URI: Secretary Sal, magandang umaga.
SEC. PANELO: Good morning, Henry.
URI: Yes, sir. Meron na po bang natukoy ang Malacañang na mismong pumaslang doon sa siyam na minasaker doon sa Negros at ano po ang sabi ng Pangulo rito?
SEC. PANELO: Ang initial findings, iyong mga nagsagawa noon ay mga miyembro ng CPP-NPA. Sapagkat merong mga surviving victims na nakakilala sa mga ito. Iyon ang lumalabas sa ano… Kaya’t pinapaimbestigahang mabuti ni Presidente.
URI: Opo, pero pinapaimbestigahan pa, hindi pa po umabot sa punto na sarado na ang isip ng Pangulo na NPA nga ang may kagagawan nito?
SEC. PANELO: Hindi pa, sapagkat iyon unang initial findings.
URI: Linawin ko lamang, iyong inyong statement kahapon na dahil po doon sa isang grupo na naman ng mga international parliamentarian na gusto ho na naman o ukilkilin iyong isyu ng drug campaign ng kasalukuyang administrasyon at tila po meron kayong gustong mismong ipahiwatig at iparating sa kanila. Ano po iyong eksaktong gusto ninyong sabihin sa bagay na ito?
SEC. PANELO: What we are saying is this human rights group has no jurisdiction over us. Ang problema sa kanila, ang gagaling nilang magpalipad ng mga pahayag na kung titingnan mo meron na kaagad silang conclusion. Hindi pa man sila nag-iimbestiga eh meron na silang conclusion na nagkaroon ng paglabag sa karapatang pantao nung dalawang sabi nilang iimbestigahan nila.
URI: Ang tinutukoy dito ay si Senator Leila De Lima at si Senator Antonio Trillanes na bumabatikos nga sa anti-drug campaign din ng administrasyon, tama ako, Secretary Panelo ano ho?
SEC. PANELO: Yes. Sapagkat kung nagpunta yan dito at kinausap nila – ang alam ko si De Lima yata ang kinausap nila – and then they came out with a findings na nilabag nga daw iyong mga karapatang pantao nila. Alam mo, alam ng lahat na meron tayong judicial system, na iimbestigahan ito ng isang hukom, ng isang hukuman at makitang may probable cause. Sa madali’t sabi, binigyan sila ng due process. Pero ang sinasabi nila doon sa findings nila eh, hindi daw nagkaroon ng patas na labanan. Eh papano… ibig sabihin, hindi ito naniniwala sa judicial system ng ating bansa. Hindi lamang siya hindi naniniwala, pinakikialaman niya iyong ating soberenya. Hindi pupuwede sa atin iyong—saka darating dito na maninira na lang eh, tapos hindi mo pa kinikilala iyong ating kaparaanan sa batas.
URI: Sa mga ginagawang ito ng international human rights advocates, ano ang gagawin naman ng Malacañang? Meron ba kayong iniisip o napag-uusapan ng Pangulo na dapat ganito ang gawin naman na laban naman sa kanila?
SEC. PANELO: Eh, tayo wala naman tayong interest sa kanila, sila ang may interest sa atin na siraan tayo. Basta as far as we are concerned, wala silang jurisdiction sa atin at hindi tayo papayag pakikialamanan tayo sa ating kasarinlan.
URI: Kung sila, Secretary Panelo, ay humakbang ng isang hakbang ng mas higit pa sa inaasahan laban sa Pangulong Rodrigo Duterte, papaano ito sasalagin ho ng Malacañang?
SEC. PANELO: Unang-una, ano ba ang magagawa nila except to issue statement against the President or this administration, other than that wala naman silang magagawa na, maninira na sila.
URI: Pero kapag ho may mga ganito pa rin hindi mamatay-matay na bintang sa Pangulo, hindi ba nangangamba ang Malacañang sa persepsiyon ng publiko na ang sinasabi ng mga ito ay may katotohanan, sapagkat paulit-ulit eh.
SEC. PANELO: Hindi rin, kasi paulit-ulit din ang survey na nagpapakita na ang pagtitiwala ng taumbayan ay nasa Pangulo.
URI: Okay. Sa isang isyu, Secretary. Itong pagbasura ng Makati RTC Branch 148 sa kaso po ni Senator Antonio Trillanes at tagisang kinokontra iyon hong sinasabi ng Pangulo na hindi siya nag-file. Sinasabi po ninyo na, to begin with, hindi naman nag-file at lalong hindi tama na ginarantiyahan siya ng amnesty sapagkat ang pumirma ay si dating DND Secretary Voltaire Gazmin. Ano ang reaksyon ng Palasyo dito sa pagbasurang ito ng 148?
SEC. PANELO: Ang ibinasura lang naman iyong pag-isyu ng warrant. Pero iyong mas mahalagang legal issue na iyon bang grant of amnesty valid o hindi ay binigyan ng diin ng hukuman na hindi valid, sa madali’t sabi void.
Hindi ba mula’t sapul iyon ang pinag-uusapan, sinasabi nila na nag-file siya ng amnesty at binigyan sila ng amnesty. Ang sabi ng korte, tama iyong proklamasyon na pinapawalang-bisa at dinideklarang nullity iyong grant of amnesty. Kaya hindi siya nag-isyu ng warrant of arrest, sang-ayon sa kaniya, kasi applicably daw iyong tinatawag na inevitability ng isang judgment, ano ba ang ibig sabihin noon, ibig sabihin eh final na iyon. Kaya hindi na maaring pumasok ang isang hukuman sapagkat wala siyang jurisdiction. O ito ang tanong ko naman, kung walang jurisdiction ang hukuman na ito, eh bakit mo dininig ang kaso, bakit iyong dalawang partido hinayaan mong magprisenta ng mga ebidensiya, eh di ibig sabihin may jurisdiction.
URI: Noong makita mong walang merito, saka mo lang sinabing walang juris—anong dapat doon, Secretary? Dapat sa simula pa lamang ay hindi na niya inaktuhan.
SEC. PANELO: Dapat doon dinismiss niya kaagad, hindi niya… ‘this case has been discussed, this court has no jurisdiction,’ tapos.
URI: Alright. Ngayong wala pala siyang jurisdiction na sinasabi, sino na ngayon ang may jurisdiction kay Senator Trillanes lalo nung sabihin niya na tama na sabihin na void iyong amnesty. If amnesty is void, ang tanong ngayon: puwede na ba siyang litisin under court martial ng military?
SEC. PANELO: Iyon ang magiging logical consequence noon. Kasi kaya huminto ang lahat ng iyan, dahil binigyan ng amnesty, na nung sinabi ng hukuman na void o walang bisa iyong grant, ibig sabihin ma-revive lahat ang kaso mo. Kaya iyong pagbubunyi niya, ako ay naa-amuse na lamang, eh pyrrhic victory lamang ang tawag doon, akala mo lang iyon.
URI: Ah, iyong pagbubunyi ni Senator Trillanes?
SEC. PANELO: Yes. Hindi ba ang sabi niya—ang galing ng pagkasabi niya ganito, nakikinig ako sa kaniya kahapon sa isang balita eh, na pinupuri niya iyong hukuman, ipinakita raw na may demokrasya at may rule of law.
Alam mo ito ang balik ko sa kaniya, o di ibig sabihin iyong hukuman na nagbigay ng resolusyon na void iyong amnesty mo, eh iyon ang rule of law din iyon. Pinapakita na may demokrasya, o eh dapat purihin mo rin iyon. Eh bakit mo parang ini-ignore mo iyon, yun ang pinakamahalaga, Henry.
URI: Sa social media ang nababasa ko po, ang sabi niya nung una, patay na ang demokrasya; noong makakuha ng pabor siya, sabi niya meron pang pag-asa. Papano po kaya nga naman ito?
SEC. PANELO: Eh kasi nga, hindi siya na isyuhan ng warrant. Pero mini-miss niya iyong pinakamahalagang punto roon, kasi ang pinag-uusapan talaga doon eh: iyon bang amnesty void from the very beginning o hindi, iyon ang legal issue doon eh.
Iyong warrant of arrest ano lang iyon, kumbaga peripheral issue iyon. Kasi kung void puwede lang isyuhan ng warrant; pero sinasabi ng korte, hindi wala akong jurisdiction. Eh wala ka palang jurisdiction, bakit po dinidinig.
URI: Saka kung void ito, ang may pakialam na rito iyong korte na ng militar, tama po ba?
SEC. PANELO: Either korte ng militar o korte ng hukuman kung saan dinismiss ang kaso. Hindi naman pupuwedeng sabihin na, hindi na-dismiss na iyon, may double jeopardy. Hindi, kasi ang double jeopardy kailangan may valid judgment. Walang valid judgment kasi nga, iyong dismissal mo, batay doon sa amnesty mo na sinabi ng korte na wala. Oh eh papaano?
URI: So, walang final judgment iyong 148 sa madaling salita?
SEC. PANELO: Sa madaling salita, ang nanalo ang gobyerno, hindi siya.
URI: Papano ninyo nasabi iyon?
SEC. PANELO: Kumbaga na-delay lamang iyong kanyang sinasabing kalayaan niya. Delayed kasi nga hindi siya binigyan ng warrant and yet effectively lumalabas buhay ang mga kaso niya.
URI: Ayun, yun iyong malinaw, buhay pa ang mga kaso niya.
SEC. PANELO: Well, definitely, eh iyon ang deklarasyon ng hukuman eh.
URI: Secretary Sal, maraming salamat po; magandang umaga sa inyo.
SEC. PANELO: Good morning. Henry. Thank you.
###
SOURCE: PCOO – NIB (News and Information Bureau)