CLAVIO: Secretary Roque, good morning, Igan, Connie at Susan.
SEC. ROQUE: Igan, Connie, at Susan, magandang umaga; at magandang umaga Pilipinas.
CLAVIO: Iyong patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa at karamihan nga niyan dito pa sa Metro Manila, sa kabila nito nasa GCQ pa rin and NCR. Ano po ang dahilan bakit tumataas po iyong bilang, although tumataas din iyong mga gumagaling ‘no, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, alam po ninyo sa lugar gaya ng Cebu, nakakabahala po talaga, dahil sila ngayon ang pinakaraming kaso sa buong Pilipinas… (garbled)
CLAVIO: Secretary…
SEC. ROQUE: …pagdating sa kapasidad at critical care kaya po naibalik po sila sa ECQ. Hello?
At dito naman po sa Metro Manila, well nakikita naman po ninyo ang datos, bagama’t 6.9 days na po ang doubling rate ng ating COVID-19, eh ito po ay mababa pa rin sa ideal na 7 days sana. Pero sa buong Pilipinas naman umaabot ng 10 days ang doubling rate, kaya naman po marami ng lugar sa atin na nasa MGCQ.
CLAVIO: Opo. Pero sabi ni Secretary Año, mas magiging agresibo daw ang LGU ngayon sa pagpapatupad ng GCQ at may barangay lockdown pa. Anu-anong mga polisiya po ito na maramdaman iyong paghihigpit na iyan, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, iyan naman po ay nakasaad na sa resolution ng IATF na kapag talagang ang datos ay lumalaki ang numero ng COVID sa iba’t ibang mga zona o mga barangay o kaya mga building, eh may kapangyarihan na po ang mga Mayor para magkaroon ng localized lockdown. Alam po ninyo ito na ang alternatibo, kasi kapag hindi natin ginawa ito baka bumalik sa ECQ ang Metro Manila gaya ng nangyari sa Cebu City. Marami po siguro ang nag-iisip na kapag ikaw ay nakaalis na sa ECQ wala ng balikan, ito po ang pruweba na pupuwede tayong bumalik sa ECQ dahil ang pinagbabasehan naman po talaga para sa klasipikasyon ay datos at siyensiya.
ENRIQUEZ: Secretary Roque, sa pag-aaral po ng ilang eksperto sa UP pinangangambahang aakyat sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng Hunyo. So Secretary, sakaling umabot nga sa ganyang sitwasyon, hindi ba mas maghihigpit sa pagpapairal ng quarantine?
SEC. ROQUE: Well, unang-una po, bahagya naman pong nasunod ang rekomendasyon ng UP dahil hindi nga po tayo nag-MGCQ. Sila po iyong nagbigay din ng warning na kapag tayo ay patuloy pang nagluwag, eh baka nga umabot sa 40,000. Inaasahan po natin ngayon na dahil nasa GCQ pa rin tayo at magkakaroon ng localized lockdown na hindi naman po aabot sa 40,000. Ang tinitingnan po kasi iyong doubling rate, kapag ang doubling rate ay 7, ibig sabihin, in one week time doble na iyong may COVID sa lugar ninyo.
So, ang inaasahan po natin, dahil magiging mas agresibo na tayong mag-lockdown ng mga barangay, zona, building, subdivision na mayroong tumataas na COVID cases, eh maiiwasan po natin iyong pagsipa ng pagkalat ng sakit at inaasahan po natin na hindi tayo aabot sa 40,000. Bagama’t iyong modeling po ng UP more or less eh nangyayari nga kung ano iyong mga sinasabi nila sang-ayon sa kanilang models.
SISON: Sir, update lang po tayo dahil naibalik nga po ang Cebu sa ECQ di ba, samantalang diyan po sa Talisay, MECQ naman. Ang ibig sabihin po ba nito, tigil operasyon muli iyong ilang mga industries doon; at saka ang tanong din siyempre nila ay kung makakatanggap ba uli ng ayuda iyong Cebu City lalo na at bumalik nga ito sa ECQ, sir?
SEC. ROQUE: Well, ang tanging industriya lang po na papayagan ay iyong mga essential – pagkain, tubig, kuryente. Balik po sa lockdown na na-experience ng buong bansa noong nagsimula po itong ating pag-i-impose sa community quarantine. Wala na namang public transportation at bawal po talagang lumabas except para bumili lang ng mga essentials ‘no.
Iyong pagdating po sa ayuda, lilinawin ko po, pero inaasahan po natin na kahit papano mabibigyan po ng ayuda ang mga taga-Cebu dahil hindi nga po sila puwedeng maghanapbuhay muli.
At pagdating naman po sa Talisay, well ganyan din po ang magiging sitwasyon nila. Kaunti lang po ang deperensiya ng MECQ sa ECQ, wala pa ring trabaho, wala pa ring transportation, wala pa ring labasan, mas marami lang pong industriya na bubuksan.
CLAVIO: Ayon po sa IATF, Secretary, tumaas ang kaso ng COVID-19 partikular sa Region VIII dahil sa pagdating ng mga na-stranded sa Metro Manila na umuwi sa probinsya. Baka po magbago na naman ang pananaw dito ng mga LGUs natin?
SEC. ROQUE: Well, iyong mga Locally Stranded Individuals po kasi ‘no, ito po ay something na talagang bigla na lang nangyari, hindi gaya ng OFWs na napaghandaan natin; at siyempre iyong Balik Probinsya iba pa iyon ‘no.
So sinisikap po natin na lahat ng Locally Stranded Individuals ay mabigyan din ng either PCR or rapid test bago sila pauwiin, dahil alam naman natin dahil ang Metro Manila ang pinakamataas na kaso, well dati po (garbled) ngayon Cebu na. Kinakailangan mag-ingat iyong mga tao na nanggagaling sa Metro Manila dahil baka sila po ay potential na magkalat ng sakit.
CLAVIO: Secretary, samantalahin na po namin, ibang isyu naman. Reaksyon ng Pangulo tungkol sa pagdikit sa kanyang pangalan ng ilan tungkol sa mga kasong isinampa laban dito kay Maria Ressa?
SEC. ROQUE: Well, wala pong basehan iyan. Ang Presidente po sa halos kuwarenta anyos (40) niyang karera sa pulitika, ni minsan hindi po iyan naghain ng kahit anong libel case, kahit kaninung peryodista. Naniniwala po siya sa karapatang malayang pamamahayag. Sa katunayan po noong 2001 siya po ang nagbigay ng tulong noong dinala po namin ang kaso noong brodkaster na si Alexander Adonis na pinakulong ni dating Speaker Nograles dahil doon sa Burlesk King incident at dinala po namin sa UN Committee on Human Rights kung saan nakakuha kami deklarasyon na iyong criminal libel sa Pilipinas ay in breach of the freedom of expression na nakasaad po sa International Covenant on Civil and Political Rights [ICCPR]. At sinubukan din naming ipatupad itong ruling ng UN Committee on Human Rights dito sa kaso laban sa cyber libel, na hindi naman kami tinulungan ng Rappler noong mga panahon na iyon.
At hindi lang kami nagwagi, dahil ang sabi ng Supreme Court natin, itong rekomendasyon ng UN Committee on Human Rights ay non binding at kinakailangang Kongreso ang gumalaw dito para i-decriminalize ang libel; pero doon sa kasong iyon, inulit ng Korte Suprema na ang liber, cyberlibel ay hindi protected speech ‘no.
So malinaw po na ang dahilan dahil mayroon na-convict para sa cyber libel ay dahil ang Supreme Court ay nagsabi na sang-ayon ito sa ating Saligang Batas na ang nag-attempt pa na ipawalang-bisa ay isang peryodista na tinulungan din ng ating Presidente. Iyon po ang track record ng ating Presidente at saka tingnan naman po ninyo iyong kaso, hindi ko alam kong nabasa na ninyo ang desisyon.
Lahat naman po ng peryodista alam ang basics of libel 101: Kapag ikaw ay pribadong complainant, mayroon tayong malice in law na presumed iyong malice. Eh ang nangyari dito isang pribadong indibidwal tinawag nila na kriminal, wala naman palang basehan. Kahit saan naman tayo makakapunta ay talagang kinakailangan i-overcome nila iyong presumption na may malice iyong pagsusulat na iyon at tinitingnan ko iyong desisyon wala naman silang kahit noong ebidensiya na ipinakita kung ano iyong basehan nila para tawaging kriminal ang isang pribadong indibidwal.
Hinding-hindi mangyayari kay Igan iyon, hindi mangyayari kay Susan, hindi mangyayari kay Connie, hindi mangyayari sa GMA-7 iyon.
CLAVIO: Salamat po. Ingat po kayo, Secretary.
SEC. ROQUE: Thank you po. Magandang umaga po.
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)