CLAVIO: Magandang umaga mga Igan, extended ang deadline ng pamamahagi ng first tranche ng SAP sa ilang lugar. At para ipaliwanag sa atin kung bakit may aberya sa pamimigay ng cash aids sa mga apektadong residente, eh makakausap po natin si Presidential at IATF Spokesperson Secretary Harry Roque. Secretary Roque, good morning, Igan at Connie.
SEC. ROQUE: Good morning Igan at Connie, at good morning buong Pilipinas.
CLAVIO: Opo. Totoo ho ba nasa mga mayor na iyong pera pero parang hindi yata naibuhos iyong first tranche? Sa pakikipag-usap ninyo sa kanila, ano hong lumitaw na problema, Secretary?
SEC. ROQUE: Well totoo po iyan ‘no, nasa kanila na iyong pera, 100% po noong first tranche. Pero ang problema po ng mga mayor ay, unang-una, mayroon nga po tayong mga rules ‘no, quarantine rules pagdating sa social distancing. So nahihirapan po talaga sila na ipamigay nang mabilisan dahil hindi gaya noong mga normal na panahon, ipatawag lang iyan sa isang auditorium at lahat iyan bibigyan na isa-isa ‘no, at ganiyan naman pinamimigay iyong 4Ps natin.
Pero ngayon nga po, eh napakahirap magpatawag ng maraming tao dahil siguradong magkakaroon po iyan ng pagsisiksikan ‘no, so isa po iyon sa dahilan.
Pangalawa po ay hindi naman namin talaga sinisisi altogether ang mga LGUs kasi sa parte rin ng nasyonal ‘no, may pabago-bagong guidelines din ano. In fact, dati kinakailangan matapos muna iyong verification, pero dahil tumatagal sa verification ay sinabi na nga ng Presidente, ibigay ninyo na iyan, mag-validate na kayo later ‘no.
Ito nga, ang sabi ni Presidente ay naiwasan sana ito kung mayroong national ID system. Ganoon pa man ay humihingi po kami ng pag-iintindi sa ating mga kababayan, itong ganitong kalaking pamimigay po kasi ng ayuda ay unprecedented at sanay lang tayo sa 4Ps.
At saka Igan lilinawin ko rin, kasi dati 18 million lang iyong dapat pagbibigyan. Pero ang naging desisyon ni Presidente, lahat po ng nangangailangan dapat bigyan, so nadagdagan pa po iyang 18 million na iyan na kung hindi ako nagkakamali ay something like 4 million pa ‘no, kasi iyon ang total figure talaga na nagugutom based on current data at hindi iyong 2015 data pa ‘no. So isa pang naging problema po iyan kasi kinailangan maghabol ng mga pangalan.
Pero inaasahan ho namin na dahil ito pong parating na buwan na ito ay pangalawang buwan na, na maiiwasan na po itong mga ganitong mga aberya. At inaasahan po namin na sa lalong mabilis na panahon ay maibigay na iyong kabuuan ng first tranche sa lahat ng dapat makatanggap nito.
CLAVIO: Opo. Sapat ho ba iyong panahon, kasi ‘di ba ho bago matanggap iyong second tranche ay dapat magkapakita sila ng mga dokumento o ma-remit kung saan napunta iyong first tranche? Tama, Secretary?
SEC. ROQUE: Well sana nga po eh sa susunod na mga araw at binigyan po sila ng palugit ng DILG, eh mabigay muna iyong first tranche. Iyon muna po ang iniisip namin, makarating sa taumbayan iyong first tranche dahil alam po namin napakahirap ng buhay lalong-lalo eh kahit napakasipag ng ating mga kababayan eh hindi sila po nakapagtrabaho dahil nga sa ECQ.
SISON: Okay. Sir, si Connie po ito ‘no. Iyong sinasabi natin, kasi ‘di ba extension ng deadline ng first wave nga po ano. Pero mayroon na ba tayong specific date kung kailan ho dapat mabigay lahat itong first wave at simulan naman iyong second tranche?
SEC. ROQUE: Seven days na palugit po ang binigay ‘no, so until 7 May ang palugit para sa first tranche. At isa-isa naman pong nagtatawagan na sa akin ang mga mayor ‘no; may isa kahapon na—ngayon na nagsabi na hanggang ngayon na lang naman ang kailangan niya para maipamigay iyong ayuda ‘no. So in fairness naman po, ang mga LGUs ginagawa ang lahat na pupuwedeng gawin para maipamigay na.
SISON: All right. Pero iyong second tranche, will it immediately start after po nitong 7 days?
SEC. ROQUE: Well ngayon po, mayroon pong pagpupulong ang IATF maski piyesta opisyal para nga po pag-usapan iyong second tranche.
SISON: I see, okay.
CLAVIO: Okay. Tanong ko lang doon sa GCQ, pakilinaw ninyo lang po Secretary at kahapon nabasa ko iyong medyo parang hindi mali—iyong sa simbahan, iyong mga gathering diyan. Kayo na ho mag-explain.
SEC. ROQUE: Well alam ninyo po, talagang ang original decision po ng IATF, palibhasa siguro lahat kami nagsisimba ‘no, eh payagan na at ang requirement po ay 2-meters distance. Eh hindi po ako nagloloko ‘no, pero matapos ko po basahin iyon, matapos na matapos ang press conference, pinutakte na po ako ng reklamo galing sa mga provincial governors, galing po sa mga mayor ‘no.
Si Governor Albano ‘no, kaibigan ko iyan sa Kongreso, naku nagsisigaw po at ang sinasabi na binale-wala namin ang halos isa’t-kalahating buwan ng ECQ dahil ‘pag iyan ay natupad na magkakaroon ng simba, eh talagang kakalat iyang sakit na iyan dahil imposible daw mapatupad ng lokal na pamahalaan ang 2-meter distancing sa loob ng simbahan dahil hindi naman sila pupuwedeng makapasok at mag-enforce ng 2-meter distance sa simbahan.
Mayroon din pong isang mayor sa Mindanao na Muslim, ang sabi niya panahon pa naman ng Ramadan, hindi po talaga pupuwede iyong social distancing kasi mayroon na silang kaugalian ‘no at napakahirap ngang i-enforce iyan dahil alangan namang pasukin ng mga pulis ang mga mosque natin ‘no.
Sa dahil nga po naputakte ako, at hindi lang pala ako ‘no pati si Executive Secretary Medialdea tumawag sa akin, ang sabi ano ba ito ‘no, hindi daw tumigil ang kaniyang telepono. So minabuti po namin na i-refer ang bagay na ito sa IATF muli dahil mayroon naman silang pagmi-meeting ngayon at sila po ang magdedesisyon.
Iyong isa pang probisyon na madaming nagreklamo, iyong work-related gatherings ‘no. Ang sabi nila eh anong diperensiya niyan sa kahit anong gathering kung papayagan mo lang iyong mga empleyadong mag-meeting at walang pamamaraan para ma-enforce ng mga enforcers natin, lokal na pamahalaan o kung sinuman na sa loob ng mga pabrika, eh iyong mga work meetings ay mag-o-observe ng social distancing.
CLAVIO: Opo. Secretary, nangalap kami ng ilang katanungan mula sa mga kapuso nating hindi pa nakakatanggap ng ayuda. Ang tanong ni Laloves FC: Senior daw ang kaniyang mga magulang, nilista daw sila ng DSWD pero noong bigayan na ng ayuda, biglang nawala raw sa listahan dahil may pensiyon ang kaniyang tatay. So kapag ho ba may pensiyon, hindi na kasali sa ayuda, Secretary?
SEC. ROQUE: Iyan po iyong guidelines ‘no, pero sa tingin ko po nakadepende kung magkano iyong pensiyon. Kasi mayroon naman pong nakakatanggap ng P1,000 hanggang P2,000 lamang at kung iyon lang po talaga ang kita sa buong pamilya, kasi ang bigayan naman po ay kada pamilya, eh pupuwede namang case-to-case basis na makatanggap sila. Pero ang general rule po, kapag mayroon nang tinatanggap na pensiyon ay hindi po qualified para makakuha ng ayuda.
SISON: All right. Tanong naman po mula kay Shirley Acuna: Ano raw ba talaga ang basehan po para mabigyan ng ayuda? Mayroon daw sa kanila na mag-asawang senior na nakatanggap ng ayuda pati na rin ang anak, eh hindi raw ba dapat isang pamilya, isa lamang din ang bigay na ayuda?
SEC. ROQUE: Oh well, kung dalawang magulang naman po iyon at isang anak, isang pamilya po iyan.
SISON: O, so lahat po talaga ‘no, hindi lang iyong magulang?
SEC. ROQUE: Opo, kada pamilya po ito.
CLAVIO: Opo. Ito naman galing kay Felomina Joson: Single parent daw siya pero hindi raw binigyan ng form dahil ang anak niya may trabaho na naging no-work, no-pay naman simula noong nag-quarantine. Puwede raw ba silang makapag-apply sa second batch ng ayuda, Secretary?
SEC. ROQUE: Well oho, makipag-ugnayan po sila kasi mayroon naman po tayong appeal procedure na dapat in-avail po niya ‘no. Pero dahil naantala nga iyong pamimigay, gamitin po niya iyong our appeals procedure, makipag-ugnayan po siya sa DSWD.
Saka uulitin ko ‘no, hindi lang iyong 18 million ang ninais nating bigyan ‘no, iyong 4 million mahigit kumulang pa na dapat talaga makatanggap ay isinama na natin.
CLAVIO: Tanong ni Gena Daclis: Halimbawang nakatira sa boundary ng dalawang lugar tulad nila na nasa pagitan ng Laguna at Cavite, saan sila mag-a-apply para sa SAP? Sinubukan kasi nilang magpunta ng Laguna bilang botante sila ng Laguna, hindi po sila binigyan dahil nakatayo sa Cavite ang kanilang bahay.
SEC. ROQUE: Well [laughs]… talagang dapat po ay kung saan sila nakatira, kasi maski boundary ka, eh hindi naman pupuwedeng nakatira ka sa pareho. Isa lang po, kung saan talaga kayo nakatira.
CLAVIO: Opo. Secretary, salamat po sa oras ulit at pagpapaliwanag. Secretary Harry Roque, ang ating Presidential Spokesperson.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po at hanggang sa Lunes po.
###
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)