Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Deo Macalma, Karen Ow Yong & Henry Uri (DZRH – Breaktime)


URI:   Deo, Karen, kasama ko si Palace Spokesperson Attorney Harry Roque. Secretary, magandang hapon po! Live tayo with Deo Macalma and Karen Ow Yong.

SEC. ROQUE:   Yes. Magandang hapon, Henry, Deo, and Karen!

MACALMA:   Magandang hapon.

OW YONG:   Secretary, good afternoon!

URI:   Kumusta na po kayo at ang inyong driver/bodyguard po ba ito, at tinamaan daw ng COVID? Kumusta kayo ngayon, anong nararandaman ninyo, Secretary Harry?

SEC. ROQUE:   Okay naman po. Actually, noong kaninang nagpa-test kami ay para sa pagpupulong kay Presidente ngayong gabi iyon. So, kapag ako nagpapa-test isinasama ko na rin iyong dalawa kong kasamang security ‘no. So, itong pagkakataon na ito isa sa kanila nag-test positive. Pero maraming tumatawag sa akin ngayon kasi nagpunta nga kami sa Pasay nang Sabado para sa doon sa CODE event sa Pasay, huwag kayong mag-alala kasi iyong nag-test po ng positive hindi po pumasok ng city hall, doon lang po siya sa kotse.

So, okay naman po siya at okay naman po tayo. Negative po tayo noong nag-test noong araw na iyon pero ganoon pa man, sumusunod tayo sa protocol na isolation at mamaya po hindi ako personal na mag-a-attend ng meeting kay Presidente for the first time, sasama po ako online. Ito naman po ay pag-iingat din. At on the fifth day of contact po which is on Thursday, magpapa-PCR po tayo bagamat bukas mag-a-antigen din… antigen test din po tayo.

URI:   All right. Deo, Karen?

MACALMA:   Secretary, sir, ang Pangulong Duterte ba nandito sa Malacañang o nasa Davao po siya?

SEC. ROQUE:   Nandito po siya sa Malacañang, dito po siya magbibigay ng kaniyang mensahe sa taumbayan mamayang gabi.

MACALMA:   Wow… Anong asahan natin? Ano bang ini-expect nating announcement? Magbabago na ba ng quarantine status, Secretary, o wala pang mungkahing ganoon?

SEC. ROQUE:   Wala po kasi isang buwan na ngayon ang ating quarantine classification. Ang inaasahan natin, may darating na punto na mag-a-announce tayo kung ano iyong mga lugar na pupuwedeng mag-new normal at ano iyong mga guidelines sa tinatawag na new normal. Pero siguro po iyan ay sa mga makalawang linggo pa ng Setyembre.

MACALMA:   Kasi, Secretary, medyo nagfa-flatten na raw po ang curve sa COVID-19 kaya baka biglang luwagan ng Pangulo ang restrictions sa Metro Manila, Secretary, sir?

SEC. ROQUE:   Hindi po, isang buwan po talaga iyang classification para sa Metro Manila—

MACALMA:   Okay…

OW YONG:   Hanggang katapusan.

SEC. ROQUE:   —at ibang mga lugar. Ang magbabago lang diyan, iyong mga areas na baka madeklara po na new normal na.

OW YONG:   Secretary Harry Roque, ano naman po ang reaksiyon ng Malacañang doon sa mga sektor o grupo po na nagsasabi na huwag daw muna pong buksan ang ilang mga business establishments, siguro iyong mga essentials lang po muna, para ma-maintain po natin iyong tuloy-tuloy po at maganda pong projection na pababa na po o nagpa-flatten na nga po iyong curve sa COVId-19?

SEC. ROQUE:   Well, wala naman po, walang ganiyang desisyon na lahat bubuksan na ‘no. In fact, sa Metro Manila, GCQ para rin tayo nang mga darating pang tatlong linggo. So, ibig sabihin wala pa rin tayong mga sinehan, wala pa rin tayong iyong mga matataong mga negosyo ‘no.

OW YONG:   Opo.

SEC. ROQUE:   So, sarado pa rin po iyan. Pero ang importanteng mensaheng ipinararating na natin ngayon, matatagalan po talaga itong COVID-19 at kinakailangan matuto tayong mabuhay habang nandiyan ang COVID-19. Ang mensahe po natin, pupuwede naman po, pag-ingatan lang po natin ang ating buhay para tayo po ay makapaghanapbuhay.

MACALMA:   Secretary, anong sabi ng Pangulo doon sa paglalagay po ng puting buhangin sa Manila Bay? Sang-ayon ba ang Pangulo rito, Secretary Harry Roque, sir?

SEC. ROQUE:   Hindi ko pa siya nakakausap diyan pero iyan naman po ay proyekto ng DENR, 2019 pa po iyan ipinasok sa budget. So, hindi po iyan pinlano ngayong mga panahon na may COVID. Pinlano na po iyan wala pa tayong kahit anong idea na mayroong such a thing as COVID ‘no.

At iyan naman po ay hindi lang para mapaganda pa lalo ang Manila Bay at ako po ay taal na taga-Maynila, gusto ko pong lalong gumanda ang aking siyudad. Alam ko po iyong mga nagrereklamong iba ay siguro wala silang attachment sa Metro Manila. Pero ako taga-Maynila, nais ko pong makita talagang lalong gumanda iyan. Nagagalak po ako magkakaroon ng beach diyan sa Manila Bay, iyan po ay pangarap ko noong bata pa ako na naglalaro diyan sa tabi ng Manila Bay.

At hindi lang naman po iyan ang dahilan, kasi iyong ginawa po ng DENR para din po iyan maiwasan ang soil erosion at para rin po makatulong na doon sa problema ng flooding. So, mayroon pong functional purpose iyang ginawa ng DENR, hindi lang po iyan para pampaganda.

MACALMA:   Kapag naayos na ang Manila Bay, Secretary Harry Roque, maliligo ba kayo diyan?

SEC. ROQUE:   Ay, talaga nga po! Ang tanong ko nga po kanina, kausap ko si Usec. Cuna, kailan ba puwedeng maligo diyan at ako ay maligo na diyan?

OW YONG:   Excited na kayo huh, Sec.?

SEC. ROQUE:   Ako unang-unang maliligo diyan kung puwede na. Oo…kung mayroon nga lang akong katawan na maganda, ako ay magpapakita ng katawan diyan sa beach na iyan. Kaya lang kapag ako nagpakita ng katawan diyan baka magtakbuhan iyong mga tao diyan.

OW YONG:   Hindi naman siguro, Sec…

MACALMA:   Maganda naman katawan ninyo, Secretary huh…

OW YONG:   Hindi naman…

MACALMA:   Hayaan ninyo, ang Pangulo, ayan maligo kayong dalawa, maligo tayong lahat diyan! Sino ba ang ayaw maligo sa Manila Bay kapag malinis, ano po? Kami nga eh—

SEC. ROQUE:   Iyan ay mag-eengganyo sa lahat na pangalagaan ang Manila Bay dahil kung gusto mo talagang lumangoy diyan at talagang mag-sunbathing diyan, gagawa ka ng mga hakbang para maprotektahan iyong water quality ng Manila Bay.

MACALMA:   Correct.

OW YONG:   Dapat lang ano. At sana maging libre daw ito sa lahat hindi lang sa mga taga-Lungsod ng Maynila, maging free admission naman daw din sana para lahat ma-enjoy – kung wala na pong pandemic.

SEC. ROQUE:   Mahihirapan siguro mag-charge po diyan dahil alam ninyo naman iyan, talagang part ng bay iyan, so paano sila mag-i-impose ng entrance fee diyan. At saka ang alam ko kaya nga ginastos ang kaban ng taumbayan ay para lahat po makinabang diyan sa ginagawang proyektong iyan.

MACALMA:   Doon ba sa Waikiki beach sa Hawaii, Secretary, may entrance ba ang paliligo sa beach o wala?

OW YONG:   Public beach ba iyon?

SEC. ROQUE:   Wala! Wala, walang bayad ang papunta sa Waikiki Beach, ang alam ko.

OW YONG:   Pero kailangan ma-maintain natin iyong kalinisan. So, ano po ba ang gagawin natin para naman iyong mindset ng mga tao na pupunta diyan ay pangangalagaan iyong beach natin at iyong tubig na rin diyan sa Manila Bay, Secretary Harry Roque?

SEC. ROQUE:   Ang pagkakaintindi ko naman kay Usec. Cuna kanina, hindi naman nila itutuloy itong next phase na ito kung hindi nila natapos iyong first phase na talagang paglilinis. Bagamat hindi pa ito iyong sumatotal na gagawin nila kasi mayroon pa silang mga hakbang na gagawin, bago i-allow talaga ang tao na mag-sunbathing at saka mag-swimming diyan.

Pero napakabuting, napakagandang panimula po ito dahil ngayong alam nating magkaka-beach diyan, lahat ng tao ngayon talagang mayroong awareness, kumbaga magkakaroon ng mindset na dapat pangalagaan. Huwag ng magtapon ng basura sa mga estero na alam nating papunta sa Manila Bay para iyong mga anak natin pupuwede namang mag-swimming diyan sa Manila Bay.

MACALMA:   Secretary Roque, sir, maraming salamat po! Sana nga ay maging matagumpay iyan, iyong rehabilitation ng Manila Bay. Thank you very much, sir.

OW YONG:   Thank you, sir!

SEC. ROQUE:   Maraming salamat po at magandang hapon.

###

News and Information Bureau-Data Processing Center