng audio, pictures. Pag-uwi nila ng Thailand ay iyon na iyong ibabalita nila. Alam mo iyong mga Pilipino mababait, marunong mag-entertain, ito pala ay puwedeng pag-aralan, ito pala ang kultura nila.
At isa sa mga exchanges, Fernan, iyong tayo puwede tayong magpalabas ng TV program sa kanilang government station sa Thailand. So halimbawa nagpalabas tayo ng mga arts and culture or tourisms na mga programs or food programs doon sa kanila at mapapanood ng kanilang merkado at mahihikayat silang bumiyahe sa atin. Ganoon din sila sa atin.
GULAPA: Eh iyong isang kaibigan ko nasa Italy, dumating iyong kaibigan ko, aba natutunan ng mga taga Italy mukhang naghihirap talaga iyong mga Pinoy at nakatira doon sa slum dahil iyong lumalabas sa telebisyon nila ha, Sec.?
SEC. ANDANAR: Oo at kung mayroon tayong exchanged programs ito ay mababawasan sapagkat mayroon tayong oportunidad, bibigyan tayo ng air time sa kanilang radyo/telebisyon na ipakita kung gaano kaganda ang Pilipinas. Kaya kailangan natin itong mga information exchange programs na ito para mas lalong mahikayat natin sila na pumunta ng Pilipinas at kung ano man iyong mga fake news –isa rin iyan pinag-uusapan namin. Alam mo ang Thailand, tulad ng Pilipinas—
GULAPA: Uso rin sa kanila ang fake news?
SEC. ANDANAR: Uso rin, uso sa kanila. In fact na-inspire nga iyong Publicity Relations Department o Public Relations Department ng Kingdom of Thailand – ito iyong counterpart ng PCOO – na-inspire sila dahil noong 2017 tayo iyong nag-initiate noong round table discussion how to combat fake news, in-adopt ng Singapore, in-adopt din ng Thailand dahil sila ngayon iyong Chairman ng ASEAN, Fernan.
So sabi nila mayroon silang mga na-craft na mga policy, mga strategy kung papaano ito ma-combat at isa rin ito sa pag-uusapan natin sa ASEAN dito sa Bangkok, Thailand.
And dito sa mga napag-usapan eh halimbawa kung mayroon silang fake news na gusto nilang i-combat o patayin na fake news, ang gagawin lang nila ay makikipag-coordinate sila sa Pilipinas at tutulong iyong government media ng Pilipinas sasabihin na, eh iyong ipinapakalat ninyong balita sa Thailand, mali iyan ito iyong tama. Ganoon din tayo sa kanila, tutulungan din tayo nila kung mayroong mga international news na lumabas na talagang nakakasama sa imahe ng Pilipinas at fake news – kumbaga disinformation.
GULAPA: Sunod daw po ang Hong Kong at saka Singapore?
SEC. ANDANAR: Iyan ay nasa kalendaryo natin, pupuntahan natin iyong Hong Kong dahil maraming Pilipino, ang Singapore din dahil maraming Pilipino. Pero ang mahalaga din ay mapuntahan itong mga bansa sa Europa dahil itong press freedom caravan natin ay hindi lang sa nagpapakita tayo ng mga magagandang policy ni President Duterte sa kaniyang administrasyon patungkol sa media: iyong number one policy, it’s Presidential Task Force on Media Security, AO1; Number two policy – EO2, ito iyong Freedom of Information; number three policy, iyong bridging sa media and the government – para malaman natin kung anong mga issues na kailangan ay solusyunan.
Kailangan ito ay madala natin sa ibang bansa at maipakita rin natin iyong iba pang mga polisiya ni Presidente sa kaniyang administrasyon na kung titingnan talaga nila ay kamukha ng mga polisiya nila. Halimbawa na lamang iyong Reproductive Health Law kung papaano sinuportahan ni Presidente; iyong libreng irigasyon ng ating mga kababayan, ng mga magsasaka na mayroon silang eight and below hectares na taniman o sakahan; tulad ng mga polisiya ng walang bayad, walang deposit sa hospital kapag pinasok mo yung iyong pasyente, hindi dapat tanggihan; at iyong libreng edukasyon ng ating mga kababayan sa State Universities and Colleges.
Ito iyong mga policy na kailangan nilang malaman na hindi puro patayan, hindi drug war ang inaatupag, hindi lang iyon. Ang dami pong pinipirmahan ng ating Presidente na mga polisiya, mga enacted laws na maganda para sa ating mga kababayan and also to fight fake news na rin sa ibang bansa dahil mayroon naman talaga tayong real numbers na tinatawag, na ito talaga iyong… ito lamang iyong mga numero sa ating drug war.
GULAPA: Mapipirmahan ba ngayong Enero itong pagbababa pa sa siyam na taon iyong criminal liability, sa mga bata?
SEC. ANDANAR: Tingnan natin kasi ito naman ay nasa Kongreso at sa Senado. So kapag ito ay napababa sa Senado at Kongreso, tingnan natin kung ito ay pipirmahan ni Presidente Duterte. Of course ang final say pa rin ay si Presidente, kapag ito ay pumasa na in both Houses of Congress.
GULAPA: So hindi ka mapupunta pala sa Las Vegas, sa laban ni Pacquiao dahil dito nga sa BOL plebiscite bukas, Sec.?
SEC. ANDANAR: As usual ay makikinig tayo kay Orly Trinidad at kay Dennis Principe, makikinig tayo sa kanilang programa dito sa DZBB. Eh wala naman tayong ticket papuntang Las Vegas at mayroon tayong mga inaatupag na trabaho dito tulad ng Bangsamoro Organic Law o iyong BOL plebiscite.
GULAPA: Ano ba ang nakikita sa laban mamaya? Laban mamaya – mamaya na.
SEC. ANDANAR: Eh siyempre kay People’s Champ tayo, Manny Pacquiao. Sa palagay ko siguro mga 6 rounds siguro, mga 6 rounds siguro. Eh baka sumurrender na itong kalaban ni People’s Champ Manny Pacquiao.
GULAPA: Wow.
SEC. ANDANAR: Ikaw ano ba sa iyo? Ano bang ano mo?
GULAPA: Ah sigurado, panalo.
SEC. ANDANAR: Wala kang round kung saan siya tutumba? Iyong kalaban?
GULAPA: Panalo, panalo.
SEC. ANDANAR: Basta panalo. Ako panalo na, in sixth round tumba pa. Kapag tayo ay tumama ay magkita-kita tayo dito sa may Muntinlupa area, magdidiwang tayo ng kapanalunan ni Manny Pacquiao.
GULAPA: Eh oo nga pala ang pinakamayamang Pilipino natin, si Henry Sy Sr., ay pumanaw na?
SEC. ANDANAR: Ang ating gobyerno, ang ating PCOO ay nakikiramay sa pamilya ni Henry Sy. Alam natin na si Henry Sy ay naging inspirasyon sa marami nating mga kababayan, lalung-lalo na iyong mga small, medium and large enterprises, big and micro enterprises, down entrepreneurs na talagang nagpursige dahil… inspirasyon si Henry Sy. Eh akalain mo from shoe store sa Carriedo ay lumago ng lumago, naging pinakamayaman na Pilipino sa buong Pilipinas and one of the richest Filipinos in the world. Eh akalain mo from—
GULAPA: Inabutan mo nga pala iyong Shoe Mart noon ‘no.
SEC. ANDANAR: Eh siyempre… pero iyong pinaka-unang napuntahan ko eh doon sa Carriedo maliit lang eh, iyong talagang lumaki ako doon sa Cubao, so iyong SM Cubao. Diyan kami dinadala ng nanay namin – iyong tapat ng Ali Mall.
GULAPA: Doon ba kayo nagde-date ni misis?
SEC. ANDANAR: Eh hindi doon ako dinadala ng nanay ko noong maliliit pa lang kami, doon sa may 10th Avenue sa Cubao, dirediretso lang iyan, lalakarin mo lang din kung gusto mong lakarin. Tapos ang talagang nasa dulo niyan ay SM tapos Ali Mall, iyan ang pasyalan sa Cubao noon.
So talagang malungkot, pero alam mo si Henry Sy ano siya eh, mission accomplished eh ‘di ba? Sa palagay ko pagdating doon sa langit eh sabihin ng Panginoon eh sobra pa iyong nagawa mo sa mga talento na ibinigay ko sa iyo. Eh talagang ipinalago mo nang ipinalago ang iyong negosyo at ikaw ay naging inspirasyon. Kaya tayo ay nalulungkot at tayo din ay nandito para i-celebrate ang buhay ni Henry Sy.
GULAPA: Sec., panghuli na lang. Mas marami ho na naniniwalang Pilipino na matutupad ni Pangulong Duterte iyong kaniyang pangako sa kampanya, ahh doon sa survey, doon sa survey?
SEC. ANDANAR: Alam mo naipatupad naman talaga ni Presidente, number one iyong kaniyang war on drugs ay naipatupad niya, tumaas na ang presyo ng shabu sa merkado. Eh kung titingnan mo ngayon ay nasa 5, 6,000 na ang gramo ng shabu.
GULAPA: Ibig sabihin eh kapag mataas eh kaunti ang suplay?
SEC. ANDANAR: Oo nasa law of supply and demand lang iyan. Pangalawa iyong crime situation ng buong bansa ay mababa, iyong crime volume, mababa din, I understand ay nasa 17 percent ang crime volume iyong last na crime volume na data at bumaba ng halos 700 to 900,000 iyong crime volume, so ibig sabihin niyan ay successful. Number three, itong peace and order, alam naman natin na pangako ni Presidente na magkaroon ng isang mamamayan na malaya sa kaguluhan at nagkaroon na nga ng isang Bangsamoro Organic Law, iyong ating mga kapatid na Muslim sa MILF ay nandito na at bumaba na nga at kasama na natin sa lipunan natin sa nation building at pagkakaroon ng plebisito, iyan ay successful tapos kita naman natin sa mga surveys din na bumaba na rin iyong gutom sa mga kababayan natin.
So kung titignan natin ay naipatupad ni Presidente iyong kaniyang pangako: number one drugs, criminality tapos iyong peace and order, ang corruption tuloy-tuloy pa rin ang kaniyang kampanya laban sa corrupt. So I would say that, ito ay ramdam ng mga kababayan natin, otherwise hindi naman nila sasabihin na naniniwala sila na kayang ipatupad ni Presidente ang kaniyang pangako at idagdag natin diyan iyong federalism although hindi pa naipapasa sa mababang kapulungan at sa mataas na kapulungan pero nasa kanila na ang bola ngayon eh. Ang mahalaga ay nagawa iyong draft constitution – ang federalism ng ating bansa at iyon naman ang pangako ni Presidente at ginawa niya.
GULAPA: Panghuli nga pala, kailangan pa bang mag-imbestiga kaugnay dito sa data breach sa DFA eh sinabi na ng APO, alam ninyo naman iyong dating mga dokumento kaugnay doon sa mga nag-aapply dati ng passport, Secretary Andanar?
SEC. ANDANAR: Alam mo nasa DFA iyan eh kung itutulak talaga nila iyan sa Senado at number two, nasa Senado din eh, nasa mga Senador din iyan kung talagang gusto nilang imbestigahan itong kaso ng data breach ng Department of Foreign Affairs patungkol doon sa mga pasaporte. Ang PCOO naman at APO Production Unit, lahat sila ay handa namang humarap sa Senado, wala namang tinatago.
GULAPA: So, wala namang na void na mga papers, ang report sa inyo ng APO, Sec.?
SEC. ANDANAR: Ang ni-report sa akin ng APO Production Unit ay na-turn over ng contractor iyong mga data mula doon sa dating contractor at na-turnover ito sa APO Production Unit.
GULAPA: Iyon okay. So, good luck na lang sa inyong media caravan sa Hong Kong ba at Singapore ang susunod?
SEC. ANDANAR: Ang susunod ay dito muna sa Butuan City.
GULAPA: Balik dito?
SEC. ANDANAR: Oo dito sa Butuan City. In fact next week pala mayroon kami sa Nueva Ecija, Nueva Ecija kami next week tapos abangan din ng ating mga kababayan, abangan ninyo din, Fernan, iyong signing ng Memorandum of Understanding ng inyong lingkod representing the Philippines at PCOO, at si Minister U Pe Myint ng Myanmar, next week naman iyan dito sa Malacañang.
GULAPA: So iyon taga Myanmar ang pupunta dito?
SEC. ANDANAR: Oo sila naman.
GULAPA: So maganda iyan at maibabalita rin natin iyan during that day next week, good luck, thank you po Secretary Andanar, thank you po.
SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Fernan mabuhay ka, mabuhay po ang lahat ng mga nakikinig dito po sa DZBB.
GULAPA: PCOO Secretary Martin Andanar.