URI: Secretary, good morning.
SEC. ROQUE: Magandang umaga sa inyong dalawa, Henry. At magandang umaga, Pilipinas.
URI: Yes, sir. Salamat sa inyo pong panahon. Unang aming nais pong alamin muna, I know it’s never too late to clarify things ano ho, sapagka’t mas mabuti na ang buong listeners ng DZRH nationwide, lalo na iyong mga kababayan din nating OFW worldwide ay mapakinggan ang inyong eksaktong tinig dito.
My first question: Ano ba talaga ang sinabi ninyo doon sa lumabas na kayo ay naikawing doon sa salitang “choosy”, na sabi daw ninyo huwag maging choosy sa bakuna? Please say your piece, Secretary.
SEC. ROQUE: Hindi po talaga tayo makakapili ng bakuna dahil alam ninyo po, iyong criteria natin para sa bakunang ibibigay natin sa ating mga kababayan: Unang-una, dapat ligtas; dapat po epektibo. At kapag na-approve po talaga ng FDA iyan eh ibig sabihin, kahit saan pa siya galing eh iyan po ay napatunayan nang ligtas at epektibo.
At, Henry, hindi lang naman sa Pilipinas iyan napapatunayang ligtas at epektibo; iba’t ibang FDA sa daigdig ay nagbibigay din ng EUA. So mas mapapabilis ang approval dito sa Pilipinas kung mayroon kung mayroon na nga pong approval sa ibang FDA.
Pangalawa, sa pagbibigay po natin, pagtuturok natin, talagang hindi po mabibigyan ng choice ang mga mamamayan natin dahil ang bibilhin po natin ay kung ano ang available. Law of supply and demand po iyan. Now, sa lahat ng epektibo at sa lahat na ligtas na bakuna ay hindi naman po makakarating sa atin ang lahat ng gusto natin. Sa katunayan, ang pinag-aagawan na lang po ay iyong 20 porsiyento na natitira dahil ang mga mayayamang bansa ay binili na iyong 80 porsiyento ng bakuna.
So ang pagbibigay po natin ng bakuna – kung ano iyong available, kung ano iyong naangkat natin. At kung papipiliin po natin ang ating mga kababayan, ibig sabihin po niyan eh hindi natin mababakunahan ang lahat ‘no sa lalong mabilis na panahon. At importante po, mabakunahan ang at least 70% para magkaroon po ng herd immunity.
Uulitin ko ang sabi ni Presidente, kapag na-approve po ang bakuna ng FDA, tabla-tabla po iyan. Hindi ibig sabihin ang isa ay mas epektibo, ang isa ay mas mabuti kaysa doon sa isa.
URI: Opo. The operative word is “available”. As of now, ano iyong mga available pa ho ba na bakuna sa lahat ng mga nagbibenta nito na mayroon tayong malaking pag-asa na tayo ay makabili o makaangkat based on the law of supply and demand na marami talaga, nagkakaubusan kumbaga?
SEC. ROQUEL Ang sigurado po sa atin ngayon ay magsisimula na ng delivery ang Sinovac sa Pebrero, pero 50,000 lang po. Sa susunod na buwan, magiging 950 at sa susunod na dalawang buwan ay one million each, at sa susunod na dalawang buwan ay tig-tu-two million na hanggang 25 million. Tinitingnan po natin kung makakaangkat tayo galing doon sa COVAX facility.
Pero ang COVAX facility po, iyan po ay apat na bakuna ’no – Pfizer, Moderna, AstraZeneca at saka Novovax – at hindi po iyan darating na isang bulto. Ang inaasahan po natin diyan na total ay 22 million ‘no, kasi .22% of the population ang bibigyan ng COVAX na isang paraan para lahat ng bansa, mayaman o mahirap, makakuha ng bakuna. Pero ang delivery po diyan, siguro mga 100,000. Sabihin na lang natin na may posibilidad na sa Pebrero ay hindi lang 50,000 ‘no, baka umabot tayo ng 100 or 150,000. Pero ang malawakang pagdating po talaga ay sa Marso.Now, iyong mga western brands po kasi, talagang ang dating niyan ay Hulyo pa. At noong ina-announce iyan o sinabihan si Presidente noong buwan ng Nobyembre na Hulyo pa darating talaga iyong mga bakuna, ang sabi niya, hindi katanggap-tanggap sa akin iyan dahil from February to July ay napakadaming magkakasakit ‘no kung hindi tayo magsisimula ng bakuna. Sa katunayan, ngayong mayroon na tayong bagong variant, aba ay 56% more infectious daw iyan sabi ni Dr. Wong, can you imagine mga apat na libo kada araw ang magkakasakit, sa isang buwan ay hindi bababa iyan ng—ano ba ho iyon, 4,000 x 30 is 120,ooo x 5, napakalaki po niyan, 600,00. Samantalang kung ngayong nakakuha na nga tayo ng at least five million na Sinovac hanggang June, mayroon ng five million na mga Pilipinong masasalba.
Alam ninyo po, asahan natin na dahil negosyo pa rin ito, eh sila-silang mga manufacturers ng bakuna ay magbebenggahan ‘no. Ang katotohanan lamang po niyan ay bukod sa lahat ay epektibo, lahat ay safe, eh lahat din po ng ating mga kapuwa Asyano at mga karatig-bansa ay kinukuha iyong kinukuha rin natin. Napanood po natin si President Widodo nagpaturok na ng Sinovac; iyong Presidente po ng Turkey nagpaturok na rin ng Sinovac, at sinisimulan na nga po iyong roll-out ng mga bakuna lalung-lalo na iyong mga Sinovac na bakuna.
URI: Okay. Ito ang lumalabas sa komento lalo na sa mga netizens natin: Bakit tayo ay nagpupumilit sa Sinovac? Dahil ba ito sa sinabi mo, Secretary, na iyong western medicine, unang-una, mga hanggang July pa ang kuwan at nagkakaubusan na. Pero bakit nakabili ang Singapore, ang China ay nakabili pa ng Pfizer? Why is it, please explain?
SEC. ROQUE: Well, kasi nga po iyong mga bansang nakabili, sila po iyong nagbayad bago pa man na-develop ang vaccine. In other words, they invested in the development of the vaccine itself.
Ngayon, eh gustuhin man natin, tingnan ninyo po iyong government procurement act natin ‘no, imposible pong nagawa natin talaga iyan eh dahil kapag ikaw ay bumili ng wala, ay naku, kulong ang aabutin mo. Siguro dapat amyendahan na ang ating government procurement act; pero iyan po ang katotohanan.
At pangalawa, grabe talaga iyong mga pondong ginastos, lalung-lalo na iyong mga bansang Amerika at UK, nasa billions and billions of dollars po iyan ‘no. Tayo po, ngayon ang ating budget ay 82 billion pesos. Pero sila, billions and billions na dollars ang ginamit nila para ma-develop lang iyong bakunang iyan. So hindi po siya dahil favorite natin ang China kung hindi eh hindi naman tayo makakuha ng madaming mga volumes galing po doon sa mga western companies na iyan, ‘no?
Pero uulitin ko po ‘no, sa Turkey at sa Indonesia na ginagamit na ngayon ang Sinovac, ang kaniyang efficacy rate ay 91.25. Nagkakaiba po ang resulta sa Brazil. Pero even sa Brazil, dahil siguro mga puti iyon ‘no so iba iyong kanilang genetic make-up, eh ang finding doon ay 50% efficacy. Ano po ang ibig sabihin niyan? Ang ibig sabihin lang niyan, iyong naturukan na mayroong 50% efficacy, 50% chance na hindi siya magkaka-COVID. At kung siya ay magkaka-COVID, 78% nung tinurukan ng Sinovac sa Brazil ay mild lang or asymptomatic na hindi kinakailangang pumunta sa doktor para magkonsulta; 100% nang tinurukan, hindi naospital. Kaya nga po sa bansang Tsina, binigyan po ng limited use ang Sinovac para sa senior citizens dahil napatunayan po talaga nila sa Tsina na ligtas ito para sa mga matatanda.
URI: Okay. Before I give it to Missy. Ang binabanggit ninyo, one problem is the procurement act and then another problem is the availability of our funds. Does it mean na tayo ba ay kinailangan pang mangutang? Wala tayong ready fund talaga? Wala tayong nakahandang perang pambili ng bakuna hindi kagaya ng mga mayayamang bansa, is that what you’re saying?
SEC. ROQUE: Well, mayroon po tayong pondo, pinaghandaan natin, ang bulto niyan ay uutangin. Pero mayroon naman tayong nasa appropriation na siguradong 2.5 pero para po iyan sa peripheral, iyong mga injections [syringe] at saka kung anu-ano pa ‘no.
Pero wala pong problema iyong pangungutang kasi nga po iyan ang dahilan kung bakit sinisiguro ni Secretary Dominguez na napakaganda ng ating credit rating kasi ibig sabihin, madali tayong pauutangin at mababa ang interes. Pero bagama’t iyan po ay uutangin, nakapaloob pa rin po iyan sa budget, kasi wala naman pong pondo na pupuwedeng gastusin na hindi covered ng appropriations law. Pati po iyong mga uutangin, dapat nasa budget; at nasa budget po iyan 82 billion na iyan.
URI: Pero hindi, kumbaga, sa pangkaraniwang kalakaran, halimbawa may bibilhin kang produkto, mas bentahe pa rin at madali makakabili iyong may hawak ng pondo kaysa doon sa isang bibili na mangungutang pa?
SEC. ROQUE: Well, totoo rin po iyon ‘no. Pero ang nangyari nga po dito sa COVID, hindi lang po ganoon. Hindi pa na-develop ang produkto, hindi pa nila alam kung gagana, nagbayad na sila.
URI: At hindi natin nagawa iyon dahil wala tayong pera?
SEC. ROQUE: Well, hindi lang po sa walang pera, may legal restrictions po tayo na RA 9184.
URI: Iyon, all right. Missy?
HISTA: I just have one question kay Secretary kasi may mga nagkukomento po. Alam naman ninyo naman ang mga netizens natin, bising-busy sa kanilang mga keyboard. Ngayon ang tanong po, bakit daw po you keep on saying na libre ibibigay iyong mga bakuna, samantalang kinukuha naman daw po ito sa tax ng taumbayan?
SEC. ROQUE: Bakit, ano po, bakit?
HISTA: Lagi daw pong kinokonek na libreng makukuha eh, as a matter of fact eh kinuha naman daw po ito sa tax ng taumbayan?
SEC. ROQUE: Oo, sang-ayon po iyan sa batas na isinulong natin ang Universal Health Care ‘no na iyong mga diagnostic at saka iyong mga preventive ay sagot po ng gobyerno. So, natural po, may panggagalingan ng pondo, gobyerno, pero ang sinasabi po natin, para magpaturok ka, hindi ka na maglalabas ng pera mo sa sarili mong bulsa. Binayaran na po natin iyan sa ating mga buwis. So, in that sense, wala pong babayaran ang mga taumbayan, kasi ngayon kung bibili ka ng gamot, hindi naman lahat libre eh. Sa aking Universal Health Care mayroon lang ilang gamot na malilibre at para pa sa ilang mga priority sectors, kagaya ng senior citizens. Iyong kanilang mga maintenance, ilan sa mga maintenance medicines nalilibre na, gobyerno na ang nagbabayad.
So, sa totoo lang po, tama po kayo walang libre sa daigdig. Pero ang nagbabayad gobyerno, kaya po libre dahil hindi manggagaling sa bulsa ng ating taumbayan, bukod pa doon sa mga buwis na binayad nila.
URI: Secretary, ang mga local government ay sumailalim na sa tripartite agreement sa pagbili ng bakuna sa AstraZeneca. Does it mean na mas mauna pa rin iyong Sinovac kaysa sa AstraZenca?
SEC. ROQUE: Opo, naku po talaga po, suwerte na tayo kung makakuha tayo ng kaunting supply ng AstraZeneca sa July, pero karamihan po ng deliver ng AstraZeneca ay 2022 pa. Kung kayo naman po ay malusog at handang mag-hintay, pupuwede po iyon. Pero ang pagbababala po natin, eh isipin po ninyo ay mayroong new variant na mas nakakahawa. Bagama’t ito nga po daw ay hindi mas seryoso kaysa sa ordinaryong variant, hindi po natin masasabi. Kaya kung ako kayo, walang palitan ay magpabakuna na ano, dahil mas mabuti na iyong may proteksiyon kaysa doon sa wala.
URI: Iyong booster medicine ay mga by July pa, pero itong Sinovac by February or March?
SEC. ROQUE: Opo. February po sigurado na.
URI: Mayroon ba tayo, considering the fact na tayo naman ay kaibigang bansa ng China, mayroon bang kumbaga special discount na lang na makukuha tayo diyan sa Sinovac na iyan?
SEC. ROQUE: Isa pa po iyan ano, iyong mga kritiko ng gobyerno talaga, tira ng tira wala namang mga alam. Hindi po, in fact, sa anim o pito na bibilhin natin, nasa gitna po ang presyo ng Sinovac, hindi po siya ang pinakamahal, mayroon pang dalawang brand na mas mahal kaysa po sa Sinovac. Iyan po ang presyong nakuha natin sa PRC, kasi alam ninyo mga komunista, wala naman silang market price eh. Puwede silang mag-decide kung ikaw ay kaibigan na ibaba ang presyo at iyan po ang ginawa nila. I-explain ko lang po kung bakit po mahal ang Sinovac, kasi ito po ay inactivated virus. Ibig sabihin totoong virus siya na kumbaga, pinatay o pinahina. So bago pa magawa iyan, dapat iku-culture mo muna iyong virus, so matagal iyong proseso, natural iyong proseso, dahil itong inactivated, sabi nga po ni Dr. Lulu Bravo, safe dahil ito ay ginagamit na natin bilang isang teknolohiya for the past 260 years.
Kaya po kung titingnan ninyo sa volume-wise din, hindi rin tayo masyadong makakuha ng maraming Sinovac kasi limited din po iyan, dahil kinu-culture, matagal iyong proseso. Kaya nga po believe it or not ‘no, mabuti na lang at maganda ang ating pagkakaibigan sa Tsina dahil iyong nakuha nating volume na 25 million mahirap pong makuha iyan dahil nga matagal iyong proseso kapag natural na ginagawa ang isang bakuna.
URI: Okay, so at least ngayon malinaw na kaya mauna ito sapagka’t iyong western medicine supply, western vaccine ay walang available, July pa magiging available kahit nakakontrata na iyong mga LGUs?
SEC. ROQUE: Opo. In fact, karamihan nang delivery sa mga LGUS, 2022 pa po iyon.
URI: Now, hindi ko na po papalampasin ito, sapagka’t kadi-debate din tungkol dito sa inyong Universal Health Care na ito. Ang pangamba kasi, although nasabi naman na sa atin ng PhilHealth noon na doon sa sinasabing P15 billion na nawawala, P13 billion na iyong nababawi. Pero paano ba? Maliwanag ba Secretary na ang vaccine ay magiging libre din sa taumbayan, dahil nakapaloob ito doon sa Universal Health Care Law benefits?
SEC. ROQUE: Well, sa ngayon po hindi na natin kukunin sa PhilHealth iyan, dahil national government na nga po ang magbabayad, kasi extra-ordinary expense naman po ito dahil pandemic. Pero normally, iyan pong mga preventive na mga bakuna para sa mga bata, sa measles, mga ganiyan ay pupuwede po na PhilHealth ang magbayad. Pero sa ngayon po naiintindihan natin, nakita naman ninyo 82 billion baka hindi pa nga sapat iyan, eh siyempre kung manggagaling lang po iyan sa PhilHealth, eh hindi pa sapat ang pondo ng PhilHealth. Pero ganoon pa man, Universal Health Care pa rin ang nangyayari, kasi dahil nga, hindi sapat ang premiums, sino ang magbayad, gobyerno. Iyon po ang pagkakaiba ng Universal Health Care sa medical insurance program, dahil ang medical insurance iyong benepisyo galing lang sa premium na ibayad ng mga gobyerno.
URI: Pero sa ngayon, ano iyong mga pinakikinabangan ng taumbayan na under the UHC? Universal Health Care Law na inyong inakda.
SEC. ROQUE: Diagnostics po, iyong mga PCR, lahat po ng mga populasyon na sinasabi nating libre na, lalo na iyong mga frontliners, hindi lang iyong medical frontliners, iyong ating mga manggagawa sa turismo, sa manufacturing, lahat po iyan ang magbayad PhilHealth. Kaya nga po kapag ang PRC naniningil, ang sinisingil nila ay PhilHealth, covered na iyan sang-ayon sa ating batas. Simula pa lang po kasi ng pag-i-implement ng PhilHealth, bigla nga pong nabigla eh dahil nga po dito sa pandemyang ito pero ang aming plano over five years po talaga iyan dapat na parami ng parami iyong mga benepisyo na binibigay ng PhilHealth. Pero sa ngayon nga po, nabigla natin, nabuhos natin, dahil dito sa pandemya.
URI: Iyon ba ang ibig sabihin talaga, halimbawa maski ba taga-saang sulok ka ng Pilipinas, na liblib na lugar ka naospital, hindi ka naman pumirma at hindi ka naman talaga miyembro ng PhilHealth, wala kang anak na nagtatrabaho, kapag naospital ka sa ospital na may PhilHealth, sagot ka ng PhilHealth is that under the law?
SEC. ROQUE: Lahat po ano, dahil lahat ng Pilipino po ginawa na nating miyembro ng PhilHealth, kung hindi po sila nagbabayad ng PhilHealth premiums, gobyerno ang magbabayad ng premiums, iyan ang pamamaraan to ensure universal membership po dito sa PhilHealth. So kahit saan po kayo at nagpunta kayo ng ospital at mayroong benepisyo ang PhilHealth dapat mapunta sa inyo ang mga benepisyong iyan whether or not nagbayad kayo ng premium.
URI: Iyon ang legasiya naman siguro ninyo.
SEC. ROQUE: Opo, totoo po iyan, kaya nga po sinasabi ko palagi, huwag naman sanang mangyari, kapag ako tinawag na ng Panginoon at tinanong ni San Pedro, at sasabihin nagawa mo ba ang misyon mo sa daigdig, ang sasabihin ko opo, naipasa po natin ang Universal Health Care sa Pilipinas.
URI: Huwag ka munang pupunta kay San Pedro. Stay healthy. Ano ka ba!
SEC. ROQUE: We have to stay healthy para makinabang sa proseso ng Universal Health Care.
URI: Pero teka muna iyong mga tao kasi ngayon, Secretary, kuwidaw na kuwidaw pa rin para bang, well, the survey says, ang mga tao ay hindi pa rin ganoon kakumbinsidong magpaturok lalo na nga iyong sinasabing made in China. I don’t know kung bakit, siyempre kapag sinabing made in China, para bagang mga tao eh, hindi pa natuturukan eh, allergic na. Can you please, ano ang gusto ninyong maiparating sa mga kababayan diyan?
SEC. ROQUE: Well, mga kaibigan, huwag po kayong mag-aalala kasi kung titingnan ninyo araw-araw ang buhay ninyo, halos lahat ng ginagamit natin made in China. Iyan na po ang riyalidad. Pati po ngayon, bagama’t na mayroong pulitika, ang EU po ngayon nagkaroon na sila ng free trade agreement with China at number one exporter ang [garbled] ang China. So iyan po ang riyalidad na economic powerhouse ng China, mabuti na lang kapitbahay natin at pupuwede rin tayong makiangkas sa kaniyang pag-unlad dahil sa ngayon po napakadami na ring namumuhunan dito sa ating bansa na galing po sa bansang China. Pero huwag po tayong magkakamali, tingnan na lang po ninyo na from kinakain to ginagamit sa bahay halos lahat po iyan made in China. Ganoon din po siguro ang mangyayari sa vaccine, wala pong pagbabago iyan sa ating pang-araw-araw na buhay.
URI: Last question, medyo angguluhan ko ng pulitika na kaunti. Kagabi talagang sinabi na naman ng Presidente, her daughter hindi talaga daw kakandidatong presidente at ayaw niyang payagan. Ano ba ang development na riyan, Secretary?
SEC. ROQUE: Eh malayo pa naman po ang eleksiyon ‘no, so tutok na muna tayo sa pandemya. Pero sa akin po, tingin ko si Mayor Inday Sara, siya ang pinaka-qualified, pinakahanda at, as the survey shows, kung tatakbo talaga siya, siya talaga ang mananalo. At tingin ko Inday Sara will make the right decision at the right time kung ano ang makakabuti
sa kaniyang ama at kung ako ang makakabuti sa sambayanang Pilipino.
URI: Secretary, salamat po sa inyo, stay healthy please. Thank you.
SEC. ROQUE: We will. Sige Missy and Henry, maraming salamat.
##
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)