Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Arnold Clavio & Connie Sison – Unang Hirit, GMA-7


CLAVIO: Secretary, kayo ang naging abogado noon ng pamilya ni Jennifer Laude. So, ano ang reaksiyon ninyo rito sa pagpapalaya kay Joseph Pemberton, maaga po ba, mayroon po bang iregularidad o tama ho ang naging desisyon ng korte?

SEC. ROQUE: Igan, kung maaalala ninyo, hindi ordinaryong pagpatay lamang ang nangyari ang nangyari kay Jennifer Laude. Ito po ay karumal-dumal, nilublob sa inidoro hanggang malunod, binakli ang leeg at iniwan na parang hayop. So sa ating mga Pilipino na nagmamahal sa ating bayan, siyempre hindi natin matanggap na kapag napatay ng ganiyang karumal-dumal na pamamaraan ang ating kababayan ay limang taon na pagkakakulong lang ang kanilang pagbabayaran ‘no. Hindi po tama iyon, at i-emphasize ko rin na hanggang two years ago ay umaapela pa po itong si Pemberton, ibig sabihin wala po siyang remorse, sinasabi niya na hindi pa rin siya nagkasala hanggang sa huli. Eh bakit natin siya bibigyan ng allowance for good conduct?

Pangalawa, eh ang sabi po sa batas, iyong allowance for good conduct, dapat nirirekomenda ng Bureau of Corrections o kaya iyong jail warden. Eh pero dahil siya po ay nakulong sa ginintuang hawla, wala namang ganiyang rekomendasyon, hukuman lang ang nagbigay, eh dapat mayroong rekomendasyon. Ang nakakapagtaka paano siya nagkaroon ng allowance for good conduct, eh wala naman siyang ibang kasama doon sa ginintuang hawla niya, ang kasama niya ibang mga Amerikanong sundalo rin na para bagang every day, walang nangyari? So, mahirap pong tanggapin iyan, hindi lang po sa pamilyang Laude, kung hindi lahat po, sa lahat po ng mga Pilipino dahil alam natin, hindi dapat tinatrato na parang animal ang mga Pilipino at parang balewala ang naging parusa sa kaniya.

CLAVIO: Secretary, may habol bang legal iyong pamilya o maharang na hindi maipatupad ang desisyon ng korte na iyan?

SEC. ROQUE: Alam mo ang masakit pa kasi, pinapalabas ni Pemberton na pumayag daw kami, iyan ang statement na sinabi ni Atty. Flores. Ako, hindi na sana ako magsasalita dahil ako ay Presidential Spokesperson na, hindi na private lawyer, pero narinig ko na noong 2017, diumano ay pumayag daw kami noong kami raw ay nakipag-meeting sa Kongreso, noong ako ay kongresista pa, sabi ko kasinungalingan iyan. At ang patunay na kasinungalingan iyan, kung totoo na pumayag kami noong 2017 na mapalaya siya, eh bakit 2020 nakakulong pa rin siya. Hindi ba kung kami ay pumayag, noong 2017, dapat nakalabas na siya noong 2017. So, huwag po nating dagdagan pa ng kasinungalingan itong kumbaga masakit na pangyayari na sa kasaysayan ng Pilipinas na parang binalewala iyong pagkapatay sa Pilipino na parang animal.

CLAVIO: Oo nga, iyong tanong ko po, may habol ba iyong pamilya para hindi maipatupad ang desisyon ng korte, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, naghain po ng motion for reconsideration iyong dati kong kasama na si Atty. Suarez at ang sinabi nga ni Atty. Suarez doon, dalawang bagay, wala namang rekomendasyon. Pangalawa, paanong allowance for good conduct, dahil nag-iisa siya. Pangatlo iyong panahon na siya po ay nahuli at nililitis, hindi dapat bigyan ng allowance for good conduct iyan, kasi hindi po siya hawak ng Philippine jurisdiction, ang may hawak po sa kaniya noon, mga Amerikano. Eh bakit mo bibigyan ng allowance for good conduct, hindi mo naman alam kung ano ang naging asta niya noong mga panahon na iyon, dahil hawak siya ng mga kapwa Amerikano?

SISON: Secretary, follow up lamang po doon sa inyo pong nabanggit. Mayroon po ba kayong pagkakataon na nakausap na rin po ninyo ang pamilya Laude at ano po ang naging kanila hong reaksiyon tungkol dito?

SEC. ROQUE: Well, siyempre po, parang ang hirap tanggapin na ang bilis naman ng pagkakakulong kay Pemberton. Pero mahirap din talaga ang pag-uusap namin ni Mommy Laude, kasi siya po ay nasa Southern Leyte. Pero ganoon pa man, ipinararating nating ang sentimyento nila na hindi naman karapat-dapat. Ang feeling nila, hindi po katarungan iyan na ang bilis-bilis ng kaniyang pagkakakulong, para bang aso lang ang pinatay at umalis na ng kulungan.

SISON: All right. Sir, ito naman maiba naman ako, sa usapin naman po ng PhilHealth, nabanggit po ninyo na si former NBI Director Dante Gierran ang best choice para mamuno daw sa ahensiya. Pero ang pangamba po ng ilan, baka raw po kulang ang kaniyang karanasan pagdating po sa healthcare at health insurance. Ano po ang inyo hong masasabi diyan?

SEC. ROQUE: Sa ngayon kasi ang pinakamalaking banta sa PhilHealth – korapsyon. Kaya nga po itinalaga ni Presidente ang isang tao na may kakayahang mag-imbestiga, at dahil dati namang director ng NBI si Atty. Gierran ay inaasahan ni Presidente, kaya niyang imbestigahan iyong mga nagkakasala diyan sa PhilHealth. Huwag po tayong mag-aalala dahil habang nakatutok tayo sa isyu ng korapsiyon, itong si Atty. Gierran, CPA-lawyer. At dahil po ang mga krimen na nangyayari diyan sa PhilHealth ay tinatawag nating white collar crime, mga ginagawa ng mga professional, mga Ehekutibo, kinakailangan nakakaintindi rin ng mga financial reports, mga financial statements, mga balance statement iyong maglilinis sa hanay ng PhilHealth.

Ngayon kinakailangan, linisin ang hanay, dahil kung hindi po si Presidente na ang nagsabi na baka maubos ang pondo ng PhilHealth dahil lamang sa korapsiyon.

SISON: Sir, iyong reaksiyon naman ninyo doon po sa rekomendasyon ng Senado na dapat nang kasuhan din si Health Secretary Francisco Duque, dating PhilHealth President Ricardo Morales at iba pang opisyal po ng ahensiya?

SEC. ROQUE: Well, ginagalang po talaga ng Palasyo iyong kapangyarihan ng Senado na gumawa ng imbestigasyon at ginagalang din natin ang kanilang mga rekomendasyon. Pero sa ngayon po, bumuo po ng task force ang ating Presidente at ang task force ay kabahagi diyan iyong mga opisina kagaya ng Ombudsman, ng Civil Service Commission at sila talaga iyong mayroong primary jurisdiction para mag-determine kung dapat kasuhan iyong mga public officials na mga nagkakasala. Inaantay lang po ni President ang rekomendasyon ng task force na iyan.

CLAVIO: Secretary, ihabol ko lang ito, iyong panawagan na payagan ng makaalis ng bansa iyong ating mga health workers na may kontrata as of August 31. Ito po ay napapag-aralan na po?

SEC. ROQUE: Ang pinapayagan pong lumabas ay iyong mayroon na pong mga kontrata, as of March 8. Kasi iyan po iyong petsa kung saan nag-isyu ng hold deployment ang POEA. So, lahat po ng mga as of March 8 pupuwede pong lumabas, pero iyong mga hindi pa po naayos ang papeles on or before March 8 ay sakop po ng ban, at ito naman po ay para po sa kabutihan din ng mga nurses natin, dahil tayo po ay number 22 sa dami ng COVID cases. Lahat po sila ay pupunta sa mga lugar na mas marami pang mga COVID cases, dahil alam naman natin na halos buong Europa at Amerika ay mas malala ang problema sa Pilipinas.

Pinangangalagaan po ng ating Presidente ang kalusugan at saka siyempre po, kung aalis naman po ang lahat ng mayroong experience, kasi Igan, hindi naman mga fresh graduates ang kinukuha sa abroad, ang kukunin nila iyong mga aktibo sa mga ospital, eh kung mauubos iyong mga aktibo sa ospital, sino naman po ang mag-aalaga doon sa pamilya nila at mga mahal sa buhay noong mga aalis na mga nurses? Sabi nga po ni Presidente, charity begins at home.

CLAVIO: Secretary maraming salamat sa oras.

SEC. ROQUE: Magandang umaga po, salamat din po.

##

 

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)