Interview

Interview with Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar by Joel Zobel Reyes (DZBB – Saksi sa Dobol B)


ZOBEL:  Happy SONA day to you, si Joel Zobel po ito, live po kayo sa DZBB and GMA News TV.

SEC. ANDANAR:  Good morning, Joel, si Martin ito.

ZOBEL:  Ay si Secretary Martin pala.

SEC. ANDANAR:  Oo, ako iyong alalay ni Presidente. Alalay po ako ni Secretary Roque.

ZOBEL: Si Harry Roque ang alam ko umaalalay sa iyo. Siya ang alalay mo, hindi si—ano ang nangyari? Sandali po, nagkamali po eh, ang nalagay ko rito Harry Roque.

SEC. ANDANAR:  Okay lang po, walang problema po.

ZOBEL:  Secretary, gusto lang po namin malaman, ano ba ang laman ng SONA ni Presidente?

SEC. ANDANAR:  Nabanggit na naman ni Secretary Bong Go na nandiyan pa rin po ang criminality, anti-drugs at iyong anti-corruption. So, we are also expecting na kasama rin po iyong Bangsamoro Basic Law na babanggitin and meron din pong mga sopresa, Joel.

ZOBEL:  Ay, sorpresa.

SEC. ANDANAR:  Na aabangan ng ating mga kababayan. Kagabi po ay nandoon po tayo sa Malacañang, dahil nagkaroon po ng technical rehearsal si Presidente at kagaya po ng nabanggit ni Secretary Roque na hindi sosobra sa 35 to 40 minutes ay kayang-kaya po naman base doon sa naging ensayo ni Presidente. Pero of course, hindi natin inaalis iyong option, iyong possibility na mag-adlib po si Presidente. So puwede pong lumabas doon.

Pero based sa assessment ko kagabi, mas relax po si Presidente at napaka-high spirit po ni Presidente sa kanyang ensayo. As matter of fact, eh nagbibiro pa siya, dahil meron pong balita na nilabas na nagpunta po siya ng hospital at kung anu-anong spekulasyon, etcetera.

Pero para sa mga kababayan po natin, it was just a routine check-up ang ginawa po ni Presidente at nag-declare po naman ang doctor na talagang healthy si Presidente, na wala pong dapat ipangamba ang ating mga kababayan.

ZOBEL:  Iyong routine check-up ba, ano iyon, ibig sabihin regular na ginagawa ni Presidente iyong pagpapa-check up na iyan?

SEC. ANDANAR: Ah yearly, yearly na ginagawa.

ZOBEL:  Parang executive check-up ba iyon?

SEC. ANDANAR:  Ang executive check-up kasi overnight eh di ba. Ito iyong dadaan ka lang, pa check-up tapos alis ka na. Alam n’yo po ang problema kasi – ganundin sa mga kababayan natin nag-iisip na kapag nagpapa-check-up ay may sakit agad di ba. Pero sa mga—pag tumuntong ka ng 40, iyon po talaga ay—

ZOBEL:  Kami ni Secretary Martin ay madalas din kaming magpatingin sa doctor, hindi dahil may sakit kami, kung hindi dahil lampas na po kami ng 40.

SEC. ANDANAR:  Oo kailangan eh… di ba. If you want to live longer, di ba, kailangang makita mo kung ano iyong mga nandiyan sa loob ng katawan mo na puwedeng magdulot ng mas ano, mas delikadong—

ZOBEL:  The President is healthy ha. Iyan lang ang sasabihin natin: The President is healthy.

SEC. ANDANAR:  The President is healthy, pink of health, sabi nga nila at nagbibiro-biro nga siya. Sabi niya, baka sila iyong may sakit. [laughs]

ZOBEL:  Okay. Ilan ba talaga ang pahina ng kanyang talumpati? Kasi may report, anim daw, meron namang labing-anim, ilan ba talaga? Are we anticipating more than na hour of speech from the President?

SEC. ANDANAR:  Sorry, Joel, dahil hindi ko binilang iyong pahina, dahil ako ay naka-focus doon sa sinasabi ni Presidente. Kung talagang babasahin niya, susundin niya talaga iyong length noong speech, kaya po 35 to 40 minutes kaya po.

ZOBEL:  Tapos, 35 to 40 minutes.

SEC. ANDANAR:  Pero kapag nag-comment ay natural ay sosobra. Alam mo naman si Presidente minsan meron siyang maisip right on the spot na hindi ko pala naisama ito sa speech ay sasabihin niya, i-explain niya kung ano iyon. So—

ZOBEL:  Kasi naipangako daw ni Presidente na hindi na siya mag-a-ad lib. Pero sabi n’yo nga po, maaring mag-ad lib pa rin si Presidente.

SEC. ANDANAR:  Well, kung ako iyong tatanungin mo, mas gusto kong mag-adlib, kasi siyempre dalawang taon nang Presidente, third SONA na ito at ang mga kababayan natin hindi na nasanay na walang adlib eh. Baka mamaya kung 35 minutes eh bigla rin tayong magulat 35 minutes lang talaga. [laughs] Sabagay, kapag sa media, talagang pag-uusapan iyan. Talagang sinunod, di ba.

ZOBEL:  Secretary, may binabangit kayong mga sorpresa si Presidente. Isa ho sa mga… siguro, isa sa mga gustong marinig din ng taumbayan ay iyong mga hakbang na gagawin ng administrasyon para ho maibsan iyong problema ho sa inflation, iyong pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin. Meron bang—ewan ko, bigyan n’yo lang kami ng patakim kung meron nga na babanggitin tungkol po sa bagay na iyan?

SEC. ANDANAR:  Actually, iyong sa problema natin sa inflation ay hindi kasi masyadong naipapaliwanag din na dahil doon sa TRAIN, sa tax reform na iyan. Dahil di ba alam naman natin na 99% of the taxpayers na sumusuweldo ng 250,000 pababa ay hindi na magbabayad ng income tax. Tapos dahil diyan, ang dulot niyan ay iyong 99% na iyon na taxpayers, iyong kanyang take home pay ay umakyat ng kinse porsiento. So therefore iyong 5% na inflation, at least for that 99%, mas malaki pa rin iyong increase ng kanyang take home pay kaysa doon sa 5% na increase.

Number two, dapat isipin din po natin na dahil ho sa TRAIN, iyong pera na iyon, napunta ho doon sa free tuition sa mga estudyante sa state universities and colleges. So, malaking bawas na naman iyon, iyong free irrigation, increase ng sweldo ng mga pulis, increase ng suweldo ng mga militar. So, napakadami po talagang—kumbaga iyong nag-o-offset doon sa inflation.

But we are not saying na kailangan… na okay lang. Hindi po okay iyan. Dahil kailangan po talagang mag-angkat ng bigas para bumaba po iyong presyo ng ating bigas, dahil iyan po naman number one staple food ng Pilipino iyan at iyan naman ay ginagawan na ng paraan ng ating pamahalaan.

As a matter of fact in one of the state—at national security meeting ay meron pong napagalitan si Presidente na tinatawag na… iyong ano ba, iyong rice cartel, iyong diumano rice cartel—

ZOBEL:  Sino ang pinagalitan ni Presidente, NFA?

SEC. ANDANAR:  Hindi ho, iyong nag-aangkat ng bigas na parang open-secret na sila talaga iyong nagmo-monopolize ng presyo ng bigas. Meron pong parang talagang sinabon talaga at tinawagan dahil nga hindi naman ano iyan eh, hindi naman sikreto iyan na meron talagang mga rice importers na kino-control iyong presyo ng bigas natin.

ZOBEL:  Hindi ba binalaan ni Presidente na dapat eh, kung hindi sila aayos ay baka sampahan sila ng kasong economic sabotage?

SEC. ANDANAR:  Meron pong ano, basta kinausap po ni Presidente at talagang sa harapan namin ay talagang sinabon po, minura sa harapan namin. Dahil sobra na iyong kanilang pagmo-monopolize ng presyo ng bigas sa pamamagitan ng pag-hoard, hindi pag-release ng kanilang mga—so, ito po ay ginagawan ng solusyon ng gobyerno. At makaka-asa po iyong ating mga kababayan na like what Secretary Pernia said na bababa din ito within this year, itong inflation.

ZOBEL:  All right, iyong pangako sa NFA rice. Nandito na po iyong NFA rice pero hindi pa rin daw po napapamahagi sa mga merkado, dahil ang dinadahilan naman po ngayon, panahon, napakahirap daw pong ibaba. Hindi ko ho alam kung alam na ni Presidente iyong impormasyong ito at wala bang puwedeng gawin na paraan para ho maipamudmud iyong mga nakatengga lang po eh na mga NFA rice na nasa barko eh.

SEC. ANDANAR:  Iparating ko iyan, Joel, mamaya magkasama naman kami mamaya ni Secretary Bong. Ipaparating ko iyang impormasyon na iyan na hindi nare-release dahil sa sama ng panahon. Hindi naman reason iyong sama ng panahon, alam mo rain or shine kumakain tayo ng kanin eh, di ba.

ZOBEL:  Iyon nga, eh, kanin, opo.

SEC. ANDANAR:  Pag meron ngang dilubyo, merong mga bagyo tulad ngayon nagpe-preposition nga iyong DSWD, di ba. Eh kung… kung hindi kumakain ang tao ng bigas kapag tuwing umuulan, eh ano ang kinakain, ganun lang naman iyan.

ZOBEL:  Anyway, huling tanong na lang, Secretary. Bakit kailangan ng cinematic director para sa SONA. Kasi ginamit na po dati si Brillante Mendoza, ngayon naman si Joyce Bernal po ang gagamitin. Why is there a need for a cinematic director to do this, bakit?  Ang sinasabi kasi ng taumbayan, kailangan lang naman namin iyong sustansiya ng sasabihin ni Presidente.

SEC. ANDANAR:  Sa palagay ko ano iyon, eh. Kasi sinimulan kasi natin kay Brillante Mendoza di ba, tapos from then on, maraming mga director din pala ang gustong mag-alay ng  kanilang serbisyo. So palagay ko wala namang masama doon, as long as wala tayong binabayaran di ba, libre naman si Director Joyce.

At the same time, merong mga shots na bago na makikita natin sa pamamagitan ng direksyon ni Binibining Joyce Bernal. And of course, it is also a subtle way of telling the entire—showing the entire nation that dapat tangkilikin natin ang sarili nating mga director, hindi ba. Tulad ni Joyce Bernal, tulad ni Brilliante Mendoza. Meron tayong magagaling na mga director, mga international caliber, so it’s about time that we become very proud of them also and we should be thankful in fact na serbisyo libre iyon, pro-bono, walang bayad iyon. Tapos iyong mga tao natin sa RTVM, iyong sa government media, ay meron ding natututunan.

Kaya alam mo from day one, Joel, hands-on talaga si Direk Joyce; hindi ko in-expect na ganito ka-passionate si Direk Joyce sa pagdi-direk nitong State of the Nation Address. As matter of fact, last night nandoon din siya and talagang si Presidente, talagang he was very keen, he was really listening to director Joyce.  Sinusunod niya talaga kung ano ang sinasabi ni Direk Joyce so nakakatuwa iyon, dahil alam mo si Presidente kasi, talagang ano iyan, kuwento ng kuwento iyan, salita ng salita. But this time ano eh, okay na ba ito Direk? Okay ba ito, okay ba iyan. So, it was—abangan n’yo po mamaya, meron pong mga bagong anggulo si Director Joyce at sana ma-execute ng husto para ma-appreciate po ng ating mga kababayan.

 ZOBEL:  Sige, Secretary, aabangan namin iyong magiging laman ng SONA ni Presidente at we will get some reactions after it. Salamat ho sa oras, Secretary, and good morning, goodluck. Salamat sa inyong panahon. Thank you very much, sir.

SEC. ANDANAR:  Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo. Salamat, Joel, mabuhay po kayo.

###

SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)

Resource